Add parallel Print Page Options

Ang mga Lahi ni Esau(A)

36 Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Esau (na tinatawag ding Edom).

Nakapag-asawa si Esau ng mga babaeng taga-Canaan. Silaʼy sina Ada na anak ni Elon na Heteo, si Oholibama na anak ni Ana at apo ni Zibeon na Hiveo, at si Basemat na kapatid ni Nebayot na anak ni Ishmael.

Ang anak ni Esau kay Ada ay si Elifaz. Ang anak niya kay Basemat ay si Reuel. At ang mga anak niya kay Oholibama ay sina Jeush, Jalam at Kora. Sila ang mga anak ni Esau na isinilang sa Canaan.

Dinala ni Esau ang kanyang mga asawaʼt anak, ang lahat ng sakop ng kanyang sambahayan, pati ang mga ari-arian at mga hayop niya na naipon niya sa Canaan. At lumipat siya sa isang lupain na malayo kay Jacob na kanyang kapatid. Sapagkat hindi na sila maaaring magsama sa isang lupain dahil sa dami ng mga ari-arian nila; at ang lupain na kanilang tinitirhan ay hindi sapat sa kanila dahil sa dami ng mga hayop nila. Kaya roon tumira si Esau (na tinatawag ding Edom) sa kabundukan ng Seir.

Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Esau na ama ng mga Edomita na nakatira sa kabundukan ng Seir.

10 Ang anak na lalaki ni Esau kay Basemat ay si Reuel, at ang anak niyang lalaki kay Ada ay si Elifaz.

11 Ang mga anak na lalaki ni Elifaz ay sina Teman, Omar, Zefo, Gatam at Kenaz.

12 May anak ding lalaki si Elifaz sa isa pa niyang asawa na si Timna. Siya ay si Amalek. Sila ang mga apo ni Esau kay Ada.

13 Ang mga anak na lalaki ni Reuel ay sina Nahat, Zera, Shama, at Miza. Sila ang mga apo ni Esau kay Basemat.

14 Ang mga anak na lalaki ni Esau kay Oholibama ay sina Jeush, Jalam at Kora. (Si Oholibama ay anak ni Ana at apo ni Zibeon).

15 Ito ang mga lahi ni Esau na naging pinuno ng ibaʼt ibang angkan: Ang mga lahi ng panganay na anak ni Esau na si Elifaz na naging mga pinuno ay sina Teman, Omar, Zefo, Kenaz, 16 Kora, Gatam at Amalek. Sila ang mga pinuno sa lupain ng Edom na nagmula kay Elifaz. Sila ay nagmula sa asawa ni Esau na si Ada.

17 Naging pinuno rin sa Edom ang mga anak ni Reuel na sina Nahat, Zera, Shama, at Miza. Sila ang mga apo ni Esau kay Basemat.

18 Naging pinuno rin ang mga anak ni Esau kay Oholibama na anak ni Ana. Sila ay sina Jeush, Jalam at Kora.

19 Silang lahat ang lahi ni Esau na mga pinuno ng Edom.

Ang mga Lahi ni Seir(B)

20 Ito ang mga anak na lalaki ni Seir na Horeo na nakatira sa Edom: Si Lotan, Shobal, Zibeon, Ana, 21 Dishon, Ezer at Dishan. Naging pinuno rin sila ng mga Horeo na nakatira sa Edom.

22 Ang mga anak na lalaki ni Lotan ay sina Hori at Heman.[a] Si Lotan ay mayroong kapatid na babae na si Timna na isa pang asawa ni Elifaz.

23 Ang mga anak na lalaki ni Shobal ay sina Alvan, Manahat, Ebal, Shefo at Onam.

24 Ang mga anak na lalaki ni Zibeon ay sina Aya at Ana. Si Ana ang nakatuklas ng bukal doon sa ilang habang nagpapastol siya ng mga asno ng kanyang ama.

25 Ang mga anak ni Ana ay sina Dishon at Oholibama.

26 Ang mga anak na lalaki ni Dishon ay sina Hemdan, Eshban, Itran at Keran.

27 Ang mga anak na lalaki ni Ezer ay sina Bilhan, Zaavan at Akan.

28 Ang mga anak na lalaki ni Dishan ay sina Uz at Aran.

29-30 Ito naman ang mga pinuno batay sa bawat lahi ng mga Horeo na may pinamamahalaang lupain sa Seir: sina Lotan, Shobal, Zibeon, Ana, Dishon, Ezer at Dishan.

Ang mga Hari ng Edom(C)

31 Ito ang mga hari ng Edom noong panahon na wala pang mga hari ang mga Israelita:

32 Si Bela na taga-Dinhaba na anak ni Beor ay naging hari sa Edom.

33 Pagkamatay ni Bela, pinalitan siya ni Jobab na anak ni Zera na taga-Bozra.

34 Pagkamatay ni Jobab, pinalitan siya ni Husham na taga-Teman.

35 Pagkamatay ni Husham, pinalitan siya ni Hadad na taga-Avit na anak ni Bedad. Si Hadad ang tumalo sa mga Midianita roon sa Moab.

36 Pagkamatay ni Hadad, pinalitan siya ni Samla na taga-Masreka.

37 Pagkamatay ni Samla, pinalitan siya ni Shaul na taga-Rehobot na malapit sa ilog.[b]

38 Pagkamatay ni Shaul, pinalitan siya ni Baal Hanan na anak ni Acbor.

39 Pagkamatay ni Baal Hanan na anak ni Acbor, pinalitan siya ni Hadad na taga-Pau. Ang asawa niya ay si Mehetabel na anak ni Matred at apo ni Me-Zahab.

40-43 Si Esau (na tinatawag ding Edom) ang pinagmulan ng mga Edomita. At ito ang mga naging pinuno sa mga lahi ni Esau na ang angkan at lupain ay ipinangalan sa kanila: Timna, Alva, Jetet, Oholibama, Elah, Pinon, Kenaz, Teman, Mibzar, Magdiel, at Iram.

Si Jose at ang Kanyang mga Kapatid

37 Nagpaiwan si Jacob para manirahan sa Canaan, ang lupaing tinitirhan din dati ng kanyang ama.

Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Jacob:

Nang 17 taong gulang si Jose, nagbabantay siya ng mga hayop kasama ng kanyang mga kapatid na mga anak ni Bilha at ni Zilpa, na mga asawa ng kanyang ama. Ipinagtapat ni Jose sa kanyang ama ang masasamang ginagawa ng kanyang mga kapatid.

Mas mahal ni Jacob[c] si Jose kaysa sa iba niyang mga anak, dahil matanda na siya nang isilang si Jose. Kaya itinahi niya si Jose ng maganda at mahabang damit. Pero nang napansin ng mga kapatid ni Jose na mas mahal siya ng kanilang ama kaysa sa kanila, nagalit sila kay Jose at sinabihan ito ng masasakit na salita.

Isang gabi, nanaginip si Jose. Nang isalaysay niya ito sa mga kapatid niya, lalo silang nagalit sa kanya. Sapagkat ito ang isinalaysay niya, “Nanaginip ako na habang naroon tayo sa bukid na nagbibigkis ng mga uhay, bigla na lang tumayo ang ibinigkis ko at pinaikutan ito ng inyong mga ibinigkis na uhay na nakayuko.”

Sinabi ng kanyang mga kapatid, “Ano? Magiging hari ka at mangunguna sa amin?” Kaya lalo pa silang nagalit kay Jose.

Muling nanaginip si Jose at isinalaysay na naman niya sa kanyang mga kapatid. Sinabi niya, “Nanaginip ako ulit na nakita ko ang araw, ang buwan at ang 11 bituin na yumuyuko sa akin.”

10 Isinalaysay din ni Jose ang panaginip niya sa kanyang ama pero nagalit din ang kanyang ama sa kanya. Sinabi niya, “Ano ang ibig mong sabihin? Na kami ng iyong ina at ng mga kapatid mo ay yuyuko sa iyo?” 11 Nainggit ang mga kapatid ni Jose sa kanya, pero si Jacob ay sinarili na lamang ang bagay na ito.

Ipinagbili si Jose ng Kanyang mga Kapatid

12 Isang araw, pumunta ang mga kapatid ni Jose sa Shekem para magbantay ng mga hayop ng kanilang ama. 13-14 Sinabi ni Jacob[d] kay Jose, “Ang mga kapatid mo ay naroon sa Shekem na nagpapastol ng mga hayop. Pumunta ka roon at tingnan mo kung maayos ang kalagayan ng mga kapatid mo at ng mga hayop. Bumalik ka agad at sabihin sa akin.” Sumagot si Jose, “Opo ama.”

Kaya mula sa Lambak ng Hebron, pumunta si Jose sa Shekem. 15 Nang naroon na siyang pagala-gala sa bukid, may lalaking nagtanong sa kanya kung ano ang hinahanap niya.

16 Sumagot siya, “Hinahanap ko po ang mga kapatid ko. Alam nʼyo po ba kung saan sila nagpapastol?”

17 Sinabi ng lalaki, “Wala na sila rito. Narinig kong pupunta raw sila sa Dotan.” Kaya sinundan sila roon ni Jose at nakita niya sila sa Dotan.

18 Malayo pa si Jose ay nakita na siya ng mga kapatid niya. At bago pa siya makarating, binalak na nila na patayin siya. 19 Sinabi nila, “Paparating na ang mapanaginipin. Halikayo, patayin natin siya 20 at ihulog sa isa sa mga balon dito. Sabihin na lang natin na pinatay siya ng mabangis na hayop. Tingnan nga natin kung magkakatotoo ang mga panaginip niya.”

21 Nang marinig ni Reuben ang balak nila, pinagsikapan niyang iligtas si Jose. Sinabi niya, “Huwag na lang natin siyang patayin. 22 Ihulog nʼyo na lang siya rito sa balon sa ilang, pero huwag ninyo siyang papatayin.” Sinabi iyon ni Reuben dahil plano na niyang iligtas si Jose at ibalik sa kanilang ama.

23 Kaya pagdating ni Jose, hinubad nila ang mahaba at magandang damit nito, 24 at inihulog sa balon na walang tubig.

25 Habang kumakain sila, may natanaw silang mga mangangalakal na Ishmaelitang nanggaling sa Gilead. Ang mga kamelyo nila ay may kargang mga sangkap, gamot at pabangong dadalhin sa Egipto.

26 Sinabi ni Juda sa kanyang mga kapatid, “Ano ba ang makukuha natin kung papatayin natin ang kapatid natin at ililihim ang kamatayan niya? 27 Ang mabuti pa siguro ipagbili natin siya sa mga Ishmaelitang iyan. Huwag natin siyang patayin dahil kapatid natin siya.” Pumayag ang mga kapatid ni Juda sa sinabi niya.

28 Kaya pagdaan ng mga mangangalakal na Ishmaelita,[e] iniahon nila si Jose mula sa balon at ipinagbili nila sa halagang 20 pilak. At dinala si Jose ng mga Ishmaelita sa Egipto.

29 Nang bumalik si Reuben sa balon, wala na doon si Jose. Kaya pinunit niya ang kanyang damit sa lungkot. 30 Pagkatapos, bumalik siya sa mga kapatid niya at sinabi, “Wala na doon ang nakababata nating kapatid. Paano na ako ngayon makakauwi roon kay ama?”

31 Nagkatay sila ng kambing at isinawsaw sa dugo nito ang damit ni Jose. 32 Pagkatapos, dinala nila ang damit ni Jose sa kanilang ama at sinabi, “Nakita po namin ito. Tingnan po ninyong mabuti kung kay Jose po ito o hindi.”

33 Nakilala agad ni Jacob ang damit. Sinabi niya, “Sa kanya ito! Pinatay siya ng mabangis na hayop! Tiyak na niluray-luray siya ng hayop.”

34 Pinunit agad ni Jacob ang kanyang damit at nagdamit ng sako bilang pagluluksa. Nagluksa siya nang matagal sa pagkamatay ng kanyang anak. 35 Inaliw siya ng lahat ng anak niya pero patuloy pa rin ang pagdadalamhati niya. Sinabi niya, “Hayaan nʼyo na lang ako! Mamamatay akong nagdadalamhati dahil sa pagkamatay ng anak ko.” At nagpatuloy ang pag-iyak niya dahil kay Jose.

36 Samantala, doon sa Egipto, ipinagbili ng mga Midianita[f] si Jose kay Potifar na isa sa mga opisyal ng Faraon.[g] Kapitan siya ng mga guwardya sa palasyo.

Si Juda at si Tamar

38 Nang panahon ding iyon, humiwalay si Juda sa mga kapatid niya at doon nanirahan kasama ni Hira na taga-Adulam. Doon nakilala ni Juda ang anak ni Shua na taga-Canaan at napangasawa niya ito. Dumating ang panahon, nagbuntis ito at nanganak ng lalaki at pinangalanan ni Juda ang sanggol na Er. Muli siyang nagbuntis at nanganak ng lalaki at pinangalanan niyang Onan. Nagbuntis pa siya at nanganak ng lalaki at pinangalanan niyang Shela. Isinilang si Shela sa Kezib.

Si Tamar ang napili ni Juda para maging asawa ng kanyang panganay na si Er. Pero si Er ay naging masama sa paningin ng Panginoon, kaya pinatay siya ng Panginoon.

Kaya sinabi ni Juda kay Onan, “Sipingan mo ang hipag mo dahil tungkulin mo iyan bilang kapatid ng asawa niyang namatay, para sa pamamagitan mo ay magkaroon din ng mga anak ang iyong kapatid.” Pero alam ni Onan na hindi ituturing na kanya ang magiging anak nila, kaya tuwing magsisiping sila ni Tamar, itinatapon niya sa labas ang kanyang binhi para hindi siya magkaanak para sa kanyang kapatid. 10 Masama ang ginawa ni Onan sa paningin ng Panginoon, kaya pinatay din niya ito.

11 Sinabi agad ni Juda kay Tamar na kanyang manugang, “Umuwi ka muna sa iyong ama, at huwag kang mag-asawa hanggang magbinata na si Shela.” Sinabi iyon ni Juda dahil natatakot siya na baka mamatay din si Shela katulad ng mga kapatid niya. Kaya umuwi muna si Tamar sa kanyang ama.

12 Dumating ang panahon, namatay ang asawa ni Juda. Pagkatapos ng kanyang pagdadalamhati, pumunta siya sa mga manggugupit ng balahibo ng kanyang mga tupa roon sa Timnah. Kasama niyang pumunta roon ang kaibigan niyang si Hira na taga-Adulam.

13 May nagsabi kay Tamar na ang biyenan niya ay pupunta sa Timnah para pagupitan doon ang mga tupa nito. 14 Nang marinig iyon ni Tamar, pinalitan niya ang kanyang damit na pambalo, at tinakpan ng belo ang kanyang mukha. Naupo siya sa may pintuan ng bayan ng Enaim, sa tabi ng daan na papunta sa Timnah. Plano niyang dayain si Juda dahil hindi pa rin ibinibigay sa kanya si Shela para maging asawa niya kahit binata na ito.

15-16 Pagkakita ni Juda kay Tamar, hindi niya nakilala na manugang niya ito dahil may talukbong ang mukha nito. Akala niyaʼy isa itong babaeng bayaran. Kaya lumapit siya sa kanya sa tabi ng daan at sinabi, “Halika, magsiping tayo.”

Sumagot si Tamar, “Ano ang ibabayad mo sa akin kapag sumiping ako sa iyo?”

17 Sinabi ni Juda, “Bibigyan kita ng kambing mula sa aking mga hayop.”

Sumagot si Tamar, “Papayag ako kung may ibibigay ka sa akin para makatiyak ako na babayaran mo ako hanggang maipadala mo na ang kambing.”

18-19 Nagtanong si Juda, “Anong garantiya ang gusto mo?”

Sumagot si Tamar, “Ibigay mo sa akin ang ginagamit mong pantatak, panali at pati ang iyong tungkod.” Kaya ibinigay iyon ni Juda at sumiping siya kay Tamar. Pagkatapos, umuwi si Tamar, at tinanggal niya ang talukbong sa kanyang mukha at muling isinuot ang damit na pambalo. Dumating ang panahon at nagbuntis siya.

20 Hindi nagtagal, ipinahatid ni Juda ang kambing sa kaibigan niyang si Hira na taga-Adulam para kunin ang mga bagay na ibinigay niya kay Tamar bilang garantiya, pero hindi niya makita si Tamar. 21 Nagtanong si Hira sa mga lalaking taga-Enaim kung nasaan na ang babaeng bayaran, na nakaupo sa tabi ng daan.

Ngunit sumagot ang mga tao, “Wala naman kaming nakitang ganoong babae rito.”

22 Kaya bumalik si Hira kay Juda at sinabi, “Hindi ko siya makita. At sinabi ng mga tao na wala naman daw ganoong babae roon.”

23 Sinabi ni Juda, “Hayaan na lang natin na itago niya ang mga ibinigay kong gamit sa kanya, dahil baka pagtawanan pa tayo ng mga tao na naghahanap tayo sa wala. Ganoon pa man, pinahatiran ko naman siya ng mga kambing pero hindi mo naman siya makita roon.”

24 Pagkalipas ng tatlong buwan, nabalitaan ni Juda na ang manugang niyang si Tamar ay nagbebenta ng dangal at nabuntis ito.

Kaya sinabi ni Juda, “Dalhin ninyo siya sa labas ng lungsod at sunugin.”

25 Pero nang ilalabas na si Tamar, ipinasabi niya kay Juda, “Narito ang pantatak, panali at pati ang tungkod. Ang may-ari nito ang ama ng sanggol na nasa sinapupunan ko. Kilalanin nʼyo kung kanino ito.”

26 Nakilala ni Juda na kanya ang mga gamit na iyon kaya sinabi niya, “Wala siyang kasalanan. Ako ang nagkasala dahil hindi ko pinayagang mapangasawa niya ang anak kong si Shela.” Hindi na muling sumiping si Juda kay Tamar.

27 Nang malapit nang manganak si Tamar, nalaman niyang ang sanggol na nasa sinapupunan niya ay kambal. 28 At nang nanganganak na siya, lumabas ang kamay ng isang sanggol. Tinalian ito ng manghihilot ng taling pula para malaman na ito ang unang isinilang. 29 Pero ipinasok ng sanggol ang kamay nito at ang kakambal niya ang unang lumabas. Sinabi ng manghihilot, “Nakipag-unahan kang lumabas.” Kaya pinangalanan ang sanggol na Perez.[h] 30 Pagkatapos, lumabas din ang kakambal na may taling pula sa kamay. At pinangalanan siyang Zera.[i]

Footnotes

  1. 36:22 Heman: o, Homam.
  2. 36:37 ilog: o, Ilog ng Eufrates.
  3. 37:3 Jacob: sa tekstong Hebreo, Israel. Ganito rin sa 37:13-14.
  4. 37:13-14 Jacob: Tingnan ang “footnote” sa talatang 3.
  5. 37:28 Ishmaelita: sa tekstong Hebreo, Midianita. Ang mga Midianita ay posibleng isa sa mga angkan ng Ishmaelita.
  6. 37:36 Midianita: posibleng isa sa mga angkan ng mga Ishmaelita.
  7. 37:36 Faraon: o, hari ng Egipto.
  8. 38:29 Perez: Ang ibig sabihin, Nakipag-unahang lumabas.
  9. 38:30 Zera: Maaaring ang ibig sabihin, pula.