Gawa 25
Ang Salita ng Diyos
Nilitis si Pablo sa Harap ni Festo
25 Ngayon, nang makapasok na si Festo sa lalawigan, pagkaraan ng tatlong araw, umahon siya sa Jerusalem mula sa Cesarea.
2 Ang pinakapunong-saserdote at ang pangulo ng mga Judio ay nagbigay-alam sa kaniya laban kay Pablo. Namanhik sila sa kaniya. 3 Hiniling nila na pagbigyan sila na siya ay ipahatid sa Jerusalem. Binalak nilang tambangan siya upang patayin habang siya ay nasa daan. 4 Gayunman, sumagot si Festo na si Pablo ay pananatilihin sa Cesarea. Siya man ay patungo na roon sa madaling panahon. 5 Kaya nga, sinabi niya: Ang mga may kapangyarihan nga sa inyo ay sumamang lumusong sa akin. Kung may anumang pagkakasala ang lalaking ito, isakdal nila siya.
6 Nang siya ay makapanatili na sa kanilang lugar nang mahigit sa sampung araw, lumusong siya sa Cesarea. Kinabukasan, lumuklok siya sa hukuman at iniutos na dalhin si Pablo. 7 Nang dumating siya, pinaligiran siya ng mga Judio na lumusong mula sa Jerusalem. May dala silang marami at mabibigat na paratang laban kay Pablo na pawang hindi nila kayang patunayan.
8 At sinasabi ni Pablo, bilang pagtatanggol: Laban man sa kautusan ng mga Judio, ni laban man sa templo, ni laban man kay Cesar ay hindi ako magkakasala.
9 Ngunit si Festo, dahil ibig niyang kalugdan siya ng mga Judio, ay sumagot kay Pablo at nagsabi: Ibig mo bang umahon sa Jerusalem at doon ka hatulan sa mga bagay na ito sa harapan ko?
10 Nang magkagayon, sinabi ni Pablo: Nakatayo ako sa harapan ng hukuman ni Cesar na dito ako dapat hatulan. Wala akong ginawang anumang kamalian sa mga Judio, iyan ay alam ninyo. 11 Ito ay sapagkat kung nakagawa ako ng anumang kamalian at anumang bagay na nararapat sa kamatayan, hindi ako umiiwas na mamatay. Ngunit kung walang katotohanan ang mga bagay na ipinaparatang nila sa akin, walang may kapangyarihang maibigay ako sa kanila. Ako ay aapela kay Cesar.
12 Nang magkagayon, si Festo, nang nakapagsangguni na sa mga tagapayo ay sumagot: Umapela ka kay Cesar, kaya kay Cesar ka pupunta.
Sumangguni si Festo kay Haring Agripa
13 Pagkaraan ng ilang araw, si Agripa na hari at si Bernice ay lumusong sa Cesarea. Bumati sila kay Festo.
14 Nang makapanatili na sila roon ng maraming araw, isinaysay ni Festo sa hari ang usapin ni Pablo. Sinabi niya: May isang lalaking bilanggo na iniwan si Felix. 15 Nang ako ay nasa Jerusalem, ang mga pinunong-saserdote at ang mga matanda sa mga Judio ay nagbigay-alam sa akin patungkol sa kaniya. Hinihiling nilang humatol ako ng laban sa kaniya.
16 Sumagot ako sa kanila: Hindi kaugalian ng mga taga-Roma na ibigay ang sinumang tao sa kapahamakan hanggang sa hindi nahaharap ang isinasakdal sa mga nagsasakdal. Siya ay bibigyan ng pagkakataong makapagtanggol sa kaniyang sarili patungkol sa paratang. 17 Nang sila nga ay nagkatipon dito, hindi ako nagpaliban. Kundi nang sumunod na araw ay lumuklok ako sa hukuman at iniutos kong dalhin ang lalaki. 18 Nang tumindig ang mga nagsakdal sa kaniya ay walang anumang paratang na maiharap laban sa kaniya gaya ng aking inaakala. 19 Ngunit may ilang mga katanungan laban sa kaniya. Ito ay patungkol sa kanilang sariling relihiyon at patungkol sa isang Jesus na namatay. Pinagtibay ni Pablo na siya ay buhay. 20 Naguguluhan ako patungkol sa mga ganitong uri ng katanungan. Kaya tinanong ko siya kung ibig niyang pumaroon sa Jerusalem at doon siya hatulan patungkol sa mga bagay na ito. 21 Ngunit si Pablo ay umapela na ingatan siya upang pakinggan ng Emperador Augusto. Kaya ipinag-utos ko na ingatan siya hanggang sa siya ay maipadala ko kay Cesar.
22 At sinabi ni Agrippa kay Festo: Ibig kong ako mismo ang makarinig sa lalaking iyon.
At sinabi niya: Bukas, mapapakinggan mo siya.
Si Pablo sa Harap ni Haring Agripa
23 Kinabukasan, dumating si Agripa at Bernice taglay ang malaking pagdiriwang. Sila ay pumasok sa bulwagang, kasama ang mga pinunong-kapitan. Kasama rin ang mga taong kilala sa lungsod. At iniutos ni Festo na ipasok si Pablo.
24 Sinabi ni Festo: Haring Agripa, at lahat ng mga lalaking nariritong kasama namin. Nakikita ninyo ang lalaking ito na isinakdal sa akin maging sa Jerusalem at maging dito man ng buong karamihan ng mga Judio. Isinisigaw nilang hindi na karapat-dapat na siya ay mabuhay pa. 25 Ngunit nasumpungan kong siya ay walang ginawang anumang nararapat sa kamatayan. Sa dahilang siya rin ay umapela kay Augusto, ipinasiya kong siya ay ipadala. 26 Wala akong tiyak na bagay na maisusulat patungkol sa kaniya sa aking panginoon. Kaya dinala ko siya sa harapan ninyo at lalo na sa harapan mo, Haring Agripa. Sa ganoon, kapag natapos na ang pagsiyasat, magkakaroon ako ng bagay na maisusulat. 27 Ito ay sapagkat sa aking palagay ay hindi makatwiran na magpadala ng isang bilanggo na hindi sinasabi ang paratang laban sa kaniya.
Copyright © 1998 by Bibles International