Genesis 28-31
Ang Dating Biblia (1905)
28 At tinawag ni Isaac si Jacob, at siya'y binasbasan, at siya'y pinagbilinan, na sinabi sa kaniya, Huwag kang magaasawa sa mga anak ng Canaan.
2 Tumindig ka, pumaroon ka sa Padan-aram, sa bahay ni Bethuel, na ama ng iyong ina, at magasawa ka roon sa mga anak ni Laban, na kapatid na lalake ng iyong ina.
3 At ikaw ay pagpalain nawa ng Dios na Makapangyarihan sa lahat, at ikaw ay palaguin, at ikaw ay paramihin, upang ikaw ay maging kapisanan ng mga bayan;
4 At ibigay nawa sa iyo ang pagpapala kay Abraham, sa iyo, at sangpu sa iyong binhi; upang iyong ariin ang lupaing iyong pinaglakbayan, na ibinigay ng Dios kay Abraham.
5 At pinapagpaalam ni Isaac si Jacob: at naparoon siya sa Padan-aram kay Laban, anak ni Bethuel na taga Siria, na kapatid ni Rebeca, na ina ni Jacob at ni Esau.
6 Nakita nga ni Esau na binasbasan ni Isaac si Jacob, at siya'y pinaparoon sa Padan-aram, upang doon magasawa; at nang siya'y basbasan ay ipinagbilin sa kaniya, na sinasabi, Huwag kang magaasawa sa mga anak ng Canaan.
7 At sumunod si Jacob sa kaniyang ama at sa kaniyang ina, at naparoon sa Padan-aram;
8 At nakita ni Esau na hindi nakalulugod ang mga anak ng Canaan kay Isaac na kaniyang ama;
9 At naparoon si Esau kay Ismael, at nagasawa kay Mahaleth, anak ni Ismael, na anak ni Abraham, na kapatid na babae ni Nabaioth, bukod pa sa mga asawang mayroon na siya.
10 At umalis si Jacob sa Beerseba at napasa dakong Haran.
11 At dumating sa isang dako, at nagparaan ng buong gabi roon, sapagka't lumubog na ang araw; at kumuha ng isa sa mga bato sa dakong yaon, at inilagay sa kaniyang ulunan, at nahiga sa dakong yaon upang matulog.
12 At nanaginip, at narito, ang isang hagdan, na ang puno ay nasa lupa, at ang dulo ay umaabot sa langit; at narito, ang mga anghel ng Dios na nagmamanhik manaog doon.
13 At, narito, ang Panginoon ay nasa kataastaasan niyaon, at nagsabi, Ako ang Panginoon, ang Dios ni Abraham na iyong ama, at ang Dios ni Isaac: ang lupang kinahihigaan mo ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong binhi;
14 At ang iyong binhi ay magiging parang alabok sa lupa, at kakalat ka sa kalunuran, at sa silanganan, at sa hilagaan, at sa timugan at sa iyo at sa iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng angkan sa lupa.
15 At, narito't ako'y sumasa iyo, at iingatan kita saan ka man pumaroon, at pababalikin kita sa lupaing ito sapagka't hindi kita iiwan hanggang hindi ko magawa ang sinalita ko sa iyo.
16 At nagising si Jacob sa kaniyang panaginip, at nagsabi, Tunay na ang Panginoon ay nasa dakong ito, at hindi ko nalalaman.
17 At siya'y natakot, at kaniyang sinabi, Kakilakilabot na dako ito! ito'y hindi iba kundi bahay ng Dios, at ito ang pintuan ng langit.
18 At si Jacob ay bumangong maaga ng kinaumagahan, at kinuha ang batong kaniyang inilagay sa ulunan niya, at kaniyang itinayo na pinakaalaala, at kaniyang binuhusan ng langis sa ibabaw.
19 At ang ipinangalan niya sa dakong yaon ay Betel: datapuwa't ang pangalan ng bayan nang una ay Luz.
20 At si Jacob ay nagpanata, na sinasabi, Kung sasaakin ang Dios, at ako'y iingatan sa daang ito na aking nilalakaran, at ako'y bibigyan ng tinapay na makakain, at damit na maisusuot,
21 Na ano pa't ako'y makabalik na payapa sa bahay ng aking ama, ay ang Panginoon nga ang magiging aking Dios,
22 At ang batong ito na aking itinayo na pinakaalaala ay magiging bahay ng Dios; at sa lahat ng ibigay mo sa akin ay walang pagsalang ang ikasangpung bahagi ay ibibigay ko sa iyo.
29 Nang magkagayo'y nagpatuloy si Jacob ng kaniyang paglalakbay, at napasa lupain ng mga anak ng silanganan.
2 At siya'y tumingin, at nakakita ng isang balon sa parang, at narito, may tatlong kawan ng mga tupa na nagpapahinga sa tabi roon: sapagka't sa balong yaon pinaiinom ang mga kawan: at ang batong nasa ibabaw ng labi ng balon ay malaki.
3 At doon nagkakatipon ang lahat ng kawan: at kanilang iginugulong ang batong nasa ibabaw ng labi ng balon, at pinaiinom ang mga tupa, at muling inilalagay ang bato sa ibabaw ng labi ng balon, sa dako niyaon.
4 At sinabi sa kanila ni Jacob, Mga kapatid ko, taga saan kayo? At kanilang sinabi, Taga Haran kami.
5 At sinabi niya sa kanila, Nakikilala ba ninyo si Laban na anak ni Nachor? At kanilang sinabi, Nakikilala namin siya.
6 At sinabi niya sa kanila, Siya ba'y mabuti? At, kanilang sinabi, Siya'y mabuti: at, narito, si Raquel na kaniyang anak ay dumarating na dala ang mga tupa.
7 At sinabi niya, Narito, maaga pa, ni hindi oras tipunin ang mga hayop: painumin ninyo ang mga tupa, at inyo silang pasabsabin.
8 At kanilang sinabi, Hindi namin magagawa hanggang sa magkatipon ang lahat ng kawan, at igugulong ang bato mula sa labi ng balon; gayon nga aming pinaiinom ang mga tupa.
9 Samantalang nakikipagusap pa siya sa kanila, ay dumating si Raquel na dala ang mga tupa ng kaniyang ama; sapagka't siya ang nagaalaga ng mga iyon.
10 At nangyari, nang makita ni Jacob si Raquel na anak ni Laban, na kapatid ng kaniyang ina, at ang mga tupa ni Laban na kapatid ng kaniyang ina, na lumapit si Jacob at iginulong ang bato mula sa labi ng balon, at pinainom ang kawan ni Laban, na kapatid ng kaniyang ina.
11 At hinagkan ni Jacob si Raquel; at humiyaw ng malakas at umiyak.
12 At kay Raquel ay sinaysay ni Jacob na siya'y kapatid ni Laban, na kaniyang ama, at anak siya ni Rebeca: at siya'y tumakbo at isinaysay sa kaniyang ama.
13 At nangyari, nang marinig ni Laban ang mga balita tungkol kay Jacob, na anak ng kaniyang kapatid, ay tumakbo siya na kaniyang sinalubong, at kaniyang niyakap at kaniyang hinagkan, at kaniyang dinala sa kaniyang bahay. At isinaysay ni Jacob kay Laban ang lahat ng mga bagay na ito.
14 At sinabi sa kaniya ni Laban, Tunay na ikaw ay aking buto at aking laman. At dumoon sa kaniyang isang buwan.
15 At sinabi ni Laban kay Jacob, Sapagka't ikaw ay aking kapatid ay nararapat ka bang maglingkod sa akin ng walang bayad? sabihin mo sa akin kung ano ang magiging kaupahan mo.
16 At may dalawang anak na babae si Laban: ang pangalan ng panganay ay Lea, at ang pangalan ng bunso ay Raquel.
17 At ang mga mata ni Lea ay mapupungay; datapuwa't si Raquel ay maganda at kahalihalina.
18 At sininta ni Jacob si Raquel; at kaniyang sinabi, Paglilingkuran kitang pitong taon dahil kay Raquel na iyong anak na bunso.
19 At sinabi ni Laban, Magaling ang ibigay ko siya sa iyo, kay sa ibigay ko sa iba: matira ka sa akin.
20 At naglingkod si Jacob dahil kay Raquel, na pitong taon; at sa kaniya'y naging parang ilang araw, dahil sa pagibig na taglay niya sa kaniya.
21 At sinabi ni Jacob kay Laban, Ibigay mo sa akin ang aking asawa, sapagka't naganap na ang aking mga araw upang ako'y sumiping sa kaniya.
22 At pinisan ni Laban ang lahat ng tao roon at siya'y gumawa ng isang piging.
23 At nangyari nang kinagabihan, na kaniyang kinuha si Lea na kaniyang anak at dinala niya kay Jacob, at siya'y sumiping sa kaniya.
24 At sa kaniyang anak na kay Lea ay ibinigay na pinaka alilang babae ang kaniyang alilang si Zilpa.
25 At nangyari, na sa kinaumagahan, narito't si Lea: at kaniyang sinabi kay Laban: Ano itong ginawa mo sa akin? Hindi ba kita pinaglingkuran dahil kay Raquel? Bakit mo nga ako dinaya?
26 At sinabi ni Laban, Hindi ginagawa ang ganyan dito sa aming dako, na ibinibigay ang bunso, bago ang panganay.
27 Tapusin mo ang kaniyang sanglingo, at ibibigay rin naman namin sa iyo ang isa, dahil sa paglilingkod na gagawin mong pitong taon pa, sa akin.
28 At gayon ang ginawa ni Jacob, at tinapos niya ang sanglingo nito, at ibinigay ni Laban sa kaniya si Raquel na kaniyang anak na maging asawa niya.
29 At sa kaniyang anak na kay Raquel ay ibinigay ni Laban na pinaka alilang babae ang kaniyang alilang si Bilha.
30 At sumiping din naman si Jacob kay Raquel, at kaniya namang inibig si Raquel ng higit kay Lea, at naglingkod siya kay Laban na pitong taon pa.
31 At nakita ng Panginoon na si Lea ay kinapopootan niya, at binuksan ang kaniyang bahay-bata; datapuwa't si Raquel ay baog.
32 At naglihi si Lea, at nanganak ng isang lalake, at tinawag niya ang kaniyang pangalan na Ruben; sapagka't kaniyang sinabi, Sapagka't nilingap ng Panginoon ang aking kapighatian; dahil sa ngayo'y mamahalin ako ng aking asawa.
33 At naglihi uli, at nanganak ng isang lalake; at nagsabi, Sapagka't narinig ng Panginoon na ako'y kinapopootan ay ibinigay rin naman sa akin ito: at pinanganlan niyang Simeon.
34 At naglihi uli at nanganak ng isang lalake; at nagsabi, Ngayo'y masasama na sa akin ang aking asawa, sapagka't nagkaanak ako sa kaniya ng tatlong lalake: kaya't pinanganlan niyang Levi.
35 At muling naglihi at nanganak ng isang lalake, at nagsabi, Ngayo'y aking pupurihin ang Panginoon: kaya't pinanganlang Juda; at hindi na nanganak.
30 At nang makita ni Raquel, na hindi siya nagkakaanak kay Jacob, ay nainggit si Raquel sa kaniyang kapatid; at sinabi kay Jacob, Bigyan mo ako ng anak, o kung hindi ay mamamatay ako!
2 At nagningas ang galit ni Jacob laban kay Raquel; at nagsabi, Ako ba'y nasa kalagayan ng Dios, na nagkait sa iyo ng bunga ng bahay-bata?
3 At sinabi niya, Narito ang aking alilang si Bilha, sumiping ka sa kaniya; upang manganak sa ibabaw ng aking mga tuhod, at magkaroon din naman ako ng anak sa pamamagitan niya.
4 At ibinigay niyang asawa si Bilha na kaniyang alila: at sinipingan ni Jacob.
5 At naglihi si Bilha, at nagkaanak kay Jacob, ng isang lalake.
6 At sinabi ni Raquel, Hinatulan ako ng Dios, at dininig din naman ang aking tinig, at binigyan ako ng anak: kaya't pinanganlang Dan.
7 At si Bilhang alila ni Raquel ay naglihi uli at ipinanganak ang kaniyang ikalawang anak kay Jacob.
8 At sinabi ni Raquel, Ako'y nakipagbaka ng malaking pakikipagbaka sa aking kapatid, at ako'y nanaig: at siya'y pinanganlang Nephtali.
9 Nang makita ni Lea, na siya'y hindi na nanganganak, ay kinuha si Zilpa na kaniyang alila at ibinigay na asawa kay Jacob.
10 At si Zilpa na alila ni Lea ay nagkaanak ng isang lalake kay Jacob.
11 At sinabi ni Lea, Kapalaran! at pinanganlang Gad.
12 At ipinanganak ni Zilpa na alila ni Lea, ang kaniyang ikalawang anak kay Jacob.
13 At sinabi ni Lea, Mapalad ako! sapagka't tatawagin akong mapalad ng mga babae: at tinawag niya ang kaniyang pangalan na Aser.
14 At yumaon si Ruben nang panahon ng paggapas ng trigo, at nakasumpong ng mga mandragoras sa bukid, at dinala sa kaniyang inang kay Lea. Nang magkagayo'y sinabi ni Raquel kay Lea, Ipinamamanhik ko sa iyo na bigyan mo ako ng mga mandragoras ng iyong anak.
15 At kaniyang sinabi, Kakaunti pa bang bagay na iyong kinuha ang aking asawa? at ibig mo pa ring kunin ang mga mandragoras ng aking anak? At sinabi ni Raquel, Kaya't sisiping siya sa iyo ngayong gabi, dahil sa mga mandragoras ng iyong anak.
16 At si Jacob ay umuwing galing sa bukid ng hapon, at sinalubong siya ni Lea, at sa kaniya'y sinabi, Sa akin ka dapat sumiping; sapagka't tunay na ikaw ay aking inupahan ng mga mandragoras ng aking anak. At sumiping siya sa kaniya ng gabing yaon.
17 At dininig ng Dios si Lea: at siya'y naglihi at kaniyang ipinanganak kay Jacob ang kaniyang ikalimang anak.
18 At sinabi ni Lea, Ibinigay sa akin ng Dios ang aking kaupahan, sapagka't ibinigay ko ang aking alila sa aking asawa: at kaniyang pinanganlang Issachar.
19 At naglihi uli si Lea, at kaniyang ipinanganak ang kaniyang ikaanim na anak kay Jacob.
20 At sinabi ni Lea, Binigyan ako ng Dios ng isang mabuting kaloob; ngayo'y makikisama na sa akin ang aking asawa, sapagka't nagkaanak ako sa kaniya ng anim na lalake: at kaniyang pinanganlang Zabulon.
21 At pagkatapos ay nanganak siya ng babae, at kaniyang pinanganlang Dina.
22 At naalala ng Dios si Raquel, at dininig ng Dios, at binuksan ang kaniyang bahay-bata.
23 At siya'y naglihi at nanganak ng lalake; at kaniyang sinabi, Inalis ng Dios sa akin ang kakutyaan ko:
24 At kaniyang tinawag ang pangalan niya na Jose, na sinasabi, Dagdagan pa ako ng Panginoon ng isang anak.
25 At nangyari, nang maipanganak ni Raquel si Jose, na sinabi ni Jacob kay Laban, Papagpaalamin mo ako upang ako'y makaparoon sa aking dakong tinubuan at sa aking lupain.
26 Ibigay mo sa akin ang aking mga asawa at ang aking mga anak, na siyang kadahilanan ng ipinaglingkod ko sa iyo, at papagpaalamin mo ako: sapagka't talastas mo ang paglilingkod na ipinaglingkod ko sa iyo.
27 At sinabi sa kaniya ni Laban, Kung ako'y nakasumpong ng biyaya sa harap ng iyong mga mata, matira ka: aking napagkilala, na pinagpala ako ng Panginoon dahil sa iyo.
28 At kaniyang sinabi, Sabihin mo sa akin ang iyong kaupahan, at ibibigay ko sa iyo.
29 At sinabi niya sa kaniya, Nalalaman mo kung paanong pinaglingkuran kita, at kung anong lagay ng iyong mga hayop dahil sa akin.
30 Sapagka't kakaunti ang tinatangkilik mo bago ako dumating, at naging isang karamihan; at pinagpala ka ng Panginoon saan man ako pumihit; at ngayo'y kailan naman ako maghahanda ng sa aking sariling bahay?
31 At sa kaniya'y sinabi, Anong ibibigay ko sa iyo? At sinabi ni Jacob, Huwag mo akong bigyan ng anoman: kung ito'y iyong gawin sa akin, ay muli kong papastulin at aalagaan ang iyong kawan.
32 Dadaanan ko ang lahat mong kawan ngayon, na aking ihihiwalay doon ang lahat ng batikbatik at may dungis, at ang lahat na maitim sa mga tupa, at ang may dungis at batikbatik sa mga kambing: at siyang magiging aking kaupahan.
33 Gayon ako sasagutan ng aking katuwiran sa haharapin, pagparito mo, tungkol sa aking kaupahan, na nasa harap mo; yaong lahat na walang batik at walang dungis sa mga kambing, at hindi maitim sa mga tupa, na masusumpungan sa akin, ay maibibilang mong nakaw.
34 At sinabi ni Laban, Narito, mangyari nawa ayon sa iyong sabi.
35 At inihiwalay ni Laban ng araw ding yaon ang mga lalaking kambing na may batik at may dungis, at ang lahat ng babaing kambing na may batik at may dungis, lahat ng mayroong kaunting puti, at lahat ng maitim sa mga tupa, at ibinigay sa mga kamay ng kaniyang mga anak;
36 At siya'y naglakad ng tatlong araw ang pagitan kay Jacob; at pinakain ni Jacob ang nalabi sa mga kawan ni Laban.
37 At kumuha si Jacob ng mga sanga ng alamo, at almendro at kastano; at pinagbabakbakan ng mga batik na mapuputi, at kaniyang pinalitaw na gayon ang puti na nasa mga sanga.
38 At kaniyang inilagay ang mga sangang kaniyang binakbakan sa mga bangbang, sa harap ng kawan, sa mga pinagpapainuman; na pinaparoonan ng mga kawan upang uminom; at nangaglilihi pagka nagsisiparoon upang uminom.
39 At nangaglilihi ang mga kawan sa harap ng mga sanga at nanganganak ang mga kawan ng mga may guhit, may batik at may dungis.
40 At ang mga korderong ito ay inihihiwalay ni Jacob, at inihaharap ang kawan sa dakong may batik, at ang lahat ng maitim sa kawan ni Laban; sa kaniyang ibinukod ang mga kawan niya rin, at hindi isinama sa kawan ni Laban.
41 At nangyari, na kailan ma't maglilihi ang mga malakas sa kawan, ay inilalagay ni Jacob ang mga sanga sa harap ng mga mata ng kawan sa mga bangbang, upang sila'y papaglihihin sa gitna ng mga sanga.
42 Datapuwa't pagka ang kawan ay mahina ay hindi niya inilalagay, kaya't ang mahina ay nagiging kay Laban at ang malakas ay kay Jacob.
43 At ang lalake ay lumagong mainam; at nagkaroon ng malalaking kawan, at ng mga aliping babae at lalake, at ng mga kamelyo at ng mga asno.
31 At narinig ni Jacob ang mga salita ng mga anak ni Laban, na nagsisipagsabi, Kinuha ni Jacob ang lahat ng sa ating ama; at doon sa mga sa ating ama ay tinamo niya ang buong karangalang ito.
2 At minasdan ni Jacob ang mukha ni Laban, at narito't hindi sumasa kaniyang gaya ng dati.
3 At sinabi ng Panginoon kay Jacob, Magbalik ka sa lupain ng iyong mga magulang, at sa iyong kamaganakan; at ako'y sasaiyo.
4 At si Jacob ay nagsugo at tinawag si Raquel at si Lea sa bukid, sa kaniyang kawan,
5 At sinabi sa kanila, Nakikita ko ang mukha ng inyong ama, na hindi sumasaakin na gaya ng dati; datapuwa't ang Dios ng aking ama ay sumaakin.
6 At nalalaman ninyo, na ang aking buong lakas ay ipinaglingkod ko sa inyong ama.
7 At dinaya ako ng inyong ama, at binagong makasangpu ang aking kaupahan; datapuwa't hindi pinahintulutan siya ng Dios, na gawan ako ng masama.
8 Kung kaniyang sinabing ganito, Ang mga may batik ang magiging kaupahan mo; kung magkagayo'y nanganganak ang lahat ng kawan ng mga may batik: at kung kaniyang sinabing ganito, Ang mga may guhit ang magiging kaupahan mo; kung magkagayo'y ang lahat ng kawan ay manganganak ng mga may guhit.
9 Ganito inalis ng Dios ang mga hayop ng inyong ama, at ibinigay sa akin.
10 At nangyari, na sa panahong ang kawan ay naglilihi, ay itiningin ko ang aking mga mata, at nakita ko sa panaginip, at narito, ang mga kambing na lalake na nakatakip sa kawan ay mga may guhit, may batik at may dungis.
11 At sinabi sa akin ng anghel ng Dios, sa panaginip, Jacob: at sinabi ko, Narito ako.
12 At kaniyang sinabi, Itingin mo ngayon ang iyong mga mata, tingnan mo na ang lahat ng kambing na natatakip sa kawan ay may guhit, may batik at may dungis: sapagka't aking nakita ang lahat na ginagawa sa iyo ni Laban.
13 Ako ang Dios ng Betel, na doon mo pinahiran ng langis ang batong pinakaalaala, at doon ka gumawa ng panata sa akin: ngayo'y tumindig ka, umalis ka sa lupaing ito, at bumalik ka sa lupaing pinanganakan sa iyo.
14 At nagsisagot si Raquel at si Lea, at sa kaniya'y sinabi, Mayroon pa ba kaming natitirang bahagi o mana sa bahay ng aming ama?
15 Hindi ba inaari niya kaming taga ibang bayan? sapagka't ipinagbili niya kami at kaniyang lubos nang kinain ang aming halaga.
16 Sapagka't ang buong kayamanang inalis ng Dios sa aming ama, ay amin yaon at sa aming mga anak: ngayon nga, gawin mo ang lahat ng sinabi sa iyo ng Dios.
17 Nang magkagayo'y tumindig si Jacob, at pinasakay sa mga kamello ang kaniyang mga anak at ang kaniyang mga asawa;
18 At dinala ang kaniyang lahat na hayop, at ang kaniyang buong pag-aaring tinipon, ang hayop na kaniyang napakinabang, na kaniyang tinipon, sa Padan-aram, upang pumaroon kay Isaac na kaniyang ama, sa lupain ng Canaan.
19 Si Laban nga ay yumaon upang gupitan ang kaniyang mga tupa: at ninakaw ni Raquel ang mga larawang tinatangkilik ng kaniyang ama.
20 At tumanan si Jacob na di nalalaman ni Laban na taga Siria, sa di niya pagbibigay alam na siya'y tumakas.
21 Ganito tumakas si Jacob sangpu ng buong kaniya; at bumangon at tumawid sa ilog Eufrates, at siya'y tumungo sa bundok ng Gilead.
22 At binalitaan si Laban sa ikatlong araw, na tumakas si Jacob.
23 At ipinagsama niya ang kaniyang mga kapatid, at hinabol niyang pitong araw; at kaniyang inabutan sa bundok ng Gilead.
24 At naparoon ang Dios kay Laban na taga Siria, sa panaginip sa gabi, at sa kaniya'y sinabi, Ingatan mong huwag kang magsalita kay Jacob ng mabuti o masama man,
25 At inabutan ni Laban si Jacob, At naitirik na ni Jacob ang kaniyang tolda sa bundok; at si Laban sangpu ng kaniyang mga kapatid ay nagtirik din sa bundok ng Gilead.
26 At sinabi ni Laban kay Jacob, Anong ginawa mo na tumanan ka ng di ko nalalaman, at dinala mo ang aking mga anak na parang mangabihag sa tabak?
27 Bakit ka tumakas ng lihim, at tumanan ka sa akin; at hindi mo ipinaalam sa akin, upang ikaw ay napagpaalam kong may sayahan at may awitan, may tambol at may alpa;
28 At hindi mo man lamang ipinahintulot sa aking humalik sa aking mga anak na lalake at babae? Ngayon nga'y gumawa ka ng kamangmangan.
29 Nasa kapangyarihan ng aking kamay ang gawan ko kayo ng masama: nguni't ang Dios ng inyong ama ay kinausap ako kagabi, na sinasabi, Ingatan mong huwag kang magsalita kay Jacob ng mabuti o masama man.
30 At ngayon, bagaman iyong inibig yumaon, sapagka't pinagmimithian mong datnin ang bahay ng iyong ama ay bakit mo ninakaw ang aking mga dios?
31 At sumagot si Jacob, at sinabi kay Laban, Sapagka't ako'y natakot: sapagka't sinabi kong baka mo alising sapilitan sa akin ang iyong mga anak.
32 Kaya kung kanino mo masumpungan ang iyong mga dios, ay huwag mabuhay: sa harap ng ating mga kapatid ay iyong kilalanin kung anong mayroon akong iyo, at dalhin mo sa iyo. Sapagka't hindi nalalaman ni Jacob na si Raquel ang nagnakaw.
33 At pumasok si Laban sa tolda ni Jacob, at sa tolda ni Lea, at sa tolda ng dalawang alilang babae, datapuwa't hindi niya nasumpungan; at lumabas sa tolda ni Lea, at pumasok sa tolda ni Raquel.
34 Nakuha nga ni Raquel ang mga larawan, at naisiksik sa mga daladalahan ng kamello at kaniyang inupuan. At inapuhap ni Laban ang buong palibot ng tolda, nguni't hindi niya nasumpungan.
35 At sinabi niya sa kaniyang ama, Huwag magalit ang aking panginoon na ako'y hindi makatindig sa harap mo; sapagka't ako'y mayroon ng kaugalian ng mga babae. At kaniyang hinanap, datapuwa't hindi masumpungan ang mga larawan.
36 At naginit si Jacob at nakipagtalo kay Laban, at sumagot si Jacob, at sinabi kay Laban, Ano ang aking sinalangsang at ang aking kasalanan, upang ako'y habulin mong may pagiinit?
37 Yamang inapuhap mo ang lahat ng aking kasangkapan, anong nasumpungan mong kasangkapan, ng iyong bahay? Ilagay mo rito sa harap ng aking mga kapatid at ng iyong mga kapatid, upang hatulan nila tayong dalawa.
38 Ako'y natira sa iyo nitong dalawang pung taon: ang iyong mga babaing tupa, at ang iyong mga babaing kambing ay hindi nawalan ng kanilang mga anak, at ang mga tupang lalake ng iyong kawan ay hindi ko kinain.
39 Ang nilapa ng mga ganid ay hindi ko dinala sa iyo; ako ang nagbata ng kawalan; sa aking kamay mo hiningi, maging nanakaw sa araw, o nanakaw sa gabi.
40 Ganito nakaraan ako; sa araw ay pinupugnaw ako ng init, at ng lamig sa gabi; at ang pagaantok ay tumatakas sa aking mga mata.
41 Nitong dalawang pung taon ay natira ako sa iyong bahay; pinaglingkuran kitang labing apat na taon dahil sa iyong dalawang anak, at anim na taon dahil sa iyong kawan: at binago mo ang aking kaupahan na makasangpu.
42 Kung hindi sumaakin ang Dios ng aking ama, ang Dios ni Abraham, at ang Katakutan ni Isaac, ay walang pagsalang palalayasin mo ako ngayong walang dala. Nakita ng Dios ang aking kapighatian, ang kapaguran ng aking mga kamay, at sinaway ka niya kagabi.
43 At sumagot si Laban at sinabi kay Jacob, Ang mga anak na babaing ito, ay aking mga anak at itong mga anak ay mga anak ko, at ang mga kawan ay mga kawan ko, at ang lahat ng iyong nakikita ay akin: at anong magagawa ko ngayon sa mga anak kong babae, o sa kanilang mga anak na ipinanganak nila?
44 At ngayo'y halika, gumawa tayo ng isang tipan, ako't ikaw na maging patotoo sa akin at sa iyo.
45 At kumuha si Jacob ng isang bato, at itinindig na pinakaalaala.
46 At sinabi ni Jacob sa kaniyang mga kapatid, Manguha kayo ng mga bato; at kumuha sila ng mga bato at kanilang ginawang isang bunton: at sila'y nagkainan doon sa malapit sa bunton.
47 At pinanganlan ni Laban na Jegarsahadutha, datapuwa't pinanganlan ni Jacob na Galaad.
48 At sinabi ni Laban, Ang buntong ito ay saksi sa akin at sa iyo ngayon. Kaya't ang pangalan niya'y tinawag na Galaad;
49 At Mizpa sapagka't kaniyang sinabi, Bantayan ng Panginoon ako at ikaw, pag nagkakahiwalay tayo.
50 Kung pahirapan mo ang aking mga anak, o kung magasawa ka sa iba bukod sa aking mga anak, ay wala tayong ibang kasama; tingnan mo, ang Dios ay saksi sa akin at sa iyo.
51 At sinabi ni Laban kay Jacob, Narito, ang buntong ito at ang batong pinakaalaalang ito, na aking inilagay sa gitna natin.
52 Maging saksi ang buntong ito, at saksi ang batong ito, na hindi ko lalagpasan ang buntong ito sa dako mo, at hindi mo lalagpasan ang buntong ito at ang batong pinakaalaalang ito sa pagpapahamak sa amin.
53 Ang Dios ni Abraham at ang Dios ni Nachor, ang Dios ng ama nila ay siyang humatol sa atin. At si Jacob ay sumumpa ng ayon sa Katakutan ng kaniyang amang si Isaac.
54 At naghandog si Jacob ng hain sa bundok, at tinawag ang kaniyang mga kapatid upang magsikain ng tinapay: at sila'y nagsikain ng tinapay, at sila'y nagparaan ng buong gabi sa bundok.
55 At bumangong maaga sa kinaumagahan si Laban, at hinagkan ang kaniyang mga anak na lalake at babae, at pinagbabasbasan: at yumaon at umuwi si Laban.