Mga Gawa 12:4-11
Magandang Balita Biblia
4 Pagkadakip(A) kay Pedro, siya'y ikinulong at pinabantayan sa apat na pangkat ng tig-aapat na kawal. Ang balak ni Herodes ay iharap siya sa bayan pagkatapos ng Paskwa, 5 kaya't nanatiling nakabilanggo si Pedro. Subalit ang iglesya ay taimtim na nanalangin sa Diyos para sa kanya.
Pinalaya ng Anghel si Pedro
6 Nang gabi bago iharap ni Herodes si Pedro sa bayan, natutulog ito sa pagitan ng dalawang kawal. Nakagapos siya ng dalawang tanikala at may mga bantay pa sa harap ng pinto ng bilangguan. 7 Walang anu-ano'y lumitaw ang isang anghel ng Panginoon at nagliwanag sa silid-piitan. Tinapik nito si Pedro sa tagiliran at ginising. “Dali, bumangon ka,” sabi ng anghel. Nakalag ang mga tanikala sa mga kamay ni Pedro. 8 “Magbihis ka't magsuot ng sandalyas,” sabi ng anghel, at ganoon nga ang kanyang ginawa. Sinabi pa sa kanya ng anghel, “Magbalabal ka't sumunod sa akin.”
9 Lumabas at sumunod si Pedro sa anghel, ngunit hindi niya alam kung totoo nga ang nangyayaring iyon. Akala niya'y pangitain lamang iyon. 10 Nakalampas sila sa una at pangalawang bantay at nakarating sa pintuang bakal na labasan papunta sa lungsod. Ito'y kusang bumukas at sila'y lumabas. Pagkaraan nila sa isang kalye, bigla siyang iniwan ng anghel.
11 Noon natauhan si Pedro, kaya't sinabi niya, “Ngayon ko natiyak na totoo pala ang lahat! Isinugo ng Panginoon ang kanyang anghel at iniligtas ako sa kamay ni Herodes at sa inaasahan ng mga Judio na mangyari sa akin.”
Read full chapterMagandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.