Gawa 4
Ang Salita ng Diyos
Si Pedro at Juan sa Harapan ng Sanhedrin
4 Habang sila ay nagsasalita sa mga tao, dumating ang mga saserdote, ang pinunong kawal ng templo at ang mga Saduseo.
2 Ang mga ito ay nababahala sapagkat tinuturuan nila ang mga tao at inihayag nila na ang pagkabuhay-muli mula sa mga patay ay sa pamamagitan ni Jesus. 3 Dinakip sila ng mga tao at ibinilanggo hanggang kinabukasan dahil noon ay gabi na. 4 Gayunman, marami sa nakarinig ng salita ang sumampalataya. Ang kabuuang bilang ng mga lalaki ay umabot na nang halos limang libo.
5 Nangyari, kinabukasan, na nagtipun-tipon sa Jerusalemang kanilang mga pinuno at mga matanda at mga guro ng kautusan. 6 Kasama dito sila Anas na pinakapunong-saserdote, at si Caifas, at si Juan, at si Alexandro, at ang lahat ng mga angkan ng mga pinunong-saserdote. 7 Pagkalagay nila sa kanila sa kalagitnaan, tinanong nila sila: Sa anong kapangyarihan o sa kaninong pangalan ninyo ginawa ito?
8 Si Pedro na puspos ng Banal na Espiritu ay nagsabi sa kanila: 9 Mga pinuno ng mga tao at mga matanda ng Israel, sa araw na ito ay sinisiyasat ninyo kami sa mabuting gawa na ginawa sa lalaking lumpo, kung papaano siya gumaling. 10 Alamin ninyong lahat ito at ng lahat ng mga tao sa Israel: Ang lalaking ito ay nakatayo sa inyong harapan na magaling. Siya ay gumaling sa pamamagitan ng pangalan ni Jesucristo na taga-Nazaret na inyong ipinako sa krus, na ibinangon ng Diyos mula sa mga patay. 11 Siya ang:
Bato na hinamak ninyo na mga tagapagtayo. Siya ang naging batong-panulok.
12 Wala nang ibang kaligtasan sa kanino man sapagkat walang ibang pangalan sa ilalim ng langit na ibinigay sa mga tao na ikaliligtas natin.
13 Kanilang nakita ang katapangan nina Pedro at Juan at nalaman nilang sila ay mga lalaking hindi nakapag-aral at hindi naturuan. Nang makita nila ito, sila ay namangha at nakilala nilang sila ay nakasama ni Jesus. 14 Ngunit nang makita nilang nakatayong kasama nila ang lalaking pinagaling, wala silang masabing laban dito. 15 At inutusan nila silang lumabas sa Sanhedrin, sila ay nagsanggunian sa isa’t isa. 16 Kanilang sinabi: Anong gagawin natin sa mga lalaking ito? Ito ay sapagkat tunay na ang tanyag na tanda na nangyari sa pamamagitan ng mga lalaking ito ay nalaman ng lahat ng mga naninirahan sa Jerusalem at hindi natin ito maikakaila. 17 Upang hindi na ito kumalat pa sa mga tao, bantaan natin sila na mula ngayon ay huwag nang magsalita sa kaninuman sa pangalang ito.
18 Tinawag nila sila at inutusang huwag nang magsasalita ni magtuturo sa pangalan ni Jesus kailanman. 19 Ngunit sina Pedro at Juan ay sumagot at sinabi sa kanila: Kung magiging matuwid sa harapan ng Diyos na pakinggan namin kayo nang higit kaysa Diyos, kayo ang hahatol. 20 Ito ay sapagkat hindi namin mapigilang sabihin ang patungkol sa mga bagay na aming nakita at narinig.
21 Nang mabantaan nila silang muli, sila ay pinalaya nila. Wala silang masumpungang paraan kung papaano nila sila maaaring parusahan dahil sa mga tao sapagkat niluluwalhati ng lahat ng mga tao ang Diyos dahil sa nangyari. 22 Ito ay sapagkat ang lalaking ginawan ng tanda ng pagpapagaling ay mahigit nang apatnapung taong gulang.
Ang Panalangin ng mga Mananampalataya
23 Nang sila ay pinalaya, pumunta sila sa mga kasamahan nila at kanilang iniulat ang lahat ng sinabi sa kanila ng mga pinunong-saserdote at ng mga matanda.
24 Nang marinig nila iyon, nagkaisa silang tumawag nang malakas sa Diyos at kanilang sinabi: Ikaw na May-ari ng lahat, ikaw ang Diyos na gumawa ng langit at lupa at ng dagat at ng lahat ng mga naroroon. 25 Sa pamamagitan ng bibig ng iyong lingkod na si David ay sinabi mo:
Bakit sumisigaw sa poot ang mga bansa. Bakit nag-iisip ang mga tao ng mga bagay na walang kabuluhan?
26 Ang mga hari ng lupa ay tumayo at ang mga pinuno ay nagtipun-tipon laban sa Panginoon at laban sa kaniyang Mesiyas.
27 Ito ay sapagkat totoong nagtipun-tipon sina Herodes at Pontio Pilato, kasama ang mga Gentil at ang mga tao sa Israel. Ito ay upang labanan ang iyong Banal na Anak na si Jesus na iyong Mesiyas. 28 Nagtipun-tipon sila upang kanilang gawin ang itinakda ng iyong mga kamay nang una pa at ng iyong kalooban na dapat mangyari. 29 Ngayon Panginoon, tingnan mo ang kanilang mga pagbabanta. Ipagkaloob mo sa amin na iyong mga alipin, na sa buong katapangan ay makapagsalita kami ng iyong salita. 30 Iunat mo ang iyong mga kamay upang magpagaling at ang mga tanda at mga kamangha-manghang gawa ay mangyari sa pamamagitan ng pangalan ng iyong Banal na Anak na si Jesus.
31 Nang sila ay makapanalangin na, ang dakong pinagtitipunan nila ay nauga at sila ay napuspos ng Banal na Espiritu at sinalita nilang may katapangan ang salita ng Diyos.
Nagbahaginan Ang mga Mananampalataya ng Kanilang mga Pag-aari
32 Ang malaking bilang ng mga sumampalataya ay nagkakaisa sa puso at sa kaluluwa. Walang sinuman sa kanila ang nagsabing ang mga bagay na tinatangkilik nila ay kanilang pag-aari. Sila ay nagbabahaginan sa lahat ng bagay.
33 Ang mga apostol ay nagpatotoo sa pagkabuhay-muli ng Panginoong Jesus na may dakilang kapangyarihan at ang dakilang biyaya ang sumakanilang lahat. 34 Walang sinuman sa kanila ang nangailangan sapagkat ipinagbili ng lahat na may mga tinatangkilik na mga lupa o mga bahay ang kanilang pag-aari. Kanilang dinala ang mga halaga ng mga bagay na ipinagbili. 35 Inilagay nila ang mga ito sa paanan ng mga apostol at ang pamamahagi ay ginawa sa bawat tao ayon sa kaniyang pangangailangan.
36 Si Jose ay tinawag na Barnabas ng mga apostol. Ang ibig sabihin ng Barnabas ay ang anak ng kaaliwan. Siya ay mula sa angkan ni Levi at ipinanganak sa isla ng Cyprus. 37 Siya ay may lupain na nang kaniyang maipagbili, ay dinala niya ang salapi at inilagay sa paanan ng mga apostol.
Copyright © 1998 by Bibles International