Add parallel Print Page Options

Ang Paglikha

Nang pasimula, nilikha ng Dios ang langit at ang lupa. Ang mundo noon ay wala pang anyo at wala pang laman. Ang tubig na bumabalot sa mundo ay balot ng kadiliman. At ang Espiritu ng Dios[a] ay kumikilos sa ibabaw ng mga tubig. Sinabi ng Dios, “Magkaroon ng liwanag!” At nagkaroon nga ng liwanag. Nasiyahan ang Dios sa liwanag na nakita niya. Pagkatapos, inihiwalay niya ang liwanag sa kadiliman. Tinawag niyang “araw” ang liwanag, at “gabi” naman ang kadiliman. Lumipas ang gabi at dumating ang umaga. Iyon ang unang araw.

Pagkatapos, sinabi ng Dios, “Magkaroon ng pagitan na maghihiwalay sa tubig sa dalawang bahagi.” At nagkaroon nga ng pagitan na naghihiwalay sa tubig sa itaas at sa tubig sa ibaba. Ang pagitang itoʼy tinawag ng Dios na “kalawakan.” Lumipas ang gabi at dumating ang umaga. Iyon ang ikalawang araw.

Pagkatapos, sinabi ng Dios, “Magsama sa isang lugar ang tubig sa mundo para lumitaw ang tuyong bahagi.” At iyon nga ang nangyari. 10 Tinawag niyang “lupa” ang tuyong lugar, at “dagat” naman ang nagsamang tubig. Nasiyahan ang Dios sa nakita niya.

11 Pagkatapos, sinabi ng Dios, “Magsitubo sa lupa ang lahat ng uri ng halaman, ang mga tanim na nagbubunga ng butil, at ang mga punongkahoy na namumunga ayon sa kani-kanilang uri.” At iyon nga ang nangyari. 12 Tumubo sa lupa ang lahat ng uri ng halaman, ang mga tanim na nagbubunga ng butil, at ang mga punongkahoy na namumunga ayon sa kani-kanilang uri. Nasiyahan ang Dios sa nakita niya. 13 Lumipas ang gabi at dumating ang umaga. Iyon ang ikatlong araw.

14 Pagkatapos, sinabi ng Dios, “Magkaroon ng mga ilaw sa kalangitan para ihiwalay ang araw sa gabi, at magsilbing palatandaan ng pagsisimula ng mga panahon,[b] araw at taon. 15 Magningning ang mga ito sa kalangitan para magbigay-liwanag sa mundo.” At iyon nga ang nangyari. 16 Nilikha ng Dios ang dalawang malaking ilaw: ang pinakamalaki ay magliliwanag kung araw, at ang mas malaki ay magliliwanag kung gabi. Nilikha rin niya ang mga bituin. 17-18 Inilagay ng Dios ang mga ito sa kalangitan para magbigay-liwanag sa mundo kung araw at gabi, at para ihiwalay ang liwanag sa dilim. At nasiyahan ang Dios sa nakita niya. 19 Lumipas ang gabi at dumating ang umaga. Iyon ang ikaapat na araw.

20 Pagkatapos, sinabi ng Dios, “Magkaroon ng ibaʼt ibang hayop sa tubig at magsilipad ang ibaʼt ibang hayop[c] sa himpapawid.” 21 Kaya nilikha ng Dios ang malalaking hayop sa dagat, at ang lahat ng uri ng hayop na nakatira sa tubig, at ang lahat ng uri ng hayop na lumilipad. Nasiyahan ang Dios sa nakita niya. 22 At binasbasan niya ang mga ito. Sinabi niya, “Magpakarami kayo, kayong mga hayop sa tubig at mga hayop na lumilipad.” 23 Lumipas ang gabi at dumating ang umaga. Iyon ang ikalimang araw.

24 Pagkatapos, sinabi ng Dios, “Magkaroon ng ibaʼt ibang uri ng hayop sa lupa: mga hayop na maamo at mailap, malalaki at maliliit.” At iyon nga ang nangyari. 25 Nilikha ng Dios ang lahat ng ito at nasiyahan siya sa nakita niya.

26 Pagkatapos, sinabi ng Dios, “Likhain natin ang tao ayon sa ating wangis. Sila ang mamamahala sa lahat ng uri ng hayop: mga lumalangoy, lumilipad, lumalakad at gumagapang.” 27 Kaya nilikha ng Dios ang tao, lalaki at babae ayon sa wangis niya. 28 Binasbasan niya sila at sinabi, “Magpakarami kayo para mangalat ang mga lahi ninyo at mamahala sa buong mundo. At pamahalaan ninyo ang lahat ng hayop.”

29 Pagkatapos, sinabi ng Dios, “Ibinibigay ko sa inyo ang mga tanim na namumunga ng butil pati ang mga punongkahoy na namumunga para inyong kainin. 30 At ibinibigay ko sa lahat ng hayop ang lahat ng luntiang halaman bilang pagkain nila.” At iyon nga ang nangyari. 31 Pinagmasdan ng Dios ang lahat niyang nilikha at lubos siyang nasiyahan. Lumipas ang gabi at dumating ang umaga. Iyon ang ikaanim na araw.

Natapos likhain ng Dios ang kalangitan, ang mundo at ang lahat ng naroon. Natapos niya ito sa loob ng anim na araw at nagpahinga siya sa ikapitong araw. Binasbasan niya ang ikapitong araw at itinuring na di-pangkaraniwang araw, dahil sa araw na ito nagpahinga siya nang matapos niyang likhain ang lahat. Ito ang salaysay tungkol sa paglikha ng Dios sa kalangitan at sa mundo.

Si Adan at si Eva

Nang likhain ng Panginoong Dios ang mundo at ang kalangitan, wala pang tanim sa mundo at wala pang binhi ng anumang halaman ang nabubuhay, dahil hindi pa siya nagpapaulan at wala pang tao na mag-aalaga ng lupa. Pero kahit wala pang ulan, ang mga bukal sa mundo ang siyang bumabasa sa lupa.

Nilikha ng Panginoong Dios ang tao mula sa lupa. Hiningahan niya sa ilong ang tao ng hiningang nagbibigay-buhay. Kaya ang tao ay naging buhay na nilalang.

Pagkatapos, nilikha rin ng Panginoong Dios ang isang halamanan sa Eden, sa bandang silangan, at doon niya pinatira ang tao na nilikha niya. At pinatubo ng Panginoong Dios ang lahat ng uri ng puno na magagandang tingnan at may masasarap na bunga. Sa gitna ng halamanan ay may puno na nagbibigay ng buhay, at may puno rin doon na nagbibigay ng kaalaman kung ano ang mabuti at masama.

10 Sa Eden ay may ilog na dumadaloy na siyang nagbibigay ng tubig sa halamanan. Nagsanga-sanga ito sa apat na ilog. 11 Ang pangalan ng unang ilog ay Pishon. Dumadaloy ito sa buong lupain ng Havila kung saan mayroong ginto. 12 Sa lugar na iyon makikita ang purong ginto, ang mamahaling pabango na bediliyum, at ang mamahaling bato na onix. 13 Ang pangalan ng ikalawang ilog ay Gihon. Dumadaloy ito sa buong lupain ng Cush. 14 Ang pangalan ng ikatlong ilog ay Tigris. Dumadaloy ito sa silangan ng Asiria. At ang ikaapat na ilog ay ang Eufrates.

15 Pinatira ng Panginoong Dios sa halamanan ng Eden ang taong nilikha niya para mag-alaga nito. 16 At sinabi niya sa tao, “Makakakain ka ng kahit anong bunga ng punongkahoy sa halamanan, 17 maliban lang sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng kaalaman kung ano ang mabuti at masama. Sapagkat sa oras na kainin mo ito, tiyak na mamamatay ka.”

18 Pagkatapos, sinabi ng Panginoong Dios, “Hindi mabuting mabuhay ang tao nang nag-iisa lang, kaya igagawa ko siya ng kasama na tutulong sa kanya at nararapat sa kanya.” 19 Nilikha ng Panginoong Dios mula sa lupa ang lahat ng uri ng hayop na nakatira sa lupa pati ang lahat ng uri ng hayop na lumilipad. Pagkatapos, dinala niya ang mga ito sa tao para tingnan kung ano ang ipapangalan nito sa kanila. At kung ano ang itatawag ng tao sa kanila, iyon ang magiging pangalan nila. 20 Kaya pinangalanan ng tao ang mga hayop na nakatira sa lupa pati ang mga hayop na lumilipad. Pero para kay Adan,[d] wala kahit isa sa kanila ang nararapat na maging kasama niya na makakatulong sa kanya. 21 Kaya pinatulog ng Panginoong Dios ang tao nang mahimbing. At habang natutulog siya, kinuha ng Panginoong Dios ang isa sa mga tadyang ng lalaki at pinaghilom agad ang pinagkuhanan nito. 22 Ang tadyang na kinuha ng Panginoong Dios sa lalaki ay nilikha niyang babae, at dinala niya sa lalaki.

23 Sinabi ng lalaki,

“Narito na ang isang tulad ko!
    Buto na kinuha sa aking mga buto, at laman na kinuha sa aking laman.
    Tatawagin siyang ‘babae,’ dahil kinuha siya mula sa lalaki.”[e]

24 Iyan ang dahilan na iiwan ng lalaki ang kanyang amaʼt ina at makikipag-isa sa kanyang asawa, at silang dalawa ay magiging isa.

25 Nang panahong iyon, kahit huboʼt hubad silang dalawa, hindi sila nahihiya.

Ang Pagkakasala ng Tao

Sa lahat ng hayop na nilikha ng Panginoong Dios, ang ahas ang pinakatuso. Minsan, tinanong ng ahas ang babae, “Totoo bang pinagbabawalan kayo ng Dios na kumain ng bunga ng alin mang puno sa halamanan?”

Sumagot ang babae, “Makakain namin ang kahit anong bunga ng puno rito sa halamanan, maliban lang sa bunga ng puno na nasa gitna ng halamanan. Sapagkat sinabi ng Dios na hindi kami dapat kumain o humipo man lang ng bunga ng punong iyon. Kapag ginawa namin iyon, mamamatay kami.”

Pero sinabi ng ahas, “Hindi totoong mamamatay kayo! Sinabi iyan ng Dios dahil alam niya na kapag kumain kayo ng bungang iyon, mabubuksan ang mga isip ninyo, at magiging katulad niya kayo na nakakaalam kung ano ang mabuti at masama.”

Nang pinagmasdan ng babae ang puno, napakaganda nitong tingnan at ang bunga ay parang masarap kainin, at dahil sa pagnanais niyang maging marunong, pumitas siya ng bunga at kumain nito. Binigyan din niya ang kanyang asawa na kasama niya, at kinain din ito. Pagkatapos nilang kumain, nalaman nila kung ano ang mabuti at ang masama, at napansin nila na hubad pala sila. Kaya pinagtagni-tagni nila ang mga dahon ng puno ng igos para ipantakip sa kanilang katawan.

Pagdating ng hapon, narinig nila na lumalakad ang Panginoong Dios sa halamanan. Kaya nagtago sila sa mga puno doon. Pero tinawag ng Panginoong Dios ang lalaki, “Nasaan ka?” 10 Sumagot ang lalaki, “Narinig ko po kayo sa halamanan, kaya nagtago ako. Natatakot po ako dahil hubad ako.” 11 Nagtanong ang Panginoong Dios, “Sino ang nagsabi sa iyo na hubad ka? Kumain ka ba ng bunga ng punongkahoy na sinabi ko sa iyo na huwag ninyong kakainin?” 12 Sumagot ang lalaki, “Ang babae po kasi na ibinigay nʼyo sa akin ay binigyan ako ng bunga ng punongkahoy na iyon at kinain ko.”

13 Tinanong ng Panginoong Dios ang babae, “Bakit mo ginawa iyon?” Sumagot ang babae, “Nilinlang po kasi ako ng ahas, kaya kumain po ako.”

Pinarusahan sila ng Dios

14 Kaya sinabi ng Panginoong Dios sa ahas, “Dahil sa ginawa mong ito, parurusahan kita. Sa lahat ng hayop, ikaw lang ang makakaranas ng sumpang ito: Sa buong buhay moʼy gagapang ka sa pamamagitan ng iyong tiyan at ang bibig mo ay palaging makakakain ng alikabok. 15 Ikaw at ang babae ay mag-aaway. Ang lahi mo at ang lahi niya[f] ay mag-aaway din. Dudurugin niya ang ulo mo at tutuklawin mo ang sakong niya.”

16 Sinabi rin niya sa babae, “Dahil sa ginawa mo, dadagdagan ko ang paghihirap mo sa pagbubuntis at mararamdaman mo ang sobrang sakit sa iyong panganganak. Pero sa kabila niyan, hahangarin mo pa rin ang iyong asawa at maghahari siya sa iyo.”[g]

17 Sinabi rin niya sa lalaki, “Dahil naniwala ka sa asawa mo at kumain ng bunga ng punongkahoy na ipinagbawal ko sa inyo, susumpain ko ang lupa! Kaya sa buong buhay mo ay magpapakahirap ka nang husto para makakain. 18 Tutubo sa lupa ang mga damo at halamang may tinik. Ang kakainin moʼy manggagaling sa mga pananim sa bukid. 19 Kinakailangang magpakahirap ka nang husto para makakain, hanggang sa bumalik ka sa lupa na iyong pinagmulan. Dahil sa lupa ka nagmula, sa lupa ka rin babalik.”

20 Pinangalanan ni Adan[h] ang asawa niya na “Eva”[i] dahil siya ang magiging ina ng lahat ng tao. 21 Pagkatapos, gumawa ang Panginoong Dios ng damit mula sa balat ng hayop para kay Adan at sa asawa nito.

Pinaalis ng Dios sina Adan at Eva sa Halamanan ng Eden

22 Sinabi ng Panginoong Dios, “Ang tao ay naging katulad na natin na nakakaalam kung ano ang mabuti at masama. Kinakailangang hindi siya pahintulutang kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng buhay, dahil kung kakain siya, mananatili siyang buhay magpakailanman.” 23 Kaya pinaalis siya ng Panginoong Dios sa halamanan ng Eden para sakahin ang lupa na pinagmulan niya.

24 Nang mapaalis na ng Panginoong Dios ang tao, naglagay siya ng mga kerubin[j] sa bandang silangan ng halamanan ng Eden. At naglagay din siya ng espada na naglalagablab at umiikot para walang makalapit sa puno na nagbibigay ng buhay.

Footnotes

  1. 1:2 Espiritu ng Dios: o, kapangyarihan ng Dios; o, hanging mula sa Dios; o, malakas na hangin.
  2. 1:14 mga panahon: Ang mga panahon ng kapistahan, pagtatanim, pag-aani, at iba pang mahahalagang araw.
  3. 1:20 ibaʼt ibang hayop: Ang salitang Hebreo nito ay nangangahulugang ibon, mga insektong lumilipad, at ng iba pang uri ng mga hayop na lumilipad.
  4. 2:20 kay Adan: o, sa tao.
  5. 2:23 Ang salitang Hebreo na “isha” (babae) ay mula sa salitang “ish” (lalaki).
  6. 3:15 lahi: o, mga lahi.
  7. 3:16 hahangarin … sa iyo: o, susubukan mong maghari sa iyong asawa, pero maghahari siya sa iyo.
  8. 3:20 Adan: Ang ibig sabihin, lalaki; o, mga tao.
  9. 3:20 Eva: Maaaring ang ibig sabihin, nabubuhay.
  10. 3:24 kerubin: Isang uri ng anghel.