Genesis 2
Magandang Balita Biblia
2 Nilikha nga ng Diyos ang langit at ang lupa at ang lahat ng bagay na naroroon. 2 Tinapos(A) (B) niyang likhain ang lahat ng ito sa loob ng anim na araw, at siya'y nagpahinga sa ikapitong araw. 3 Pinagpala niya ang ikapitong araw at itinuring itong banal, sapagkat sa araw na ito siya nagpahinga matapos likhain ang lahat. 4 Ganito ang pagkalikha sa langit at sa lupa.
Ang Halamanan ng Eden
Nang likhain ng Panginoong Yahweh ang lupa at lahat ng bagay sa langit, 5 wala pang anumang halaman o pananim sa lupa, sapagkat hindi pa nagpapaulan noon ang Panginoong Yahweh, at wala pa ring nagsasaka. 6 Ngunit mayroon nang bukal ng tubig na dumidilig sa kapatagan sa lupa.[a]
7 Pagkatapos,(C) ginawa ng Panginoong Yahweh ang tao[b] mula sa alabok, hiningahan niya sa ilong, at nagkaroon ito ng buhay.
8 Gumawa ang Panginoong Yahweh ng isang halamanan sa Eden, sa dakong silangan, at doon dinala ang taong kanyang nilalang. 9 Pinatubo(D) niya roon ang lahat ng uri ng punongkahoy na magagandang pagmasdan at masasarap ang bunga. Sa gitna ng halamanan ay naroon ang punongkahoy na nagbibigay-buhay, at gayundin ang punongkahoy na nagbibigay-kaalaman tungkol sa mabuti at masama.
10 Umaagos noon mula sa Eden ang isang ilog na dumidilig sa halamanan. Paglabas doon, ito'y nahahati sa apat na sanga. 11 Ang una na kung tawagi'y Ilog Pishon ay umaagos sa lupain ng Havila. 12 Lantay ang ginto roon at marami ring bedelio at batong onise. 13 Ang ikalawang sanga ng ilog na tinawag namang Gihon ay umaagos sa lupain ng Etiopia.[c] 14 Ilog Tigris naman ang tawag sa ikatlong sanga, at umaagos naman ito sa silangan ng Asiria. Ang ikaapat na sanga ng ilog ay ang Eufrates.
15 Inilagay ng Panginoong Yahweh ang tao sa halamanan ng Eden upang ito'y pagyamanin at pangalagaan. 16 Sinabi niya sa tao, “Makakain mo ang alinmang bungangkahoy sa halamanan, 17 maliban sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Huwag na huwag mong kakainin ang bungang iyon, sapagkat sa araw na kainin mo iyon ay mamamatay ka.”
18 Matapos gawin ang lahat ng ito, sinabi ng Panginoong Yahweh, “Hindi mabuti na mag-isa ang tao; bibigyan ko siya ng isang angkop na makakasama at makakatulong.” 19 Kaya, mula sa lupa ay lumikha ang Panginoong Yahweh ng mga hayop sa parang at mga ibon sa himpapawid, dinala niya ang mga ito sa tao upang ipaubaya rito ang pagbibigay ng pangalan sa mga iyon. Kung ano ang kanyang itinawag, iyon ang naging pangalan ng mga ito. 20 Ang tao nga ang nagbigay ng pangalan sa lahat ng ibon sa himpapawid at hayop sa parang. Ngunit wala isa man sa mga ito ang nababagay na makasama at makatulong niya.
21 Kaya't pinatulog ng Panginoong Yahweh ang tao. Samantalang nahihimbing, kinuha niya ang isang tadyang nito at pinaghilom ang laman sa tapat niyon. 22 Ang tadyang na iyo'y ginawa niyang isang babae, at dinala niya ito sa lalaki. 23 Sinabi ng lalaki,
“Sa wakas, narito ang isang tulad ko,
laman ng aking laman, buto ng aking buto;
babae ang itatawag sa kanya, sapagkat sa lalaki[d] siya'y kinuha.”
24 Ito(E) ang dahilan kaya iniiwan ng lalaki ang kanyang ama't ina, nagsasama sila ng kanyang asawa, at sila'y nagiging isa. 25 Kapwa hubad noon ang lalaki at ang babae, ngunit hindi sila nahihiya.
Footnotes
- Genesis 2:6 Ngunit…dumidilig sa kapatagan sa lupa: o kaya'y Ngunit may ulap na pumaitaas buhat sa lupa at ito ang dumidilig sa buong kapatagan .
- Genesis 2:7 TAO: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “tao” at “alabok” ay magkasintunog.
- Genesis 2:13 ETIOPIA: Sa wikang Hebreo ay “Cus”; sakop ng lugar na ito ang mga kasalukuyang bansa ng Etiopia at Sudan.
- Genesis 2:23 BABAE…LALAKI: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “babae” at “lalaki” ay magkasintunog.
Genesis 2
Ang Biblia (1978)
2 At nayari ang langit at ang lupa, (A)at ang lahat na natatanaw sa mga iyon.
2 (B)At nang ikapitong araw ay nayari ng Dios ang kaniyang gawang ginawa; at nagpahinga ng ikapitong araw sa madlang gawa niyang ginawa.
3 At binasbasan ng Dios ang ikapitong araw at kaniyang ipinangilin, sapagka't siyang ipinagpahinga ng Dios sa madlang gawang kaniyang nilikha at ginawa.
4 (C)Ito ang pinangyarihan ng langit at ng lupa, nang likhain noong araw, na gawin ng Panginoong Dios ang lupa't langit.
5 At wala pa sa lupang (D)kahoy sa parang, at wala pang anomang pananim na tumutubo sa parang: (sapagka't hindi pa pinauulanan ng Panginoong Dios ang lupa) at wala pang taong (E)magbukid ng lupa,
6 Nguni't may isang ulap na napaitaas buhat sa lupa at dinilig ang buong ibabaw ng lupa.
Nilalang ang lalake at inilagay sa Eden.
7 At nilalang ng Panginoong Dios ang tao sa (F)alabok ng lupa, at hiningahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng (G)hininga ng buhay; at ang tao ay naging kaluluwang may buhay.
8 At naglagay ang Panginoong Dios ng isang (H)halamanan sa Eden, sa dakong silanganan: at inilagay niya roon ang taong kaniyang nilalang.
9 At pinatubo ng Panginoong Dios sa lupa ang lahat na punong kahoy na nakalulugod sa paningin, at mabubuting kanin; (I)gayon din ang punong kahoy ng buhay sa gitna ng halamanan, at ang punong kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.
10 At may isang ilog na lumabas sa Eden na dumilig sa halamanan; at mula roo'y nabahagi at nagapat na sanga.
11 Ang pangalan ng una ay Pison: na siyang lumiligid sa (J)buong lupain ng Havilah, na doo'y may ginto;
12 At ang ginto sa lupang yao'y mabuti; mayroon din naman doong bedelio at batong onix.
13 At ang pangalan ng ikalawang ilog ay Gihon; na siyang lumiligid sa buong lupain ng Cush.
14 At ang pangalan ng ikatlong ilog ay Hiddecel, na siyang umaagos sa tapat ng Asiria. At ang ikaapat na ilog ay ang Eufrates.
15 At kinuha ng Panginoong Dios ang lalake at inilagay sa halamanan ng Eden, upang kaniyang alagaan at ingatan.
16 At iniutos ng Panginoong Dios sa lalake, na sinabi, Sa lahat ng punong kahoy sa halamanan ay makakakain ka na may kalayaan:
17 Datapuwa't sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagka't sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang (K)mamamatay ka.
18 At sinabi ng Panginoong Dios, Hindi mabuti na ang lalake ay magisa; siya'y ilalalang ko ng isang katulong niya.
19 At nilalang ng Panginoong Dios sa lupa ang lahat ng hayop sa parang at ang lahat ng ibon sa himpapawid; at pinagdadala sa lalake upang maalaman kung anong itatawag niya sa mga iyon: at ang bawa't itinawag ng lalake sa bawa't kinapal na may buhay ay yaon ang naging pangalan niyaon.
20 At pinanganlan ng lalake ang lahat ng mga hayop, at ang mga ibon sa himpapawid, at ang bawa't ganid sa parang; datapuwa't sa lalake ay walang nasumpungang maging katulong niya.
Nilalang ang babae mula sa lalake.
21 At (L)hinulugan ng Panginoong Dios ng di kawasang himbing ang lalake, at siya'y natulog: at kinuha ang isa sa kaniyang mga tadyang at pinapaghilom ang laman sa dakong yaon:
22 At ang tadyang na kinuha ng Panginoong Dios sa lalake ay ginawang isang babae, at ito'y dinala niya sa lalake.
23 At sinabi ng lalake, Ito nga'y buto ng aking mga buto at laman ng aking laman: siya'y tatawaging Babae, sapagka't sa Lalake siya kinuha.
24 (M)Kaya't iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ang kaniyang ina, at makikipisan sa kaniyang asawa: at sila'y magiging isang laman.
25 At sila'y kapuwa hubad, ang lalake at ang kaniyang asawa, at sila'y hindi nagkakahiyaan.
Genesis 2
Ang Biblia, 2001
2 Nayari ang langit at ang lupa, at ang lahat ng mga bagay sa mga iyon.
2 Nang(A)(B) ikapitong araw ay natapos ng Diyos ang gawain na kanyang ginawa, at nagpahinga siya nang ikapitong araw mula sa lahat ng gawaing kanyang ginawa.
3 At binasbasan ng Diyos ang ikapitong araw at kanyang ginawang banal, sapagkat sa araw na iyon ay nagpahinga ang Diyos sa lahat ng gawain na kanyang ginawa.
4 Ito ang kasaysayan tungkol sa langit at lupa, sa araw na likhain ng Panginoong Diyos ang langit at lupa.
Ang Halamanan ng Eden
5 Nang sa lupa ay wala pang tanim sa parang, at wala pang damo na tumutubo sa parang,—sapagkat hindi pa nagpapaulan ang Panginoong Diyos sa lupa at wala pang taong nagbubungkal ng lupa,
6 ngunit may isang ulap[a] na pumaitaas buhat sa lupa at dinilig ang buong kapatagan ng lupa.
7 At(C) nilalang ng Panginoong Diyos ang tao mula sa alabok ng lupa, at hiningahan ang mga butas ng kanyang ilong ng hininga ng buhay; at ang tao ay naging buháy na kaluluwa.
8 Naglagay ang Panginoong Diyos ng isang halamanan sa silangan ng Eden, at inilagay niya roon ang taong kanyang nilalang.
9 At(D) pinatubo ng Panginoong Diyos sa lupa ang lahat ng punungkahoy na nakakalugod sa paningin, at mabuting kainin; gayundin ang punungkahoy ng buhay sa gitna ng halamanan, at ang punungkahoy ng pagkaalam ng mabuti at masama.
10 May isang ilog na lumabas mula sa Eden upang diligin ang halamanan, at mula roo'y nahati at naging apat na ilog.
11 Ang pangalan ng una ay Pishon na siyang umaagos sa palibot ng buong lupain ng Havila, na doo'y may ginto;
12 at ang ginto sa lupang iyon ay mabuti; mayroon doong bedelio at batong onix.
13 Ang pangalan ng ikalawang ilog ay Gihon; na siyang umaagos sa palibot ng buong lupain ng Cus.
14 Ang pangalan ng ikatlong ilog ay Tigris na siyang umaagos sa silangan ng Asiria. At ang ikaapat na ilog ay ang Eufrates.
15 Kinuha ng Panginoong Diyos ang lalaki at inilagay sa halamanan ng Eden upang ito ay kanyang bungkalin at ingatan.
16 At iniutos ng Panginoong Diyos sa lalaki, na sinabi, “Malaya kang makakakain mula sa lahat ng punungkahoy sa halamanan,
17 subalit mula sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagkat sa araw na ikaw ay kumain niyon ay tiyak na mamamatay ka.”
18 At sinabi ng Panginoong Diyos, “Hindi mabuti na ang lalaki ay nag-iisa; siya'y igagawa ko ng isang katuwang na nababagay sa kanya.”
19 Kaya't mula sa lupa ay nilalang ng Panginoong Diyos ang lahat ng hayop sa parang at ang lahat ng ibon sa himpapawid; at dinala sa lalaki upang malaman kung anong itatawag niya sa mga iyon. At anuman ang itawag ng lalaki sa bawat buháy na nilalang ay siyang pangalan nito.
20 At pinangalanan ng lalaki ang lahat ng hayop at ang mga ibon sa himpapawid, at ang bawat hayop sa parang; subalit para sa lalaki ay walang nakitang katuwang na nababagay para sa kanya.
Nilalang ang Babae mula sa Lalaki
21 Kaya't pinatulog nang mahimbing ng Panginoong Diyos ang lalaki, at habang siya'y natutulog, kinuha niya ang isa sa kanyang mga tadyang at pinaghilom ang laman sa lugar na iyon;
22 at ang tadyang na kinuha ng Panginoong Diyos sa lalaki ay ginawang isang babae, at dinala siya sa lalaki.
23 At sinabi ng lalaki,
“Sa wakas, ito'y buto ng aking mga buto
at laman ng aking laman.
Siya'y tatawaging Babae,
sapagkat sa Lalaki siya kinuha.”
24 Kaya't(E) iniiwan ng lalaki ang kanyang ama at ang kanyang ina, at pumipisan sa kanyang asawa; at sila'y nagiging isang laman.
25 Ang lalaki at ang kanyang asawa ay kapwa hubad, ngunit sila'y hindi nahihiya.
Footnotes
- Genesis 2:6 o batis .
Genesis 2
Ang Dating Biblia (1905)
2 At nayari ang langit at ang lupa, at ang lahat na natatanaw sa mga iyon.
2 At nang ikapitong araw ay nayari ng Dios ang kaniyang gawang ginawa; at nagpahinga ng ikapitong araw sa madlang gawa niyang ginawa.
3 At binasbasan ng Dios ang ikapitong araw at kaniyang ipinangilin, sapagka't siyang ipinagpahinga ng Dios sa madlang gawang kaniyang nilikha at ginawa.
4 Ito ang pinangyarihan ng langit at ng lupa, nang likhain noong araw, na gawin ng Panginoong Dios ang lupa't langit.
5 At wala pa sa lupang kahoy sa parang, at wala pang anomang pananim na tumutubo sa parang: (sapagka't hindi pa pinauulanan ng Panginoong Dios ang lupa) at wala pang taong magbukid ng lupa,
6 Nguni't may isang ulap na napaitaas buhat sa lupa at dinilig ang buong ibabaw ng lupa.
7 At nilalang ng Panginoong Dios ang tao sa alabok ng lupa, at hiningahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay; at ang tao ay naging kaluluwang may buhay.
8 At naglagay ang Panginoong Dios ng isang halamanan sa Eden, sa dakong silanganan: at inilagay niya roon ang taong kaniyang nilalang.
9 At pinatubo ng Panginoong Dios sa lupa ang lahat na punong kahoy na nakalulugod sa paningin, at mabubuting kanin; gayon din ang punong kahoy ng buhay sa gitna ng halamanan, at ang punong kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.
10 At may isang ilog na lumabas sa Eden na dumilig sa halamanan; at mula roo'y nabahagi at nagapat na sanga.
11 Ang pangalan ng una ay Pison: na siyang lumiligid sa buong lupain ng Havilah, na doo'y may ginto;
12 At ang ginto sa lupang yao'y mabuti; mayroon din naman doong bedelio at batong onix.
13 At ang pangalan ng ikalawang ilog ay Gihon; na siyang lumiligid sa buong lupain ng Cush.
14 At ang pangalan ng ikatlong ilog ay Hiddecel, na siyang umaagos sa tapat ng Asiria. At ang ikaapat na ilog ay ang Eufrates.
15 At kinuha ng Panginoong Dios ang lalake at inilagay sa halamanan ng Eden, upang kaniyang alagaan at ingatan.
16 At iniutos ng Panginoong Dios sa lalake, na sinabi, Sa lahat ng punong kahoy sa halamanan ay makakakain ka na may kalayaan:
17 Datapuwa't sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagka't sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka.
18 At sinabi ng Panginoong Dios, Hindi mabuti na ang lalake ay magisa; siya'y ilalalang ko ng isang katulong niya.
19 At nilalang ng Panginoong Dios sa lupa ang lahat ng hayop sa parang at ang lahat ng ibon sa himpapawid; at pinagdadala sa lalake upang maalaman kung anong itatawag niya sa mga iyon: at ang bawa't itinawag ng lalake sa bawa't kinapal na may buhay ay yaon ang naging pangalan niyaon.
20 At pinanganlan ng lalake ang lahat ng mga hayop, at ang mga ibon sa himpapawid, at ang bawa't ganid sa parang; datapuwa't sa lalake ay walang nasumpungang maging katulong niya.
21 At hinulugan ng Panginoong Dios ng di kawasang himbing ang lalake, at siya'y natulog: at kinuha ang isa sa kaniyang mga tadyang at pinapaghilom ang laman sa dakong yaon:
22 At ang tadyang na kinuha ng Panginoong Dios sa lalake ay ginawang isang babae, at ito'y dinala niya sa lalake.
23 At sinabi ng lalake, Ito nga'y buto ng aking mga buto at laman ng aking laman: siya'y tatawaging Babae, sapagka't sa Lalake siya kinuha.
24 Kaya't iiwan ng lalake ang kaniyang ama at ang kaniyang ina, at makikipisan sa kaniyang asawa: at sila'y magiging isang laman.
25 At sila'y kapuwa hubad, ang lalake at ang kaniyang asawa, at sila'y hindi nagkakahiyaan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978