Genesis 38
Ang Biblia (1978)
38 At nangyari nang panahong yaon, na humiwalay si Juda sa kaniyang mga kapatid, (A)at nagdaan sa isang Adullamita na ang pangalan ay Hira.
2 At nakita roon ni Juda ang anak na babae ng isang Cananeo, na tinatawag na (B)Sua; at kinuha niya at kaniyang sinipingan.
3 At naglihi, at nanganak ng lalake; at tinawag niya ang kaniyang pangalang (C)Er.
4 At naglihi uli, at nanganak ng lalake; at tinawag niya ang kaniyang pangalang Onan.
5 At muling naglihi at nanganak ng lalake; at tinawag niya ang kaniyang pangalang Selah: at si Juda ay nasa sa Chezib nang siya'y manganak.
6 At pinapag-asawa ni Juda si Er na kaniyang panganay, at ang pangalan niyao'y Thamar.
7 At si Er, na panganay ni Juda, ay naging masama sa paningin ng Panginoon; (D)at siya'y pinatay ng Panginoon.
8 At sinabi ni Juda kay Onan, (E)Sumiping ka sa asawa ng iyong kapatid, at tuparin mo sa kaniya ang tungkulin ng kapatid ng asawa, at ipagbangon mo ng binhi ang iyong kapatid.
9 At nalalaman ni Onan na hindi magiging kaniya ang binhi; at nangyari, na pagka sisiping siya sa asawa ng kaniyang kapatid, ay pinatutulo niya sa lupa, nang huwag lamang niyang bigyan ng binhi ang kaniyang kapatid.
10 At ang bagay na ginawa niya ay masama sa paningin ng Panginoon, at siya'y pinatay rin naman.
11 Nang magkagayo'y sinabi ni Juda kay Thamar na kaniyang manugang na babae: (F)Manatili kang bao sa bahay ng iyong ama, hanggang sa lumaki si Selah na aking anak: sapagka't sinabi niya, Marahil ay hindi siya mamamatay ng gaya ng kaniyang mga kapatid. At yumaon si Thamar (G)at tumahan sa bahay ng kaniyang ama.
12 At nagdaan ang maraming araw; at namatay ang anak na babae ni Sua, na asawa ni Juda; (H)at nag-aliw si Juda, at umahon sa Timnath sa mga manggugupit sa kaniyang mga tupa, siya at ang kaniyang kaibigang si Hira na Adullamita.
13 At naibalita kay Thamar, na sinasabi, Narito, ang iyong biyanang lalake ay umaahon sa Timnath upang pagupitan ang kaniyang mga tupa.
14 At siya'y nagalis ng (I)suot pagkabao, at nagtakip ng kaniyang lambong, at pagkapagtakip ay naupo sa pasukan ng Enaim, na nasa daan ng Timnath; (J)sapagka't kaniyang nakikita, na si Selah ay malaki na, at hindi pa siya ibinibigay na asawa.
15 Nang makita siya ni Juda ay ipinalagay siyang patutot, sapagka't siya'y nagtakip ng kaniyang mukha.
16 At lumapit sa kaniya, sa tabi ng daan, at sinabi, Narito nga, ipinamamanhik ko sa iyo na ako'y pasipingin mo sa iyo: sapagka't hindi niya nakilalang kaniyang manugang. At kaniyang sinabi, Anong ibibigay mo sa akin sa iyong pagsiping sa akin?
17 At kaniyang sinabi, Padadalhan kita ng isang anak ng kambing na mula sa kawan. At kaniyang sinabi, Bibigyan mo ba ako ng sangla hanggang sa maipadala mo?
18 At kaniyang sinabi, Anong sangla ang ibibigay ko sa iyo? At kaniyang sinabi, (K)Ang iyong singsing, at ang iyong pamigkis, at ang tungkod na dala mo sa kamay. At kaniyang ipinagbibigay sa kaniya, at sumiping sa kaniya; at siya'y naglihi sa pamamagitan niya.
19 At siya'y bumangon, at yumaon, (L)at siya'y nagalis ng kaniyang lambong, at isinuot ang mga kasuutan ng kaniyang pagkabao.
20 At ipinadala ni Juda ang anak ng kambing sa pamamagitan ng kamay ng kaniyang kaibigan, na Adullamita, upang tanggapin ang sangla sa kamay ng babae: datapuwa't hindi niya nasumpungan.
21 Nang magkagayo'y kaniyang itinanong sa mga tao sa dakong yaon na sinasabi, Saan nandoon ang patutot na nasa tabi ng daan sa Enaim? At kanilang sinabi, Walang naparitong sinomang patutot.
22 At nagbalik siya kay Juda, at sinabi, Hindi ko nasumpungan: at sinabi rin naman ng mga tao sa dakong yaon, Walang naging patutot rito.
23 At sinabi ni Juda, Pabayaang ariin niya, baka tayo'y mapahiya: narito, aking ipinadala itong anak ng kambing at hindi mo siya nasumpungan.
Mga anak ni Juda kay Thamar.
24 At nangyari, na pagkaraan ng tatlong buwan, humigit kumulang, ay naibalita kay Juda, na sinasabi, Ang iyong manugang na si Thamar ay (M)nagpatutot; at, narito, siya'y buntis sa pakikiapid. At sinabi ni Juda, Siya'y ilabas (N)upang sunugin.
25 Nang siya'y ilabas, ay nagpasabi siya sa kaniyang biyanan. Sa lalaking may-ari ng mga ito, ay nagdalang-tao ako: at kaniyang sinabi pang, Ipinamamanhik ko sa iyo, na kilalanin mo kung kanino ang mga ito, (O)ang singsing, ang pamigkis, at ang tungkod.
26 At nangakilala ni Juda, at sinabi, (P)Siya'y matuwid kay sa akin; (Q)sapagka't hindi ko ibinigay sa kaniya si Selah na aking anak. At hindi na niya muling sinipingan pa.
27 At nangyari, na sa pagdaramdam niya, na, narito, kambal ang nasa kaniyang tiyan.
28 At nangyari, nang nanganganak siya, na inilabas ng isa ang kamay: at hinawakan ng hilot at tinalian sa kamay ng isang sinulid na mapula, na sinasabi, Ito ang unang lumabas.
29 At nangyari, na pagkaurong ng kaniyang kamay, na, narito, ang kaniyang kapatid ang lumabas. At kaniyang sinabi, Bakit nagpumiglas ka? (R)kaya't tinawag ang pangalan niyang Phares.
30 At pagkatapos ay lumabas ang kaniyang kapatid, na siyang may sinulid na mapula sa kamay: at tinawag na Zara ang kaniyang pangalan.
Genesis 38
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Si Juda at si Tamar
38 Nang panahon ding iyon, humiwalay si Juda sa mga kapatid niya at doon nanirahan kasama ni Hira na taga-Adulam. 2 Doon nakilala ni Juda ang anak ni Shua na taga-Canaan at napangasawa niya ito. 3 Dumating ang panahon, nagbuntis ito at nanganak ng lalaki at pinangalanan ni Juda ang sanggol na Er. 4 Muli siyang nagbuntis at nanganak ng lalaki at pinangalanan niyang Onan. 5 Nagbuntis pa siya at nanganak ng lalaki at pinangalanan niyang Shela. Isinilang si Shela sa Kezib.
6 Si Tamar ang napili ni Juda para maging asawa ng kanyang panganay na si Er. 7 Pero si Er ay naging masama sa paningin ng Panginoon, kaya pinatay siya ng Panginoon.
8 Kaya sinabi ni Juda kay Onan, “Sipingan mo ang hipag mo dahil tungkulin mo iyan bilang kapatid ng asawa niyang namatay, para sa pamamagitan mo ay magkaroon din ng mga anak ang iyong kapatid.” 9 Pero alam ni Onan na hindi ituturing na kanya ang magiging anak nila, kaya tuwing magsisiping sila ni Tamar, itinatapon niya sa labas ang kanyang binhi para hindi siya magkaanak para sa kanyang kapatid. 10 Masama ang ginawa ni Onan sa paningin ng Panginoon, kaya pinatay din niya ito.
11 Sinabi agad ni Juda kay Tamar na kanyang manugang, “Umuwi ka muna sa iyong ama, at huwag kang mag-asawa hanggang magbinata na si Shela.” Sinabi iyon ni Juda dahil natatakot siya na baka mamatay din si Shela katulad ng mga kapatid niya. Kaya umuwi muna si Tamar sa kanyang ama.
12 Dumating ang panahon, namatay ang asawa ni Juda. Pagkatapos ng kanyang pagdadalamhati, pumunta siya sa mga manggugupit ng balahibo ng kanyang mga tupa roon sa Timnah. Kasama niyang pumunta roon ang kaibigan niyang si Hira na taga-Adulam.
13 May nagsabi kay Tamar na ang biyenan niya ay pupunta sa Timnah para pagupitan doon ang mga tupa nito. 14 Nang marinig iyon ni Tamar, pinalitan niya ang kanyang damit na pambalo, at tinakpan ng belo ang kanyang mukha. Naupo siya sa may pintuan ng bayan ng Enaim, sa tabi ng daan na papunta sa Timnah. Plano niyang dayain si Juda dahil hindi pa rin ibinibigay sa kanya si Shela para maging asawa niya kahit binata na ito.
15-16 Pagkakita ni Juda kay Tamar, hindi niya nakilala na manugang niya ito dahil may talukbong ang mukha nito. Akala niyaʼy isa itong babaeng bayaran. Kaya lumapit siya sa kanya sa tabi ng daan at sinabi, “Halika, magsiping tayo.”
Sumagot si Tamar, “Ano ang ibabayad mo sa akin kapag sumiping ako sa iyo?”
17 Sinabi ni Juda, “Bibigyan kita ng kambing mula sa aking mga hayop.”
Sumagot si Tamar, “Papayag ako kung may ibibigay ka sa akin para makatiyak ako na babayaran mo ako hanggang maipadala mo na ang kambing.”
18-19 Nagtanong si Juda, “Anong garantiya ang gusto mo?”
Sumagot si Tamar, “Ibigay mo sa akin ang ginagamit mong pantatak, panali at pati ang iyong tungkod.” Kaya ibinigay iyon ni Juda at sumiping siya kay Tamar. Pagkatapos, umuwi si Tamar, at tinanggal niya ang talukbong sa kanyang mukha at muling isinuot ang damit na pambalo. Dumating ang panahon at nagbuntis siya.
20 Hindi nagtagal, ipinahatid ni Juda ang kambing sa kaibigan niyang si Hira na taga-Adulam para kunin ang mga bagay na ibinigay niya kay Tamar bilang garantiya, pero hindi niya makita si Tamar. 21 Nagtanong si Hira sa mga lalaking taga-Enaim kung nasaan na ang babaeng bayaran, na nakaupo sa tabi ng daan.
Ngunit sumagot ang mga tao, “Wala naman kaming nakitang ganoong babae rito.”
22 Kaya bumalik si Hira kay Juda at sinabi, “Hindi ko siya makita. At sinabi ng mga tao na wala naman daw ganoong babae roon.”
23 Sinabi ni Juda, “Hayaan na lang natin na itago niya ang mga ibinigay kong gamit sa kanya, dahil baka pagtawanan pa tayo ng mga tao na naghahanap tayo sa wala. Ganoon pa man, pinahatiran ko naman siya ng mga kambing pero hindi mo naman siya makita roon.”
24 Pagkalipas ng tatlong buwan, nabalitaan ni Juda na ang manugang niyang si Tamar ay nagbebenta ng dangal at nabuntis ito.
Kaya sinabi ni Juda, “Dalhin ninyo siya sa labas ng lungsod at sunugin.”
25 Pero nang ilalabas na si Tamar, ipinasabi niya kay Juda, “Narito ang pantatak, panali at pati ang tungkod. Ang may-ari nito ang ama ng sanggol na nasa sinapupunan ko. Kilalanin nʼyo kung kanino ito.”
26 Nakilala ni Juda na kanya ang mga gamit na iyon kaya sinabi niya, “Wala siyang kasalanan. Ako ang nagkasala dahil hindi ko pinayagang mapangasawa niya ang anak kong si Shela.” Hindi na muling sumiping si Juda kay Tamar.
27 Nang malapit nang manganak si Tamar, nalaman niyang ang sanggol na nasa sinapupunan niya ay kambal. 28 At nang nanganganak na siya, lumabas ang kamay ng isang sanggol. Tinalian ito ng manghihilot ng taling pula para malaman na ito ang unang isinilang. 29 Pero ipinasok ng sanggol ang kamay nito at ang kakambal niya ang unang lumabas. Sinabi ng manghihilot, “Nakipag-unahan kang lumabas.” Kaya pinangalanan ang sanggol na Perez.[a] 30 Pagkatapos, lumabas din ang kakambal na may taling pula sa kamay. At pinangalanan siyang Zera.[b]
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®