Add parallel Print Page Options

Nilikha nga ng Diyos ang langit at ang lupa at ang lahat ng bagay na naroroon. Tinapos(A) (B) niyang likhain ang lahat ng ito sa loob ng anim na araw, at siya'y nagpahinga sa ikapitong araw. Pinagpala niya ang ikapitong araw at itinuring itong banal, sapagkat sa araw na ito siya nagpahinga matapos likhain ang lahat. Ganito ang pagkalikha sa langit at sa lupa.

Ang Halamanan ng Eden

Nang likhain ng Panginoong Yahweh ang lupa at lahat ng bagay sa langit, wala pang anumang halaman o pananim sa lupa, sapagkat hindi pa nagpapaulan noon ang Panginoong Yahweh, at wala pa ring nagsasaka. Ngunit mayroon nang bukal ng tubig na dumidilig sa kapatagan sa lupa.[a]

Pagkatapos,(C) ginawa ng Panginoong Yahweh ang tao[b] mula sa alabok, hiningahan niya sa ilong, at nagkaroon ito ng buhay.

Gumawa ang Panginoong Yahweh ng isang halamanan sa Eden, sa dakong silangan, at doon dinala ang taong kanyang nilalang. Pinatubo(D) niya roon ang lahat ng uri ng punongkahoy na magagandang pagmasdan at masasarap ang bunga. Sa gitna ng halamanan ay naroon ang punongkahoy na nagbibigay-buhay, at gayundin ang punongkahoy na nagbibigay-kaalaman tungkol sa mabuti at masama.

10 Umaagos noon mula sa Eden ang isang ilog na dumidilig sa halamanan. Paglabas doon, ito'y nahahati sa apat na sanga. 11 Ang una na kung tawagi'y Ilog Pishon ay umaagos sa lupain ng Havila. 12 Lantay ang ginto roon at marami ring bedelio at batong onise. 13 Ang ikalawang sanga ng ilog na tinawag namang Gihon ay umaagos sa lupain ng Etiopia.[c] 14 Ilog Tigris naman ang tawag sa ikatlong sanga, at umaagos naman ito sa silangan ng Asiria. Ang ikaapat na sanga ng ilog ay ang Eufrates.

15 Inilagay ng Panginoong Yahweh ang tao sa halamanan ng Eden upang ito'y pagyamanin at pangalagaan. 16 Sinabi niya sa tao, “Makakain mo ang alinmang bungangkahoy sa halamanan, 17 maliban sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Huwag na huwag mong kakainin ang bungang iyon, sapagkat sa araw na kainin mo iyon ay mamamatay ka.”

18 Matapos gawin ang lahat ng ito, sinabi ng Panginoong Yahweh, “Hindi mabuti na mag-isa ang tao; bibigyan ko siya ng isang angkop na makakasama at makakatulong.” 19 Kaya, mula sa lupa ay lumikha ang Panginoong Yahweh ng mga hayop sa parang at mga ibon sa himpapawid, dinala niya ang mga ito sa tao upang ipaubaya rito ang pagbibigay ng pangalan sa mga iyon. Kung ano ang kanyang itinawag, iyon ang naging pangalan ng mga ito. 20 Ang tao nga ang nagbigay ng pangalan sa lahat ng ibon sa himpapawid at hayop sa parang. Ngunit wala isa man sa mga ito ang nababagay na makasama at makatulong niya.

21 Kaya't pinatulog ng Panginoong Yahweh ang tao. Samantalang nahihimbing, kinuha niya ang isang tadyang nito at pinaghilom ang laman sa tapat niyon. 22 Ang tadyang na iyo'y ginawa niyang isang babae, at dinala niya ito sa lalaki. 23 Sinabi ng lalaki,

“Sa wakas, narito ang isang tulad ko,
laman ng aking laman, buto ng aking buto;
babae ang itatawag sa kanya, sapagkat sa lalaki[d] siya'y kinuha.”

24 Ito(E) ang dahilan kaya iniiwan ng lalaki ang kanyang ama't ina, nagsasama sila ng kanyang asawa, at sila'y nagiging isa. 25 Kapwa hubad noon ang lalaki at ang babae, ngunit hindi sila nahihiya.

Footnotes

  1. 6 Ngunit…dumidilig sa kapatagan sa lupa: o kaya'y Ngunit may ulap na pumaitaas buhat sa lupa at ito ang dumidilig sa buong kapatagan .
  2. 7 TAO: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “tao” at “alabok” ay magkasintunog.
  3. 13 ETIOPIA: Sa wikang Hebreo ay “Cus”; sakop ng lugar na ito ang mga kasalukuyang bansa ng Etiopia at Sudan.
  4. 23 BABAE…LALAKI: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “babae” at “lalaki” ay magkasintunog.

Nayari ang langit at ang lupa, at ang lahat ng mga bagay sa mga iyon.

Nang(A)(B) ikapitong araw ay natapos ng Diyos ang gawain na kanyang ginawa, at nagpahinga siya nang ikapitong araw mula sa lahat ng gawaing kanyang ginawa.

At binasbasan ng Diyos ang ikapitong araw at kanyang ginawang banal, sapagkat sa araw na iyon ay nagpahinga ang Diyos sa lahat ng gawain na kanyang ginawa.

Ito ang kasaysayan tungkol sa langit at lupa, sa araw na likhain ng Panginoong Diyos ang langit at lupa.

Ang Halamanan ng Eden

Nang sa lupa ay wala pang tanim sa parang, at wala pang damo na tumutubo sa parang,—sapagkat hindi pa nagpapaulan ang Panginoong Diyos sa lupa at wala pang taong nagbubungkal ng lupa,

ngunit may isang ulap[a] na pumaitaas buhat sa lupa at dinilig ang buong kapatagan ng lupa.

At(C) nilalang ng Panginoong Diyos ang tao mula sa alabok ng lupa, at hiningahan ang mga butas ng kanyang ilong ng hininga ng buhay; at ang tao ay naging buháy na kaluluwa.

Naglagay ang Panginoong Diyos ng isang halamanan sa silangan ng Eden, at inilagay niya roon ang taong kanyang nilalang.

At(D) pinatubo ng Panginoong Diyos sa lupa ang lahat ng punungkahoy na nakakalugod sa paningin, at mabuting kainin; gayundin ang punungkahoy ng buhay sa gitna ng halamanan, at ang punungkahoy ng pagkaalam ng mabuti at masama.

10 May isang ilog na lumabas mula sa Eden upang diligin ang halamanan, at mula roo'y nahati at naging apat na ilog.

11 Ang pangalan ng una ay Pishon na siyang umaagos sa palibot ng buong lupain ng Havila, na doo'y may ginto;

12 at ang ginto sa lupang iyon ay mabuti; mayroon doong bedelio at batong onix.

13 Ang pangalan ng ikalawang ilog ay Gihon; na siyang umaagos sa palibot ng buong lupain ng Cus.

14 Ang pangalan ng ikatlong ilog ay Tigris na siyang umaagos sa silangan ng Asiria. At ang ikaapat na ilog ay ang Eufrates.

15 Kinuha ng Panginoong Diyos ang lalaki at inilagay sa halamanan ng Eden upang ito ay kanyang bungkalin at ingatan.

16 At iniutos ng Panginoong Diyos sa lalaki, na sinabi, “Malaya kang makakakain mula sa lahat ng punungkahoy sa halamanan,

17 subalit mula sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagkat sa araw na ikaw ay kumain niyon ay tiyak na mamamatay ka.”

18 At sinabi ng Panginoong Diyos, “Hindi mabuti na ang lalaki ay nag-iisa; siya'y igagawa ko ng isang katuwang na nababagay sa kanya.”

19 Kaya't mula sa lupa ay nilalang ng Panginoong Diyos ang lahat ng hayop sa parang at ang lahat ng ibon sa himpapawid; at dinala sa lalaki upang malaman kung anong itatawag niya sa mga iyon. At anuman ang itawag ng lalaki sa bawat buháy na nilalang ay siyang pangalan nito.

20 At pinangalanan ng lalaki ang lahat ng hayop at ang mga ibon sa himpapawid, at ang bawat hayop sa parang; subalit para sa lalaki ay walang nakitang katuwang na nababagay para sa kanya.

Nilalang ang Babae mula sa Lalaki

21 Kaya't pinatulog nang mahimbing ng Panginoong Diyos ang lalaki, at habang siya'y natutulog, kinuha niya ang isa sa kanyang mga tadyang at pinaghilom ang laman sa lugar na iyon;

22 at ang tadyang na kinuha ng Panginoong Diyos sa lalaki ay ginawang isang babae, at dinala siya sa lalaki.

23 At sinabi ng lalaki,

“Sa wakas, ito'y buto ng aking mga buto
    at laman ng aking laman.
Siya'y tatawaging Babae,
    sapagkat sa Lalaki siya kinuha.”

24 Kaya't(E) iniiwan ng lalaki ang kanyang ama at ang kanyang ina, at pumipisan sa kanyang asawa; at sila'y nagiging isang laman.

25 Ang lalaki at ang kanyang asawa ay kapwa hubad, ngunit sila'y hindi nahihiya.

Footnotes

  1. Genesis 2:6 o batis .

Natapos likhain ng Dios ang kalangitan, ang mundo at ang lahat ng naroon. Natapos niya ito sa loob ng anim na araw at nagpahinga siya sa ikapitong araw. Binasbasan niya ang ikapitong araw at itinuring na di-pangkaraniwang araw, dahil sa araw na ito nagpahinga siya nang matapos niyang likhain ang lahat. Ito ang salaysay tungkol sa paglikha ng Dios sa kalangitan at sa mundo.

Si Adan at si Eva

Nang likhain ng Panginoong Dios ang mundo at ang kalangitan, wala pang tanim sa mundo at wala pang binhi ng anumang halaman ang nabubuhay, dahil hindi pa siya nagpapaulan at wala pang tao na mag-aalaga ng lupa. Pero kahit wala pang ulan, ang mga bukal sa mundo ang siyang bumabasa sa lupa.

Nilikha ng Panginoong Dios ang tao mula sa lupa. Hiningahan niya sa ilong ang tao ng hiningang nagbibigay-buhay. Kaya ang tao ay naging buhay na nilalang.

Pagkatapos, nilikha rin ng Panginoong Dios ang isang halamanan sa Eden, sa bandang silangan, at doon niya pinatira ang tao na nilikha niya. At pinatubo ng Panginoong Dios ang lahat ng uri ng puno na magagandang tingnan at may masasarap na bunga. Sa gitna ng halamanan ay may puno na nagbibigay ng buhay, at may puno rin doon na nagbibigay ng kaalaman kung ano ang mabuti at masama.

10 Sa Eden ay may ilog na dumadaloy na siyang nagbibigay ng tubig sa halamanan. Nagsanga-sanga ito sa apat na ilog. 11 Ang pangalan ng unang ilog ay Pishon. Dumadaloy ito sa buong lupain ng Havila kung saan mayroong ginto. 12 Sa lugar na iyon makikita ang purong ginto, ang mamahaling pabango na bediliyum, at ang mamahaling bato na onix. 13 Ang pangalan ng ikalawang ilog ay Gihon. Dumadaloy ito sa buong lupain ng Cush. 14 Ang pangalan ng ikatlong ilog ay Tigris. Dumadaloy ito sa silangan ng Asiria. At ang ikaapat na ilog ay ang Eufrates.

15 Pinatira ng Panginoong Dios sa halamanan ng Eden ang taong nilikha niya para mag-alaga nito. 16 At sinabi niya sa tao, “Makakakain ka ng kahit anong bunga ng punongkahoy sa halamanan, 17 maliban lang sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng kaalaman kung ano ang mabuti at masama. Sapagkat sa oras na kainin mo ito, tiyak na mamamatay ka.”

18 Pagkatapos, sinabi ng Panginoong Dios, “Hindi mabuting mabuhay ang tao nang nag-iisa lang, kaya igagawa ko siya ng kasama na tutulong sa kanya at nararapat sa kanya.” 19 Nilikha ng Panginoong Dios mula sa lupa ang lahat ng uri ng hayop na nakatira sa lupa pati ang lahat ng uri ng hayop na lumilipad. Pagkatapos, dinala niya ang mga ito sa tao para tingnan kung ano ang ipapangalan nito sa kanila. At kung ano ang itatawag ng tao sa kanila, iyon ang magiging pangalan nila. 20 Kaya pinangalanan ng tao ang mga hayop na nakatira sa lupa pati ang mga hayop na lumilipad. Pero para kay Adan,[a] wala kahit isa sa kanila ang nararapat na maging kasama niya na makakatulong sa kanya. 21 Kaya pinatulog ng Panginoong Dios ang tao nang mahimbing. At habang natutulog siya, kinuha ng Panginoong Dios ang isa sa mga tadyang ng lalaki at pinaghilom agad ang pinagkuhanan nito. 22 Ang tadyang na kinuha ng Panginoong Dios sa lalaki ay nilikha niyang babae, at dinala niya sa lalaki.

23 Sinabi ng lalaki,

“Narito na ang isang tulad ko!
    Buto na kinuha sa aking mga buto, at laman na kinuha sa aking laman.
    Tatawagin siyang ‘babae,’ dahil kinuha siya mula sa lalaki.”[b]

24 Iyan ang dahilan na iiwan ng lalaki ang kanyang amaʼt ina at makikipag-isa sa kanyang asawa, at silang dalawa ay magiging isa.

25 Nang panahong iyon, kahit huboʼt hubad silang dalawa, hindi sila nahihiya.

Footnotes

  1. 2:20 kay Adan: o, sa tao.
  2. 2:23 Ang salitang Hebreo na “isha” (babae) ay mula sa salitang “ish” (lalaki).