Gawa 2:1-21
Ang Salita ng Diyos
Dumating ang Banal na Espiritu ng Araw ng Pentecostes
2 Nang sumapit ang araw ng Pentecostes, silang lahat ay nasa iisang pook na nagkakaisa.
2 Sila ay nakaupo sa loob ng isang bahay. Biglang may umugong mula sa langit tulad ng humahagibis na marahas na hangin at pinuno nito ang buong bahay. 3 May nagpakita sa kanila na nagkakabaha-bahaging mga dila tulad ng apoy at ito ay lumapag sa bawat isa sa kanila. 4 At silang lahat ay napuspos ng Banal na Espiritu at nagsimulang magsalita sa ibang mga wika ayon sa ibinigay ng Espiritu sa kanila na kanilang sasabihin.
5 Sa Jerusalem ay may mga Judiong naninirahan ng mga panahong iyon. Sila ay mga lalaking palasamba sa Diyos na mula sa bawat bansa sa ilalim ng langit. 6 Nang marinig nila ang usap-usapan ng kanilang pagsasalita, maraming tao ang sama-samang pumunta at sila ay nabalisa sapagkat narinig nila ang mga apostol na nagsasalita sa sariling wika ng mga nakikinig. 7 Ang lahat ay namangha at nagtaka. Sinabi nila sa isa’t isa: Narito, hindi ba ang lahat ng mga nagsasalitang ito ay mga taga-Galilea? 8 Papaanong nangyari na naririnig natin ang bawat isa sa kanila na nagsasalita ng sarili nating wika na ating kinagisnan? 9 Tayo ay taga-Partia, taga-Media at taga-Elam. May mga naninirahan sa Mesopotamia, sa Judea at sa Capadocea. May mga naninirihan sa Pontus at sa Asya. 10 May mga naninirahan sa Frigia, sa Pamfilia, sa Egipto at sa mga bahagi ng Libya na nasa palibot ng Cerene. May mga dumalaw na mula sa Roma, kapwa mga Judio at mga naging Judio. 11 May mga taga-Creta at taga-Arabya. Sa sarili nating mga wika ay naririnig natin silang nagsasalita ng mga dakilang bagay ng Diyos. 12 Lahat ay namangha at nalito. Sinabi nila sa isa’t isa: Ano kaya ang ibig sabihin nito?
13 Ang iba ay nangungutyang nagsabi: Sila ay mga lango sa bagong alak.
Nagsalita si Pedro sa Maraming Tao
14 Ngunit si Pedro ay tumayo kasama ng labing-isa. Nilakasan niya ang kaniyang tinig at nagsalita siya sa kanila: Mga lalaking taga-Judea at kayong lahat na naninirahan sa Jerusalem, alamin ninyo ito at makinig sa aking mga salita.
15 Sila ay hindi mga lasing tulad ng inaakala ninyo sapagkat ika-tatlo pa lamang ang oras ngayon. 16 Subalit ito ang sinabi ng propetang si Joel:
17 Mangyayari sa mga huling araw, sabi ng Diyos: Ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng mga tao. Ang inyong mga anak na lalaki at mga anak na babae ay maghahayag ng salita ng Diyos. Ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain. Ang inyong mga matandang lalaki ay mananaginip ng mga panaginip. 18 Sa mga araw na iyon, ibubuhos ko ang aking Espiritu sa aking mga aliping lalaki at mga aliping babae. At sila ay maghahayag ng salita ng Diyos. 19 Magpapakita ako ng mga kamangha-manghang gawa sa langit na nasa itaas at mga tanda sa lupa na nasa ibaba. Ang mga tanda na ito ay ang dugo, apoy at sumisingaw na usok. 20 Ang araw ay magiging kadiliman at ang buwan ay magiging dugo. Ito ay mangyayari bago dumating ang dakila at hayag na araw ng Panginoon. 21 Mangyayari na ang bawat isang tatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.
Read full chapterCopyright © 1998 by Bibles International