Galacia 2
Ang Salita ng Diyos
Tinanggap ng mga Apostol si Pablo
2 Makalipas ang labing-apat na taon, umahon akong muli sa Jerusalem kasama si Bernabe. Isinama ko rin si Tito.
2 Umahon ako ayon sa inihayag ng Diyos sa akin at ipinaliwanag ko sa kanila ang ebanghelyo na aking ipinangaral sa mga Gentil. Ngunit sa mga ipinapalagay na nasa matataas na katungkulan ay ipinaliwanag ko nang sarilinan ang ebanghelyo, baka ako ay tumatakbo o tumakbo ng walang katuturan. 3 Bagaman si Tito na kasama ko ay isangGriyego, hindi nila siya napilit na magpatuli. 4 Ito ay kagagawan ng ilang hindi tunay na mga kapatid na pumasok ng palihim upang matyagan ang kalayaang tinaglay namin kay Cristo Jesus nang sa gayon gawin nila kaming mga alipin. 5 Hindi kami nagpailalim sa kanila kahit sandaling panahon lamang upang ang katotohanan ng ebanghelyo ay manatili sa inyo.
6 Ngunit ang mga lalaking ipinapalagay na mga may katungkulan sa akin, walang anuman sa akin kung sino sila. Hindi tinatanggap ng Diyos ang tao batay sa kaniyang panlabas na kaanyuan sapagkat iyon na wari ay kinikilalang mga may matataas na katungkulan ay walang ano mang naidagdag sa aking itinuro. 7 Sa halip, nakita nila na ipinagkatiwala sa akin ng Diyos ang ebanghelyo para sa mga hindi nasa pagtutuli. Ito ay gaya rin naman ng pagkakatiwala niya ng ebanghelyo kay Pedro para sa mga nasa pagtutuli. 8 Ito ay sapagkat ang Diyos na gumawa kay Pedro upang maging apostol sa mga tuli ay siya ring Diyos na gumawa sa akin para sa mga Gentil. 9 Si Santiago, Cefas at Juan ang mga kinilalang mga haligi. Nang maunawaan nila ang biyayang ibinigay ng Diyos sa akin, iniabot nila ang kanilang kanang kamay ng pakikisama kay Bernabe at sa akin. Ibinigay nila ito upang kami ay pumaroon sa mga Gentil at sila naman ay sa mga Judio na mga tuli. 10 Ang kahilingan lamang nila ay huwag naming kalilimutan ang mga dukha na siya ko rin namang pinagsisikapang gawin.
Sinalungat ni Pablo si Pedro
11 Nang si Pedro ay dumating sa Antioquia, tinutulan ko siya nang harapan dahil siya ay mali.
12 Ito ay sapagkat nang hindi pa dumarating ang ilang lalaking galing kay Santiago, siya ay kumakaing kasalo ng mga Gentil. Ngunit nang sila ay dumating, lumayo siya at humiwalay dahil sa takot siya sa mga nasa pagtutuli. 13 At ang ibang Judio ay sumama na rin sa kaniyang pagkukunwari, kaya maging si Bernabe ay nahikayat na rin ng kanilang pagkukunwari.
14 Subalit nakita kong hindi sila lumalakad ng matuwid ayon sa katotohanan ng ebanghelyo. Dahil dito, sinabi ko kay Pedro sa harap ng lahat: Ikaw na isang Judio ay namumuhay nang tulad ng mga Gentil at hindi tulad ng mga Judio, bakit mo pinipilit ang mga Gentil na mamuhay tulad ng mga Judio?
15 Kami ay likas na mga Judio, at hindi kami mga makasalanang Gentil. 16 Alam natin na ang isang tao ay hindi pinapaging-matuwid sa pamamagitan ng gawa ng kautusan kundi sapamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. Tayo rin ay sumampalataya kay Cristo Jesus upang tayo ay mapaging-matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo at hindi sa pamamagitan ng pagsasagawa ng kautusan. Kaya nga, walang sinumang mapapaging-matuwid sa pamamagitan ng pagsasagawa ng kautusan.
17 Kung habang nagsisikap tayong mapaging-matuwid sa pamamagitan ni Cristo, ay nasumpungan pa tayo sa ating mga sarili na mga makasalanan, si Cristo ba, kung gayon, ay tagapaglingkod ng kasalanan? Huwag nawang mangyari. 18 Ito ay sapagkat kung itatayo kong muli ang mga bagay na winasak ko na, pinatutunayan ko lamang na ako ay isang manlalabag ng kautusan. 19 Ito ay sapagkat ako, sa pamamagitan ng kautusan ay namatay sa kautusan, upang ako ay mabuhay sa Diyos. 20 Napako ako sa krus na kasama ni Cristo, gayunman ako ay nabubuhay. Ngunit hindi na ako ang nabubuhay kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. Ang buhay na ikinabubuhay ko ngayon sa laman ay ikinabubuhay ko sa pananampalataya ng Anak ng Diyos na siyang umibig sa akin at nagbigay ng kaniyang sarili para sa akin. 21 Hindi ko winalang-kabuluhan ang biyaya ng Diyos sapagkat kung ang pagiging-matuwid ay sa pamamagitan ng kautusan, si Cristo ay namatay ng walang-kabuluhan.
Copyright © 1998 by Bibles International