Add parallel Print Page Options

18 Pagkatapos, sinabi ng Panginoong Dios, “Hindi mabuting mabuhay ang tao nang nag-iisa lang, kaya igagawa ko siya ng kasama na tutulong sa kanya at nararapat sa kanya.” 19 Nilikha ng Panginoong Dios mula sa lupa ang lahat ng uri ng hayop na nakatira sa lupa pati ang lahat ng uri ng hayop na lumilipad. Pagkatapos, dinala niya ang mga ito sa tao para tingnan kung ano ang ipapangalan nito sa kanila. At kung ano ang itatawag ng tao sa kanila, iyon ang magiging pangalan nila. 20 Kaya pinangalanan ng tao ang mga hayop na nakatira sa lupa pati ang mga hayop na lumilipad. Pero para kay Adan,[a] wala kahit isa sa kanila ang nararapat na maging kasama niya na makakatulong sa kanya. 21 Kaya pinatulog ng Panginoong Dios ang tao nang mahimbing. At habang natutulog siya, kinuha ng Panginoong Dios ang isa sa mga tadyang ng lalaki at pinaghilom agad ang pinagkuhanan nito. 22 Ang tadyang na kinuha ng Panginoong Dios sa lalaki ay nilikha niyang babae, at dinala niya sa lalaki.

23 Sinabi ng lalaki,

“Narito na ang isang tulad ko!
    Buto na kinuha sa aking mga buto, at laman na kinuha sa aking laman.
    Tatawagin siyang ‘babae,’ dahil kinuha siya mula sa lalaki.”[b]

24 Iyan ang dahilan na iiwan ng lalaki ang kanyang amaʼt ina at makikipag-isa sa kanyang asawa, at silang dalawa ay magiging isa.

Read full chapter

Footnotes

  1. 2:20 kay Adan: o, sa tao.
  2. 2:23 Ang salitang Hebreo na “isha” (babae) ay mula sa salitang “ish” (lalaki).