Filipos 3
Ang Salita ng Diyos
Walang Pagtitiwala sa Gawa ng Tao
3 Mga kapatid ko, sa katapus-tapusan, magalak kayo sa Panginoon. Ang sumulat sa inyo ng gayunding mga bagay ay totoong hindi mabigat sa akin yamang ito ay upang mailayo kayo sa panganib.
2 Mag-ingat kayo sa mga aso. Mag-ingat kayo sa mga gumagawa ng masama at mga nagpuputol ng laman. 3 Ito ay sapagkat tayo ang nasa pagtutuli, tayo na mga sumasamba sa Diyos sa Espiritu at mga nagmamalaki dahil kay Cristo Jesus, at hindi nagtitiwala sa gawa ng tao. 4 Bagaman ako ay maaari ding magtiwala sa gawa ng tao.
Kung sinuman ay mag-aakala na siya ay may dahilan upang magtiwala sa gawa ng tao, lalo na ako.
5 Tinuli ako sa ika-walong araw. Ako ay nanggaling sa lahi ng Israel,mula sa lipi ni Benjamin. Ako ay isang Hebreong nagmula sa mga Hebreo. Kung ang pag-uusapan ay patungkol sa kautusan, ako ay isang Fariseo. 6 Kung ang pag-uusapan ay patungkol sa kasigasigan, pinag-uusig ko ang iglesiya. Kung ang pag-uusapan ay patungkol sa pagiging matuwid na ayon sa kautusan, walang maipupula sa akin.
7 Subalit anumang mga bagay na kapakinabangan sa akin, ang mga iyon ay itinuturing kong kalugihan alang-alang kay Cristo. 8 Oo, sa katunayan itinuturing kong kalugihan ang lahat ng bagay para sa napakadakilang pagkakilala kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Dahil sa kaniya, tinanggap ko ang pagkalugi sa lahat ng bagay at itinuring kong dumi ang lahat ng mga ito, makamtan ko lamang si Cristo. 9 Sa ganoon, ako ay masumpungan sa kaniya, hindi sa pamamagitan ng sarili kong katuwiran na ayon sa kautusan kundi ang katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, at ang katuwiran na mula sa Diyos ay sa pamamagitan ng pananampalataya. 10 Ito ay upang makilala ko siya at angkapangyarihan ng kaniyang muling pagkabuhay at ang pakikipag-isa sa kaniyang mga paghihirap, upang matulad ako sa kaniya, sa kaniyang kamatayan. 11 At sa anumang paraan ay makarating ako sa muling pagkabuhay ng mga patay.
Pagpapatuloy Patungo sa Nilalayon
12 Hindi sa natamo ko na, o ako ay naging ganap na. Inangkin ako ni Cristo Jesus para sa isang layunin at nagsusumikap ako upang aking maangkin ang layuning iyon.
13 Mga kapatid, hindi ko ibinibilang na naangkin ko na ngunit isang bagay ang ginagawa ko. Nililimot ko na ang mga bagay na nasa likuran ko at pinagsisikapang maabot ang mga bagay na nasa harap ko. 14 Pinagsisikapan kong maabot ang hangganan ng takbuhin para sa gantimpala ng mataas na pagkatawag sa akin ng Diyos na na kay Cristo Jesus.
15 Kaya nga, sa lahat ng mga ganap ay kailangang magkaroon ng ganitong kaisipan. At kung sa anumang bagay ay naiiba ang inyong kaisipan, ipahahayag din naman ito sa inyo ng Diyos. 16 Gayunman, lumakad tayo sa pamamagitan ng gayunding paraan na natamo na natin upang magkaroon tayo ngiisang kaisipan.
17 Mga kapatid, magkaisa kayo sa pagtulad sa akin. Pagmasdan ninyo ang mga lumalakad ayon sa halimbawang nakikita ninyo sa amin. 18 Ito ay sapagkat madalas kong sinasabi sa inyo, at ngayon sasabihin ko sainyong muli na may pagluha, na marami ang lumalakad, na sila ang mga kaaway ng krus ni Cristo. 19 Ang kahihinatnan nila ay kapahamakan. Ang diyos nila ay ang kanilang tiyan. Ang kanilang kaluwalhatian ay ang mga bagay na dapat nilang ikahiya. Ang kanilang kaisipan ay nakatuon sa mga bagay na panlupa. 20 Sapagkat ang ating pagkamamamayan ay nasa langit, na mula roon ay hinihintay naman natin ang Tagapagligtas, ang Panginoong Jesucristo. 21 Siya ang magbabago ng ating walang halagang katawan upang maging katulad ng kaniyang maluwalhating katawan, ayon sa paggawa ng kaniyang kapangyarihan na magpapasakop ng lahat ng bagay sa kaniya.
Copyright © 1998 by Bibles International