Genesis 19:17-28
Magandang Balita Biblia
17 Pagkatapos, isa sa mga anghel ay nagsabi, “Iligtas ninyo ang inyong sarili! Huwag kayong lilingon o hihinto sa libis! Magtago kayo sa kaburulan para hindi kayo mamatay!”
18 Ngunit sumagot si Lot, “Huwag na po roon, Ginoo. 19 Napakalaki na ng utang na loob ko sa inyo; napakabuti ninyo at iniligtas ninyo ako. Ngunit napakalayo ng mga kaburulan. Baka hindi na ako makarating doon nang buháy. 20 Hindi ba maaaring doon na lamang sa maliit na bayang iyon?”
21 “Oo, sige, doon na kayo magpunta, at hindi ko wawasakin ang bayang iyon. 22 Ngunit magmadali kayo! Hindi ko maitutuloy ang gagawin ko hangga't wala kayo roon.”
Maliit ang bayang iyon kaya ito'y tinawag na Zoar.[a]
Ginunaw ang Sodoma at Gomorra
23 Mataas na ang araw nang makarating si Lot sa Zoar. 24 Saka(A) pa lamang pinaulanan ni Yahweh ng apoy at asupre ang Sodoma at Gomorra. 25 Tinupok ni Yahweh ang mga lunsod na iyon at ang buong libis, lahat ng mamamayan doon pati ang mga pananim. 26 Ngunit(B) lumingon ang asawa ni Lot kaya't ito'y naging isang haliging asin.
27 Kinabukasan, maagang nagtungo si Abraham sa dakong pinagtagpuan nila ni Yahweh. 28 Mula roon, tinanaw niya ang Sodoma at Gomorra, at ang buong libis. Nakita niyang tumataas ang makapal na usok na parang nagmumula sa malaking hurno.
Read full chapterFootnotes
- Genesis 19:22 ZOAR: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Zoar” at “maliit” ay magkasintunog.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.