Genesis 3:15
Magandang Balita Biblia
15 Kayo(A) ng babae'y aking pag-aawayin,
binhi mo't binhi niya'y lagi kong paglalabanin.
Ang binhi niya ang dudurog sa iyong ulo,
at sa sakong niya'y ikaw ang tutuklaw.”
Mga Awit 22
Magandang Balita Biblia
Panambitan at Awit ng Papuri
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Isang Usa sa Bukang-Liwayway”.
22 O(A) Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako pinabayaan?
Sumisigaw ako ng saklolo, ngunit bakit di mo ako tinutulungan?
2 Araw-gabi'y tumatawag ako sa iyo, O Diyos,
di ako mapanatag, di ka man lang sumasagot.
3 Ngunit ikaw ang Banal na pinaparangalan,
at sa Israel ikaw ay pinapupurihan.
4 Ang mga ninuno nami'y nagtiwala sa iyo,
sa iyo umasa kaya sila'y iniligtas mo.
5 Tumawag sila sa iyo at sa panganib ay nakawala,
nagtiwala sila sa iyo at di naman sila napahiya.
6 Ngunit ako'y parang uod at hindi na isang tao,
hinahamak at pinagtatawanan ng kahit na sino!
7 Pinagtatawanan(B) ako ng bawat makakita sa akin,
inilalabas ang kanilang dila at sila'y pailing-iling.
8 Sabi(C) nila, “Nagtiwala siya kay Yahweh; hayaang iligtas siya nito.
Kung talagang mahal siya nito,
darating ang kanyang saklolo!”
9 Noong ako ay iluwal, ikaw, O Diyos, ang patnubay,
magmula sa pagkabata, ako'y iyong iningatan.
10 Mula nang ako'y isilang, sa iyo na umaasa,
mula nang ipanganak, ikaw lang ang Diyos na kilala.
11 Huwag mo akong lilisanin, huwag mo akong iiwanan,
pagkat walang sasaklolo sa papalapit na kapahamakan.
12 Akala mo'y mga toro, ang nakapaligid na kalaban,
mababangis na hayop na galing pa sa Bashan.
13 Bibig nila'y nakabuka, parang mga leong gutom,
umuungal at sa aki'y nakahandang lumamon.
14 Parang natapong tubig, nawalan ako ng lakas,
ang mga buto ko'y parang nagkalinsad-linsad;
pinagharian ang dibdib ko ng matinding takot,
parang kandila ang puso ko, natutunaw, nauubos!
15 Itong aking lalamuna'y tuyong abo ang kagaya,
ang dila ko'y dumidikit sa aking ngalangala,
sa alabok, iniwan mo ako na halos patay na.
16 Isang pangkat ng salarin, sa aki'y nakapaligid,
para akong nasa gitna ng mga asong ganid;
mga kamay at paa ko'y kanilang pinupunit.
17 Kitang-kita ang lahat ng aking mga buto,
tinitingnan at nilalait ng mga kaaway ko.
18 Mga(D) damit ko'y kanilang pinagsugalan,
at mga saplot ko'y pinaghati-hatian.
19 O Yahweh, huwag mo sana akong layuan!
Ako ay tulungan at agad na saklolohan!
20 Iligtas mo ako sa talim ng tabak,
at sa mga asong sa aki'y gustong kumagat.
21 Sa bibig ng mga leon ako'y iyong hanguin,
sa sungay ng mga toro ako ay iyong sagipin.
O Yahweh, panalangin ko sana'y dinggin.
22 Mga(E) ginawa mo'y ihahayag ko sa aking mga kababayan,
sa gitna ng kapulungan ika'y papupurihan.
23 Kayong lingkod ni Yahweh, siya'y inyong purihin!
Kayong lahi ni Jacob, siya'y inyong dakilain,
bayan ng Israel, luwalhatiin siya't sambahin!
24 Mga dukha'y di niya pinababayaan at hinahamak,
hindi siya umiiwas sa humihingi ng paglingap;
sinasagot niya agad ang mga kapus-palad.
25 Ginawa mo'y pupurihin sa dakilang kapulungan,
sa harap ng masunurin, mga lingkod mong hinirang,
ang panata kong handog ay doon ko iaalay.
26 Ang naghihikahos ay sasagana sa pagkain,
mga lumalapit kay Yahweh, siya'y pupurihin.
Maging sagana nawa sila at laging pagpalain!
27 Mga bansa sa lupa'y kay Yahweh magsisibaling,
lahat ng mga lahi'y maaalala siya't sasambahin.
28 Kay Yahweh nauukol ang pamamahala,
naghahari siya sa lahat ng mga bansa.
29 Magsisiluhod lahat ang palalo't mayayabang,
yuyuko sa harap niya, mga taong hahatulan.
30 Mga susunod na salinlahi'y maglilingkod sa kanya,
ang tungkol sa Panginoon ay ipahahayag nila.
31 Maging ang mga di pa isinisilang ay babalitaan,
“Iniligtas ni Yahweh ang kanyang bayan.”
Isaias 53
Magandang Balita Biblia
53 Sumagot(A) ang mga tao,
“Sino ang maniniwala sa ibinabalita naming ito?
Kanino mo ipinakita ang iyong kapangyarihan?
2 Kalooban ni Yahweh na matulad sa isang halaman ang kanyang lingkod,
parang ugat na natanim sa tuyong lupa.
Walang katangian o kagandahang makatawag-pansin,
walang taglay na pang-akit para siya ay lapitan.
3 Hinamak siya ng mga tao at itinakwil.
Nagdanas siya ng hapdi at hirap.
Wala man lang pumansin sa kanya.
Binaliwala natin siya, na parang walang kabuluhan.
4 “Tunay(B) ngang inalis niya ang ating mga kahinaan,
pinagaling niya ang ating mga karamdaman.
Subalit inakala nating iyo'y parusa ng Diyos sa kanya.
5 Ngunit(C) dahil sa ating mga kasalanan kaya siya nasugatan;
siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan.
Tayo ay gumaling dahil sa pahirap na dinanas niya
at sa mga hampas na kanyang tinanggap.
6 Tayong(D) lahat ay tulad ng mga tupang naliligaw;
nagkanya-kanya tayo ng lakad.
Ngunit ipinataw ni Yahweh sa kanya
ang kaparusahang tayo ang dapat tumanggap.
7 “Siya(E) (F) ay binugbog at pinahirapan,
ngunit hindi kumibo kahit isang salita;
tulad ay tupang nakatakdang patayin,
parang korderong hindi tumututol kahit na gupitan,
at hindi umiimik kahit kaunti man.
8 Nang siya'y hulihin at hatulan upang mamatay,
wala man lamang nagtanggol sa kanyang kalagayan.
Siya ay pinatay dahil sa sala ng sangkatauhan.
9 Siya'y(G) inilibing na kasama ng masasama at mayayaman,
kahit na siya'y walang kasalanan
o nagsabi man ng kasinungalingan.”
10 Sinabi ni Yahweh,
“Ang kanyang paghihirap ay kalooban ko;
ang kanyang kamatayan ay handog para sa kapatawaran ng kasalanan.
Dahil dito'y mabubuhay siya nang matagal,
makikita ang lahing susunod sa kanya.
At sa pamamagitan niya'y maisasagawa ang aking panukala.
11 Pagkatapos ng mahabang pagdurusa, muli siyang lalasap ng ligaya;
malalaman niyang hindi nawalan ng kabuluhan ang kanyang pagtitiis.
Ang tapat kong lingkod na lubos kong kinalulugdan
ang siyang tatanggap sa parusa ng marami,
at alang-alang sa kanya sila'y aking patatawarin.
12 Dahil(H) dito siya'y aking pararangalan,
kasama ng mga dakila at makapangyarihan;
sapagkat kusang-loob niyang ibinigay ang sarili
at nakibahagi sa parusa ng masasama.
Inako niya ang mga makasalanan
at idinalanging sila'y patawarin.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.