Gawa 3
Ang Salita ng Diyos
Pinagaling ni Pedro ang Pulubing Lumpo
3 Sina Pedro at Juan ay magkasamang umahon sa templo sa oras ng pananalangin. Ang oras ay ika-siyam.
2 Mayroong isang lalaking lumpo mula pa sa sinapupunan ng kaniyang ina. Araw-araw siya ay dinadala at inilalagay sa pintuan ng templo na tinatawag na Maganda. Dinadala siya roon upang humingi ng kaloob sa mga kahabag-habag mula sa mga pumupunta sa templo. 3 Nang makita niya sina Pedro at Juan na papasok na sa templo, humingi siya ng kaloob sa mga kahabag-habag. 4 Si Pedro at Juan ay tumitig sa kaniya. Sinabi ni Pedro sa kaniya: Tingnan mo kami. 5 Pinagmasdan niya sila dahil umaasa siyang makakatanggap ng isang bagay mula sa kanila.
6 Sinabi ni Pedro: Wala akong pilak at ginto, ngunit anuman ang nasa akin, ibibigay ko sa iyo. Sa pangalan ni Jesucristo na taga-Nazaret, tumindig ka at lumakad ka. 7 Pagkahawak sa kaniyang kamay, itinindig niya siya. Pagdaka, ang kaniyang mga paa at bukong-bukong ay lumakas. 8 Lumukso siya at tumayo at lumakad. At habang pumapasok siya sa templo na kasama nila, siya ay lumalakad at lumulukso na nagpupuri sa Diyos. 9 Ang lahat ng tao ay nakakita na siya ay lumalakad at nagpupuri sa Diyos. 10 Nakilala nila siya na siya iyong umuupo sa pintuang Maganda ng templo, upang manghingi ng kaloob sa kahabag-habag. Sila ay lubos na namangha at labis na nagtaka sa nangyari sa kaniya.
Nagsalita si Pedro sa mga Nanonood
11 Habang ang lalaking lumpo na pinagaling ay nakahawak kay Pedro at Juan, ang mga tao ay sama-samang tumakbo patungo sa kanila na lubos na namangha. Sila ay nasa portiko na tinatawag na portiko ni Solomon.
12 Nang makita ito ni Pedro, sumagot siya sa mga tao: Mga lalaking taga-Israel, bakit kayo namamangha sa bagay na ito? Bakit ninyo kami tinititigan na parang nakalakad ang lalaking ito sa pamamagitan ng sarili naming kapangyarihan o ng aming pagkamaka-Diyos? 13 Ang Diyos ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob, ang Diyos ng mga ninuno natin ay lumuwalhati kay Jesus na kaniyang lingkod. Siya ang inyong ibinigay at inyong ipinagkaila sa harapan ni Pilato na pinasyahan niyang palayain. 14 Ipinagkaila ninyo ang Banal at Matuwid. At hiniling ninyo na ibigay sa inyo ang isang lalaking mamamatay-tao. 15 Ngunit pinatay ninyo ang pinagmulan ng buhay, na siyang ibinangon ng Diyos mula sa mga patay. Kami ay nagpapatotoo patungkol sa pangyayaring ito. 16 At sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang pangalan, ang lalaking ito na inyong nakikita at nakikilala ay pinalakas sa kaniyang pangalan. Ang pananampalataya sa pamamagitan niya ang nagbigay sa kaniya nitong lubos na kagalingan sa harapan ninyong lahat.
17 Ngayon, mga kapatid na lalaki, alam kong kayo ay gumawa sa kawalang-kaalaman tulad din ng inyong mga pinuno. 18 Sa ganitong paraan tinupad ng Diyos ang inihayag noon sa pamamagitan ng bibig ng lahat ng kaniyang mga propeta. Inihayag nila na ang Mesiyas ay dapat maghirap. At ito ay tinupad niya. 19 Magsisi nga kayo at magbalik-loob para sa pagpawi ng inyong mga kasalanan. Ito ay upang dumating ang mga panahon ng pananariwa mula sa harapan ng Panginoon. 20 Ito rin ay upang isugo niya si Jesucristo na ipinangaral noon sa inyo. 21 Si Jesucristo ang tunay na dapat manatili sa langit hanggang sa panahon ng pagpapanumbalik ng lahat ng mga bagay. Ito ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta noong unang panahon. 22 Ito ay sapagkat tunay na sinabi ni Moises sa ating mga ninuno:
Ang Panginoon ninyong Diyos ay magtitindig sa inyo ng isang propeta na tulad ko. Siya ay magmumula sa inyong mga kapatid. Siya ang inyong pakikinggan sa lahat ng bagay anuman ang sabihin niya sa inyo.
23 Mangyayari na ang bawat kaluluwa na hindi makikinig sa propetang iyon ay malilipol mula sa mga tao.
24 Tunay na ang lahat ng mga propeta mula kay Samuel at ang mga sumunod ay naghayag. Ang mga araw na ito ay inihayag na noon ng lahat ng mga nagsalita. 25 Kayo ang mga anak na lalaki ng mga propeta at ng tipan na ipinakipagtipan ng Diyos sa ating mga ninuno. Sinabi niya kay Abraham:
Sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng sambahayan sa lupa.
26 Nang itindig ng Diyos ang kaniyang lingkod na si Jesus, siya ay isinugo muna sa inyo upang pagpalain kayo sa pagtalikod ng bawat isa sa inyo mula sa inyong mga kasamaan.
Copyright © 1998 by Bibles International