Add parallel Print Page Options

17 Sinabi rin niya sa lalaki, “Dahil naniwala ka sa asawa mo at kumain ng bunga ng punongkahoy na ipinagbawal ko sa inyo, susumpain ko ang lupa! Kaya sa buong buhay mo ay magpapakahirap ka nang husto para makakain. 18 Tutubo sa lupa ang mga damo at halamang may tinik. Ang kakainin moʼy manggagaling sa mga pananim sa bukid. 19 Kinakailangang magpakahirap ka nang husto para makakain, hanggang sa bumalik ka sa lupa na iyong pinagmulan. Dahil sa lupa ka nagmula, sa lupa ka rin babalik.”

20 Pinangalanan ni Adan[a] ang asawa niya na “Eva”[b] dahil siya ang magiging ina ng lahat ng tao. 21 Pagkatapos, gumawa ang Panginoong Dios ng damit mula sa balat ng hayop para kay Adan at sa asawa nito.

Pinaalis ng Dios sina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden

22 Sinabi ng Panginoong Dios, “Ang tao ay naging katulad na natin na nakakaalam kung ano ang mabuti at masama. Kinakailangang hindi siya pahintulutang kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng buhay, dahil kung kakain siya, mananatili siyang buhay magpakailanman.” 23 Kaya pinaalis siya ng Panginoong Dios sa halamanan ng Eden para sakahin ang lupa na pinagmulan niya.

24 Nang mapaalis na ng Panginoong Dios ang tao, naglagay siya ng mga kerubin[c] sa bandang silangan ng halamanan ng Eden. At naglagay din siya ng espada na naglalagablab at umiikot para walang makalapit sa puno na nagbibigay ng buhay.

Read full chapter

Footnotes

  1. 3:20 Adan: Ang ibig sabihin, lalaki; o, mga tao.
  2. 3:20 Eva: Maaaring ang ibig sabihin, nabubuhay.
  3. 3:24 kerubin: Isang uri ng anghel.