Genesis 33
Magandang Balita Biblia
Nagkita sina Jacob at Esau
33 Natanaw ni Jacob na dumarating si Esau kasama ang apatnaraan niyang tauhan. Kaya't pinasama niya ang mga bata sa kani-kanilang ina. 2 Nasa unahan ang dalawang asawang-lingkod at ang kanilang mga anak, kasunod si Lea at ang kanyang mga anak, at sa hulihan si Raquel at ang anak nitong si Jose. 3 Umuna si Jacob sa kanilang lahat at pitong ulit na yumukod hanggang sa makarating sa harapan ng kapatid. 4 Siya'y patakbong sinalubong ni Esau, niyakap nang mahigpit at hinagkan. Nag-iyakan ang magkapatid. 5 Nang makita ni Esau ang mga babae at mga bata, itinanong niya kung sino sila.
“Iyan ang mga anak na kaloob sa akin ng Diyos,” tugon ni Jacob. 6 Nagsilapit ang mga asawang-lingkod na kasama ang mga bata at yumukod; 7 sumunod si Lea at ang kasamang mga bata, at sa katapus-tapusa'y si Jose at si Raquel. Yumukod silang lahat at nagbigay-galang kay Esau.
8 “Ano naman ang mga kawan na nasalubong ko?” tanong ni Esau.
“Iyon ay mga pasalubong ko sa iyo,” sagot niya.
9 Ngunit sinabi ni Esau, “Sapat na ang kabuhayan ko. Sa iyo na lang iyan.”
10 Sinabi ni Jacob, “Hindi! Para sa iyo talaga ang mga iyan; tanggapin mo na kung talagang ako'y pinapatawad mo. Pagkakita ko sa mukha mo at madama ang magandang pagtanggap mo sa akin, para ko na ring nakita ang Diyos! 11 Kaya, tanggapin mo na ang regalo ko sa iyo. Naging mabuti sa akin ang Diyos; hindi ako kinapos sa anumang bagay.” At hindi niya tinigilan si Esau hanggang sa tanggapin nito ang kanyang kaloob.
12 “Sige, umalis na tayo, at ako na ang mauuna sa inyo,” sabi ni Esau.
13 Sinabi ni Jacob, “Ang mga bata'y mahina pa. Inaalaala ko rin ang mga tupa at bakang may bisiro. Kung tayo'y magmadali para makatipid ng isang araw, baka naman mamatay ang mga ito. 14 Mabuti pa, mauna ka na at kami'y susunod sa inyo. Sisikapin ko namang bilis-bilisan ang lakad hanggang kaya ng mga hayop at bata, at mag-aabot din tayo sa Seir.”
15 “Kung gayon, pasasamahan ko kayo sa ilang tauhan ko,” sabi ni Esau.
“Hindi na kailangan. Labis-labis na ang iyong kagandahang-loob sa akin,” sabi naman ni Jacob. 16 Nang araw na iyon ay umuna na si Esau papuntang Seir. 17 Pumunta naman si Jacob sa Sucot[a] at nagtayo roon ng kanyang toldang tirahan at kulungan ng mga hayop. Kaya, tinawag na Sucot ang lugar na iyon.
18 Mula sa Sucot, si Jacob ay tumawid sa Shekem at nagtayo ng kanyang tolda sa isang parang sa tapat ng lunsod. Nagbalik siya sa Canaan matapos manirahan nang matagal sa Mesopotamia. 19 Ang(A) parang na pinagtayuan niya ng tolda ay binili niya sa tagapagmana ni Hamor na ama ni Shekem sa halagang sandaang pirasong pilak. 20 Doon siya nagtayo ng altar at tinawag niyang El-Elohe-Israel, na ang kahulugan ay si El ang Diyos ng Israel.
Footnotes
- Genesis 33:17 SUCOT: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito ay “mga toldang tirahan”.
Genesis 33
Ang Biblia, 2001
Nagtagpo sina Jacob at Esau
33 Tumanaw si Jacob at nakita niyang si Esau ay dumarating na may kasamang apatnaraang katao. Kaya't kanyang pinaghiwalay ang mga bata kina Lea at Raquel, at sa dalawang aliping babae.
2 Inilagay niya ang mga alipin na kasama ng kanilang mga anak sa unahan, at si Lea na kasama ng kanyang mga anak bilang pangalawa, at sina Raquel at Jose na pinakahuli.
3 At siya naman ay lumampas sa unahan nila, at pitong ulit na yumuko sa lupa hanggang sa siya ay mapalapit sa kanyang kapatid.
4 At tumakbo si Esau upang salubungin siya, niyakap siya, niyapos siya sa leeg, hinagkan at sila ay nag-iyakan.
5 Nang itaas ni Esau ang kanyang paningin, at nakita ang mga babae at ang mga bata, ay kanyang sinabi, “Sino itong mga kasama mo?” At kanyang sinabi, “Ang mga anak na ipinagkaloob ng Diyos sa iyong lingkod.”
6 Nang magkagayo'y lumapit ang mga aliping babae at ang kanilang mga anak, at nagsiyuko.
7 Lumapit din si Lea at ang kanyang mga anak, at nagsiyuko, pagkatapos ay nagsilapit sina Jose at Raquel, at nagsiyuko.
8 Sinabi ni Esau,[a] “Ano ang kahulugan ng lahat na ito na nasalubong ko?” At sumagot si Jacob,[b] “Upang makakita ng biyaya sa paningin ng aking panginoon.”
9 Subalit sinabi ni Esau, “Sapat na ang nasa akin, kapatid ko. Ang nasa iyo ay sa iyo na.”
10 Sinabi sa kanya ni Jacob, “Hindi, nakikiusap ako sa iyo, na kung ngayo'y nakatagpo ako ng biyaya sa iyong paningin, ay tanggapin mo nga ang aking kaloob mula sa aking kamay; sapagkat nakita ko ang iyong mukha, na gaya ng nakakita ng mukha ng Diyos, at ikaw ay nalugod sa akin.
11 Nakikiusap ako sa iyo, tanggapin mo ang kaloob na dala ko sa iyo sapagkat lubos na ang ipinagkaloob sa akin ng Diyos, at mayroon ako ng lahat na kailangan ko.” Kaya't hinimok ni Jacob si Esau at kanyang tinanggap.
12 Sinabi niya, “Tayo'y humayo at maglakbay at ako'y sasama sa iyo.”
13 Subalit sinabi ni Jacob sa kanya, “Nalalaman ng aking panginoon na ang mga bata ay mahihina pa at mayroon sa mga kawan at mga baka na nagpapasuso; kapag sila'y pinagmadali nila sa isang araw lamang ay mamamatay ang lahat ng kawan.
14 Magpauna na ang aking panginoon sa kanyang lingkod at ako'y magpapatuloy na dahan-dahan, ayon sa hakbang ng mga hayop na nasa aking unahan, at sa hakbang ng mga bata, hanggang sa makarating ako sa aking panginoon sa Seir.”
15 Kaya't sinabi ni Esau, “Pahintulutan mong iwan ko sa iyo ang ilan sa mga taong kasama ko.” Kanyang sinabi, “Bakit kailangan pa? Sapat na ang makakita ako ng biyaya sa paningin ng aking panginoon.”
16 Kaya't nagbalik si Esau nang araw ding iyon sa kanyang lakad patungo sa Seir.
17 Si Jacob ay naglakbay sa Sucot, at nagtayo ng isang bahay para sa kanya, at iginawa niya ng mga balag ang kanyang hayop. Kaya't tinawag ang pangalan ng lugar na iyon na Sucot.
18 Payapang dumating si Jacob sa bayan ng Shekem, na nasa lupain ng Canaan, nang siya'y dumating mula sa Padan-aram; at siya'y tumigil sa tapat ng bayan.
19 Binili(A) niya sa halagang isandaang pirasong salapi ang bahaging iyon ng lupa na pinagtayuan ng kanyang tolda, sa kamay ng mga anak ni Hamor, na ama ni Shekem.
20 At siya'y nagtayo roon ng isang dambana at tinawag niya itong El-Elohe-Israel.[c]
Footnotes
- Genesis 33:8 Sa Hebreo ay niya .
- Genesis 33:8 Sa Hebreo ay siya .
- Genesis 33:20 Ang kahulugan ay Diyos, ang Diyos ng Israel .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.