Add parallel Print Page Options

Magtulungan sa mga Pasanin

Mga kapatid, kung may isa sa inyo na mahulog sa pagkakasala, kayong pinapatnubayan ng Espiritu ang magtuwid sa kanya. Subalit gawin ninyo iyon nang mahinahon, at mag-ingat kayo, baka kayo naman ang matukso. Magtulungan kayo sa pagbuhat ng pasanin ng bawat isa. Sa gayong paraan ay matutupad[a] ninyo ang kautusan ni Cristo. Kung inaakala ninyong kayo'y nakakahigit sa iba, subalit hindi naman, dinadaya ninyo ang inyong sarili. Suriin ng bawat isa ang kanyang gawa. Sa gayon, ang kanyang kagalakan ay nakabatay sa kanyang gawa. Huwag na niyang ihambing pa iyon sa gawa ng iba, sapagkat ang bawat isa ay dapat magdala ng kanyang sariling dalahin.

Ang mga tinuturuan ng salita ng Diyos ay dapat magbahagi ng lahat ng magagandang bagay sa mga nagtuturo.

Huwag ninyong linlangin ang inyong sarili; hindi maaaring tuyain ang Diyos. Kung ano ang itinanim ng tao, iyon din ang kanyang aanihin. Ang nagtatanim para sa sarili niyang laman ay aani ng pagkabulok mula sa laman. Ngunit ang nagtatanim para sa Espiritu ay aani ng buhay na walang hanggan. Kaya't huwag tayong mapagod sa paggawa ng mabuti sapagkat pagdating ng takdang panahon tayo ay aani kung hindi tayo susuko. 10 Kaya nga, basta may pagkakataon ay gumawa tayo ng mabuti sa lahat ng tao, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya.

Pangwakas na Babala at Pagbati

11 Tingnan ninyo kung gaano kalaki ang mga titik na ginagamit ko sa pagsulat sa inyo sa pamamagitan ng sarili kong kamay.

12 Gusto lamang ng mga namimilit sa inyo na kayo'y magpatuli na makita silang gumagawa ng magagandang bagay. Ginagawa nila iyon upang huwag silang usigin dahil sa krus ni Cristo. 13 Kahit na silang mga tuli ay hindi naman tumutupad sa Kautusan; nais lamang nilang patuli kayo upang maipagmalaki nila na kayo man ay tumupad sa tuntuning iyon. 14 Huwag nawang mangyari sa akin na ipagmalaki ko ang anumang bagay bukod sa krus ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Sapagkat sa pamamagitan nito, ang mundong ito'y patay na para sa akin, at ako nama'y patay na rin sa mundo. 15 Hindi mahalaga kung tuli man o hindi ang isang tao. Ang mahalaga ay kung siya ay bago nang nilalang. 16 Manatili nawa ang kapayapaan at habag ng Diyos sa lahat ng namumuhay ayon sa tuntuning ito, at sa buong bayan ng Diyos.

17 Kaya mula ngayon, huwag nang dagdagan ninuman ang aking mga paghihirap, sapagkat ipinapakita ng mga pilat sa aking katawan na ako'y lingkod ni Jesus.

18 Mga kapatid, sumainyo nawang lahat ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Amen.

Footnotes

  1. 2 matutupad: Sa ibang manuskrito'y tinutupad .