Gawa 14
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Sina Pablo at Bernabe sa Iconium
14 Ang nangyari sa Iconium ay katulad din ng nangyari sa Antioc. Pumunta sina Pablo at Bernabe sa sambahan ng mga Judio. At dahil sa kanilang pangangaral, maraming Judio at hindi Judio ang sumampalataya kay Jesus. 2 Pero mayroon ding mga Judio na hindi sumampalataya. Siniraan nila ang mga mananampalataya sa mga hindi Judio, at sinulsulan pa nilang kalabanin sila. 3 Nagtagal sina Pablo at Bernabe sa Iconium. Hindi sila natakot magsalita tungkol sa Panginoon. Ipinakita ng Panginoon na totoo ang kanilang itinuturo tungkol sa kanyang biyaya, dahil binigyan niya sila ng kapangyarihang gumawa ng mga himala at mga kamangha-manghang bagay. 4 Kaya nahati ang mga tao sa lungsod na iyon; ang ibaʼy kumampi sa mga Judiong hindi mananampalataya, at ang iba namaʼy sa mga apostol.
5 Nagplano ang ilang mga Judio at mga hindi Judio, kasama ang kanilang mga pinuno, na saktan at batuhin ang mga apostol. 6 Nang malaman ng mga apostol ang planong iyon, agad silang umalis papuntang Lystra at Derbe, mga lungsod ng Lycaonia, at sa mga lugar sa palibot nito. 7 Ipinangaral nila roon ang Magandang Balita.
Sina Pablo at Bernabe sa Lystra
8 May isang lalaki sa Lystra na lumpo mula nang ipinanganak. 9 Nakinig siya sa mga mensahe ni Pablo. Tinitigan ni Pablo ang lumpo at nakita niyang may pananampalataya ito na gagaling siya. 10 Kaya malakas niyang sinabi, “Tumayo ka!” Biglang tumayo ang lalaki at naglakad-lakad. 11 Nang makita ng mga tao ang ginawa ni Pablo, sumigaw sila sa wikang Lycaonia, “Bumaba ang mga dios dito sa atin sa anyo ng tao!” 12 Tinawag nilang Zeus si Bernabe, at Hermes naman si Pablo dahil siya ang mismong tagapagsalita. 13 Ang templo ng kanilang dios na si Zeus ay malapit lang sa labas ng lungsod. Kaya nagdala ang pari ni Zeus ng mga torong may kwintas na bulaklak doon sa pintuan ng lungsod. Gusto niya at ng mga tao na ihandog ito sa mga apostol. 14 Nang malaman iyon nina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang kanilang damit[a] at tumakbo sila sa gitna ng mga tao at sumigaw, 15 “Mga kaibigan, bakit maghahandog kayo sa amin? Kami ay mga tao lang na katulad ninyo. Ipinangangaral namin sa inyo ang Magandang Balita para talikuran na ninyo ang mga walang kwentang dios na iyan at lumapit sa Dios na buhay. Siya ang lumikha ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng bagay na narito. 16 Noon, hinayaan na lang ng Dios ang mga tao na sumunod sa gusto nila. 17 Ngunit hindi nagkulang ang Dios sa pagpapakilala ng kanyang sarili sa mga tao sa pamamagitan ng kanyang mabubuting gawa. Binibigyan niya kayo ng ulan at mga ani sa takdang panahon. Masaganang pagkain ang ibinibigay niya sa inyo para matuwa kayo.” 18 Pero kahit ganito ang sinasabi ng mga apostol, nahirapan pa rin silang pigilan ang mga tao na maghandog sa kanila.
19 May mga Judiong dumating mula sa Antioc na sakop ng Pisidia at sa Iconium. Kinumbinsi nila ang mga tao na kumampi sa kanila. Pagkatapos, pinagbabato nila si Pablo at kinaladkad palabas ng lungsod sa pag-aakalang siyaʼy patay na. 20 Pero nang paligiran siya ng mga tagasunod ni Jesus, bumangon siya at bumalik sa lungsod. Kinabukasan, pumunta silang dalawa ni Bernabe sa Derbe.
Bumalik sina Pablo at Bernabe sa Antioc na Sakop ng Syria
21 Ipinangaral nina Pablo at Bernabe ang Magandang Balita sa Derbe at marami silang nahikayat na sumunod kay Jesu-Cristo. Pagkatapos, bumalik na naman sila sa Lystra, Iconium, at sa Antioc na sakop ng Pisidia. 22 Pinatatag nila ang mga tagasunod ni Jesus at pinayuhang magpatuloy sa kanilang pananampalataya. Sinabi pa nila, “Maraming kahirapan ang dapat nating danasin para mapabilang sa paghahari ng Dios.” 23 Pumili sina Pablo at Bernabe ng mga mamumuno sa bawat iglesya. Nag-ayuno sila at nanalangin para sa mga napili, at ipinagkatiwala nila ang mga ito sa Panginoon na kanilang pinananaligan.
24 Pagkatapos, dumaan sila sa Pisidia at dumating sa Pamfilia. 25 Nangaral sila roon sa Perga at pagkatapos ay bumaba sila sa Atalia. 26 Mula roon, bumiyahe sila pabalik sa Antioc na sakop ng Syria. Ito ang lugar na kanilang pinanggalingan, at dito rin sila ipinanalangin ng mga mananampalataya na pagpalain ng Dios ang kanilang gawain na ngayon ay natapos na nila.
27 Nang dumating sina Pablo at Bernabe sa Antioc, tinipon nila ang mga mananampalataya[b] at ikinuwento sa kanila ang lahat ng ginawa ng Dios sa pamamagitan nila, at kung paanong binigyan ng Dios ang mga hindi Judio ng pagkakataong sumampalataya. 28 At nanatili sila nang matagal sa Antioc kasama ang mga tagasunod ni Jesus doon.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®