Genesis 37
Magandang Balita Biblia
Si Jose at ang Kanyang mga Kapatid
37 Si Jacob ay nanatili sa Canaan, sa lupaing tinirhan ng kanyang ama. 2 Ito ang kasaysayan ng sambahayan ni Jacob:
Nang si Jose ay labimpitong taon na, nag-aalaga siya ng kawan kasama ng kanyang mga kapatid sa ama, ang mga anak nina Bilha at Zilpa, na mga asawang-lingkod ng kanyang ama. Alam niya ang masasamang gawain ng kanyang mga kapatid kaya't ang mga ito'y isinumbong niya sa kanilang ama.
3 Mas mahal ni Israel si Jose kaysa ibang mga anak, sapagkat matanda na siya nang ito'y isinilang. Iginawa niya ito ng damit na mahaba at may manggas.[a] 4 Nang mahalata ng mga kapatid ni Jose na mas mahal siya ng kanilang ama, kinamuhian siya ng mga ito at ayaw siyang pakisamahang mabuti.
5 Minsan, nanaginip si Jose at lalong namuhi ang mga kapatid niya nang ito'y ikuwento niya sa kanila. 6 Sabi ni Jose, “Napanaginipan ko, 7 na tayo ay nasa bukid at nagbibigkis ng trigo. Tumayo ang aking binigkis at yumukod sa paligid nito ang inyong mga binigkis.”
8 “Ano! Ang ibig mo bang sabihin ay maghahari ka sa amin?” tanong nila. At lalo silang nagalit kay Jose.
9 Nanaginip muli si Jose at isinalaysay sa kanyang mga kapatid ang ganito: “Nakita ko sa aking panaginip na ang araw, ang buwan at labing-isang bituin ay yumuko sa aking harapan.”
10 Sinabi rin niya ito sa kanyang ama, at ito'y nagalit din sa kanya.
“Anong ibig mong sabihin?” tanong ng ama. “Kami ng iyong ina't mga kapatid ay yuyuko sa harapan mo?” 11 Inggit(A) na inggit kay Jose ang kanyang mga kapatid. Inisip-isip namang mabuti ng kanyang ama ang mga bagay na ito.
Ipinagbili si Jose at Dinala sa Egipto
12 Isang araw, nasa Shekem ang mga kapatid ni Jose at pinapastol doon ang kawan ng kanilang ama. 13 Sinabi ni Israel kay Jose, “Gumayak ka at sumunod sa iyong mga kapatid.”
“Opo,” tugon ni Jose.
14 Sinabi pa ng kanyang ama, “Tingnan mo kung sila'y nasa mabuting kalagayan. Pagkatapos, bumalik ka agad at nang malaman ko.” Lumakad nga si Jose mula sa libis ng Hebron at nakarating sa Shekem. 15 Sa kanyang paglalakad, nakita siya ng isang lalaki at tinanong kung anong hinahanap niya.
16 “Hinahanap ko po ang aking mga kapatid na nagpapastol ng aming kawan,” sagot niya. “Saan ko po kaya sila makikita?”
17 Sinabi ng lalaki, “Umalis na sila at ang dinig ko'y sa Dotan pupunta.” Sumunod si Jose at natagpuan nga roon ang mga kapatid.
18 Malayo pa'y natanaw na siya ng mga ito. Nagkaisa silang patayin siya. 19 Sinabi nila, “Ayan na ang mahilig managinip! 20 Patayin natin siya at ihulog sa balon, at sabihing siya'y sinila ng mabangis na hayop. Tingnan natin kung ano ang mangyayari sa kanyang mga panaginip.”
21 Narinig ito ni Ruben at binalak niyang iligtas si Jose. Sabi niya, “Huwag, huwag nating patayin. 22 Huwag natin siyang pagbuhatan ng kamay; ihulog na lamang natin sa balon.” Sinabi niya ito, sapagkat ang balak niya ay iligtas ang kapatid at dalhin ito sa kanyang ama. 23 Paglapit ni Jose, hinubad nila ang mahabang damit nito na may manggas,[b] 24 at inihulog sa isang tuyong balon.
25 Habang sila'y kumakain, may natanaw silang pangkat ng mga Ismaelitang mula sa Gilead. Ang kanilang mga kamelyo ay may kargang mga gagawing pabango na dadalhin sa Egipto. 26 Sinabi ni Juda sa kanyang mga kapatid, “Wala tayong mapapala kung papatayin natin ang ating kapatid. 27 Mabuti pa'y ipagbili na lamang natin siya sa mga Ismaelita kaysa ating saktan! Siya'y kapatid din natin, laman ng ating laman at dugo ng ating dugo.” At sila'y nagkasundo. 28 Kaya't(B) nang may dumaraang mga mangangalakal na Midianita, iniahon nila si Jose at ipinagbili sa halagang dalawampung pirasong pilak. At si Jose'y dinala ng mga Ismaelita sa Egipto.
29 Pagbalik ni Ruben sa balon, nakita niyang wala na roon si Jose. Sa laki ng kanyang pagdaramdam, pinunit niya ang kanyang damit. 30 Lumapit siya sa kanyang mga kapatid at ang sabi, “Wala na sa balon si Jose! Ano ang gagawin ko ngayon?”
31 Nagpatay sila ng kambing at itinubog sa dugo nito ang hinubad na damit ni Jose. 32 Pagkatapos, dinala nila ito sa kanilang ama at sinabi, “Nakita po namin ang damit na ito, tingnan nga ninyo kung ito nga ang sa mahal ninyong anak.”
33 Nakilala niya agad ang damit. “Kanya nga ito! Pinatay ng mabangis na hayop ang anak ko! Pihong nagkaluray-luray ang kanyang katawan.” 34 Sinira ni Jacob ang suot niyang damit, at nagsuot ng damit-panluksa. Ipinagluksa niya nang mahabang panahon ang nangyari sa kanyang anak. 35 Inaliw siya ng lahat niyang mga anak ngunit patuloy ang kanyang pamimighati. Sinabi niya, “Mapupunta ako sa daigdig ng mga patay na nagdadalamhati dahil sa pagkawala ng aking anak.” Patuloy siyang nagluksa dahil kay Jose.
36 Samantala, pagdating sa Egipto, ipinagbili si Jose ng mga Midianita kay Potifar, isang punong kawal ng Faraon at kapitan ng mga tanod sa palasyo.
Footnotes
- Genesis 37:3 damit na mahaba at may manggas: o kaya'y damit na maraming kulay .
- Genesis 37:23 damit nito na may manggas: o kaya'y damit na maraming kulay .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.