Add parallel Print Page Options

Ang mga Silid para sa mga Pari

42 Pagkatapos, dinala ako ng tao sa bakuran sa labas ng templo. Doon kami dumaan sa hilagang daanan ng templo. At doon ay ipinakita niya sa akin ang mga silid na nasa hilaga ng bakuran sa loob at ng gusali sa kanluran. Itong mga silid na nakaharap sa hilaga ay 170 talampakan ang haba at 85 talampakan ang luwang. May agwat na 35 na talampakan sa pagitan ng templo at ng mga silid na ito. Nakaharap ang mga silid na ito sa daanang bato sa bakuran sa labas. Itoʼy may tatlong palapag at sa harap nito ay may daanang 17 talampakan ang luwang at 170 talampakan ang haba Ang mga pinto nito ay nakaharap sa gawing hilaga. Ang mga silid sa ikatlong palapag ay makipot kaysa sa pangalawang palapag, at ang mga silid sa ikalawang palapag ay mas makipot kaysa sa unang palapag dahil nangangailangan ng daanan ang mga palapag sa itaas. Ang tatlong palapag na ito ay walang haligi, di tulad ng mga nasa bakuran. At dahil magkakapatong ang mga ito, paliit nang paliit ang mga silid nito mula sa itaas pababa. Ang gusaling ito at ang bakuran sa labas ay may pagitang pader na 85 talampakan ang haba. Dahil kung wala ang pader na ito, ang kalahati ng gusali na 85 talampakan ay makikita sa bakuran sa labas. Ang kabuuan ng gusali na may habang 170 talampakan ay makikita sa templo. May mga daanan papasok sa ibabang palapag ng gusaling ito kung galing ka sa bandang silangan ng bakuran sa labas.

10 Mayroon ding mga silid sa bandang timog[a] na pader ng bakuran sa loob. Ang mga silid na ito na nasa gilid ng bakuran sa loob ay malapit din sa gusali sa kanluran. 11 May daanan din sa harap ng mga silid na ito, katulad ng mga silid sa gawing hilaga. Ang kanilang haba at luwang ay magkapareho, pati ang mga daanan at ang mga sukat nito ay magkapareho rin. Ang mga pintuan ng mga silid sa hilaga ay 12 katulad din sa mga silid sa timog. May pintuan pagdating mismo sa daanan na papasok sa gusaling iyon. May pader sa gilid ng daanang ito, kung papasok ka galing silangan.

13 Sinabi sa akin ng tao, “Ang mga silid na ito sa gawing timog at hilaga na nasa gilid ng bakuran sa loob ay mga banal na silid. Sapagkat diyan kumakain ang mga pari ng mga banal na handog na inihandog nila sa Panginoon. Gagamitin din nila ang mga silid na ito bilang lalagyan ng mga handog ng pagpaparangal sa Panginoon, handog sa paglilinis at handog na pambayad ng kasalanan.[b] Sapagkat banal ang mga silid na ito. 14 Kapag ang mga pari ay lumabas na sa mga banal na silid[c] na ito, hindi sila dapat pumunta agad sa bakuran sa labas. Dapat magbihis muna sila ng ibang damit bago sila pumunta sa bahagi ng templo na para sa mga tao.”

15 Matapos sukatin ng tao ang loob ng templo, dinala niya ako sa labas. Doon kami dumaan sa gawing silangan, at sinukat niya ang kabuuang luwang ng templo. 16 Sinukat niya ng kanyang panukat na kahoy ang gawing silangan, at ang sukat ng haba nito ay 850 talampakan. 17-19 Sinukat din niya ang sa gawing hilaga, kanluran at timog at pawang magkakatulad na 850 talampakan ang haba nito. 20 Kaya ang templo ay parisukat. Napapalibutan ito ng pader para ihiwalay ang mga banal na lugar mula sa mga lugar na pangkaraniwan.

Bumalik sa Templo ang Dakilang Presensya ng Dios

43 Pagkatapos, dinala na naman ako ng tao sa daanan sa gawing silangan. At doon ay nakita ko na dumarating mula sa silangan ang makapangyarihang presensya ng Dios ng Israel. Ang tunog ng pagdating niya ay parang rumaragasang tubig at ang lupain ay lumiliwanag dahil sa kanyang dakilang presensya. Ang pangitaing ito ay katulad din ng pangitaing nakita ko noong winasak ng Dios ang lungsod ng Jerusalem, at tulad din ng pangitaing nakita ko sa pampang ng Ilog ng Kebar. Nang makita ko ito, nagpatirapa ako sa lupa.

Pagkatapos, pumasok ang dakilang presensya ng Panginoon sa templo. Doon siya dumaan sa pintuan sa gawing silangan. Itinayo ako ng Espiritu at dinala sa bakuran sa loob, at nakita ko ang buong templo na nilukuban ng makapangyarihang presensya ng Panginoon. Habang nakatayo ang tao sa tabi ko, may narinig akong tinig mula sa templo. Ang sinabi sa akin, “Anak ng tao, ito ang aking trono, at ang patungan ng aking paa. Dito ako mananahan kasama ng mga Israelita magpakailanman. Hindi na muling lalapastanganin ng mga Israelita maging ng kanilang mga hari ang aking pangalan, sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan[d], o sa mga monumento ng namatay nilang mga hari. Noong una, nagtayo sila ng mga altar para sa mga dios-diosan nila malapit sa altar ko at pader lang ang pagitan. Dinungisan nila ang banal kong pangalan sa pamamagitan ng kasuklam-suklam na gawang iyon. Kaya nilipol ko sila. Ngayoʼy kinakailangan na silang tumigil sa pagsamba sa mga dios-diosan at sa mga monumento ng namatay nilang mga hari. Sa gayon, mananahan akong kasama nila magpakailanman.”

10 Sinabi pa ng tinig, “Anak ng tao, ilarawan mo sa mga mamamayan ng Israel ang templo na ipinakita ko sa iyo. Sabihin mo sa kanila ang anyo nito upang mapahiya sila dahil sa mga kasalanan nila. 11 Kapag napahiya na sila sa lahat ng ginawa nila, ilarawan mo sa kanila kung paano gagawin ito, ang mga daanan, pinto, at ang buong anyo ng gusali. Isulat mo ang mga tuntunin sa pagpapagawa nito habang nakatingin sila para masunod nila ito nang mabuti. 12 At ito ang pangunahing kautusan tungkol sa templo: Ituring ninyong banal ang lahat ng lugar sa paligid ng bundok doon sa itaas na pagtatayuan ng templo.

Ang Altar

13 “Ito ang sukat ng altar ayon sa umiiral na panukat: Sa paligid ng altar ay gagawa kayo ng parang kanal na 20 pulgada ang luwang at 20 pulgada rin ang lalim at may sinepa sa paligid na anim na pulgada ang kapal. 14-17 May tatlong palapag ang altar na parisukat lahat. Ang ibabang palapag ay 27 talampakan ang haba at luwang. Ang taas naman ay tatlong talampakan. Ang gitnang palapag ay 24 na talampakan ang haba at luwang at pitong talampakan naman ang taas. May kanal sa paligid nito na 20 pulgada ang lalim, at may sinepa sa palibot na sampung pulgada ang luwang. Ang palapag sa itaas ay 20 talampakan ang haba at luwang at pitong talampakan naman ang taas. Dito sinusunog ang mga handog. Ang apat na sulok ng altar ay may parang mga sungay ng hayop. Ang hagdan ng altar ay nasa gawing silangan.”

18 Sinabi pa ng tinig sa akin, “Anak ng tao, ito ang sinasabi ng Panginoong Dios: Kapag nagawa na ang altar, italaga ninyo ito sa pamamagitan ng pag-aalay ng handog na sinusunog at pagwiwisik ng dugo ng hayop na inihandog. 19 Sa araw na iyon, ang mga paring naglilingkod sa akin na mga Levitang mula sa pamilya ni Zadok ay bibigyan ng isang batang toro na iaalay nila bilang handog sa paglilinis. 20 Kumuha ka ng dugo nito at ipahid mo sa apat na sungay na nasa sulok ng pangalawang palapag ng altar at sa sinepa nito. Sa ganitong paraan ay malilinis ang altar. 21 Pagkatapos, kunin mo ang batang toro na handog sa paglilinis, at sunugin mo sa lugar na pinagsusunugan sa labas ng templo. 22 Kinabukasan, maghandog ka ng lalaking kambing na walang kapintasan at ihandog mo sa paglilinis ng altar, katulad ng ginawa mo sa batang toro. 23 Pagkatapos, kumuha ka ng isang batang toro at isang tupa na walang kapintasan, 24 at ihandog mo sa Panginoon. Lalagyan ito ng asin ng mga pari bago nila ialay sa Panginoon bilang handog na sinusunog.

25 “Sa loob ng isang linggo, maghandog ka sa bawat araw ng isang lalaking kambing, isang toro at isang tupa na pawang walang kapintasan at ialay mo ito bilang handog sa paglilinis. 26 Sa ganitong paraan, malilinis ang altar at maaari nang gamitin pagkatapos. 27 At mula sa ikawalong araw, maghahandog na ang mga pari ng inyong mga handog na sinusunog at mga handog para sa mabuting relasyon.[e] At tatanggapin ko kayo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

Mga Tuntunin sa Templo

44 Muli akong dinala ng tao sa pintuang palabas ng templo sa gawing silangan, pero nakasarado ito. Sinabi ng Panginoon sa akin, “Ang pintuang ito ay kinakailangang palaging nakasara at hindi dapat buksan para walang makadaan, dahil ako, ang Panginoong Dios ng Israel ay dumaan dito. Ang pinuno lang ng Israel ang makakaupo rito sa daanan para kumain ng inihandog sa akin, pero roon siya dadaan sa balkonahe ng daanan at doon din siya lalabas.”

Pagkatapos, dinala ako ng tao sa harap ng templo. Doon kami dumaan sa daanan sa gawing hilaga. Nakita ko roon ang dakilang presensya ng Panginoon na nakapalibot sa templo niya, at nagpatirapa ako. Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, pakinggan mong mabuti ang sasabihin ko sa iyo tungkol sa lahat ng tuntunin sa aking templo. Alamin mong mabuti kung sinu-sino ang maaaring pumasok at ang hindi. Sabihin mo sa mga rebeldeng mamamayan ng Israel na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Mga mamamayan ng Israel, tigilan na ninyo ang mga kasuklam-suklam ninyong ginagawa. Pinapapasok ninyo sa aking templo ang mga dayuhang hindi naniniwala sa akin. Sa ganitong paraan, dinudungisan ninyo ang templo ko kahit na naghahandog pa kayo ng mga pagkain, taba, at dugo. Maliban sa kasuklam-suklam ninyong ginagawa, nilalabag pa ninyo ang kasunduan ko. Sa halip na kayo ang mamamahala sa mga banal na bagay sa templo, ipinauubaya ninyo ito sa ibang tao. Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, walang dayuhan na hindi naniniwala sa akin ang papayagang pumasok sa templo ko, kahit na ang mga dayuhang nakatira kasama ninyo.

10 “Tungkol naman sa mga Levita na tumalikod sa akin at sumama sa ibang Israelita na sumamba sa mga dios-diosan, pagdurusahan nila ang kasalanan nila. 11 Maaari silang maglingkod sa akin bilang mga tagapagbantay sa pintuan at tagakatay ng mga handog na sinusunog at ng iba pang handog ng mga tao. Maaari rin silang maglingkod sa mga tao sa templo. 12 Ngunit dahil sumamba sila sa mga dios-diosan habang naglilingkod sa mga tao, at dahil din dooʼy nagkasala ang mga mamamayan ng Israel, isinusumpa kong pagdurusahan nila ang kasalanan nila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 13 Mula ngayon, hindi ko na sila papayagang maglingkod sa akin bilang pari. Hindi rin sila papayagang humipo man lang ng aking mga banal na bagay o makapasok sa Pinakabanal na Lugar. Kinakailangan nilang magtiis ng kahihiyan dahil sa kasuklam-suklam nilang ginawa. 14 Gagawin ko na lang silang mga katulong sa lahat ng gawain sa templo.

15 “Ngunit ang mga paring Levita na mula sa angkan ni Zadok na naging tapat sa paglilingkod sa akin sa templo nang tumalikod ang mga Israelita ay patuloy na makapaglilingkod sa akin. Sila ang maghahandog sa akin ng taba at dugo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 16 Sila lang ang maaaring pumasok sa templo ko at makalalapit sa aking altar upang maglingkod sa akin. At sila lang din ang pwedeng mamamahala sa pagsamba sa templo. 17 Kapag pumasok sila sa daanan patungo sa bakuran sa loob ng templo, kinakailangang magbihis sila ng damit na gawa sa telang linen. Hindi sila dapat magsuot ng anumang damit na gawa sa lana habang naglilingkod sa bakuran sa loob o sa loob ng templo. 18 Kinakailangang magsuot din sila ng turban na gawa sa telang linen at magsuot ng pang-ilalim na damit na gawa rin sa telang linen. Hindi sila dapat magsuot ng anumang makapagpapapawis sa kanila. 19 At kapag lumabas na sila sa bulwagan sa labas na kinaroroonan ng mga tao, kinakailangang hubarin muna nila ang mga damit na ginamit nila sa paglilingkod at ilagay doon sa banal na silid, at saka sila magsuot ng pangkaraniwang damit para hindi mapinsala ang mga tao sa kabanalan nito.[f]

20 “Hindi rin sila dapat magpakalbo o magpahaba ng buhok, dapat lagi silang magpagupit. 21 Hindi rin sila dapat uminom ng alak kung pupunta sa loob na bakuran ng templo. 22 Hindi sila dapat mag-asawa ng biyuda o ng hiwalay sa asawa. Ang kunin nilang asawa ay kapwa Israelita o biyuda ng kapwa nila pari. 23 Tuturuan nila ang mga mamamayan ko kung alin ang banal at hindi banal, kung alin ang malinis at hindi malinis. 24 Kapag may alitan, ang mga pari ang hahatol batay sa mga kautusan ko. Kinakailangang sundin nila ang mga utos ko at mga tuntunin tungkol sa mga pistang itinakda kong sundin, at dapat nilang ituring na banal ang Araw ng Pamamahinga. 25 Huwag nilang dudungisan ang sarili nila sa pamamagitan ng paghipo sa bangkay, maliban lang kung ang namatay ay kanyang ama o ina, anak o kapatid na wala pang asawa. 26 Kapag nakahipo siya ng bangkay, kailangan niya ang paglilinis[g] at maghintay ng pitong araw, 27 bago siya makapasok sa bakuran sa loob ng templo at mag-alay ng handog sa paglilinis para sa kanyang sarili. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

28 Sinabi pa ng Panginoon, “Walang mamanahing lupa ang mga pari ng Israel, dahil ako ang magbibigay ng mga pangangailangan nila. 29 Ang pagkain nila ay magmumula sa mga handog ng pagpaparangal sa akin, handog sa paglilinis, at handog na pambayad ng kasalanan.[h] Ang anumang bagay na itinalaga para sa akin ay para sa kanila. 30 Ang pinakamagandang unang ani ninyo at mga natatanging handog para sa akin ay para sa mga pari. Bigyan din ninyo ng inyong pinakamagandang klase ng harina ang mga pari, para pagpalain ang sambahayan ninyo. 31 Ang mga pari ay hindi dapat kumain ng anumang ibon o hayop na basta na lang namatay o pinatay ng ibang hayop.”

Footnotes

  1. 42:10 timog: Ganito sa tekstong Septuagint. Sa tekstong Hebreo, silangan.
  2. 42:13 handog na … kasalanan: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
  3. 42:14 mga banal na silid: o, Banal na Lugar o, Templo.
  4. 43:7 pagsamba sa mga dios-diosan: sa literal, pangangalunya ng lalaki.
  5. 43:27 handog para sa mabuting relasyon: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
  6. 44:19 para … nito: Ang mga pangkaraniwang tao ng mga panahong iyon ay mahigpit na pinagbabawalang humawak ng mga banal na bagay sa loob ng templo dahil maaaring may masamang mangyari sa kanila.
  7. 44:26 paglilinis: Ang ibig sabihin, susundin niya ang seremonya sa paglilinis ng sarili.
  8. 44:29 handog na … kasalanan: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.