Add parallel Print Page Options

Ipinanganak sina Esau at Jacob

19 Ito naman ang kasaysayan ni Isaac na anak ni Abraham. 20 Apatnapung taon na si Isaac nang mapangasawa niya si Rebeca, anak na dalaga ni Bethuel, isang Arameong taga-Mesopotamia. Si Rebeca'y kapatid ni Laban, isa ring Arameo. 21 Hindi magkaanak si Rebeca, kaya't nanalangin kay Yahweh si Isaac. Dininig naman siya at si Rebeca'y naglihi. 22 Kambal ang kanyang dinadala at nasa tiyan pa'y nagtutulakan na ang dalawa. Kaya't nasabi ng ina, “Kung ngayon pa'y ganito na ang nangyayari sa akin, bakit pa ako mabubuhay?” Kaya't siya'y nagtanong kay Yahweh. 23 Ganito(A) naman ang sagot ni Yahweh:

“Dalawang sanggol ang dala mo sa loob ng iyong tiyan,
    larawan ng dalawang bansa na magiging magkalaban;
magiging higit na malakas ang mas bata kaysa sa nauna,
    kaya maglilingkod ang mas matanda sa bata niyang kapatid.”

24 Dumating ang panahon at nanganak nga siya ng kambal. 25 Mamula-mula ang kutis at mabalahibo ang katawan ng panganay, kaya't Esau[a] ang ipinangalan dito. 26 Nang lumabas ang pangalawa, nakahawak ito sa sakong ng kanyang kakambal, kaya Jacob[b] naman ang itinawag sa kanya. Animnapung taon si Isaac noon.

Ipinagbili ni Esau ang Kanyang Karapatan

27 Lumaki ang mga bata. Naging mahusay na mangangaso si Esau at sa kaparangan na halos tumitira. Si Jacob naman ay tahimik at lagi sa bahay. 28 Higit ang pagtingin ni Isaac kay Esau, palibhasa'y kinawiwilihan niyang kainin ang mga nahuhuli nito sa pangangaso, samantalang si Jacob naman ang mas mahal ni Rebeca.

29 Minsan, si Jacob ay nagluluto ng sinabawang pulang patani; siya namang pagdating ni Esau mula sa pangangaso. 30 Sinabi niya, “Gutom na gutom na ako, bigyan mo naman ako niyang mapulang niluluto mo.” At dahil dito'y tinawag siyang Edom.[c]

31 Sumagot si Jacob, “Ibigay mo muna sa akin ang iyong karapatan bilang panganay.”

32 “Payag na ako,” sabi ni Esau, “aanhin ko pa ang pagiging panganay kung mamamatay naman ako sa gutom?”

33 “Kung(B) gayon,” sabi ni Jacob, “sumumpa ka muna.” Sumumpa nga si Esau, at ibinigay kay Jacob ang karapatan ng pagiging panganay. 34 Ibinigay naman ni Jacob kay Esau ang niluto niyang gulay at binigyan pa ito ng tinapay. Matapos kumai't uminom, umalis na agad si Esau. Iyon lamang ang halaga sa kanya ng kanyang karapatan bilang panganay.

Read full chapter

Footnotes

  1. Genesis 25:25 ESAU: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito ay “mabalahibo”.
  2. Genesis 25:26 JACOB: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito ay “sakong”.
  3. Genesis 25:30 EDOM: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito ay “pula”.

Nakuha ni Jacob ang Pagpapala

27 Si Isaac ay matanda na at halos hindi na makakita, kaya ipinatawag niya si Esau, ang anak niyang panganay. Sinabi niya rito, “Anak, matanda na ako at malapit nang mamatay. Pumunta ka sa parang at mangaso. Ihuli mo ako ng hayop at lutuin ang putahing gusto ko. Pagkakain ko'y igagawad ko sa iyo ang aking basbas bago ako mamatay.”

Nakikinig pala si Rebeca samantalang kinakausap ni Isaac si Esau. Kaya't nang umalis ito upang sundin ang bilin ng ama, tinawag ni Rebeca si Jacob at sinabi, “Narinig ko ang sinabi ng iyong ama kay Esau: ‘Ihuli mo ako ng hayop at lutuin mo para sa akin. Pagkakain ko, babasbasan kita sa harapan ni Yahweh bago ako mamatay.’ Kaya't ganito ang gawin mo, anak: Kumuha ka agad ng dalawang kambing na mataba at iluluto ko para sa iyong ama. Ipaghahanda ko siya ng pagkaing gustung-gusto niya, 10 at ipakain mo sa kanya upang ikaw ang mabigyan ng basbas bago siya mamatay!”

11 Ngunit sumagot si Jacob sa kanyang ina, “Balbon po si Esau, samantalang ako'y hindi. 12 Malalaman ng aking ama na nililinlang ko siya kapag ako'y kanyang nahipo; susumpain niya ako sa halip na basbasan.”

13 Sumagot ang ina, “Hayaan mong sa akin tumalab ang anumang sumpa niya. Basta't sumunod ka, anak; ako na ang bahala. Kumuha ka na ng kambing.” 14 Kumuha nga si Jacob ng kambing, at iniluto ng kanyang ina ang putahing gustung-gusto ng kanyang ama. 15 Binihisan ni Rebeca si Jacob ng pinakamagarang damit ni Esau na nakatabi sa bahay. 16 Ang mga braso at leeg ni Jacob na walang balahibo'y binalutan niya ng balat ng kambing. 17 Pagkatapos, ipinadala sa anak ang putahe na may kasama pang tinapay na niluto rin niya.

18 Lumapit si Jacob kay Isaac. “Ama!” sabi niya.

“Sino ka ba?” tanong nito.

19 “Ako po si Esau,” sagot ni Jacob. “Nagawa ko na po ang inyong iniuutos sa akin. Narito na po ang gusto ninyong pagkain; bumangon na kayo at kainin na ninyo ito nang ako'y mabasbasan na ninyo pagkatapos.”

20 “Napakadali mo naman yatang nakahuli?” tanong ni Isaac.

“Tinulungan po ako ni Yahweh na inyong Diyos,” sagot ni Jacob.

21 Nagtanong muli si Isaac, “Ikaw ba talaga si Esau? Lumapit ka nga rito nang matiyak ko kung ikaw nga.” 22 Lumapit naman si Jacob at siya'y hinawakan ng ama. “Kay Jacob ang tinig ngunit ang bisig ay parang kay Esau!” wika ni Isaac. 23 Hindi niya nakilala si Jacob, sapagkat ang mga bisig nito'y mabalahibo ring tulad ng kay Esau. Babasbasan na sana ni Isaac si Jacob, 24 ngunit muli pang nagtanong, “Ikaw nga ba si Esau?”

“Ako nga po,” tugon ni Jacob.

25 Kaya't sinabi ni Isaac, “Kung gayon, akin na ang pagkain at pagkakain ko'y babasbasan kita.” Iniabot ni Jacob ang pagkain at binigyan din niya ng alak. 26 “Halika anak, at hagkan mo ako,” sabi ng ama. 27 Nang(A) lumapit si Jacob upang hagkan ang ama, naamoy nito ang kanyang kasuotan, kaya't siya'y binasbasan:

“Ang masamyong halimuyak ng anak ko,
    ang katulad ay samyo ng kabukirang si Yahweh ang nagbasbas;
28 Bigyan ka nawa ng Diyos, ng hamog buhat sa itaas,
    upang tumaba ang lupa mo't ikaw nama'y makaranas
    ng saganang pag-aani at katas ng ubas.
29 Hayaan(B) ang mga bansa'y gumalang at paalipin;
    bilang pinuno, ikaw ay kilalanin.
Igagalang ka ng mga kapatid mo,
    mga anak ng iyong ina ay yuyuko sa iyo.
Sila nawang sumusumpa sa iyo ay sumpain din,
    ngunit ang nagpapala sa iyo ay pagpalain.”

30 Matapos igawad ni Isaac ang kanyang basbas, umalis si Jacob. Siya namang pagdating ni Esau na may dalang usa. 31 Niluto niya ito nang masarap at dinala sa ama. Sinabi niya, “Maupo kayo, ama, at kainin ninyo ang dala kong pagkain upang ako'y inyong mabasbasan.”

32 “Sino ka ba?” tanong ni Isaac.

“Si Esau po, ang inyong panganay,” tugon naman niya.

33 Nanginig ang buong katawan ni Isaac. Sabi niya, “Kung gayo'y sino ang naunang nagdala sa akin ng pagkain? Katatapos ko lang kumain nang ika'y dumating. Binasbasan ko na siya at tataglayin niya iyon magpakailanman.”

34 Humagulgol ng iyak si Esau nang marinig ito at nagmamakaawa, “Basbasan din po ninyo ako, ama!”

35 Ngunit sinabi ni Isaac, “Nilinlang ako ng iyong kapatid kaya nakuha niya ang basbas ko para sa iyo.”

36 Nagsalita(C) si Esau, “Dalawang beses na niya akong dinaya, kaya pala Jacob[a] ang kanyang pangalan! Kinuha na niya ang aking karapatan bilang panganay, at ngayo'y inagaw niya pati ang basbas na ukol sa akin! Wala na ba kayong nalalabing basbas para sa akin?”

37 “Wala na akong magagawa, anak,” sagot ni Isaac. “Siya'y panginoon mo na ngayon; ginawa ko nang alipin niya ang kanyang mga kamag-anak. Ibinigay ko na sa kanya ang kasaganaan sa pagkain at inumin, kaya wala nang nalalabi para sa iyo.”

38 Ngunit(D) patuloy na nagmamakaawa sa kanyang ama si Esau, “Talaga bang iisa lang ang inyong basbas, ama? Basbasan na rin ninyo ako.” At patuloy siyang nanangis.

39 Sinabi(E) ni Isaac sa kanya,
“Ang magiging tahanan mo'y malayo sa kasaganaan,
    pati hamog mula sa langit, ika'y pagkakaitan.
40 Tabak(F) mo ang iyong ikabubuhay,
    kapatid mo'y iyong paglilingkuran;
upang kalayaa'y iyong makamit,
    kailangang ikaw ay maghimagsik.”

41 Namuhi si Esau kay Jacob sapagkat ito ang binasbasan ng kanyang ama. Kaya't ganito ang nabuo sa kanyang isipan: “Pagkamatay ng aking ama, at ito'y hindi na magtatagal, papatayin ko si Jacob!”

42 May(G) nakapagsabi kay Rebeca tungkol sa balak ni Esau, kaya't ipinagbigay-alam niya agad ito kay Jacob. Sinabi niya, “Anak, binabalak ng iyong kapatid na patayin ka upang makapaghiganti siya. 43 Makinig ka sa akin, anak. Umalis ka kaagad! Pumunta ka sa Haran at doon ka muna tumira sa aking kapatid na si Laban. 44 Doon ka muna hanggang hindi humuhupa ang galit ng iyong kapatid; 45 malilimutan din niya ang ginawa mo sa kanya. Hayaan mo't pababalitaan kita kung maaari ka nang bumalik. Masakit man sa loob ko ang malayo ka sa akin, lalong hindi ko matitiis ang kayo'y parehong mawala sa akin.”

Read full chapter

Footnotes

  1. Genesis 27:36 JACOB: Sa wikang Hebreo, ang salitang “Jacob” at “pandaraya” ay magkasintunog.