Add parallel Print Page Options

Si Jose at ang Asawa ni Potifar

39 Nang dinala na si Jose ng mga Ishmaelita sa Egipto, binili siya ni Potifar na isa sa mga opisyal ng Faraon.[a] (Si Potifar ay kapitan ng mga guwardya sa palasyo.)

Ginagabayan ng Panginoon si Jose, kaya naging matagumpay siya. Doon siya nakatira sa bahay ng amo niyang Egipcio na si Potifar. Nakita ni Potifar na ginagabayan ng Panginoon si Jose at pinagpapala sa lahat ng ginagawa niya, kayaʼt panatag ang kalooban niya kay Jose. Ginawa niya ito na sarili niyang alipin at tagapamahala ng kanyang sambahayan at ng lahat ng kanyang ari-arian. Mula nang panahong si Jose ang namamahala, binasbasan ng Panginoon ang sambahayan ni Potifar na Egipcio at ang lahat ng ari-arian niya sa kanyang bahay at bukirin. Ginawa ito ng Panginoon dahil kay Jose. Ipinagkatiwala ni Potifar ang lahat kay Jose at wala na siyang ibang iniintindi maliban na lang sa pagpili ng kakainin niya.

Gwapo si Jose at matipuno ang katawan. Hindi nagtagal, nagkagusto sa kanya ang asawa ng kanyang amo. Inakit niya si Jose para sumiping sa kanya.

Pero tumanggi si Jose. Sinabi niya sa babae, “Pakinggan nʼyo po ako! Ipinagkatiwala po sa akin ng amo ko ang lahat ng kanyang ari-arian kaya hindi na po siya nag-aalaa sa mga gamit dito sa kanyang sambahayan. Wala na pong hihigit sa akin sa sambahayang ito. Ipinagkatiwala niya sa akin ang lahat maliban lang sa inyo dahil asawa niya kayo. Kaya hindi ko po magagawang pagtaksilan ang amo ko at magkasala sa Dios.” 10 Kahit araw-araw ang pang-aakit ng babae kay Jose na sumiping sa kanya, hindi pa rin siya pumayag.

11 Isang araw, pumasok si Jose sa bahay para magtrabaho. Nagkataon na wala kahit isang alipin sa loob ng bahay. 12 Hinawakan siya sa damit ng asawa ng amo niya at sinabi, “Sipingan mo ako!” Pero tumakbong palabas ng bahay si Jose, at naiwan ang balabal niya na hawak ng babae.

13 Nang makita ng babae na nakalabas si Jose at hawak niya ang balabal nito, 14 tinawag niya ang kanyang mga alipin at sinabi, “Tingnan ninyo! Dinalhan tayo rito ng asawa ko ng isang Hebreo para hamakin tayo. Alam nʼyo ba na pumasok siya sa silid ko para pagsamantalahan ako, pero sumigaw ako. 15 Kaya tumakbo siya palabas, at naiwan niya ang kanyang balabal.”

16 Itinago ng babae ang balabal ni Jose hanggang sa dumating ang kanyang asawa. 17 Isinalaysay niya agad sa asawa niya ang nangyari. Sinabi niya, “Ang Hebreong alipin na dinala mo rito ay gusto akong hamakin dahil pumasok siya sa silid ko para pagsamantalahan ako. 18 Pero tumakbo siya palabas nang sumigaw ako, at naiwan pa nga ang kanyang balabal.”

19 Nang marinig ni Potifar ang salaysay ng kanyang asawa tungkol sa ginawa ni Jose, galit na galit siya. 20 Kaya ipinadakip niya si Jose at ipinasok sa bilangguan ng hari.

Pero kahit nasa bilangguan si Jose, 21 ginagabayan pa rin siya ng Panginoon. At dahil sa kabutihan ng Panginoon, panatag ang loob ng tagapamahala ng bilangguan kay Jose. 22 Kaya ipinagkatiwala niya kay Jose ang pamamahala sa lahat ng bilanggo at ang lahat ng gawain sa bilangguan. 23 Hindi nag-aalala ang tagapamahala ng bilangguan sa mga bagay na ipinagkatiwala niya kay Jose, dahil ginagabayan ng Panginoon si Jose at pinagpapala sa lahat ng ginagawa niya.

Ipinaliwanag ni Jose ang Dalawang Panaginip

40 1-2 Pagkatapos ng mga nangyaring ito, nagkasala sa Faraon[b] ang pinuno ng mga tagasilbi niya ng alak at pinuno ng mga panadero. Lubhang nagalit ang hari sa dalawa niyang opisyal na ito. Kaya ipinabilanggo niya ang mga ito sa bahay ng kapitan ng mga guwardya sa palasyo kung saan naroon din si Jose nakabilanggo. Si Jose ang katiwala ng kapitan ng mga guwardya na nag-aalaga sa kanila. Nagkasama sila nang matagal sa bilangguan.

Isang gabi, nanaginip ang tagasilbi ng alak at ang panadero ng Faraon habang naroon sila sa bilangguan. Ang bawat isa sa kanila ay magkaiba ang panaginip at magkaiba rin ang kahulugan.

Kinaumagahan, pagpunta ni Jose sa kanila, nakita niyang nanlulupaypay sila. Kaya tinanong niya sila, “Bakit kayo malungkot?”

Sumagot sila, “Nanaginip kasi kami pero walang makapagpaliwanag ng kahulugan nito.”

Sinabi ni Jose, “Ang Dios ang nagbibigay ng kaalaman sa pagpapaliwanag ng kahulugan ng mga panaginip. Sige, sabihin nʼyo sa akin kung ano ang mga panaginip ninyo.”

Kaya sinabi ng pinuno ng tagasilbi ng alak ang kanyang panaginip. Sinabi niya, “Nanaginip ako na may isang puno ng ubas sa aking harapan 10 at itoʼy may tatlong sanga. Tumubo ito, namulaklak, at nahinog ang mga bunga. 11 Nakahawak daw ako sa saro ng Faraon at pumitas ng ubas, at piniga ko agad sa saro. Pagkatapos, ibinigay ko ang saro sa hari.”

12 Sinabi ni Jose, “Ito ang kahulugan ng panaginip mo: Ang tatlong sanga ay nangangahulugan ng tatlong araw. 13 Hindi matatapos ang tatlong araw, palalabasin ka ng Faraon sa bilangguan at pababalikin ka sa trabaho mo bilang tagasilbi ng kanyang alak. 14 Nawaʼy alalahanin mo ako kapag nasa mabuti ka nang kalagayan. At bilang pagpapakita ng kabutihan mo sa akin, banggitin mo rin ako sa Faraon para matulungan mo ako na makalabas sa bilangguan. 15 Sapagkat ang totoo, sapilitan lang akong dinala rito mula sa lupain ng mga Hebreo, at kahit dito ay wala rin akong nagawang kasalanan para ibilanggo ako.”

16 Nang marinig ng pinuno ng mga panadero na maganda ang kahulugan ng panaginip, isinalaysay din niya ang panaginip niya kay Jose. Sinabi niya, “Nanaginip din ako na may dala-dala ako sa ulo ko na tatlong kaing na may mga laman na tinapay. 17 Ang ibabaw ng kaing ay may laman na ibaʼt ibang uri ng tinapay para sa Faraon, pero tinuka ito ng mga ibon.”

18 Sinabi ni Jose, “Ito ang kahulugan ng panaginip mo: Ang tatlong kaing ay nangangahulugan ng tatlong araw. 19 Hindi matatapos ang tatlong araw, palalabasin ka ng Faraon sa bilangguan pero ipapapatay ka niya at ibibitin ang bangkay mo sa kahoy, at tutukain ito ng mga ibon.”

20 Dumating ang ikatlong araw at ito ay kaarawan ng Faraon. Kaya nagpahanda siya para sa lahat ng opisyal niya. Pinalabas niya sa bilangguan ang pinuno ng mga tagasilbi niya ng alak at ang pinuno ng mga panadero niya, at pinaharap sa kanyang mga opisyal. 21 Ibinalik niya ang pinuno ng mga tagasilbi ng alak sa kanyang trabaho. 22 Pero ipinapatay niya ang pinuno ng mga panadero, at ibinitin ang bangkay nito sa puno. Nangyari lahat ang sinabi ni Jose sa kanila.

23 Pero hindi naalala ng pinuno ng mga tagasilbi ng alak si Jose.

Footnotes

  1. 39:1 Faraon: o, hari ng Egipto.
  2. 40:1-2 Faraon: o, hari ng Egipto. Ganoon din sa talatang 5, 11, 13, 14, 17, 19, at 20.