Filipos 4
Ang Salita ng Diyos
4 Kaya nga, mga kapatid kong minamahal at pinanabikan, kayo ang aking kagalakan at putong. Magpakatatag kayo sa ganitong paraan sa Panginoon.
Mga Pagtatagubilin
2 Pinagtagubilinan ko sina Euodias at Sintique na magkaisa ng pag-iisip sa Panginoon.
3 Hinihiling ko rin naman sa iyo, tunay na kamanggagawa, na tulungan mo ang mga babaeng ito. Sila ang mga kasama kong nagpagal para sa ebanghelyo, kasama si Clemente at ang iba pang mga kamanggagawa na ang kanilang mga pangalan ay nasa aklat ng buhay.
4 Magalak kayong lagi sa Panginoon at muli kong sasabihin, magalak kayo. 5 Ipakilala ninyo sa lahat ng mga tao ang inyong kahinahunan. Malapit na ang Panginoon. 6 Huwag kayong mabalisa patungkol sa anumang bagay. Sa halip, ipaalam ninyo ang inyong mga kahilingan sa Diyos na may pasasalamat sa pamamagitan ng panalangin at ng panalanging may paghiling. 7 At ang kapayapaang mula sa Diyos, na higit sa anumang pang-unawa, ang siyang mag-iingat sa inyong mga puso at pag-iisip sa pamamagitan ni Cristo Jesus.
8 Sa katapus-tapusan mga kapatid, anumang mga bagay na totoo, anuman ang marangal, anuman ang matuwid, anuman ang dalisay, anumang mga bagay angkaibig-ibig, anuman ang may mabuting ulat, kung mayroon mang kabutihan at anumang kapuri-puri, ang mga bagay na ito ang isipin ninyo. 9 Ang mga bagay din na inyong natutuhan, at tinanggap, at narinig at nakita sa akin ay isagawa ninyo. Sa gayon, ang Diyos ng kapayapaan ay sasainyo.
Pagpapasalamat ni Pablo sa mga Taga-Filipos Dahil sa Kanilang mga Kaloob
10 Ngunit lubos akong nagagalak sa Panginoon na sa wakas muling nanariwa ngayon ang inyong pag-alaala sa akin, na bagaman may pag-alaala kayo sa akin, wala nga lang kayong pagkakataong ipakita ito.
11 Hindi sa ako ay nagsalita dahil sa aking pangangailangan, dahil natutuhan ko nang masiyahan anuman ang aking kalagayan. 12 Alam ko ang mabuhay sa paghihikahos at ang mabuhay sa kasaganaan, kung paano ang ibababa at alam ko kung paano ang sumagana. Sa lahat ng dako at sa lahat ngbagay ay tinuruan akong mabusog at magutom, maging sa kasaganaan at maging sa kasalatan. 13 Ako ay may sapat na lakas na gawin ang lahat ng mga bagay sa pamamagitan ni Cristo na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.
14 Gayunman, napakabuti ng inyong ginawang pakikibahagi sa aking mga paghihirap. 15 Kayong mga taga-Filipos, alam din naman ninyo nasa pasimula pa ng pangangaral ng ebanghelyo, nang umalis ako sa Macedonia, walang ibang iglesiya ang nakipag-isa sa akin patungkol sa pagkakaloob at sa pagtanggap, kundi kayo lamang. 16 Ito ay sapagkat maging noong ako ay nasa Tesalonica ay nagpadala kayong minsan at muli para sa aking pangangailangan. 17 Hindi sapagkat ako ay naghahangad ng kaloob kundi ang hinahangad ko ay masaganang bunga na nakatala para sa inyo. 18 Mayroon ako ng lahat ng bagay at sumasagana. Napunan na ang aking pangangailangan dahil sa natanggap ko mula kay Epafrodito ang mga bagay na ipinadala ninyo. Ito ay samyo na mahalimuyak, isang haing katanggap-tanggap at kalugud-lugod sa Diyos. 19 Ngunit ang aking Diyos ang magpupuno sa inyo ng lahat ng inyong pangangailangan ayon sa kaniyang kayamanan sa kaluwalhatian kay Cristo Jesus.
20 Ngayon, sa ating Diyos at Ama ang kaluwalhatian magpakailan pa man. Siya nawa.
Panghuling Pagbati
21 Batiin ninyo ang bawat banal kay Cristo Jesus. Binabati kayo ng mga kapatid na kasama ko.
22 Binabati kayo ng lahat ng mga banal lalong-lalo na ang mga kasambahay ni Cesar.
23 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo ay sumainyong lahat. Siya nawa!
Copyright © 1998 by Bibles International