Gawa 26
Ang Salita ng Diyos
26 Sinabi ni Agripa kay Pablo: Pinapahintulutan kang magsalita para sa iyong sarili.
Iniunat ni Pablo ang kaniyang kamay at ipinagtanggol ang kaniyang sarili.
2 Haring Agripa, itinuturing kong kaligayahan na sa harapan mo ay gagawin ko ang aking pagtatanggol sa araw na ito. Gagawin ko ang pagtatanggol patungkol sa lahat ng bagay na ipinaratang ng mga Judio sa akin. 3 Lalo na, sapagkat bihasa ka sa lahat ng kaugalian at mga katanungang mayroon sa mga Judio. Kaya nga, hinihiling ko sa iyo na maging matiyaga kayo sa pakikinig sa akin.
4 Nalalaman ng mga Judio ang aking pamumuhay, mula pa sa aking pagkabata, na nagpasimula pa sa gitna ng aking bansa sa Jerusalem. 5 Napagkikilala nila mula pa nang una, kung ibig nilang sumaksi, na alinsunod sa pinakamahigpit na sekta ng aming relihiyon ay nabuhay akong isang Fariseo. 6 Nakatayo ako ngayon upang hatulan dahil sa pag-asa sa pangakong ginawa ng Diyos sa aming mga ama. 7 Dahil doon ang aming labingdalawang lipi ay marubdob na naglilingkod sa Diyos gabi’t araw na inaasahang darating. O Haring Agripa, at patungkol sa pag-asang ito ay isinasakdal ako ng mga Judio. 8 Bakit iniisip ninyong hindi kapani-paniwala na muling bubuhayin ng Diyos ang mga patay.
9 Kaya nga, iniisip ko sa aking sarili, na dapat gumawa ako ng mga bagay na laban sa pangalan ni Jesus na taga-Nazaret. 10 At ito ang ginawa ko sa Jerusalem. Kinulong ko sa bilangguan ang maraming banal, pagkatanggap ko ng kapamahalaan mula sa mga pinunong-saserdote. Nang sila ay papatayin na, ibinigay ko ang aking pagsang-ayon laban sa kanila. 11 Madalas na pinaparusahan ko sila sa mga sinagoga at pinipilit ko silang mamusong. Sa aking lubhang galit sa kanila, pinag-uusig ko sila kahit sa malalayong lungsod ng ibang lupain.
12 Habang naglalakbay ako patungong Dasmasco, taglay ko ang buong kapamahalaan mula sa mga pinunong-saserdote. 13 Nang katanghalian, O Hari, nakita ko habang ako ay nasa daan ang isang ilaw na mula sa langit. Ito ay maningning pa kaysa sa araw at nagliwanag sa palibot ko at sa mga naglalakbay na kasama ko. 14 Kaming lahat ay nadapa sa lupa. Narinig ko ang isang tinig na nagsasalita sa akin sa wikang Hebreo at sinabi: Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig? Mahirap sa iyo ang sumikad sa mga pangtaboy na patpat.
15 Sinabi ko: Sino ka, Panginoon?
Sinabi niya: Ako ay si Jesus na iyong pinag-uusig.
16 Ngunit bumangon ka at ikaw ay tumayo. Ito ang dahilan na ako ay nagpakita sa iyo, upang italaga kitang lingkod at saksi din naman ng mga bagay na nakita mo sa akin. Gayundin naman sa mga bagay na ipakikita ko sa iyo. 17 Ililigtas kita mula sa mga tao at sa mga Gentil. Ngayon ay sinusugo kita sa kanila. 18 Sinusugo kita upang idilat mo ang kanilang mga mata nang sa gayon sila ay bumalik sa ilaw mula sa kadiliman. At sila ay bumalik sa Diyos mula sa kapamahalaan ni Satanas. Sinusugo kita upang sila ay tumanggap ng kapatawaran ng mga kasalanan at ng mana kasama ng mga pinapaging-banal sa pamamagitan ng pananampalataya sa akin.
19 Dahil nga rito, o Haring Agripa, hindi ako naging suwail sa pangitaing mula sa langit. 20 Kundi, nangaral ako, una sa mga taga-Damasco at sa Jerusalem din naman at sa buong lupain ng Judea at gayundin sa mga Gentil. Pinangaralan ko silang magsisi at manumbalik sa Diyos na gumawa ng mga gawang karapat-dapat sa pagsisisi. 21 Dahil sa mga bagay na ito, hinuli ako ng mga Judio sa templo at pinagsisikapang patayin. 22 Nang tanggapin ko nga ang tulong na mula sa Diyos, nanatili ako hanggang sa araw na ito. Nagpapatotoo ako sa mga hindi dakila at gayundin sa mga dakila. Wala akong sinasabing anuman kundi ang sinabi ng mga propeta at gayundin ni Moises na malapit nang mangyari. 23 Kung paanong ang Mesiyas ay kailangang magdusa at kung paanong siya ang unang bubuhaying muli mula sa mga patay, matatanyag ang ilaw sa mga tao at gayundin sa mga Gentil.
24 Nang masabi niya nang gayon ang kaniyang pagtatanggol, sa malakas na tinig ay sinabi ni Festo: Pablo, ikaw ay baliw. Dahil sa labis mong natutunan, ikaw ay nababaliw.
25 Ngunit sinabi niya: Hindi ako baliw, kagalang-galang na Festo. Nagsasalita ako ng mga salitang may katotohanan at salitang may katinuan. 26 Ito ay sapagkat alam ng hari ang mga bagay na ito. Kaya nagsasalita akong may katiyakan dahil nakakatiyak ako na ang mga bagay na ito ay hindi nalilingid sa kaniya. At ang mga ito ay hindi ginawa sa isang sulok lamang. 27 Haring Agripa, naniniwala ka ba sa sinabi ng mga propeta? Alam kong naniniwala ka.
28 Sinabi ni Agripa kay Pablo: Halos mahikayat mo na akong maging Kristiyano.
29 Sinabi ni Pablo: Isinasamo ko sa Diyos na hindi lamang ikaw, kundi ang lahat din ng mga nakikinig sa akin ngayon. Hindi lamang sana halos kundi maging katulad ko maliban sa mga tanikalang ito.
30 Nang masabi na niya ang mga bagay na ito, tumindig ang hari at ang gobernador. Tumindig din si Bernice at ang mga nakaupong kasama nila. 31 Nang makalayo na sila, nag-usap-usap sila na sinasabi: Ang lalaking ito ay walang anumang ginawa na nararapat sa kamatayan o sa mga tanikala.
32 Sinabi ni Agripa kay Festo: Mapapalaya sana ang lalaking ito kung hindi siya umapela kay Cesar.
Copyright © 1998 by Bibles International