Genesis 12-21
Magandang Balita Biblia
Tinawag ng Diyos si Abram
12 Sinabi(A) ni Yahweh kay Abram, “Lisanin mo ang iyong bayan, ang tahanan ng iyong ama at mga kamag-anak, at pumunta ka sa bayang ituturo ko sa iyo. 2 Pararamihin ko ang iyong mga anak at apo at gagawin ko silang isang malaking bansa. Pagpapalain kita, at gagawin kong dakila ang iyong pangalan at ikaw ay magiging pagpapala sa marami.
3 Ang(B) sa iyo'y magpapala ay aking pagpapalain,
at ang sa iyo'y sumumpa ay aking susumpain;
sa pamamagitan mo, lahat ng mga bansa sa daigdig ay aking pagpapalain.”[a]
4 Sumunod nga si Abram sa utos ni Yahweh; nilisan niya ang Haran noong siya'y pitumpu't limang taon. Sumama sa kanya si Lot. 5 Isinama ni Abram ang kanyang asawang si Sarai at si Lot na pamangkin niya. Dinala niyang lahat ang kanyang mga alipin at mga kayamanang naipon nila sa Haran. Pagkatapos nito'y nagtungo sila sa Canaan.
Pagdating nila roon, 6 nagtuloy si Abram sa isang banal na lugar sa Shekem, sa malaking puno ng Moreh. Noo'y naroon pa ang mga Cananeo. 7 Nagpakita(C) kay Abram si Yahweh na nagsabi sa kanya, “Ito ang lupaing ibibigay ko sa iyong lahi.” At nagtayo si Abram ng altar para kay Yahweh na nagpakita sa kanya. 8 Buhat doon, nagtuloy siya sa kaburulan sa silangan ng Bethel at huminto sa pagitan ng Bethel na nasa kanluran at ng Ai na nasa silangan. Nagtayo rin siya roon ng altar at sumamba kay Yahweh. 9 Mula roon, unti-unti silang nagpatuloy papunta sa gawing timog ng Canaan.
Pumunta si Abram sa Egipto
10 Nagkaroon ng matinding taggutom sa lupain ng Canaan, kaya umalis doon sina Abram at naglakbay na patimog, patungo sa lupain ng Egipto, upang doon muna manirahan. 11 Nang malapit na sila sa hangganan, sinabi niya sa kanyang asawa, “Sarai, napakaganda mo. 12 Kapag nakita ka ng mga Egipcio, sasabihin nilang asawa kita at papatayin nila ako para makuha ka. 13 Ang(D) mabuti pa'y sabihin mong magkapatid tayo. Alang-alang sa iyo, hindi nila ako papatayin.” 14 Nang makapasok na sina Abram sa Egipto, napuna nga ng mga Egipcio na napakaganda ni Sarai. 15 Nang nakita siya ng mga pinuno roon, ibinalita nila sa Faraon kung gaano siya kaganda. Kaya't iniutos nitong kunin si Sarai at dalhin sa palasyo. 16 Dahil sa kanya, mabuti ang naging pagtanggap ng Faraon kay Abram at binigyan pa niya ito ng mga tupa, kambing, baka, asno, kamelyo at mga alipin.
17 Dahil dito'y pinahirapan ni Yahweh ang Faraon. Siya at ang buong palasyo ay nagdanas ng katakut-takot na karamdaman. 18 Kaya't si Abram ay ipinatawag ng Faraon at tinanong, “Bakit mo ito ginawa sa akin? Bakit hindi mo sinabing asawa mo siya? 19 Ang sabi mo'y kapatid mo siya, kaya naman kinuha ko siya para maging asawa. Heto na ang asawa mo. Kunin mo siya at umalis na kayo!” 20 Iniutos ng Faraon sa kanyang mga tauhan na paalisin ang mag-asawa, dala ang lahat nilang ari-arian.
Nagkahiwalay sina Abram at Lot
13 Mula sa Egipto, si Abram ay naglakbay na pahilaga patungong Negeb, kasama ang kanyang asawa at ang pamangkin niyang si Lot, dala ang lahat niyang ari-arian. 2 Mayaman na noon si Abram; marami na siyang mga tupa, kambing at baka. Marami na rin siyang naipong ginto at pilak. 3 Mula sa Negeb, unti-unti siyang naglakbay pabalik sa dati niyang pinagkampuhan, sa pagitan ng Bethel at Ai. 4 Pumunta siya sa dating pinagtayuan niya ng altar, at doon sumamba kay Yahweh.
5 Si Lot, na kasa-kasama ni Abram ay marami na ring tupa, kambing at baka. Mayroon na rin siyang sariling pamilya at mga tauhan. 6-7 Dahil napakarami na ng kanilang mga hayop, hindi na sapat ang pastulan para sa mga kawan nina Abram at Lot. Kaya't madalas nag-aaway ang mga pastol nila. Nang panahon ding iyon, ang mga Cananeo at Perezeo ay naninirahan pa sa lugar na iyon.
8 Kinausap ni Abram si Lot, “Hindi tayo dapat mag-away, at ang mga tauhan natin, sapagkat magkamag-anak tayo. 9 Mabuti pa'y maghiwalay tayo. Mamili ka: Kung gusto mo sa kaliwa, sa kanan ako; kung gusto mo sa kanan, sa kaliwa ako.”
10 At(E) nang iginala ni Lot ang kanyang paningin, nakita niyang ang Kapatagan ng Jordan hanggang sa Zoar ay sagana sa tubig, tulad ng halamanan ni Yahweh at ng lupain ng Egipto. Nangyari ito noong hindi pa natutupok ang Sodoma at Gomorra. 11 Kaya pinili niya ang dakong silangan sa Kapatagan ng Jordan, at naghiwalay nga sila ni Abram. 12 Nanatili si Abram sa Canaan. Samantala, si Lot ay nanirahan naman sa mga lunsod sa kapatagan na malapit sa Sodoma. 13 Napakasama ng mga tao sa lunsod ng Sodoma; namumuhay sila nang laban kay Yahweh.
Nanirahan si Abram sa Hebron
14 Pagkaalis ni Lot, sinabi ni Yahweh kay Abram, “Tumanaw ka sa palibot mo. 15 Ang(F) buong lupaing natatanaw mo ay ibibigay ko sa iyo, at sa magiging lahi mo magpakailanman. 16 Ang iyong mga salinlahi ay gagawin kong sindami ng alikabok sa lupa na di kayang bilangin ninuman. 17 Libutin mo na ang buong lupain; ang lahat ng iyan ay ibibigay ko sa iyo.” 18 Lumipat si Abram sa Hebron, at doon tumira sa tabi ng malalaking puno sa Mamre. Nagtayo siya roon ng altar para kay Yahweh.
Iniligtas ni Abram si Lot
14 Nang panahong iyon, sina Haring Amrafel ng Sinar, Arioc ng Elasar, Kedorlaomer ng Elam at Tidal ng Goyim, 2 ay nakipagdigma kina Haring Bera ng Sodoma, Birsha ng Gomorra, Shinab ng Adma, Shemeber ng Zeboim at Zoar ng Bela. 3 Tinipon ng limang haring ito ang kanilang mga hukbo sa kapatagan ng Sidim na tinatawag ding Dagat na Patay. 4 Ang mga ito ay labindalawang taon nang nasasakop ni Kedorlaomer, ngunit nang ika-13 taon, nagkaisa-isa silang umaklas laban sa kanya. 5 Isang taon buhat nang sila'y umaklas, dumating si Kedorlaomer, kasama ang mga haring kakampi niya upang sila'y muling sakupin. Nalupig na niya ang mga bansang kanyang dinaanan: ang mga Refaita sa Astarot-carnaim, ang mga Zuzita sa Ham at ang mga Emita sa Save-kiryataim. 6 Tinalo na rin nila ang mga Horeo sa kabundukan ng Seir hanggang sa Elparan, sa gilid ng disyerto. 7 Buhat doo'y bumaling silang patungo sa Kades (o Enmispat) at sinakop ang lupain ng mga Amalekita at ng mga Amoreo sa Hazazon-tamar.
8 Tinipon nga ng mga hari ng Sodoma, Gomorra, Adma, Zeboim at Bela ang kanilang mga hukbo sa Kapatagan ng Sidim. At doon nila hinarap 9 sina Haring Kedorlaomer ng Elam, Tidal ng Goyim, Amrafel ng Sinar at Arioc ng Elasar—lima laban sa apat. 10 Natalo ang limang hari, at nang sila'y tumakas sa labanan, ang hari ng Sodoma at ang hari ng Gomorra ay nahulog sa balon ng alkitran na marami sa dakong iyon. Ang iba'y nakatakas papunta sa kabundukan. 11 Kaya't sinamsam ng apat na hari ang lahat ng ari-ariang natagpuan sa Sodoma at Gomorra, pati ang pagkain doon. 12 Binihag din nila ang pamangkin ni Abram na si Lot na nakatira sa Sodoma, at kinuha ang lahat ng ari-arian nito.
13 Isang takas ang nagbalita ng pangyayaring ito kay Abram na Hebreo, na noo'y nakatira malapit sa tabi ng sagradong kahuyan ni Mamre, isang Amoreo. Si Abram at si Mamre, kasama ang mga kapatid niyang sina Escol at Aner ay may umiiral na kasunduan. 14 Pagkarinig niya sa nangyari sa kanyang pamangking si Lot, tinawag niya ang kanyang mga tauhan at nakatipon siya ng 318 mandirigma. Sinundan nila ang mga kalabang hari hanggang sa Dan. 15 Pagdating doon, nagdalawang pangkat sila, at pagsapit ng gabi, sinalakay nila ang kaaway. Tinalo nila ang mga ito at hinabol hanggang Hoba sa hilaga ng Damasco. 16 Nabawi nilang lahat ang nasamsam na ari-arian at nailigtas si Lot, ang mga kababaihan at ang iba pa nitong mga kasamahan.
Binasbasan ni Melquisedec si Abram
17 Sa pagbabalik ni Abram, pagkatapos niyang talunin si Haring Kedorlaomer at ang iba pang mga haring kasama nito, sinalubong siya ng hari ng Sodoma sa Libis ng Save, na tinawag ding Libis ng Hari. 18 Dinalhan(G) siya ni Melquisedec, hari ng Salem at pari ng Kataas-taasang Diyos, ng tinapay at alak, 19 at binasbasan,
“Pagpalain ka nawa, Abram, ng Kataas-taasang Diyos,
na lumikha ng langit at lupa.
20 Purihin ang Kataas-taasang Diyos,
na nagbigay sa iyo ng tagumpay!”
At ibinigay ni Abram kay Melquisedec ang ikasampung bahagi ng lahat ng kanyang nasamsam buhat sa labanan.
21 Sinabi ng hari ng Sodoma kay Abram, “Iyo na ang lahat ng bagay na nakuha mo, subalit ibalik mo sa akin ang lahat ng mga tauhan ko.”
22 Ngunit sumagot si Abram, “Sumumpa ako sa harapan ni Yahweh, ang Kataas-taasang Diyos na lumikha ng langit at lupa. 23 Nangako akong hindi kukuha ng anuman sa iyo, kahit kaputol na sinulid o tali ng sandalyas, para wala kang masabi na ikaw ang nagpayaman kay Abram. 24 Wala akong kukuning anuman para sa sarili ko. Ang mga nagamit lamang ng aking mga tauhan ang aking tatanggapin, at ang bahaging nauukol sa aking mga kakampi. Hayaan ninyong kunin nina Aner, Escol at Mamre ang bahaging nauukol sa kanila.”
Ang Kasunduan ng Diyos kay Abram
15 Pagkaraan ng lahat ng ito, si Abram ay nagkaroon ng isang pangitain. Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Abram, huwag kang matakot. Ako ang iyong kalasag na mag-iingat sa iyo. Bibigyan kita ng napakalaking gantimpala.”
2 Ngunit sinabi ni Abram, “Panginoong Yahweh, ano pang kabuluhan ng gantimpala mo sa akin kung wala naman akong anak? Wala akong tagapagmana kundi si Eliezer na taga-Damasco. 3 Hindi mo ako pinagkalooban ng anak, kaya ang alipin kong ito ang magmamana ng aking ari-arian.”
4 Subalit sinabi ni Yahweh, “Hindi isang alipin ang iyong magiging tagapagmana; ang sarili mong anak ang magiging tagapagmana.” 5 Dinala(H) siya ni Yahweh sa labas at sinabi sa kanya, “Tumingin ka sa langit at masdan mo ang mga bituin! Mabibilang mo ba iyan? Ganyan karami ang magiging lahi mo.” 6 Si(I) Abram ay sumampalataya kay Yahweh, at dahil dito, siya'y itinuring ni Yahweh bilang isang taong matuwid.
7 Sinabi pa ni Yahweh kay Abram, “Ako ang kumuha sa iyo sa bayan ng Ur ng Caldea upang ibigay sa iyo ang lupaing ito.”
8 Itinanong naman ni Abram, “ Panginoong Yahweh, paano ko malalamang ito'y magiging akin?”
9 Sinabi sa kanya, “Dalhan mo ako ng isang baka, isang babaing kambing, at isang tupa, bawat isa'y tatlong taon ang gulang. Magdala ka rin ng isang kalapati at isang batu-bato.” 10 Dinala nga ni Abram ang lahat ng iyon at biniyak ang bawat isa maliban sa mga ibon. Inihanay niyang magkakapatong ang pinaghating hayop. 11 Bumabâ ang mga buwitre upang kainin ang mga ito, ngunit itinaboy sila ni Abram.
12 Nang(J) lumulubog na ang araw, nakatulog nang mahimbing si Abram, at nilukuban siya ng isang nakakapangilabot na kadiliman. 13 Sinabi(K) ni Yahweh, “Ang iyong mga anak at apo ay mangingibang-bayan at magiging alipin doon sa loob ng 400 taon. 14 Ngunit(L) paparusahan ko ang bansang aalipin sa kanila, at pag-alis nila roon ay marami silang kayamanang madadala. 15 Pahahabain ko ang iyong buhay; mamamatay at ililibing kang payapa. 16 Daraan muna ang apat na salinlahi bago sila makabalik dito, sapagkat hindi ko muna paparusahan ang mga Amoreo hanggang sa maging sukdulan ang kanilang kasamaan.”
17 Pagkalubog ng araw at laganap na ang dilim, biglang may lumitaw na palayok na umuusok, at maningas na sulo na dumaan sa pagitan ng mga pinatay na hayop. 18 At(M) nang araw na iyon, gumawa si Yahweh ng kasunduan nila ni Abram at ganito ang sinabi niya: “Ibibigay sa lahi mo ang lupaing ito, mula sa hanggahan ng Egipto hanggang sa Ilog Eufrates, 19 kasama ang lupain ng mga Cineo, Cenizeo, Cadmoneo, 20 Heteo, Perezeo at Refaita, 21 gayundin ang lupain ng mga Amoreo, Cananeo, Gergeseo at Jebuseo.”
Si Hagar at si Ismael
16 Hindi magkaanak si Sarai na asawa ni Abram. Ngunit mayroon siyang aliping babae na taga-Egipto na ang pangalan ay Hagar. 2 Sinabi niya, “Abram, dahil pinagkaitan ako ni Yahweh ng anak, ang alipin ko ang sipingan mo. Baka sakaling magkaanak siya para sa akin!” Pumayag si Abram sa sinabi ni Sarai. 3 At ipinaubaya nga ni Sarai sa kanyang asawa si Hagar upang maging asawang-lingkod. Sampung taon na si Abram na naninirahan sa Canaan nang ito'y nangyari. 4 Matapos sipingan ni Abram si Hagar, nagdalang-tao nga ito. Subalit nagmalaki si Hagar at hinamak nito si Sarai.
5 Dahil dito, sinabi ni Sarai kay Abram, “Ikaw ang dahilan ng paghamak ni Hagar sa akin! Alam mong ako ang nagkaloob sa iyo ng alipin kong ito; bakit niya ako hinahamak ngayong siya'y nagdadalang-tao? Si Yahweh na ang humatol kung sino sa atin ang tama!”
6 At sumagot si Abram, “Alipin mo naman siya, kaya gawin mo sa kanya ang gusto mo.” Pinagmalupitan nga ni Sarai si Hagar, kaya ito'y tumakas.
7 Sinalubong siya ng anghel ni Yahweh sa tabi ng isang bukal sa ilang na malapit sa daang patungo sa Shur. 8 “Hagar, alipin ni Sarai, saan ka nanggaling at saan ka pupunta?” tanong ng anghel.
“Tumakas po ako sa aking panginoon,” ang sagot ni Hagar.
9 Sinabi ng anghel, “Magbalik ka at muling magpasakop sa kanya.
10 Mga anak mo ay aking pararamihin,
at sa karamiha'y di kayang bilangin;
11 di na magtatagal, ika'y magsisilang,
Ismael[b] ang sa kanya'y iyong ipangalan,
sapagkat dininig ni Yahweh ang iyong karaingan.
12 Ngunit ang anak mo'y magiging mailap, hayop na asno ang makakatulad;
maraming kalaban, kaaway ng lahat,
di makikisama sa mga kaanak.”
13 Kaya't nasabi ni Hagar sa sarili, “Talaga bang nakita ko rito ang Diyos na nakakakita sa akin at hanggang ngayo'y buháy pa rin ako?” Kaya't tinawag niya si Yahweh nang ganito: “Ikaw ang Diyos na Nakakakita.” 14 Kaya't ang balon sa pagitan ng Kades at Bered ay tinawag nilang, “Balon ng Diyos na Buháy at Nakakakita sa Akin.”
15 Nagsilang(N) nga si Hagar ng isang anak na lalaki kay Abram at ito'y pinangalanan nitong Ismael. 16 Noo'y walumpu't anim na taon na si Abram.
Ang Pagtutuli, Palatandaan ng Kasunduan
17 Nang siyamnapu't siyam na taon na si Abram, nagpakita sa kanya si Yahweh at sinabi, “Ako ang Makapangyarihang Diyos. Sumunod ka sa akin at ingatan mong walang dungis ang iyong sarili habang ikaw ay nabubuhay. 2 Ako'y makikipagtipan sa iyo at lubhang pararamihin ko ang iyong lahi.” 3 Pagkarinig nito'y nagpatirapa si Abram. Sinabi pa sa kanya ng Diyos, 4 “Ito ang aking tipan sa iyo: Ikaw ay magiging ama ng maraming bansa. 5 Hindi(O) na Abram ang itatawag sa iyo kundi Abraham,[c] sapagkat ngayo'y ginagawa kitang ama ng maraming bansa. 6 Pararamihin ko nga ang iyong lahi at magtatatag sila ng mga bansa; at may magiging hari sa kanila.
7 “Tutuparin(P) ko ang aking pangako sa iyo at sa iyong lahi habang panahon, at ako'y magiging Diyos ninyo. 8 Ibibigay(Q) ko sa iyo at sa iyong magiging lahi ang lupaing ito ng Canaan na iyong tinitirhan ngayon bilang isang dayuhan. Ito ang magiging pag-aari nila sa habang panahon, at ako ang kanilang magiging Diyos.”
9 Sinabi pa ng Diyos kay Abraham, “Ikaw at ang lahat ng susunod mong salinlahi ay dapat maging tapat sa ating kasunduan. 10 Ganito(R) ang inyong gagawin: lahat ng lalaki sa inyo ay tutuliin, 11 at iyan ang magiging palatandaan ng ating tipan. 12 Lahat ng lalaki na isisilang sa inyong lahi ay tutuliin pagsapit ng ikawalong araw, kasama rito ang mga aliping isinilang sa inyong sambahayan, gayundin ang mga aliping binili sa dayuhan. 13 Ang palatandaang ito sa inyong katawan ang magiging katibayan ng ating walang katapusang kasunduan. 14 Ang sinumang lalaking hindi tuli ay ititiwalag sa iyong lahi sapagkat hindi siya tumupad sa ating kasunduan.”
15 Sinabi pa rin ng Diyos kay Abraham, “Hindi na Sarai ang itatawag mo sa iyong asawa kundi Sara[d] 16 sapagkat siya'y pagpapalain ko. Magkakaanak ka sa kanya at siya'y magiging ina ng maraming bansa; may magiging hari mula sa kanyang mga salinlahi.”
17 Muling nagpatirapa si Abraham, ngunit napatawa siya nang kanyang maisip na siya'y matanda na. Nasabi niya sa sarili, “Magkakaanak pa ba ang isang lalaki na sandaang taóng gulang na? At si Sara! Maglilihi pa ba siya gayong siya'y siyamnapung taon na?” 18 At sinabi niya sa Diyos, “Bakit hindi na lang po si Ismael ang magmana ng mga ipinangako ninyo sa akin?”
19 Kaya't sumagot ang Diyos, “Hindi; ang asawa mong si Sara ay magkakaanak ng isang lalaki at tatawagin mo siyang Isaac.[e] Makikipagtipan ako sa kanya at sa kanyang lahi magpakailanman. 20 Tungkol naman kay Ismael, ipagkakaloob ko ang kahilingan mo: Pagpapalain ko siya at pararamihin ko rin ang kanyang lahi. Magkakaanak siya ng labindalawang prinsipe, at magiging bansang makapangyarihan ang kanyang salinlahi. 21 Ngunit ang aking tipan sa iyo ay matutupad kay Isaac, na isisilang ni Sara sa isang taon, sa ganito ring panahon.” 22 Pagkasabi nito, nilisan ng Diyos si Abraham.
23 Nang araw ring iyon, ayon sa utos ng Diyos, tinuli ni Abraham si Ismael at lahat ng lalaki sa kanyang sambahayan, maging ang aliping ipinanganak doon o binili. 24 Si Abraham ay siyamnapu't siyam na taon na nang tuliin, 25 si Ismael naman ay labingtatlo. 26 Tinuli sila sa parehong araw, 27 at noon ding araw na iyon tinuli ang kanyang mga alipin.
Ipinangako ang Pagsilang ni Isaac
18 Nagpakita si Yahweh kay Abraham sa may tabi ng mga sagradong puno ni Mamre. Noo'y kainitan ng araw at nakaupo siya sa pintuan ng kanyang tolda. 2 Walang(S) anu-ano'y may nakita siyang tatlong lalaking nakatayo sa di kalayuan. Patakbo niyang sinalubong ang mga ito, at sa kanila'y yumuko nang halos sayad sa lupa ang mukha, 3 at sinabi, “Mga ginoo, kung inyong mamarapatin, tumuloy po muna kayo sa amin. 4 Magpahinga muna kayo rito sa lilim ng puno, at ikukuha ko kayo ng tubig na panghugas sa inyong mga paa. 5 Ipaghahanda ko na rin kayo ng makakain para lumakas kayo bago kayo maglakbay. Ikinagagalak ko kayong paglingkuran habang naririto kayo sa amin.”
Sila'y tumugon, “Salamat, ikaw ang masusunod.”
6 Dali-daling pumasok sa tolda si Abraham at sinabi kay Sara, “Dali, kumuha ka ng tatlong takal ng magandang harina, at gumawa ka ng tinapay.” 7 Pumili naman si Abraham ng isang matabang guya mula sa kawan, at ipinaluto kaagad sa isang alipin. 8 Kumuha rin siya ng keso at gatas, kasama ang nilutong karne, at inihain sa mga panauhin. Hindi siya lumalayo sa tabi ng mga panauhin habang kumakain ang mga ito.
9 Tinanong nila si Abraham, “Nasaan ang asawa mong si Sara?”
“Naroon po sa tolda,” sagot naman niya.
10 Sinabi(T) ng isa sa mga panauhin, “Babalik ako sa isang taon, sa ganito ring panahon, at pagbalik ko'y may anak na siya.”
Noon ay kasalukuyang nakikinig si Sara sa may pintuan ng tolda sa likuran ng panauhin. 11 Ang mag-asawang Abraham at Sara ay parehong matanda na at hindi na nga dinaratnan si Sara. 12 Lihim(U) na natawa si Sara at nagwika sa sarili, “Ngayong ako'y matanda na pati ang aking asawa, masisiyahan pa kaya ako sa pakikipagtalik?”
13 “Bakit natawa si Sara, at nagsabing kung kailan pa siya tumanda saka siya magkakaanak?” tanong ni Yahweh kay Abraham. 14 “Mayroon(V) bang hindi kayang gawin si Yahweh? Tulad ng sinabi ko, babalik ako sa isang taon at pagbalik ko'y may anak na siya.”
15 Dahil sa takot, nagkaila si Sara at ang wika, “Hindi po ako tumawa.”
Ngunit sinabi niya, “Huwag ka nang magkaila, talagang tumawa ka.”
Nanalangin si Abraham Alang-alang sa Sodoma
16 Pagkatapos, umalis ang tatlong lalaki at inihatid sila ni Abraham hanggang sa isang dako na natatanaw na ang Sodoma. 17 Sinabi ni Yahweh, “Hindi ko dapat ilihim kay Abraham ang aking gagawin, 18 sapagkat pinili ko siya upang maging ama ng isang malaki at makapangyarihang bansa. Sa pamamagitan niya, ang lahat ng mga bansa sa daigdig ay aking pagpapalain. 19 Pinili ko si Abraham upang turuan niya ang kanyang lahi na sumunod sa aking mga utos, sa pamamagitan ng paggawa ng matuwid at pagpapairal ng katarungan. Kapag nangyari iyon, tutuparin ko ang aking pangako sa kanya.”
20 Kaya't sinabi ni Yahweh, “Katakut-takot na ang sumbong sa akin laban sa Sodoma at Gomorra, at napakalaki ng kanilang kasalanan. 21 Kaya't bababâ ako roon at aalamin ko kung totoo o hindi ang paratang laban sa kanila.”
22 Umalis nga ang mga lalaki at nagpunta sa Sodoma, ngunit naroon pa rin si Yahweh sa tabi ni Abraham. 23 Itinanong ni Abraham, “Lilipulin po ba ninyo ang lahat ng tao, ang mabubuti kasama ng masasama? 24 Sakali pong may limampung mabubuting tao sa lunsod, wawasakin pa rin ba ninyo iyon? Hindi po ba ninyo patatawarin ang lunsod alang-alang sa limampung iyon? 25 Naniniwala po akong hindi ninyo idaramay ang mabubuti. Hindi ninyo gagawin iyon sapagkat kung ganito ang mangyayari, parehong magdurusa ang masama at ang mabuti. Hindi ninyo magagawa iyon! Makatarungan ang Hukom ng buong daigdig!”
26 At sumagot si Yahweh, “Hindi ko wawasakin ang lunsod alang-alang sa limampung mabubuting tao.”
27 “Ipagpaumanhin po ninyo ang aking kapangahasan,” wika ni Abraham, “wala po akong karapatang magsalita sa inyo, sapagkat ako'y isang hamak na tao lamang. 28 Kung wala pong limampu, at apatnapu't lima lamang ang mabubuti, wawasakin pa rin ba ninyo ang lunsod?”
“Hindi, hindi ko wawasakin alang-alang sa apatnapu't limang iyon,” tugon ni Yahweh.
29 Nagtanong muli si Abraham, “Kung apatnapu lamang?”
“Hindi ko wawasakin ang lunsod alang-alang sa apatnapung iyon,” tugon sa kanya.
30 “Huwag sana kayong magagalit, magtatanong pa ako. Kung tatlumpu lamang ang mabuting tao roon, wawasakin ba ninyo?”
Sinagot siya, “Hindi ko wawasakin ang lunsod alang-alang sa tatlumpung iyon.”
31 Sinabi pa ni Abraham, “Mangangahas po uli ako. Kung dalawampu na lamang ang mabubuting tao roon?”
“Hindi ko pa rin wawasakin ang lunsod alang-alang sa dalawampung iyon,” muling sagot sa kanya.
32 Sa huling pagkakataon ay nagtanong si Abraham, “Ito na po lamang ang itatanong ko: Paano po kung sampu lamang ang mabubuting tao roon?”
“Hindi ko pa rin wawasakin ang lunsod alang-alang sa sampung iyon,” sagot ni Yahweh. 33 Pagkasabi nito, umalis na si Yahweh at umuwi naman si Abraham.
Ang Labis na Kasamaan sa Sodoma
19 Nang gabing dumating sa Sodoma ang dalawang anghel, nakaupo si Lot sa may pintuan ng lunsod. Pagkakita sa kanila'y tumayo si Lot at sinalubong sila. Nagpatirapa siya sa harapan ng mga anghel. 2 “Mga ginoo,” wika niya, “inaanyayahan ko po kayo sa amin. Doon na kayo maghugas ng paa at magpalipas ng gabi. Bukas na ng umaga kayo magpatuloy ng paglalakbay.”
Ngunit sumagot sila, “Huwag na, dito na lang kami sa lansangan magpapalipas ng gabi.”
3 Ngunit pinilit niya ang mga ito kaya sumama na rin sila sa kanya. Nagluto si Lot ng tinapay na walang pampaalsa, naghanda ng masarap na hapunan at kumain sila.
4 Nang matutulog na sila, pinaligiran ng mga lalaking taga-Sodoma ang kanyang bahay. Lahat ng kalalakihan sa lunsod, bata at matanda ay naroon. 5 Pasigaw(W) nilang tinanong si Lot, “Nasaan ang mga panauhin mong lalaki? Ilabas mo't makikipagtalik kami sa kanila!”
6 Lumabas si Lot at isinara ang pinto. 7 Sinabi niya sa mga tao, “Huwag, mga kaibigan, napakasama ng gagawin ninyong iyan. 8 Ako'y may dalawang anak na dalaga, sila na lang ang ibibigay ko sa inyo at gawin ninyo sa kanila ang gusto ninyo, huwag lamang ninyong galawin ang mga lalaking ito. Mga panauhin ko sila at dapat ko silang ingatan.”
9 Ngunit sumigaw sila, “Huwag kang makialam, dayuhan! Sino kang magtuturo sa amin ng aming gagawin? Tumabi ka kung ayaw mong masaktan nang higit kaysa kanila!” Itinulak nila si Lot at tinangkang wasakin ang pinto. 10 Ngunit hinaltak siya ng kanyang mga panauhin, at isinara ang pinto. 11 Pagkatapos,(X) binulag nila ang mga tao sa labas kaya't hindi makita ng mga ito ang pinto.
Iniwan ni Lot ang Sodoma
12 Sinabi ng dalawang panauhin kay Lot, “Magmadali ka! Isama mong lahat ang iyong mga anak at iba pang kamag-anak na nakatira sa lunsod na ito. Umalis na kayo rito, 13 sapagkat gugunawin na namin ang lunsod na ito! Pinakinggan ni Yahweh ang mabibigat na sumbong laban sa mga taga-Sodoma at pinapunta kami ni Yahweh upang wasakin ang lunsod na ito.”
14 Kaya't pinuntahan ni Lot ang mga mapapangasawa ng kanyang mga anak na babae at sinabi sa kanila, “Umalis na kayo agad sapagkat wawasakin ni Yahweh ang lunsod na ito.” Ngunit akala nila'y nagbibiro lamang si Lot.
15 Nang magbubukang-liwayway na, inapura ng mga anghel si Lot, “Magmadali ka! Umalis na kayo ng iyong asawa't mga anak nang hindi kayo madamay sa pagkawasak ng lunsod.” 16 Nag-aatubili(Y) pa si Lot ngunit sa habag ni Yahweh, halos kaladkarin na sila ng mga lalaki palabas ng lunsod. 17 Pagkatapos, isa sa mga anghel ay nagsabi, “Iligtas ninyo ang inyong sarili! Huwag kayong lilingon o hihinto sa libis! Magtago kayo sa kaburulan para hindi kayo mamatay!”
18 Ngunit sumagot si Lot, “Huwag na po roon, Ginoo. 19 Napakalaki na ng utang na loob ko sa inyo; napakabuti ninyo at iniligtas ninyo ako. Ngunit napakalayo ng mga kaburulan. Baka hindi na ako makarating doon nang buháy. 20 Hindi ba maaaring doon na lamang sa maliit na bayang iyon?”
21 “Oo, sige, doon na kayo magpunta, at hindi ko wawasakin ang bayang iyon. 22 Ngunit magmadali kayo! Hindi ko maitutuloy ang gagawin ko hangga't wala kayo roon.”
Maliit ang bayang iyon kaya ito'y tinawag na Zoar.[f]
Ginunaw ang Sodoma at Gomorra
23 Mataas na ang araw nang makarating si Lot sa Zoar. 24 Saka(Z) pa lamang pinaulanan ni Yahweh ng apoy at asupre ang Sodoma at Gomorra. 25 Tinupok ni Yahweh ang mga lunsod na iyon at ang buong libis, lahat ng mamamayan doon pati ang mga pananim. 26 Ngunit(AA) lumingon ang asawa ni Lot kaya't ito'y naging isang haliging asin.
27 Kinabukasan, maagang nagtungo si Abraham sa dakong pinagtagpuan nila ni Yahweh. 28 Mula roon, tinanaw niya ang Sodoma at Gomorra, at ang buong libis. Nakita niyang tumataas ang makapal na usok na parang nagmumula sa malaking hurno. 29 Nang gunawin ng Diyos ang mga lunsod na iyon, hindi nawaglit sa kanyang isipan si Abraham kaya iniligtas niya si Lot.
Ang Pinagmulan ng mga Moabita at Ammonita
30 Sa takot ni Lot na manatili sa Zoar, sila ng dalawa niyang anak na babae ay umakyat sa kaburulan at nanirahan sa isang yungib doon. 31 Minsan, nag-usap ang magkapatid. Sinabi ng nakatatanda, “Wala nang natitirang lalaki sa daigdig. Matanda na ang ating ama at maaaring hindi na tayo magkaanak. 32 Mabuti pa'y lasingin natin siya at ating sipingan para magkaanak tayo.” 33 Nilasing nga nila ang kanilang ama nang gabing iyon. Sa kalasingan ni Lot, hindi niya namalayang nakipagtalik siya sa anak niyang panganay.
34 Kinabukasa'y sinabi ng panganay sa bunso, “Kagabi'y sumiping ako sa ating ama; lasingin natin siya uli mamaya, at ikaw naman ang sumiping nang pareho tayong magkaanak.” 35 Nilasing nga nila uli si Lot nang gabing iyon, at ang bunso naman ang sumiping. Tulad ng dati, hindi namalayan ni Lot ang kanyang pakikipagtalik dahil sa kalasingan. 36 Bunga nito, kapwa nagdalang-tao ang magkapatid. 37 Nagkaanak ng lalaki ang panganay at tinawag niyang Moab.[g] Siya ang ninuno ng mga Moabita ngayon. 38 Lalaki rin ang naging anak ng bunso at tinawag naman niya itong Ben-ammi.[h] Siya naman ang ninuno ng mga Ammonita ngayon.
Sina Abraham at Abimelec
20 Nilisan ni Abraham ang Mamre at nagpunta sa lupain ng Negeb sa pagitan ng Kades at Shur, at tumira sa Gerar. Habang siya'y naroon, 2 kapatid(AB) ang pakilala niya kay Sara, kaya ito'y ipinakuha ni Abimelec, hari ng Gerar. 3 Sa isang panaginip, nagpakita ang Diyos kay Abimelec at sinabi, “Mamamatay ka dahil sa babaing kinuha mo; siya ay may asawa na.”
4 Noon ay hindi pa nasisipingan ni Abimelec si Sara, kaya't sinabi niya, “Panginoon, papatayin ba ninyo ako at ang aking bayan na wala namang kasalanan? 5 Kapatid ang pakilala ni Abraham kay Sara, at gayundin naman ang pakilala nito kay Abraham. Ginawa ko po ito na malinis ang aking hangarin, kaya wala akong kasalanan.”
6 Sumagot ang Diyos, “Oo, alam kong malinis ang hangarin mo, kaya naman hindi ko na hinintay na magalaw mo siya upang huwag ka nang magkasala sa akin. 7 Ibalik mo siya agad sa kanyang asawa. Propeta ang asawa niya, at ipapanalangin ka niya upang hindi ka mamatay. Kapag hindi mo siya ibinalik, hindi lamang ikaw ang mamamatay, kundi pati ang buong nasasakupan mo.”
8 Kinabukasan, sinabi ni Abimelec sa mga alipin niya ang mga bagay na ito, at gayon na lamang ang kanilang pagkatakot. 9 Dahil dito'y ipinatawag ni Abimelec si Abraham at tinanong, “Bakit mo ginawa ito? Ano bang kasalanan ko at dinalhan mo ng kapahamakang ito ang aking kaharian? Hindi tama ang ginawa mo! 10 Ano bang pumasok diyan sa isip mo at ginawa mo ang bagay na ito?”
11 Sumagot si Abraham, “Ang akala ko po'y walang takot sa Diyos ang mga tagarito, at nangangamba akong baka patayin nila ako para makuha ang aking asawa. 12 Ang totoo po'y kapatid ko siya sa ama at napangasawa ko siya. 13 Kaya po nang sabihin sa akin ng Diyos na lisanin ko ang sambahayan ng aking ama, sinabi ko sa aking asawa, ‘Mabuti pa'y ganito ang gawin mo: saanman tayo pumunta, sabihin mong tayo'y magkapatid at sa gayo'y maipapakita mo ang iyong katapatan sa akin.’”
14 Sa halip na parusahan, binigyan pa ni Abimelec si Abraham ng mga tupa, baka at mga aliping lalaki at babae, at ibinalik niya si Sara. 15 Sinabi pa niya kay Abraham, “Sa buong lupain kong ito, tumira ka kung saan mo gusto.” 16 Ito naman ang sinabi niya kay Sara: “Binibigyan ko ang iyong kapatid ng sanlibong pirasong pilak, bilang katunayan na ang dangal mo'y hindi nadungisan. Sa gayon, hindi iisipin ninuman na ikaw ay may ginawang masama.”
17-18 Dahil sa pagkakuha ng hari kay Sara, pinarusahan ni Yahweh ang lahat ng babae sa sambahayan ni Abimelec: hindi sila magkaanak. At upang malunasan ito, ipinanalangin sila ni Abraham. Gumaling naman si Abimelec, at mula noon, ang kanyang asawa't mga aliping babae ay nagkaanak.
Ang Kapanganakan ni Isaac
21 Pinagpala ni Yahweh si Sara at tinupad ang kanyang pangako. 2 Ayon(AC) sa panahong sinabi ng Diyos, si Sara nga ay nagdalang-tao at nanganak ng isang lalaki, kahit matanda na noon si Abraham. 3 Isaac ang ipinangalan ni Abraham sa kanyang anak. 4 Ayon(AD) sa utos ng Diyos, tinuli ni Abraham ang bata walong araw pagkasilang nito. 5 Isandaang taon na si Abraham nang ipanganak si Isaac. 6 Sinabi ni Sara, “Nakakatawa ang ginawang ito sa akin ng Diyos at sinumang makarinig nito'y tiyak na matatawa rin.” 7 At sinabi pa niya, “Sa edad na iyon ni Abraham, sinong makakapagsabi sa kanyang ako'y mag-aalaga pa ng bata? Gayunman, nabigyan ko pa rin siya ng anak kahit siya'y matanda na.”
8 Lumaki ang bata, at nang ito'y awatin, naghanda nang malaking salu-salo si Abraham.
Pinalayas si Hagar at si Ismael
9 Minsan, nakikipaglaro kay Isaac si Ismael, ang anak ni Abraham kay Hagar na taga-Egipto. 10 Nang(AE) makita ito ni Sara, sinabi niya kay Abraham, “Palayasin mo ang aliping iyan at ang kanyang anak, sapagkat ang anak ng aliping iyan ay hindi dapat makibahagi sa mamanahin ng anak kong si Isaac!” 11 Labis itong ikinalungkot ni Abraham sapagkat anak din niya si Ismael. 12 Ngunit(AF) sinabi ng Diyos kay Abraham, “Huwag kang mag-alala tungkol sa mag-ina. Sundin mo na ang gusto ni Sara, sapagkat kay Isaac magmumula ang lahing sinabi ko sa iyo. 13 Ngunit ang anak mong iyan kay Hagar ay magkakaanak din ng marami, at sila'y magiging isang bansa, dahil anak mo rin naman si Ismael.”
14 Madaling araw pa lamang, ang mag-ina'y ipinaghanda na ni Abraham ng baong pagkain at inumin. Ipinapasan ni Abraham ang mga ito kay Hagar at ang mag-ina ay kanyang pinaalis. Nagpagala-gala sila sa ilang ng Beer-seba. 15 Nang maubos na ang dalang tubig, iniwan ni Hagar ang kanyang anak sa lilim ng isang mababang punongkahoy, 16 at naupo nang may sandaang metro mula sa kinaroroonan ng bata. Sabi niya sa sarili, “Di ko matitiis na makitang mamatay ang aking anak.” Samantalang nakaupo siyang nag-iisip, umiiyak naman ang bata.[i]
17 Narinig ng Diyos ang iyak ng bata, at nagsalita mula sa langit ang anghel ng Diyos, “Hagar, anong bumabagabag sa iyo? Huwag kang matakot. Naririnig ng Diyos ang iyak ng iyong anak. 18 Lapitan mo siya at patahanin. Gagawin kong isang dakilang bansa ang kanyang lahi.” 19 Pinagliwanag ng Diyos ang paningin ni Hagar at nakita nito ang isang balon. Pinuno niya ng tubig ang dalang sisidlan at pinainom ang bata. 20 Hindi nga pinabayaan ng Diyos si Ismael; ito'y lumaki sa ilang ng Paran at naging mahusay na mangangaso. 21 Ikinuha siya ng kanyang ina ng mapapangasawa mula sa lupain ng Egipto.
Ang Kasunduan nina Abraham at Abimelec
22 Nang(AG) panahong iyon, isinama ni Haring Abimelec si Picol, pinuno ng hukbo, at sila'y nagpunta kay Abraham. Sinabi ni Abimelec kay Abraham, “Sa lahat ng gawain mo'y pinagpapala ka ng Diyos. 23 Isumpa mo ngayon sa harap ng Diyos na hindi mo ako dadayain pati na ang aking lahi. Kung paanong ako'y naging tapat sa iyo, ipangako mo rin namang magiging tapat ka sa akin at sa lupaing ito na tinitirhan mo ngayon.”
24 “Nangangako ako,” tugon naman ni Abraham.
25 Ngunit nagreklamo si Abraham kay Abimelec tungkol sa isang balon na inagaw ng mga alipin ng hari. 26 Sumagot si Abimelec, “Hindi ko nalalaman iyon. Bakit ngayon mo lamang sinabi sa akin?” 27 Nagkasundo ang dalawa, at binigyan ni Abraham si Abimelec ng ilang tupa't baka. 28 Ibinukod ni Abraham ang pitong tupa ng kanyang kawan. 29 “Anong kahulugan nito?” tanong ni Abimelec.
30 Sumagot si Abraham, “Ito'y para sa iyo, bilang pagsang-ayon mo na akin ang balong ito.” 31 Kaya ang lugar na iyon ay tinawag na Beer-seba,[j] sapagkat doon ay nanumpa sila sa isa't isa.
32 Matapos ang sumpaang iyon, bumalik na sa lupain ng mga Filisteo si Abimelec at si Picol na pinuno ng kanyang hukbo. 33 Pagkaalis nila'y nagtanim naman si Abraham ng punong tamarisko sa Beer-seba at sumamba kay Yahweh, ang Diyos na Walang Hanggan. 34 Mahabang panahong nanirahan si Abraham sa lupain ng mga Filisteo.
Footnotes
- Genesis 12:3 sa pamamagitan…pagpapalain: o kaya'y hihilingin ng lahat ng mga bansa na pagpalain ko sila tulad ng aking pagpapala sa iyo .
- Genesis 16:11 ISMAEL: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng pangalang ito'y “nakikinig ang Diyos”.
- Genesis 17:5 ABRAHAM: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Abraham” at “ama ng maraming bansa” ay magkasintunog.
- Genesis 17:15 SARA: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng pangalang ito ay “prinsesa”.
- Genesis 17:19 ISAAC: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng pangalang ito ay “siya'y tumawa”.
- Genesis 19:22 ZOAR: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Zoar” at “maliit” ay magkasintunog.
- Genesis 19:37 MOAB: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Moab” at “mula sa aking ama” ay magkasintunog.
- Genesis 19:38 BEN-AMMI: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng pangalang ito'y “Anak ng aking kamag-anak.”
- Genesis 21:16 umiiyak naman ang bata: Sa ibang manuskrito'y umiiyak si Hagar .
- Genesis 21:31 BEER-SEBA: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito ay “sumpaan”.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.