Add parallel Print Page Options

Ang Pagpapatayo ng Bagong Altar

Nang dumating ang ikapitong buwan, noong nakatira na ang mga Israelita sa kani-kanilang bayan, nagtipon silang lahat sa Jerusalem nang may pagkakaisa. Pagkatapos, muling itinayo ang altar ng Dios ng Israel para makapag-alay dito ng mga handog na sinusunog ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Moises na kanyang lingkod.[a] Ang nagpatayo nito ay si Jeshua[b] na anak ni Jozadak at ang iba pa niyang mga kasamahang pari, at si Zerubabel na anak ni Shealtiel at ang mga kamag-anak niya. Kahit takot sila sa mga tao na dati nang nakatira sa lupaing iyon,[c] itinayo nila ang altar sa dating pinagtayuan nito. Pagkatapos, nag-alay sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog sa umaga at gabi.

Ipinagdiwang din nila ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Moises. At nag-alay sila ng mga handog na sinusunog, na kinakailangang ihandog sa bawat araw ng ganitong pista. Bukod pa sa mga handog na sinusunog, naghahandog din sila ng mga handog sa bawat Pista ng Pagsisimula ng Buwan,[d] at sa iba pang mga pista sa pagsamba sa Panginoon. At nag-aalay din sila ng handog na kusang-loob para sa Panginoon. Kahit hindi pa nasisimulan ang muling pagpapatayo ng templo ng Panginoon, nagsimula na ang mga Israelita sa pag-aalay ng mga handog na sinusunog nang unang araw ng ikapitong buwan nang taon ding iyon.

Muling Ipinatayo ang Templo

Nagbigay ang mga Israelita ng pera na pambayad sa mga tagatabas ng bato at sa mga karpintero. Nagbigay din sila ng mga pagkain, inumin, at langis na pambayad sa mga taga-Sidon at taga-Tyre para sa mga kahoy na sedro na galing sa Lebanon. Ang mga kahoy na ito ay isasakay sa mga barko at dadalhin sa Jopa. Pinahintulutan ito ni Haring Cyrus ng Persia.

Sinimulan ang pagpapatayo ng templo nang ikalawang buwan ng ikalawang taon mula nang makabalik ang mga Israelita sa Jerusalem. Tulong-tulong sa pagtatrabaho ang lahat ng nakabalik sa Jerusalem galing sa pagkabihag, kasama na rito sina Zerubabel na anak ni Shealtiel, Jeshua na anak ni Jozadak at ang mga kasamahan niyang pari, at ang mga Levita. Ang pinagkatiwalaan sa pamamahala sa pagpapatayo ng templo ng Panginoon ay ang mga Levita na nasa edad 20 taon pataas. Silaʼy si Jeshua,[e] ang mga anak niya at mga kamag-anak, si Kadmiel at ang mga anak niya. Silang lahat ay mula sa lahi ni Juda.[f] Tumulong din sa kanila ang mga angkan at mga kamag-anak ni Henadad na mga Levita rin.

10 Nang matapos na ng mga karpintero ang pundasyon ng templo ng Panginoon, pumwesto na ang mga pari na nakasuot ng kanilang damit na pangpari para hipan ang mga trumpeta. Pumwesto rin ang mga Levita, na angkan ni Asaf, sa pagtugtog ng mga pompyang upang purihin ang Panginoon ayon sa kaparaanan na itinuro noon ni Haring David sa Israel. 11 Nagpuri sila at nagpasalamat sa Panginoon habang umaawit ng, “Napakabuti ng Panginoon, dahil ang pag-ibig niya sa Israel ay walang hanggan.” At sumigaw nang malakas ang lahat ng tao sa pagpupuri sa Panginoon dahil natapos na ang pundasyon ng templo. 12 Nandoon ang maraming matatandang pari, mga Levita, at mga pinuno ng mga pamilya na nakakita noon sa unang templo. Umiyak sila nang malakas nang makita nila ang pundasyon ng bagong templo. At marami rin ang sumigaw sa galak. 13 Hindi na malaman ang sigaw ng kagalakan at ang tinig ng pag-iyak dahil napakaingay ng mga tao, at naririnig ito sa malayo.

Footnotes

  1. 3:2 lingkod: o, propeta. Sa literal, tao.
  2. 3:2 Jeshua: Siya ay si Josue sa Hageo 1:1.
  3. 3:3 mga tao na dati nang nakatira sa lupaing iyon: o, mga taong nakatira sa paligid na mga lugar.
  4. 3:5 Pista ng Pagsisimula ng Buwan: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
  5. 3:9 Jeshua: Maaaring iba itong Jeshua sa talatang 8. Tingnan ang 2:36 at 2:40.
  6. 3:9 Juda: Maaaring siya rin si Hodavia (tingnan ang 2:40).

Pumayag si Haring Darius sa Muling Pagpapatayo ng Templo

Kaya nag-utos si Haring Darius na saliksikin ang mga kasulatang nakatago sa lalagyan ng mga kayamanan doon sa Babilonia. Ngunit sa matatag na lungsod ng Ecbatana, na sakop ng lalawigan ng Media, nakita ang isang nakarolyong kasulatan na may nakasulat na:

“Ang kasulatang ito ay nagpapaalala na sa unang taon ng paghahari ni Cyrus, nag-utos siya na muling ipatayo ang templo ng Dios sa Jerusalem kung saan iniaalay ang mga handog. Dapat matibay ang pundasyon nito. At dapat 90 talampakan ang taas at 90 talampakan din ang luwang nito. Ang bawat tatlong patong ng malalaking bato nito ay papatungan ng isang troso. Ang lahat ng gastos ay kukunin sa pondo ng kaharian. Ang mga kagamitang ginto at pilak sa templo ng Dios na dinala ni Haring Nebucadnezar sa Babilonia ay dapat ibalik sa lalagyan nito sa templo ng Jerusalem.”

Kaya nagpadala si Haring Darius ng mensahe kay Tatenai, na gobernador ng lalawigan sa kanluran ng Eufrates, kay Shetar Bozenai, at sa mga kapwa nila opisyal sa lalawigang iyon:

“Lumayo kayo riyan sa templo ng Dios. Huwag na ninyong pakialaman ang pagpapatayo nito. Pabayaan nʼyo na lang ang gobernador at ang iba pang mga tagapamahala ng mga Judio sa pagpapatayo nito sa dati nitong kinatatayuan.

“Iniuutos ko rin na tulungan nʼyo ang mga tagapamahala ng mga Judio na mabayaran agad ang lahat ng gastusin para hindi maabala ang pagtatrabaho nila. Kunin nʼyo ang bayad sa pondo ng kaharian na nanggagaling sa mga buwis ng lalawigan ninyo. Dapat nʼyong bigyan araw-araw ang mga pari sa Jerusalem ng mga pangangailangan nila gaya ng batang toro, lalaking tupa, at batang lalaking tupa bilang handog na sinusunog para sa Dios ng kalangitan,[a] pati na rin trigo, asin, katas ng ubas, at langis. Dapat hindi kayo pumalya sa pagbibigay, 10 para makapag-alay sila ng mga handog na makakalugod sa Dios ng kalangitan, at maipanalangin nila ako at ang mga anak ko.

11 “Iniuutos ko rin na ang sinumang hindi tutupad nito ay tutuhugin ng kahoy na tinanggal sa bahay niya, at ang bahay niya ay gigibain hanggang sa wala nang bahagi nito ang maiwang nakatayo.[b] 12 Nawaʼy ang Dios na pumili sa Jerusalem bilang lugar kung saan siya sasambahin, ang siyang lumipol sa kahit sinong hari o kayaʼy bansa na hindi tutupad sa utos na ito at gigiba ng templong ito sa Jerusalem.

“Ako, si Darius, ang nag-utos nito. Dapat itong tuparin.”

Itinalaga ang Templo

13 Tinupad nila Tatenai na gobernador, Shetar Bozenai, at ng mga kasama nila ang utos ni Haring Darius. 14 Kaya patuloy na nagtrabaho ang mga tagapamahala ng mga Judio habang pinapalakas sila ng mga mensahe ng mga propeta na sina Hageo at Zacarias na anak ni Iddo. Natapos nila ang templo ayon sa utos ng Dios ng Israel na ipinatupad nina Cyrus, Darius, at Artaserses, na magkakasunod na mga hari ng Persia. 15 Natapos ang templo nang ikatlong araw ng ika-12 buwan, na siyang buwan ng Adar, nang ikaanim na taon ng paghahari ni Darius.

16 Masayang nagdiwang sa pagtatalaga ng templo ng Dios ang mamamayan ng Israel – ang mga pari, mga Levita, at ang iba pang bumalik galing sa pagkabihag. 17 Sa pagtatalagang ito ng templo ng Dios, naghandog sila ng 100 toro, 200 lalaking tupa, at 400 batang lalaking tupa. Naghandog din sila ng 12 lalaking kambing bilang handog sa paglilinis[c] ng bawat lahi ng Israel. 18 Itinalaga nila ang mga pari at mga Levita sa kani-kanilang tungkulin sa templo ng Jerusalem ayon sa nakasulat sa Aklat ni Moises.

Ang Pista ng Paglampas ng Anghel

19 Nang ika-14 na araw ng unang buwan, nang sumunod na taon, ipinagdiwang ng mga bumalik galing sa pagkabihag ang Pista ng Paglampas ng Anghel. 20 Nilinis ng mga pari at mga Levita ang kanilang sarili para maging karapat-dapat sila sa pangunguna nila sa mga seremonya. Pagkatapos, kinatay ng mga Levita ang mga tupang handog sa pagdiriwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel. Ginawa nila ito para sa lahat ng bumalik galing sa pagkabihag, para sa mga paring kamag-anak nila, at para sa sarili nila. 21 Ang mga handog na ito ay kinain ng mga Israelitang bumalik galing sa pagkabihag at ng ibang mga taong nakatira roon na tumalikod na sa mga ginagawa ng mga taong hindi kumikilala sa Dios. Tumalikod sila sa mga bagay na ito para sambahin ang Panginoon, ang Dios ng Israel. 22 Sa loob ng pitong araw ipinagdiwang nila nang may kagalakan ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Sapagkat binigyan sila ng Panginoon ng kagalakan nang binago niya ang puso ng hari ng Asiria para tulungan sila sa paggawa ng templo ng Dios, ang Dios ng Israel.

Dumating si Ezra sa Jerusalem

1-6 Pagkalipas ng maraming taon, nang si Artaserses ang hari ng Persia, dumating si Ezra sa Jerusalem galing sa Babilonia. Si Ezra ay anak ni Seraya. Si Seraya ay anak ni Azaria. Si Azaria ay anak ni Hilkia. Si Hilkia ay anak ni Shalum. Si Shalum ay anak ni Zadok. Si Zadok ay anak ni Ahitub. Si Ahitub ay anak ni Amaria. Si Amaria ay anak ni Azaria. Si Azaria ay anak ni Merayot. Si Merayot ay anak ni Zerahia. Si Zerahia ay anak ni Uzi. Si Uzi ay anak ni Buki. Si Buki ay anak ni Abishua. Si Abishua ay anak ni Finehas. Si Finehas ay anak ni Eleazar. Si Eleazar ay anak ni Aaron na punong pari.

Si Ezra ay isang tagapagturo na lubos ang kaalaman sa Kasulatan na ibinigay kay Moises ng Panginoon, ang Dios ng Israel. Ibinigay ng hari ang lahat ng hiniling niya dahil tinutulungan siya ng Panginoon na kanyang Dios. May sumama ring mga Israelita sa kanya nang bumalik siya sa Jerusalem noong ikapitong taon ng paghahari ni Artaserses. Kabilang sa mga sumama ay ang mga pari, mga Levita, mga mang-aawit, mga guwardya ng mga pintuan ng templo, at mga utusan sa templo. 8-9 Umalis si Ezra sa Babilonia nang unang araw ng unang buwan. At sa tulong ng Dios, nakarating siya sa Jerusalem nang unang araw ng ikalimang buwan, nang ikapitong taon ng paghahari ni Artaserses. 10 Tinulungan siya ng Dios dahil itinalaga niya ang sarili niya sa pag-aaral at pagtupad ng Kautusan ng Panginoon, at sa pagtuturo ng mga tuntunin at mga utos nito sa mga Israelita.

Ang Sulat ni Artaserses kay Ezra

11 Ito ang nilalaman ng sulat na ibinigay ni Haring Artaserses kay Ezra na pari at tagapagturo, na lubos na nakakaalam ng mga utos at mga tuntunin na ibinigay ng Panginoon sa mga taga-Israel:

12 “Ako si Haring Artaserses ang hari ng mga hari. Nangungumusta ako sa iyo, Ezra, na pari at tagapagturo ng Kautusan ng Dios ng kalangitan.

13 “Iniuutos ko na kahit sino sa mga Israelita rito sa kaharian ko, pati mga pari at mga Levita, na gustong sumama sa iyo sa pagbalik sa Jerusalem ay maaari mong isama. 14 Inuutusan kita at ng aking pitong tagapayo na alamin mo ang mga nangyayari sa Juda at sa Jerusalem kung talaga bang sinusunod nila ang Kautusan ng iyong Dios, na lubos mong nalalaman.[d] 15 Inuutusan din kita na dalhin mo ang mga ginto at pilak na kusang-loob kong ibinibigay at ng mga tagapayo ko sa Dios ng Israel na nananahan sa Jerusalem. 16 Dalhin mo rin ang lahat ng pilak at ginto na matatanggap mo galing sa lalawigan ng Babilonia, pati na rin ang mga kusang-loob na tulong ng mga mamamayan ng Israel at ng mga pari nila para sa templo ng kanilang Dios sa Jerusalem. 17 Tiyakin mo na ang perang ito ay gagamiting pambili ng mga toro, mga lalaking tupa, mga batang lalaking tupa, mga butil, at inuming handog sa altar ng templo ng inyong Dios sa Jerusalem. 18 Ang matitirang ginto at pilak ay pwede nʼyong gamitin ng mga kababayan mo sa kahit anong gusto nʼyo ayon sa kalooban ng Dios. 19 Ngunit ang mga kagamitang ipinagkatiwala sa iyo na gagamitin sa paglilingkod sa templo ng iyong Dios ay ibigay mong lahat sa Dios ng Jerusalem. 20 Kung may iba ka pang kailangan para sa templo, kumuha ka lang ng panggastos sa pondo ng kaharian.

21 “Ako, si Haring Artaserses, ang nag-uutos sa lahat ng ingat-yaman ng lalawigan sa kanluran ng Eufrates na ibigay nʼyo ang anumang hilingin sa inyo ni Ezra na pari at tagapagturo ng Kautusan ng Dios ng kalangitan. 22 Bigyan nʼyo siya hanggang 3,500 kilong pilak, 300 sakong trigo, 550 galong alak, 550 galong langis ng olibo, at kahit gaano kadaming asin na kinakailangan. 23 Ibigay nʼyo rin ang lahat ng kinakailangan sa templo ayon sa iniutos ng Dios ng kalangitan. Sapagkat kung hindi, magagalit siya sa kaharian ko at sa mga anak ko. 24 Ipinapaalam din namin sa inyo na huwag ninyong pagbayarin ng buwis at ng iba pang bayarin ang mga pari, mga Levita, mga musikero, mga guwardya ng mga pintuan ng templo, mga utusan sa templo, at iba pang nagtatrabaho sa templo ng Dios.

25 “At ikaw, Ezra, ayon sa karunungang ibinigay sa iyo ng Dios, pumili ka ng mga tagapamahala at mga hukom na nakakaalam ng Kautusan ng iyong Dios at sila ang mangangasiwa sa lahat ng tao sa lalawigan sa kanluran ng Eufrates. At ang mga tao na hindi nakakaalam ng Kautusan ay turuan mo. 26 Sinumang hindi tumupad sa Kautusan ng iyong Dios o kayaʼy sa kautusan ng hari ay parurusahan ng kamatayan, o paaalisin sa lugar niya, o kukunin ang ari-arian niya, o ikukulong siya.”

Pinuri ni Ezra ang Dios

27 Sinabi ni Ezra, “Purihin ang Panginoon, ang Dios ng mga ninuno natin, na humipo ng puso ng hari na parangalan niya ang templo ng Panginoon sa Jerusalem. 28 Dahil sa kabutihan sa akin ng Panginoon, mabuti ang pagtrato sa akin ng hari at ng mga tagapayo niya, at pati na ng lahat ng makapangyarihan niyang opisyal. At dahil nga tinutulungan ako ng Panginoon na aking Dios, nagkaroon ako ng lakas ng loob para tipunin ang mga pinuno ng Israel para sumama sa akin sa Jerusalem.”

Footnotes

  1. 6:9 Dios ng kalangitan: o, Dios na nasa langit.
  2. 6:11 gigibain … nakatayo: o, gagawing tapunan ng basura.
  3. 6:17 handog sa paglilinis: Sa ibang salin, handog dahil sa kasalanan o, handog dahil sa mga kasalanang hindi sinadya.
  4. 7:14 na lubos mong nalalaman: o, na ipinagkatiwala sa iyo.