Add parallel Print Page Options

Si Juda at si Tamar

38 Nang panahong iyon, humiwalay si Juda sa kanyang mga kapatid at nakipanirahan kay Hira na isang Adullamita. Napangasawa niya roon ang anak ni Sua, isang Cananeo. Nagkaanak sila ng tatlong lalaki: Er ang ipinangalan sa panganay, ang pangalawa'y Onan, at Sela naman ang pangatlo. Si Juda ay nasa Kizib nang ipanganak si Sela.

Pinapag-asawa ni Juda ang kanyang panganay na si Er at ang napangasawa nito'y si Tamar. Napakasama ng ugali ni Er, kaya't nagalit sa kanya si Yahweh at siya'y pinatay. Kaya't sinabi ni Juda kay Onan, “Tungkulin mong sipingan ang biyuda ng iyong kapatid upang magkaroon siya ng mga anak sa pamamagitan mo.” Alam ni Onan na hindi ituturing na kanya ang magiging anak niya sa kanyang hipag. Kaya itinatapon niya sa labas ang kanyang binhi upang huwag magkaanak ang kanyang kapatid sa pamamagitan niya. 10 Ito'y kasuklam-suklam kay Yahweh kaya't pinatay rin siya. 11 Sinabi ni Juda sa manugang niyang si Tamar, “Umuwi ka na muna sa inyo at hintayin mong lumaki ang bunso kong si Sela.” Sinabi niya ito dahil sa takot na baka mangyari kay Sela ang sinapit ng kanyang mga kapatid. Kaya't umuwi muna si Tamar sa kanyang ama.

12 Pagkalipas ng panahon ay namatay ang asawa ni Juda. Matapos ang pagluluksa, nagpunta si Juda sa Timnat para tingnan ang paggugupit sa balahibo ng kanyang mga tupa. Kasama niya ang kaibigan niyang si Hira na taga-Adullam. 13 Samantala, may nagsabi kay Tamar na pupunta sa Timnat ang kanyang biyenan upang gupitan ng balahibo ang mga tupa nito. 14 Pagkarinig nito, hinubad niya ang kanyang damit-panluksa. Nagtalukbong siya at naupo sa pagpasok ng Enaim, bayang nadadaanan patungo sa Timnat. Ginawa niya ito sapagkat alam niyang binata na si Sela, ngunit hindi pa sila ipinakakasal ng kanyang biyenan.

15 Nakita ni Juda si Tamar; inakala niyang ito'y isang babaing nagbebenta ng aliw sapagkat may takip ang mukha. 16 Lumapit siya at inalok ang babae na makipagtalik sa kanya. Hindi niya alam na ito ang kanyang manugang.

“Anong ibabayad mo sa akin?” tanong ng babae.

17 Sumagot si Juda, “Padadalhan kita ng isang batang kambing.”

“Payag ako,” sabi ng babae, “kung bibigyan mo ako ng isang sangla hangga't hindi ko tinatanggap ang ipadadala mo.”

18 “Anong sangla ang gusto mo?” tanong ni Juda.

Sumagot siya, “Ang iyong singsing na pantatak kasama ang kadena at ang tungkod mo.” Ibinigay niya ang hiningi ng babae at sila'y nagsiping. Nagdalang-tao si Tamar. 19 Pagkatapos, umuwi siya at inalis ang kanyang talukbong at isinuot muli ang kanyang damit-panluksa.

20 Pag-uwi ni Juda, isinugo niya ang kaibigan niyang taga-Adullam upang dalhin sa babae ang ipinangako niyang kambing, at bawiin naman ang iniwang sangla. 21 Nagtanung-tanong siya sa mga lalaking tagaroon, at ang sagot ng mga ito'y walang gayong babae roon.

22 Nagbalik kay Juda ang kanyang kaibigan at sinabi ang nangyari sa kanyang lakad. 23 Kaya't sinabi ni Juda, “Hayaan mo na sa kanya ang iniwan kong sangla, baka tayo'y pagtawanan pa ng mga tao. Dinala mo na sa kanya ang kambing, ngunit wala siya roon!”

24 Makaraan ang tatlong buwan, may nagsabi kay Juda, “Ang manugang mong si Tamar ay naglaro ng apoy at ngayo'y nagdadalang-tao.”

“Ilabas ninyo siya at sunugin!” ang utos ni Juda.

25 Habang siya'y kinakaladkad na palabas, ipinasabi niya sa kanyang biyenan, “Ang may-ari ng mga ito ang ama ng aking dinadala. Tingnan mo kung kanino ang singsing, kadena at tungkod na ito.”

26 Nakilala ni Juda ang iniwan niyang sangla, kaya't sinabi niya, “Wala siyang kasalanan, ako ang nagkulang; dapat sana'y ipinakasal ko siya kay Sela.” At hindi na niya ito muling sinipingan.

27 Dumating ang panahon ng panganganak ni Tamar at natuklasang kambal ang kanyang isisilang. 28 Sa oras ng kanyang panganganak, lumabas ang kamay ng isa at ito'y tinalian ng hilot ng pulang sinulid upang makilala ang unang inianak. 29 Ngunit iniurong ng sanggol ang kanyang kamay at naunang lumabas ang kanyang kakambal. Sinabi ng hilot, “Ano't nakipagsiksikan kang palabas?” Dahil dito, Fares[a] ang ipinangalan sa bata. 30 Ang sanggol na may taling pulang sinulid ang huling iniluwal. At ito'y pinangalanang Zara.[b]

Footnotes

  1. 29 FARES: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito ay “nakipagsiksikang palabas”.
  2. 30 ZARA: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Zara” at “pulang liwanag sa bukang-liwayway” ay magkasintunog.

Sina Juda at Tamar

38 Nang panahong iyon, lumusong si Juda papalayo sa kanyang mga kapatid, at tumira malapit sa isang Adullamita na ang pangalan ay Hira.

Doon ay nakita ni Juda ang anak na babae ng isang Cananeo na tinatawag na Shua. Siya ay naging asawa niya at kanyang sinipingan.

Siya ay naglihi at nanganak ng lalaki; at tinawag niya ang kanyang pangalan na Er.

At naglihi uli, at nanganak ng lalaki; at tinawag niya ang kanyang pangalan na Onan.

Muling naglihi at nanganak ng lalaki; at tinawag niya ang kanyang pangalan na Shela; at si Juda ay nasa Chezib nang siya'y manganak.

Pinapag-asawa ni Juda si Er na kanyang panganay, at ang pangalan niyon ay Tamar.

Subalit si Er na panganay ni Juda ay naging masama sa paningin ng Panginoon; at siya'y pinatay ng Panginoon.

Kaya't sinabi ni Juda kay Onan, “Pumunta ka sa asawa ng iyong kapatid, at pakasalan mo siya, at ipagbangon mo ng lahi[a] ang iyong kapatid.”

Subalit yamang nalalaman ni Onan na hindi magiging kanya ang anak, tuwing sisiping siya sa asawa ng kanyang kapatid, itinatapon niya sa lupa ang kanyang binhi upang huwag niyang mabigyan ng anak ang kanyang kapatid.

10 Ang bagay na ginawa niya ay masama sa paningin ng Panginoon, kaya't siya rin ay pinatay niya.

11 Nang magkagayo'y sinabi ni Juda kay Tamar na kanyang manugang na babae, “Mabuhay kang isang balo sa bahay ng iyong ama, hanggang sa lumaki si Shela na aking anak,” sapagkat natakot siya na baka ito rin ay mamatay gaya ng kanyang mga kapatid. At humayo si Tamar at nanirahan sa bahay ng kanyang ama.

12 Sa pagdaan ng maraming araw, namatay ang anak na babae ni Shua na asawa ni Juda. Nang tapos na ang pagluluksa ni Juda, siya at ang kanyang kaibigang si Hira na Adullamita ay umahon sa Timna sa mga manggugupit ng kanyang mga tupa.

13 Nang ibalita kay Tamar na “Ang iyong biyenang lalaki ay umaahon sa Timna upang pagupitan ang kanyang mga tupa,”

14 siya'y nagpalit ng kasuotan ng balo, tinakpan ang sarili ng isang belo, nagbalatkayo at naupo sa pasukan ng Enaim na nasa daan ng Timna. Kanyang nakikita na si Shela ay malaki na ngunit hindi ibinibigay sa kanya bilang asawa.

15 Nang makita siya ni Juda ay inakalang siya'y upahang babae, sapagkat nagtakip ng kanyang mukha.

16 Lumapit siya sa kanya sa tabi ng daan, at sinabi, “Halika, sisiping ako sa iyo;” sapagkat siya'y hindi niya nakilalang kanyang manugang. Sinabi niya, “Anong ibibigay mo sa akin upang ikaw ay makasiping sa akin?”

17 Kanyang sinabi, “Padadalhan kita ng isang anak ng kambing na mula sa kawan.” At kanyang sinabi, “Bibigyan mo ba ako ng sangla hanggang sa maipadala mo ito?”

18 Sinabi niya, “Anong sangla ang ibibigay ko sa iyo?” Sumagot siya, “Ang iyong singsing, ang iyong pamigkis, at ang tungkod na nasa iyong kamay.” Kaya't ang mga iyon ay ibinigay sa kanya, at siya'y sumiping sa kanya, at siya'y naglihi sa pamamagitan niya.

19 Pagkatapos siya'y bumangon, umalis at pagkahubad ng kanyang belo, ay isinuot ang mga kasuotan ng kanyang pagiging balo.

20 Nang ipadala ni Juda ang anak ng kambing sa pamamagitan ng kanyang kaibigang Adullamita, upang tanggapin ang sangla mula sa kamay ng babae, siya ay hindi niya natagpuan.

21 Kaya't tinanong niya ang mga tao sa lugar na iyon, “Saan naroon ang upahang babae na nasa tabi ng daan sa Enaim?” At kanilang sinabi, “Walang upahang babae rito.”

22 Kaya't nagbalik siya kay Juda, at sinabi, “Hindi ko siya natagpuan; at sinabi rin ng mga tao sa lugar na iyon, ‘Walang upahang babae rito.’”

23 Sinabi ni Juda, “Pabayaan mong ariin niya ang mga iyon, baka tayo'y pagtawanan. Tingnan mo, ipinadala ko itong anak ng kambing at hindi mo siya natagpuan.”

Mga Anak ni Juda kay Tamar

24 Pagkaraan ng halos tatlong buwan, ibinalita kay Juda na sinasabi, “Ang iyong manugang na si Tamar ay nagpaupa, at siya'y buntis sa pagpapaupa.” Sinabi ni Juda, “Ilabas siya upang sunugin.”

25 Nang siya'y inilabas, nagpasabi siya sa kanyang biyenan, “Nagdalang-tao ako sa lalaking nagmamay-ari ng mga ito.” At sinabi pa niya, “Nakikiusap ako sa inyo, inyong kilalanin kung kanino ang mga ito, ang singsing, ang pamigkis, at ang tungkod.”

26 Ang mga iyon ay kinilala ni Juda, at sinabi, “Siya'y higit na matuwid kaysa akin; yamang hindi ko ibinigay sa kanya si Shela na aking anak.” Hindi na siya muling sumiping sa kanya.

27 Nang dumating ang panahon ng kanyang panganganak, kambal ang nasa kanyang tiyan.

28 Sa kanyang panganganak, inilabas ng isa ang kanyang kamay at hinawakan ito ng hilot at tinalian sa kamay ng isang pulang sinulid, na sinasabi, “Ito ang unang lumabas.”

29 Ngunit nang iurong niya ang kanyang kamay, ang kanyang kapatid ang lumabas. At kanyang sinabi, “Paano ka nakagawa ng butas para sa iyong sarili?” Kaya't tinawag ang pangalan niyang Perez.[b]

30 Pagkatapos ay lumabas ang kanyang kapatid na may pulang sinulid sa kamay; at tinawag na Zera[c] ang kanyang pangalan.

Footnotes

  1. Genesis 38:8 Sa Hebreo ay binhi .
  2. Genesis 38:29 Ang kahulugan ay Isang butas .
  3. Genesis 38:30 Ang kahulugan ay Kakinangan .

38 At nangyari nang panahong yaon, na humiwalay si Juda sa kaniyang mga kapatid, (A)at nagdaan sa isang Adullamita na ang pangalan ay Hira.

At nakita roon ni Juda ang anak na babae ng isang Cananeo, na tinatawag na (B)Sua; at kinuha niya at kaniyang sinipingan.

At naglihi, at nanganak ng lalake; at tinawag niya ang kaniyang pangalang (C)Er.

At naglihi uli, at nanganak ng lalake; at tinawag niya ang kaniyang pangalang Onan.

At muling naglihi at nanganak ng lalake; at tinawag niya ang kaniyang pangalang Selah: at si Juda ay nasa sa Chezib nang siya'y manganak.

At pinapag-asawa ni Juda si Er na kaniyang panganay, at ang pangalan niyao'y Thamar.

At si Er, na panganay ni Juda, ay naging masama sa paningin ng Panginoon; (D)at siya'y pinatay ng Panginoon.

At sinabi ni Juda kay Onan, (E)Sumiping ka sa asawa ng iyong kapatid, at tuparin mo sa kaniya ang tungkulin ng kapatid ng asawa, at ipagbangon mo ng binhi ang iyong kapatid.

At nalalaman ni Onan na hindi magiging kaniya ang binhi; at nangyari, na pagka sisiping siya sa asawa ng kaniyang kapatid, ay pinatutulo niya sa lupa, nang huwag lamang niyang bigyan ng binhi ang kaniyang kapatid.

10 At ang bagay na ginawa niya ay masama sa paningin ng Panginoon, at siya'y pinatay rin naman.

11 Nang magkagayo'y sinabi ni Juda kay Thamar na kaniyang manugang na babae: (F)Manatili kang bao sa bahay ng iyong ama, hanggang sa lumaki si Selah na aking anak: sapagka't sinabi niya, Marahil ay hindi siya mamamatay ng gaya ng kaniyang mga kapatid. At yumaon si Thamar (G)at tumahan sa bahay ng kaniyang ama.

12 At nagdaan ang maraming araw; at namatay ang anak na babae ni Sua, na asawa ni Juda; (H)at nag-aliw si Juda, at umahon sa Timnath sa mga manggugupit sa kaniyang mga tupa, siya at ang kaniyang kaibigang si Hira na Adullamita.

13 At naibalita kay Thamar, na sinasabi, Narito, ang iyong biyanang lalake ay umaahon sa Timnath upang pagupitan ang kaniyang mga tupa.

14 At siya'y nagalis ng (I)suot pagkabao, at nagtakip ng kaniyang lambong, at pagkapagtakip ay naupo sa pasukan ng Enaim, na nasa daan ng Timnath; (J)sapagka't kaniyang nakikita, na si Selah ay malaki na, at hindi pa siya ibinibigay na asawa.

15 Nang makita siya ni Juda ay ipinalagay siyang patutot, sapagka't siya'y nagtakip ng kaniyang mukha.

16 At lumapit sa kaniya, sa tabi ng daan, at sinabi, Narito nga, ipinamamanhik ko sa iyo na ako'y pasipingin mo sa iyo: sapagka't hindi niya nakilalang kaniyang manugang. At kaniyang sinabi, Anong ibibigay mo sa akin sa iyong pagsiping sa akin?

17 At kaniyang sinabi, Padadalhan kita ng isang anak ng kambing na mula sa kawan. At kaniyang sinabi, Bibigyan mo ba ako ng sangla hanggang sa maipadala mo?

18 At kaniyang sinabi, Anong sangla ang ibibigay ko sa iyo? At kaniyang sinabi, (K)Ang iyong singsing, at ang iyong pamigkis, at ang tungkod na dala mo sa kamay. At kaniyang ipinagbibigay sa kaniya, at sumiping sa kaniya; at siya'y naglihi sa pamamagitan niya.

19 At siya'y bumangon, at yumaon, (L)at siya'y nagalis ng kaniyang lambong, at isinuot ang mga kasuutan ng kaniyang pagkabao.

20 At ipinadala ni Juda ang anak ng kambing sa pamamagitan ng kamay ng kaniyang kaibigan, na Adullamita, upang tanggapin ang sangla sa kamay ng babae: datapuwa't hindi niya nasumpungan.

21 Nang magkagayo'y kaniyang itinanong sa mga tao sa dakong yaon na sinasabi, Saan nandoon ang patutot na nasa tabi ng daan sa Enaim? At kanilang sinabi, Walang naparitong sinomang patutot.

22 At nagbalik siya kay Juda, at sinabi, Hindi ko nasumpungan: at sinabi rin naman ng mga tao sa dakong yaon, Walang naging patutot rito.

23 At sinabi ni Juda, Pabayaang ariin niya, baka tayo'y mapahiya: narito, aking ipinadala itong anak ng kambing at hindi mo siya nasumpungan.

Mga anak ni Juda kay Thamar.

24 At nangyari, na pagkaraan ng tatlong buwan, humigit kumulang, ay naibalita kay Juda, na sinasabi, Ang iyong manugang na si Thamar ay (M)nagpatutot; at, narito, siya'y buntis sa pakikiapid. At sinabi ni Juda, Siya'y ilabas (N)upang sunugin.

25 Nang siya'y ilabas, ay nagpasabi siya sa kaniyang biyanan. Sa lalaking may-ari ng mga ito, ay nagdalang-tao ako: at kaniyang sinabi pang, Ipinamamanhik ko sa iyo, na kilalanin mo kung kanino ang mga ito, (O)ang singsing, ang pamigkis, at ang tungkod.

26 At nangakilala ni Juda, at sinabi, (P)Siya'y matuwid kay sa akin; (Q)sapagka't hindi ko ibinigay sa kaniya si Selah na aking anak. At hindi na niya muling sinipingan pa.

27 At nangyari, na sa pagdaramdam niya, na, narito, kambal ang nasa kaniyang tiyan.

28 At nangyari, nang nanganganak siya, na inilabas ng isa ang kamay: at hinawakan ng hilot at tinalian sa kamay ng isang sinulid na mapula, na sinasabi, Ito ang unang lumabas.

29 At nangyari, na pagkaurong ng kaniyang kamay, na, narito, ang kaniyang kapatid ang lumabas. At kaniyang sinabi, Bakit nagpumiglas ka? (R)kaya't tinawag ang pangalan niyang Phares.

30 At pagkatapos ay lumabas ang kaniyang kapatid, na siyang may sinulid na mapula sa kamay: at tinawag na Zara ang kaniyang pangalan.