Galacia 3
Ang Salita ng Diyos
Pananampalataya o Pagsunod sa Kautusan
3 O mangmang na mga taga-Galacia, sino ang bumighani sa inyo upang huwag ninyong sundin ang katotohanan? Malinaw naming ipinaliwanag sa inyo ang patungkol kay Jesucristo na ang mga tao ang nagpako sa kaniya.
2 Ito lamang ang ibig kong malaman mula sa inyo: Tinanggap ba ninyo ang Espiritu sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan, o sa pamamagitan ng pakikinig na may pananampalataya? 3 Ganyan ba kayo kamangmang?Kayo ay nagsimula sa pamamagitan ng Espiritu. Kayo ba ngayon ay ginawang ganap sa pamamagitan ng gawa ng tao? 4 Kayo ba ay naghirap sa maraming bagay para lang sa walang kabuluhan, kung ito nga ay walang kabuluhan? 5 Ibinibigay ng Diyos sa inyo ang kaniyang Espiritu at gumagawa ng mga himala sa inyong kalagitnaan. Kaya nga, ginawa ba niya ito sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan o sa pamamagitan ng pakikinig na may pananampalataya?
6 Sa ganito ring paraan, si Abraham
ay sumampalataya sa Diyos at iyon ay ibinilang sa kaniya na katuwiran.
7 Kaya nga, alamin ninyo na ang mga anak ni Abraham ay mga sumasampalataya. 8 Nakita na nang una pa sa kasulatan na pinapaging-matuwid ng Diyos ang mga Gentil sa pamamagitan ng pananampalataya. Noon pa ay ipinahayag na ng kasulatan ang ebanghelyo kay Abraham:
Pagpapalain ng Diyos ang lahat ng bansa sa pamamagitan mo.
9 Ito ay upang ang may pananampalataya ay pinagpapalang kasama ni Abraham na sumampalataya.
10 Ito ay sapagkat ang lahat ng nasa ilalim ng kautusan ay nasa ilalim ng sumpa, dahil nasusulat:
Sinumpa ang lahat ng mga hindi nagpapatuloy sa paggawa ng lahat ng mga bagay na nakasulat sa aklat ng kautusan.
11 Ngunit maliwanag na walang sinumang pinapaging-matuwid sa harap ng Diyos sa pamamagitan ng kautusan, sapagkat
ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.
12 Ngunit ang kautusan ay hindi sa pananampalataya. Subalit
ang taong gumaganap ng mga bagay na ito ay mabubuhay sa pamamagitan nito.
13 Nang si Cristo ay naging sumpa nang dahil sa atin, tinubos niya tayo mula sa sumpa ng kautusan sapagkat nasusulat:
Sumpain ang sinumang ibinibitin sa punong-kahoy.
14 Ito ay upang ang pagpapalang ibinigay ng Diyos kay Abraham ay dumating sa mga Gentil sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Ito ay upang sa pamamagitan ng pananampalataya ay matanggap natin ang ipinangakong Espiritu.
Ang Kautusan at ang Pangako
15 Mga kapatid, ako ay nagsasalita ayon sa pananalita ngtao. Kahit na ito ay tipan lamang ng tao, kung ito ay pinagtibay, walang sinumang nagpapawalang-bisa o nagdadagdag nito.
16 Ngunit ngayon, ang mga pangako ay sinabi kay Abraham at sa kaniyang binhi. Hindi sinabi: Sa mga maraming binhi. Sa halip, ay sa iisa sinabi: At sa iyong binhi, at ang binhing iyan ay si Cristo. 17 Ngayon ay sinasabi ko ito: Ang tipan ay pinagtibay na ng Diyos noong una pa man kay Cristo. Pagkalipas ng apat na raan at tatlumpung taon, ang kautusan ay dumating ngunit hindi nito binawi sa tipan at hindi nito pinawalang-bisa ang pangako. 18 Ito ay sapagkat kung ang mana ay nakabatay sa kautusan, ito ay hindi na nakabatay sa pangako. Ngunit ang mana ay ipinagkaloob ng Diyos kay Abraham sa pamamagitan ng pangako.
19 Kaya nga, ano ang layunin ng kautusan? Ito ay idinagdag ng Diyos dahil sa pagsalansang, hanggang sa dumating ang binhi, na siyang binigyan ng pangako. Ang kautusan ay itinakda sa pamamagitan ng mga anghel sa kamay ng isang tagapamagitan. 20 Ang tagapamagitan ay hindi para sa isang panig lamang, ngunit ang Diyos ay iisa.
21 Kaya nga, kung magkagayon, ang kautusan ba ay laban sa mga pangakong ibinigay ng Diyos? Huwag nawang mangyari. Ito ay sapagkat kung maaring makapagkaloob ng isang kautusan na makakapagbigay ng buhay, tunay ngang ang pagpapaging-matuwid ay sa pamamagitan ng kautusan. 22 Subalit ang hangganang itinakda ng kasulatan ay, ang bawat isa ay nasa ilalim ng kasalanan upang ang pangako na dumating sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo ay maibigay sa lahat ng mga nananampalataya.
23 Ngunit bago dumating ang pananampalataya, tayo ay nabilanggo sa ilalim ng kautusan, at nilagyan ng hangganan para sa pananampalataya na ihahayag pagkatapos. 24 Kayanga, ang kautusan ang naging patnugot natin upang tayoay dalhin kay Cristo at upang tayo ay mapaging-matuwidsa pamamagitan ng pananampalataya. 25 Ngayon, kapag dumating na ang pananampalataya, tayo ay hindi na sa ilalim ng isang patnugot.
Mga Anak ng Diyos
26 Sapagkat sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus kayong lahat ay naging mga anak ng Diyos.
27 Ito ay sapagkat lahat kayong binawtismuhan kay Cristo, ay ibinihis ninyo si Cristo. 28 Walang pagkakaiba sa Judio at sa Griyego. Walang alipin o malaya man. Walang lalaki o babae sapagkat iisa kayong lahat kay Cristo Jesus. 29 Yamang kayo ay kay Cristo, binhi kayo ni Abraham at mga tagapagmana ayon sa pangako.
Copyright © 1998 by Bibles International