Add parallel Print Page Options

40 Nang ikadalawang pu't limang taon ng aming pagkabihag, nang pasimula ng taon, nang ikasangpung araw ng buwan, nang ikalabing apat na taon pagkatapos na ang bayan ay masaktan nang kaarawang yaon, ang kamay ng Panginoon ay sumaakin, at dinala niya ako roon.

Sa mga pangitain na mula sa Dios ay dinala niya ako sa lupain ng Israel, at inilagay ako sa totoong mataas na bundok, na kinaroroonan ng parang isang bayan sa timugan.

At dinala niya ako roon; at, narito, may isang lalake na ang anyo ay parang anyo ng tanso, na may pising lino sa kaniyang kamay, at isang panukat na tambo; at siya'y natayo sa pintuang-bayan.

At sinabi ng lalake sa akin, Anak ng tao, tumingin ka ng iyong mga mata, at makinig ka ng iyong mga pakinig, at ilagak mo ang iyong puso sa lahat na aking ipakikita sa iyo; sapagka't sa haka na aking mga maipakikita sa iyo ay dinala ka rito: ipahayag mo ang lahat na iyong nakikita sa sangbahayan ni Israel.

At, narito; isang kuta sa dakong labas ng bahay sa palibot, at sa kamay ng lalake ay isang panukat na tambo na may anim na siko ang haba, na tigisang siko at isang dangkal ang luwang ng bawa't isa: sa gayo'y kaniyang sinukat ang luwang ng bahay, na isang tambo; at ang taas, isang tambo.

Nang magkagayo'y naparoon siya sa pintuang-daan, na nakaharap sa dakong silanganan, at sumampa sa mga baytang niyaon: at kaniyang sinukat ang pasukan sa pintuang-daan, isang tambo ang luwang; at ang kabilang pasukan, isang tambo ang luwang.

At bawa't silid ng bahay ay isang tambo ang haba, at isang tambo ang luwang; at ang pagitan ng mga silid ng bantay ay limang siko; at ang pasukan sa pintuang-daan sa tabi ng portiko sa pintuang-daan sa dako ng bahay ay isang tambo.

Kaniya rin namang sinukat ang portiko sa pintuang-daan sa dakong bahay, isang tambo.

Nang magkagayo'y sinukat niya ang portiko sa pintuang-daan, walong siko; at ang mga haligi niyaon, dalawang siko; at ang portiko sa pintuang-daan ay nasa dako ng bahay.

10 At ang mga silid ng bantay ng pintuang-daan sa dakong silanganan ay tatlo sa dakong ito, at tatlo sa dakong yaon; ang tatlo ay iisang sukat: at ang mga haligi ng pintuan ay iisang sukat sa dakong ito, at sa dakong yaon.

11 At kaniyang sinukat ang luwang ng pasukan ng pintuang-daan, sangpung siko; at ang haba ng pintuang-daan, labing tatlong siko;

12 At ang pagitan sa harap ng mga silid ng bantay, isang siko sa dakong ito, at ang isang pagitan, isang siko sa dakong yaon; at ang mga silid ng bantay, anim na siko sa dakong ito, at anim na siko sa dakong yaon;

13 At kaniyang sinukat ang pintuang-daan mula sa bubungan ng isang silid ng bantayan hanggang sa bubungan ng kabila, may luwang na dalawang pu't limang siko; pintuan sa tapat ng pintuan.

14 Gumawa naman siya ng mga haligi ng pintuan, na anim na pung siko; at ang looban ay hanggang sa haligi, ang pintuang-daan ay sa palibot.

15 At mula sa harap ng pintuang-daan sa pasukan hanggang sa harap ng pinakaloob na portiko sa pintuang-daan ay limang pung siko.

16 At may makikipot na dungawan sa mga silid ng bantay, at sa mga haligi ng mga yaon sa loob ng pintuang-daan sa palibot, at gayon din sa mga hubog; at ang mga dungawan ay nangasa palibot sa dakong loob; at sa bawa't haligi ay may mga puno ng palma.

17 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa loob ng looban sa labas; at, narito, may mga silid at may isang lapag na ginawa sa palibot ng looban: tatlong pung silid ang nasa lapag.

18 At ang lapag ay nasa tabi ng mga pintuang-daan, ayon sa haba ng mga pintuang-daan, sa makatuwid baga'y ang lalong mababang lapag.

19 Nang magkagayo'y kaniyang sinukat ang luwang mula sa harap ng lalong mababang pintuang-daan hanggang sa harap ng pinakaloob na looban sa may labas, na isang daang siko, sa dakong silanganan at gayon din sa dakong hilagaan.

20 At ang pintuang-daan ng looban sa labas na nakaharap sa dakong hilagaan, kaniyang sinukat ang haba niyaon at ang luwang niyaon.

21 At ang mga silid ng bantay niyaon ay tatlo sa dakong ito at tatlo sa dakong yaon; at ang mga haligi niyaon at ang mga hubog niyaon ay ayon sa sukat ng unang pintuang-daan: ang haba niyaon ay limang pung siko, at ang luwang ay dalawang pu't limang siko.

22 At ang mga dungawan niyaon, at ang mga hubog niyaon, at ang mga puno ng palma niyaon ay ayon sa sukat ng pintuang-daan na nakaharap sa dakong silanganan; at kanilang sinampa ng pitong baytang; at ang mga hubog niyaon ay nangasa harap nila.

23 At may pintuang-daan sa lalong loob na looban sa tapat ng kabilang pintuang-daan, sa dakong hilagaan at gayon din sa dakong silanganan; at kaniyang sinukat mula sa pintuang-daan hanggang sa pintuang-daan na isang daang siko.

24 At dinala niya ako sa dakong timugan; at, narito, ang isang pintuang-daan sa dakong timugan: at kaniyang sinukat ang mga haligi niyaon, at ang mga hubog niyaon ayon sa mga sukat na ito.

25 At may mga dungawan doon at sa mga hubog niyaon sa palibot, gaya ng mga dungawang yaon: ang haba ay limang pung siko, at ang luwang ay dalawang pu't limang siko.

26 At may pitong baytang na sampahan, at ang mga hubog niyaon ay nangasa harap ng mga yaon; at may mga puno ng palma; sa dakong ito, at isa sa dakong yaon, sa mga haligi niyaon.

27 At may pintuang-daan sa lalong loob na looban sa dakong timugan: at kaniyang sinukat mula sa pintuang-daan hanggang sa pintuang-daan sa dakong timugan na isang daang siko.

28 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa lalong loob na looban sa tabi ng pintuang-daan sa timugan: at kaniyang sinukat ang pintuang-daang timugan ayon sa mga sukat ding ito;

29 At ang mga silid ng bantay niyaon, at ang mga hubog niyaon, ay ayon sa mga sukat na ito: at may mga dungawan yaon, at gayon din sa mga hubog niyaon sa palibot; may limang pung siko ang haba, at dalawang pu't limang siko ang luwang.

30 At may mga hubog sa palibot, na dalawang pu't limang siko ang haba, at limang siko ang luwang.

31 At ang mga hubog niyaon ay nangasa dako ng looban sa labas; at mga puno ng palma ang nangasa mga haligi niyaon: at ang sampahan ay may walong baytang.

32 At dinala niya ako sa lalong loob na looban sa dakong silanganan; at sinukat niya ang pintuang-daan ayon sa mga sukat na ito.

33 At ang mga silid ng bantay niyaon, at ang mga haligi niyaon, at ang mga hubog niyaon, ayon sa mga sukat na ito: at may mga dungawan sa loob at sa mga hubog niyaon sa palibot: may limang pung siko ang haba, at dalawang pu't limang siko ang luwang.

34 At ang mga hubog niyaon ay nangasa dako ng looban sa labas; at mga puno ng palma ang nangasa mga haligi niyaon, sa dakong ito, at sa dakong yaon: at ang sampahan ay may walong baytang.

35 At dinala niya ako sa pintuang-daang hilagaan: at sinukat niya ayon sa mga sukat na ito;

36 Ang mga silid ng bantay niyaon, ang mga haligi niyaon, at ang mga hubog niyaon: at may mga dungawan sa loob sa palibot; ang haba ay limang pung siko, at ang luwang ay dalawang pu't limang siko.

37 At ang mga haligi niyaon ay nangasa dako ng looban sa labas; at mga puno ng palma ang nangasa haligi niyaon, sa dakong ito, at sa dakong yaon: at ang sampahan ay may walong baytang.

38 At isang silid na may pintuan ay nasa tabi ng mga haligi sa mga pintuang-daan; doon sila naghugas ng handog na susunugin.

39 At sa portiko ng pintuang-daan ay may dalawang dulang sa dakong ito, at dalawang dulang sa dakong yaon, upang patayin doon ang handog na susunugin, at ang handog dahil sa kasalanan at ang handog dahil sa pagkakasala.

40 At sa isang dako sa labas na gaya ng kung sasampa sa pasukan ng pintuang-daan sa dakong hilagaan ay may dalawang dulang; at sa kabilang dako, na ukol sa portiko ng pintuang-daan, ay may dalawang dulang.

41 Apat na dulang sa dakong ito, at apat na dulang sa dakong yaon sa tabi ng pintuang-daan; walong dulang ang kanilang pinagpatayan ng mga hain.

42 At may apat na dulang na ukol sa handog na susunugin, na batong tinabas, na isang siko at kalahati ang haba, at isang siko at kalahati ang luwang, at isang siko ang taas; na kanilang pinaglapagan ng mga kasangkapan na kanilang ipinagpatay sa handog na susunugin at sa hain.

43 At ang mga pangipit na may isang lapad ng kamay ang haba, ay natitibayan sa loob sa palibot; at nasa ibabaw ng mga dulang ang laman na alay.

44 At sa labas ng lalong loob na pintuang-daan ay may mga silid na ukol sa mga mangaawit sa lalong loob na looban, na nasa tabi ng pintuang-daang hilagaan; at mga nakaharap sa timugan; isa sa dako ng silanganang daan na nahaharap sa dakong hilagaan.

45 At kaniyang sinabi sa akin, Ang silid na ito na nakaharap sa dakong timugan, ay sa mga saserdote, sa mga namamahala sa bahay;

46 At ang silid na nakaharap sa dakong hilagaan ay sa mga saserdote, na mga namamahala sa dambana: ang mga ito ay mga anak ni Sadoc, na sa mga anak ni Levi ay nagsilapit sa Panginoon upang magsipangasiwa sa kaniya.

47 At sinukat niya ang looban na isang daang siko ang haba, at isang daang siko ang luwang, parisukat; at ang dambana ay nasa harap ng bahay.

48 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa portiko ng bahay, at sinukat niya ang bawa't haligi ng portiko na limang siko sa dakong ito, at limang siko sa dakong yaon: at ang luwang ng pintuang-daan ay tatlong siko sa dakong ito, at tatlong siko sa dakong yaon.

49 Ang haba ng portiko ay dalawang pung siko, at ang luwang ay labing isang siko: kahit sa pamamagitan ng mga baytang na kanilang sinampahan: at may mga haligi, isa sa dakong ito, at isa sa dakong yaon.

41 At dinala niya ako sa templo at sinukat ang mga haligi, na anim na siko ang luwang sa isang dako, at anim na siko ang luwang sa kabilang dako, na siyang luwang ng tabernakulo.

At ang luwang ng pasukan ay sangpung siko; at ang mga tagiliran ng pasukan ay limang siko sa isang dako, at limang siko sa kabilang dako: at sinukat niya ang haba niyaon na apat na pung siko, at ang luwang, dalawang pung siko.

Nang magkagayo'y pumasok siya sa loob, at sinukat ang bawa't haligi sa pasukan, na dalawang siko; at ang pasukan ay anim na siko; at ang luwang ng pasukan, pitong siko.

At sinukat niya ang haba niyaon, dalawang pung siko, at ang luwang, dalawang pung siko, sa harap ng templo: at sinabi niya sa akin, Ito ang kabanalbanalang dako.

Nang magkagayo'y sinukat niya ang pader ng bahay, anim na siko; at ang luwang ng bawa't tagilirang silid apat na siko, sa palibot ng bahay sa lahat ng dako.

At ang mga tagilirang silid ay tatlong grado, patongpatong at tatlong pu sa ayos; at nangakakapit sa pader na nauukol sa bahay na nasa tagilirang silid sa palibot upang mangakapit doon, at huwag makapit sa pader ng bahay.

At ang mga tagilirang silid ay lalong maluwang habang lumiligid sa bahay na paitaas ng paitaas; sapagka't ang gilid ng bahay ay paitaas ng paitaas sa palibot ng bahay: kaya't ang luwang ng bahay ay patuloy na paitaas; at sa gayo'y ang isa ay napaiitaas mula sa pinakamababang silid, hanggang sa pinakamataas sa pamamagitan ng gitna na silid.

Aking nakita naman na ang bahay ay may nakatayong tungtungan sa palibot: ang mga patibayan ng mga tagilirang silid ay buong tambo na anim na malaking siko ang haba.

Ang kapal ng pader, na nasa mga tagilirang silid, sa dakong labas, ay limang siko: at ang naiwan ay dako ng mga tagilirang silid na ukol sa bahay.

10 At ang pagitan ng mga silid ay may luwang na dalawang pung siko sa palibot ng bahay sa lahat ng dako.

11 At ang mga pintuan ng mga tagilirang silid ay sa dakong naiwan, isang pintuan sa dakong hilagaan, at isang pintuan sa dakong timugan: at ang luwang ng dakong naiwan ay limang siko sa palibot.

12 At ang bahay na nasa harapan ng bukod na dako sa tagilirang dakong kalunuran ay pitong pung siko ang luwang; at ang pader ng bahay ay limang siko ang kapal sa palibot, at ang haba niyaon ay siyam na pung siko.

13 Sa gayo'y sinukat niya ang bahay, na isang daang siko ang haba; at ang bukod na dako, at ang bahay, sangpu ng pader niyaon, isang daang siko ang haba;

14 Ang luwang naman ng harapan ng bahay, at ng bukod na dako sa dakong silanganan, isang daang siko.

15 At sinukat niya ang haba ng bahay sa harap ng bukod na dako na nasa likuran niyaon, at ang mga galeria niyaon sa isang dako, at sa kabilang dako, isang daang siko; at ang lalong loob na templo at ang mga portiko ng looban;

16 Ang mga pasukan, at ang mga nasasarang dungawan, at ang mga galeria sa palibot sa tatlong grado, sa tapat ng pasukan, nakikisamihan ng tabla sa palibot, at mula sa lapag hanggang sa mga dungawan (natatakpan nga ang mga dungawan),

17 Sa pagitan ng itaas ng pintuan, sa lalong loob ng bahay, at sa labas, at ang buong pader sa palibot sa loob at sa labas ay sinukat.

18 At ang pader ay niyaring may mga kerubin at may mga puno ng palma; at isang puno ng palma ay sa pagitan ng kerubin at kerubin, at bawa't kerubin ay may dalawang mukha;

19 Na anopa't may mukha ng isang tao sa dako ng puno ng palma sa isang dako, at mukha ng batang leon sa dako ng puno ng palma sa kabilang dako. Ganito ang pagkayari sa buong bahay sa palibot:

20 Mula sa lapag hanggang sa itaas ng pintuan ay may mga kerubin at mga puno ng palma na yari; ganito ang pader ng templo.

21 Tungkol sa templo, ang mga haligi ng pintuan ay parisukat; at tungkol sa harapan ng santuario, ang anyo niyao'y gaya ng anyo ng templo.

22 Ang dambana ay kahoy, na tatlong siko ang taas, at ang haba niyao'y dalawang siko; at ang mga sulok niyaon at ang haba niyaon, at ang mga pader niyaon, ay kahoy: at sinabi niya sa akin, Ito ang dulang na nasa harap ng Panginoon.

23 At ang templo, at ang santuario ay may dalawang pintuan.

24 At ang mga pintuan ay may tigdadalawang pinto, dalawang tiklop na pinto, dalawang pinto sa isang pintuan, at dalawang pinto sa kabila.

25 At mga niyari sa mga yaon, sa mga pintuan ng templo, mga kerubin at mga puno ng palma, gaya ng niyari sa mga pader; at may pasukan na kahoy sa harap ng portiko sa labas.

26 At may nangasasarang dungawan at mga puno ng palma sa isang dako at sa kabilang dako, sa mga tagiliran ng portiko: ganito ang mga tagilirang silid ng bahay, at ang mga pasukan.

42 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa looban sa labas ng bahay, sa daan na dakong hilagaan: at dinala niya ako sa silid na nasa tapat ng bukod na dako, at siyang nasa tapat ng bahay sa dakong hilagaan.

Sa harapan ng isang daang siko ang haba, ay nandoon ang pintuang hilagaan, at ang luwang ay limang pung siko.

Sa tapat ng dalawang pung siko na ukol sa lalong loob na looban, at sa tapat ng lapag na ukol sa looban sa labas ng bahay, ay galeria sa tapat ng galeria na tatlong grado.

At sa harap ng mga silid ay may isang lakaran na sangpung siko ang luwang sa loob, isang daanang may isang siko; at ang mga pintuan ay sa dakong hilagaan.

Ang lalong mataas ngang silid ay siyang lalong maikli; sapagka't ang mga galeria ay kumukuha sa mga ito, ng higit kay sa lalong mababa at sa pinaka gitna sa bahay.

Sapagka't tatlong grado, at walang mga haligi na gaya ng mga haligi ng mga looban: kaya't ang pinakamataas ay lalong munti kay sa pinakamababa at kay sa pinaka gitna mula sa lupa.

At ang pader na nasa labas sa tabi ng mga silid, sa dako ng looban sa labas ng bahay sa harap ng mga silid, ang haba niyao'y limang pung siko.

Sapagka't ang haba ng mga silid na nasa looban sa labas ay limang pung siko: at, narito, ang harapan ng templo ay may isang daang siko.

At nasa ilalim ng mga silid na ito ang pasukan sa dakong silanganan, sa pagpasok na mula sa looban sa labas.

10 Sa kakapalan ng pader ng looban sa dakong silanganan, sa harap ng bukod na dako, at sa harap ng bahay, may mga silid.

11 At ang daan sa harap ng mga yaon ay gaya ng anyo ng daan sa mga silid na nangasa dakong hilagaan; ayon sa haba ay gayon ang luwang: ang lahat ng labasan ng mga yaon ay ayon sa mga anyo ng mga yaon, at ayon sa mga pintuan ng mga yaon.

12 At ayon sa mga pintuan ng mga silid na nangasa dakong timugan ay may isang pintuan sa bukana ng daan, sa daang tuwid na patuloy sa pader sa dakong silanganan, sa papasok sa mga yaon.

13 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Ang silid na hilagaan at ang silid na timugan na nasa harap ng bukod na dako, mga itinalagang silid, na pagkakanan ng mga kabanalbanalang bagay ng mga saserdote na malapit sa Panginoon: doon nila ilalapag ang mga kabanalbanalang bagay, at ang handog na harina, at ang handog dahil sa kasalanan, at ang handog dahil sa pagkakasala; sapagka't ang dako ay banal.

14 Pagka ang mga saserdote ay nagsisipasok, hindi nga sila magsisilabas sa banal na dako na papasok sa looban sa labas, kundi doon nila ilalapag ang kanilang mga kasuutan na kanilang ipinangangasiwa; sapagka't mga banal: at sila'y mangagsusuot ng mga ibang kasuutan, at magsisilapit sa ukol sa bayan.

15 Nang matapos nga niyang masukat ang lalong loob ng bahay, inilabas niya ako sa daan ng pintuang-daan na nakaharap sa dakong silanganan, at sinukat sa palibot.

16 Sinukat niya sa dakong silanganan ng panukat na tambo, na limang daang tambo, ng panukat na tambo sa palibot.

17 Sinukat niya sa dakong hilagaan, na limang daang tambo ng panukat na tambo sa palibot.

18 Sinukat niya sa dakong timugan, na limang daang tambo ng panukat na tambo.

19 Siya'y pumihit sa dakong kalunuran, at sinukat ng limang daang tambo ng panukat na tambo.

20 Sinukat niya sa apat na sulok: may pader sa palibot, ang haba'y limang daan, at ang luwang ay limang daan, upang igawa ng pagkakahiwalay ang banal at ang karaniwan.

43 Pagkatapos ay dinala niya ako sa pintuang-daan, sa makatuwid baga'y sa pintuang-daan na nakaharap sa dakong silanganan.

At, narito, ang kaluwalhatian ng Dios ng Israel ay nanggagaling sa dakong silanganan: at ang kaniyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig; at ang lupa ay nagningning sa kaniyang kaluwalhatian.

At ayon sa anyo ng pangitain na aking nakita, ayon sa pangitain na nakita ko nang ako'y pumaroon upang gibain ang bayan; at ang mga pangitain ay gaya ng pangitain na aking nakita sa tabi ng ilog Chebar: at ako'y nasubasob.

At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay pumasok sa bahay sa daan ng pintuang-daan na nakaharap sa dakong silanganan.

At itinaas ako ng Espiritu, at dinala ako sa lalong loob na looban; at, narito, napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay.

At aking narinig ang isang nagsasalita sa akin mula sa bahay; at isang lalake ay tumayo sa siping ko.

At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, ito ang dako ng aking luklukan, at dako ng mga talampakan ng aking mga paa, na aking tatahanan sa gitna ng mga anak ni Israel magpakailan man. At hindi na lalapastanganin pa ng sangbahayan ni Israel ang aking banal na pangalan, nila man, o ng kanilang mga hari man, ng kanilang pagpapatutot, at ng mga bangkay man ng kanilang mga hari sa kanilang mga mataas na dako;

Sa kanilang paglalagay ng kanilang pasukan sa tabi ng aking pasukan, at ng kanilang haligi ng pintuan sa tabi ng aking haligi ng pintuan, at wala kundi pader sa pagitan ko at nila; at kanilang nilapastangan ang aking banal na pangalan sa pamamagitan ng kanilang mga kasuklamsuklam na kanilang ginawa: kaya't aking pinugnaw sila sa aking galit.

Iwan nga nila ang kanilang pagpapatutot, at ilayo sa akin ang mga bangkay ng kanilang mga hari, at ako'y tatahan sa gitna nila magpakailan man.

10 Ikaw, anak ng tao, ituro mo ang bahay sa sangbahayan ni Israel, upang sila'y mangapahiya sa kanilang mga kasamaan; at sukatin nila ang anyo.

11 At kung sila'y mangapahiya sa lahat nilang ginawa, ipakilala mo sa kanila ang anyo ng bahay, at ang pagka-anyo niyaon, at ang mga labasan niyaon, at ang mga pasukan niyaon, at lahat ng anyo niyaon, at ang lahat ng mga alituntunin niyaon, at lahat ng anyo niyaon, at lahat ng kautusan niyaon; at iyong isulat yaon sa kanilang paningin; upang kanilang maingatan ang buong anyo niyaon, at ang lahat ng mga alituntunin niyaon, at kanilang isagawa.

12 Ito ang kautusan tungkol sa bahay; ang taluktok ng bundok sa buong hangganan niyaon sa palibot ay magiging kabanalbanalan. Narito, ito ang kautusan tungkol sa bahay.

13 At ito ang mga sukat ng dambana ayon sa mga siko (ang siko na pinakasukat ay isang siko at isang lapad ng kamay): ang patungan ay isang siko, at ang luwang ay isang siko, at ang gilid niyaon sa palibot ay isang dangkal; at ito ang magiging patungan ng dambana.

14 At mula sa patungan sa lupa sa lalong mababang grado ay malalagay na dalawang siko, at ang luwang ay isang siko; at mula sa lalong mababang grado hanggang sa lalong mataas na grado ay malalagay na apat na siko, at ang luwang ay isang siko.

15 At ang lalong mataas na dambana ay magiging apat na siko; at mula sa apuyan ng dambana hanggang sa dakong itaas ay magkakaroon ng apat na sungay.

16 At ang apuyan ng dambana ay magkakaroon ng labing dalawang siko ang haba at labing dalawa ang luwang, parisukat sa apat na tagiliran niyaon.

17 At ang patungan niyaon ay magkakaroon ng labing apat na siko ang haba at labing apat na siko ang luwang sa apat na tagiliran niyaon; at ang gilid sa palibot ay magiging kalahating siko; at ang patungan niyaon ay magiging isang siko sa palibot; at ang mga baytang niyaon ay paharap sa dakong silanganan.

18 At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ito ang mga alituntunin tungkol sa dambana sa kaarawan na kanilang gagawin, upang paghandugan sa ibabaw ng mga handog na susunugin, at upang pagwisikan ng dugo.

19 Iyong ibibigay sa mga saserdote na mga Levita na sa angkan ni Sadoc na malapit sa akin, upang magsipangasiwa sa akin, sabi ng Panginoong Dios, ang isang guyang baka na pinakahandog dahil sa kasalanan.

20 At kukuha ka ng dugo niyaon, at ilalagay mo sa apat na sungay niyaon, at sa apat na sulok ng patungan, at sa laylayan sa palibot: ganito mo lilinisin yaon at tutubusin ito.

21 Iyo rin namang kukunin ang guyang toro na handog dahil sa kasalanan, at susunugin mo sa takdang dako ng bahay, sa labas ng santuario.

22 At sa ikalawang araw ay maghahandog ka ng kambing na lalake na walang kapintasan na pinakahandog dahil sa kasalanan; at kanilang lilinisin ang dambana gaya ng kanilang pagkalilis sa pamamagitan ng guyang toro.

23 Pagka ikaw ay nakatapos ng paglilinis, maghahandog ka ng isang guyang toro na walang kapintasan, at isang lalaking tupa na mula sa kawan na walang kapintasan.

24 At iyong ilalapit ang mga yaon sa harap ng Panginoon, at hahagisan ng asin ang mga yaon ng mga saserdote, at kanilang ihahandog na pinakahandog na susunugin sa Panginoon.

25 Pitong araw na maghahanda ka sa bawa't araw ng isang kambing na pinakahandog dahil sa kasalanan: maghahanda rin sila ng guyang toro, at isang lalaking tupang mula sa kawan, na walang kapintasan.

26 Pitong araw na kanilang tutubusin ang dambana at lilinisin; gayon nila itatalaga.

27 At pagka kanilang naganap ang mga kaarawan, mangyayari na sa ikawalong araw, at sa haharapin, maghahandog ang mga saserdote ng inyong mga handog na susunugin sa ibabaw ng dambana, at ang inyong mga handog tungkol sa kapayapaan; at aking tatanggapin kayo, sabi ng Panginoong Dios.

44 Nang magkagayo'y ibinalik niya ako sa daan ng pintuan sa labas ng santuario, na nakaharap sa dakong silanganan; at ito'y nasara.

At sinabi ng Panginoon sa akin, Ang pintuang-daang ito ay sasarhan, hindi bubuksan, o papasukan man ng sinoman, sapagka't pinasukan ng Panginoon, ng Dios ng Israel; kaya't ito'y masasara.

Tungkol sa prinsipe, siya'y mauupo roon na pinaka prinsipe upang kumain ng tinapay sa harap ng Panginoon; siya'y papasok sa daan ng portiko ng pintuang-daan, at lalabas sa daan ding yaon.

Nang magkagayo'y dinala niya ako sa daan ng pintuang-daang hilagaan sa harap ng bahay: at ako'y tumingin, at, narito, napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay ng Panginoon: at nasubasob ako.

At ang Panginoon ay nagsabi sa akin, Anak ng tao, tandaan mong mabuti, at masdan mo ng iyong mga mata, at pakinggan mo ng iyong mga pakinig ang lahat na aking sinasabi sa iyo tungkol sa lahat ng alituntunin hinggil sa bahay ng Panginoon, at tungkol sa lahat ng kautusan doon; at tandaan mong mabuti ang pasukan ng bahay sangpu ng bawa't labasan sa santuario.

At iyong sasabihin sa mapanghimagsik, sa makatuwid baga'y sa sangbahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Oh kayong sangbahayan ni Israel, mangaglikat na kayo sa lahat ninyong kasuklamsuklam,

Sa inyong pagpapasok ng mga taga ibang lupa na hindi tuli sa puso at hindi tuli sa laman, upang malagay sa aking santuario, na lapastanganin yaon, sa makatuwid baga'y ang aking bahay, pagka inyong inihahandog ang aking tinapay, ang taba at ang dugo, at sinira nila ang aking tipan, upang idagdag sa lahat ninyong mga kasuklamsuklam.

At hindi ninyo iningatan ang katungkulan sa aking mga banal na bagay; kundi kayo'y nangaglagay ng mga tagapangasiwa sa aking santuario sa ganang inyong sarili.

Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Walang taga ibang lupa, na hindi tuli sa puso at hindi tuli sa laman na papasok sa aking santuario, kahit sinomang taga ibang lupa na nasa gitna ng mga anak ni Israel.

10 Nguni't ang mga Levita na nagsilayo sa akin nang ang Israel ay maligaw sa akin sa pagsunod sa kanilang mga diosdiosan; mangagdadanas sila ng kanilang kasamaan.

11 Gayon ma'y magiging tagapangasiwa sila sa aking santuario, na sila ang mamamahala sa mga pintuang-daan ng bahay, at magsisipangasiwa sa bahay: kanilang papatayin ang handog na susunugin at ang hain para sa bayan, at sila'y magsisitayo sa harap ng mga yaon upang pangasiwaan nila.

12 Sapagka't kanilang pinangasiwaan sila sa harap ng kanilang mga diosdiosan, at naging ikatitisod sila sa ikasasama ng sangbahayan ni Israel; kaya't itinaas ko ang aking kamay laban sa kanila, sabi ng Panginoong Dios, at dadanasin nila ang kanilang kasamaan.

13 At hindi sila magsisilapit sa akin upang magsagawa ng katungkulan ng saserdote sa akin, o magsisilapit man sa alin man sa mga banal na bagay ko, sa mga bagay na kabanalbanalan; kundi tataglayin nila ang kanilang kahihiyan, at ang kanilang mga kasuklamsuklam na kanilang ginawa.

14 Gayon ma'y gagawin ko silang tagapangasiwa sa bahay, para sa buong paglilingkod doon, at sa lahat na gagawin doon.

15 Nguni't ang mga saserdoteng Levita na mga anak na lalake ni Sadoc, na nagiingat ng katungkulan sa aking santuario nang ang mga anak ni Israel ay magsihiwalay sa akin, sila'y magsisilapit sa akin upang magsipangasiwa sa akin; at sila'y magsisitayo sa harap ko upang mangaghandog sa akin ng taba at ng dugo, sabi ng Panginoong Dios:

16 Sila'y magsisipasok sa aking santuario, at sila'y magsisilapit sa aking dulang, upang magsipangasiwa sa akin, at iingatan nila ang kanilang katungkulan sa akin.

17 At mangyayari, na pagka sila'y magsisipasok sa mga pintuang-daan ng lalong loob na looban, susuutan sila ng mga kayong linong kasuutan; at walang lanang dadaiti sa kanila, samantalang sila'y nagsisipangasiwa sa mga pintuang-daan ng lalong loob na looban, at sa loob.

18 Sila'y mangagpupugong ng kayong lino sa kanilang mga ulo, at mangagtatapi ng kayong lino sa kanilang mga balakang; hindi sila mangagbibigkis ng anomang nakapagpapapawis.

19 At pagka kanilang lalabasin ang mga tao sa looban sa labas, ng bahay, kanilang huhubarin ang kanilang mga kasuutan na kanilang ipinangangasiwa, at ilalagay nila ang mga ito sa mga banal na silid; at mangagsusuot sila ng ibang mga kasuutan, upang huwag nilang banalin ang mga tao ng kanilang mga kasuutan.

20 Ni aahitan man nila ang kanilang mga ulo, ni titiisin man ang kanilang buhok ay humaba; kanila lamang gugupitan ang kanilang mga ulo.

21 Ni iinom ng alak ang sinomang saserdote pagka sila'y magsisipasok sa lalong loob na looban.

22 Ni mangagaasawa man sa babaing bao, o sa inihiwalay man: kundi sila'y magaasawa ng mga dalaga sa lahi ng sangbahayan ni Israel, o ng babaing bao na nabao sa saserdote.

23 At kanilang ituturo sa aking bayan ang pagkakaiba ng banal at ng karaniwan, at ipakikilala nila sa kanila ang marumi at malinis.

24 At sa pagtatalo ay magsisitayo sila upang magsihatol; ayon sa aking mga kahatulan ay kanilang hahatulan: at kanilang iingatan ang aking mga kautusan at ang aking mga palatuntunan sa lahat kong takdang kapistahan; at kanilang ipangingilin ang aking mga sabbath.

25 At hindi sila magsisilapit sa alin mang patay na tao na mangagpakahawa; nguni't sa ama, o sa ina, o sa anak na lalake, o babae, sa kapatid na lalake, o babae na hindi nagkaasawa, maaaring mangagpakahawa sila.

26 At pagkatapos na siya'y malinis, sila'y bibilang sa kaniya ng pitong araw.

27 At sa kaarawan na siya'y pumasok sa santuario, sa lalong loob na looban upang mangasiwa sa santuario, siya'y maghahandog ng kaniyang handog dahil sa kasalanan, sabi ng Panginoong Dios.

28 At sila'y mangagkakaroon ng mana; ako'y kanilang mana; at hindi ninyo bibigyan sila ng pag-aari sa Israel; ako'y kanilang pag-aari.

29 Sila'y magsisikain ng handog na harina, at ng handog dahil sa kasalanan, at ng handog dahil sa pagkakasala; at bawa't bagay na itinalaga sa Israel ay magiging kanila.

30 At ang una sa lahat na unang bunga ng bawa't bagay, at lahat na alay na bawa't bagay, sa lahat ninyong mga alay ay magiging sa saserdote: inyo rin namang ibibigay sa mga saserdote ang una sa inyong masa upang pagpalain ang inyong bahay.

31 Ang mga saserdote ay hindi kakain ng anomang bagay na namamatay sa kaniyang sarili, o nalapa, maging ibon o hayop man.

45 Bukod dito'y pagka inyong hahatiin sa pamamagitan ng sapalaran ang lupain na pinakamana, mangaghahandog kayo ng alay sa Panginoon, isang banal na bahagi ng lupain; ang haba ay magkakaroon ng habang dalawang pu't limang libong tambo, at ang luwang ay magiging sangpung libo: ito'y magiging banal sa lahat ng hangganan niyaon sa palibot.

Dito'y magkakaroon ukol sa dakong banal ng limang daan ang haba at limang daang luwang, parisukat sa palibot; limang pung siko sa pagitan niyaon sa palibot.

At sa sukat na ito iyong susukatin, na ang haba ay dalawang pu't limang libo, at ang luwang ay sangpung libo: at doo'y malalagay ang santuario, na pinakabanal.

Siyang banal na bahagi ng lupain; ito'y para sa mga saserdote, na mga tagapangasiwa ng santuario, na nagsisilapit upang magsipangasiwa sa Panginoon; at ito'y magiging dakong kalalagyan ng kanilang mga bahay, at banal na dakong kalalagyan ng santuario.

At dalawang pu't limang libo ang haba, at sangpung libo ang luwang ay magiging sa mga Levita, na mga tagapangasiwa ng bahay, na pinaka pag-aari sa kanilang sarili, na dalawang pung silid.

At inyong itatakda ang pag-aari ng bayan na limang libo ang luwang, at dalawang pu't limang libo ang haba, sa tabi ng alay na banal na bahagi: magiging ukol sa buong sangbahayan ni Israel.

Magkakaroon naman para sa prinsipe ng bahagi sa isang dako at sa kabilang dako sa banal na alay at sa pag-aari ng bayan, sa harap ng banal na alay at sa harap ng pag-aari ng bayan, sa dakong kalunuran na gawing kalunuran, at sa dakong silanganan na gawing silanganan; at ang haba ay ayon sa isa sa mga bahagi, mula sa hangganang kalunuran hanggang sa hangganang silanganan.

Sa lupaing ito'y magiging kaniya na pinakaari sa Israel: at hindi na pipighatiin pa ng aking mga prinsipe ang aking bayan; kundi ibibigay nila ang lupain sa sangbahayan ni Israel ayon sa kanilang mga lipi.

Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Magkasiya ito sa inyo, Oh mga prinsipe ng Israel: iwan ninyo ang pangdadahas at pagsamsam, at magsagawa kayo ng kahatulan at ng kaganapan; alisin ninyo ang inyong atang sa aking bayan, sabi ng Panginoong Dios.

10 Kayo'y magkakaroon ng mga ganap na timbangan; at ganap na efa, at ganap na bath.

11 Ang efa at ang bath ay magiging iisang takalan, upang ang bath ay maglaman ng ikasangpung bahagi ng isang homer, at ang efa ay ikasangpung bahagi ng isang homer: ang takal niyaon ay magiging ayon sa homer.

12 At ang siklo ay magiging dalawang pung gera: dalawangpung siklo, lima at dalawang pung siklo, labing limang siklo ay siyang magiging maneh ninyo.

13 Ito ang alay na inyong ihahandog: ang ikaanim na bahagi ng isang efa mula sa isang homer ng trigo; at inyong ibibigay ang ikaanim na bahagi ng isang efa mula sa isang homer ng cebada;

14 At ang takdang bahagi ng langis, ng bath ng langis, ang ikasangpung bahagi ng bath mula sa isang kor, na sangpung bath, o isang homer (sapagka't sangpung bath ay isang homer);

15 At isang batang tupa sa kawan, mula sa dalawang daan, na mula sa matabang pastulan ng Israel; na pinakahandog na harina, at pinakahandog na susunugin, at pinakahandog tungkol sa kapayapaan, upang ipangtubos sa kanila, sabi ng Panginoong Dios.

16 Buong bayan ng lupain ay magbibigay ng alay na ito sa prinsipe sa Israel.

17 At magiging tungkulin ng prinsipe na magbigay ng mga handog na susunugin, at ng mga handog na harina, at ng mga inuming handog, sa mga kapistahan, at sa mga bagong buwan, at sa mga sabbath, sa lahat ng takdang kapistahan ng sangbahayan ni Israel: siya'y maghahanda ng handog dahil sa kasalanan, at ng handog na harina, at ng handog na susunugin, at ng mga handog tungkol sa kapayapaan, upang ipangtubos sa sangbahayan ni Israel.

18 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Sa unang buwan, sa unang araw ng buwan, kukuha ka ng guyang toro na walang kapintasan; at iyong lilinisin ang santuario.

19 At ang saserdote ay kukuha ng dugo ng handog dahil sa kasalanan, at ilalagay sa mga haligi ng pintuan ng bahay, at sa apat na sulok ng patungang dambana, at sa mga haligi ng pintuang-daan ng lalong loob na looban.

20 At gayon ang iyong gagawin sa ikapitong araw ng buwan para sa bawa't nagkakamali, at sa bawa't walang malay: gayon ninyo lilinisin ang bahay.

21 Sa unang buwan, sa ikalabing apat na araw ng buwan, magdidiwang kayo ng paskua, isang kapistahan na pitong araw; tinapay na walang levadura ang kakanin.

22 At sa araw na yaon ay maghahanda ang prinsipe para sa kaniya at sa buong bayan ng lupain ng isang guyang toro na pinakahandog dahil sa kasalanan.

23 At sa pitong araw ng kapistahan ay ipaghahanda niya ng handog na susunugin ang Panginoon, pitong toro at pitong tupa na walang kapintasan sa araw-araw na pitong araw; at isang kambing araw-araw na pinakahandog dahil sa kasalanan.

24 At siya'y maghahanda ng handog na harina, ng isang efa sa isang toro, at ng isang efa sa isang lalaking tupa, at isang hin ng langis sa isang efa.

25 Sa ikapitong buwan, sa ikalabing limang araw ng buwan, sa kapistahan, kaniyang gagawin ang gaya ng pitong araw; ayon sa handog dahil sa kasalanan, ayon sa handog na susunugin, at ayon sa handog na harina, at ayon sa langis.

46 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Ang pintuang-daan ng lalong loob na looban na nakaharap sa dakong silanganan ay sasarhan sa anim na araw na iginagawa; nguni't sa sabbath ay bubuksan, at sa kaarawan ng bagong buwan ay bubuksan.

At ang prinsipe ay papasok sa daan ng portiko ng pintuang-daan sa labas; at tatayo sa tabi ng haligi ng pintuang-daan; at maghahanda ang mga saserdote ng kaniyang handog na susunugin, at ng kaniyang mga handog tungkol sa kapayapaan, at siya'y sasamba sa may pasukan ng pintuang-daan; kung magkagayo'y lalabas siya; nguni't ang pintuang-daan ay hindi sasarhan hanggang sa hapon.

At ang bayan ng lupain ay sasamba sa may pintuan ng pintuang-daang yaon sa harap ng Panginoon sa mga sabbath at sa mga bagong buwan.

At ang handog na susunugin na ihahandog ng prinsipe sa Panginoon sa araw ng sabbath ay anim na batang tupa na walang kapintasan at isang lalaking tupang walang kapintasan;

At ang handog na harina ay isang efa sa lalaking tupa, at ang handog na harina sa mga batang tupa ay ang kaniyang kayang ibigay, at isang hin ng langis sa isang efa.

At sa kaarawan ng bagong buwan ay isang guyang toro na walang kapintasan, at anim na batang tupa at isang lalaking tupa; mga walang kapintasan:

At siya'y maghahanda ng handog na harina, isang efa sa toro, at isang efa sa lalaking tupa, at sa mga batang tupa ay ayon sa kaniyang kaya, at isang hin na langis sa isang efa.

At pagka ang prinsipe ay papasok, siya'y papasok sa daan ng portiko ng pintuang-daan, at sa daan ding yaon siya lalabas.

Nguni't pagka ang bayan ng lupain ay haharap sa Panginoon sa mga takdang kapistahan, siyang pumapasok sa daan ng pintuang-daang hilagaan upang sumamba ay lalabas sa daan ng pintuang-daang timugan ay lalabas sa daan ng pintuang-daang hilagaan; hindi siya babalik sa daan ng pintuang-daan na kaniyang pinasukan, kundi lalabas na matuwid sa harap niya.

10 At ang prinsipe, pagka sila'y magsisipasok, ay magsisipasok sa gitna ng mga yaon; at pagka sila'y magsisilabas ay magsisilabas na magkakasama.

11 At sa mga kapistahan at sa mga kadakilaan ay ang handog na harina ay magiging isang efa sa isang toro, at isang efa sa lalaking tupa, at sa mga batang tupa ay ang kayang ibigay niya, at isang hin ng langis sa isang efa.

12 At pagka ang prinsipe ay maghahanda ng kusang handog, ng handog na susunugin o ng mga handog tungkol sa kapayapaan na pinakakusang handog sa Panginoon, may isang magbubukas sa kaniya ng pintuang-daan na nakaharap sa dakong silanganan; at kaniyang ihahanda ang kaniyang handog na susunugin at ang kaniyang mga handog tungkol sa kapayapaan, gaya ng kaniyang ginagawa sa araw ng sabbath; kung magkagayo'y lalabas siya; at pagkalabas niya ay sasarhan ng isa ang pintuang-daan.

13 At ikaw ay maghahanda ng isang batang tupa ng unang taon na walang kapintasan na pinakahandog na susunugin sa Panginoon araw-araw: tuwing umaga ay maghahanda ka.

14 At iyong ihahandang handog na harina na kasama niyaon tuwing umaga, ang ikaanim na bahagi ng isang efa, at ang ikatlong bahagi ng isang hin ng langis, upang basain ang mainam na harina; isang handog na harina na lagi sa Panginoon: na pinakalaging alituntunin.

15 Ganito nila ihahanda ang batang tupa at ang handog na harina, at ang langis, tuwing umaga, na pinakahandog na susunuging lagi.

16 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Kung ang prinsipe ay magbigay ng kaloob sa kanino man sa kaniyang mga anak, ay magiging kaniyang mana, mauukol sa kaniyang mga anak; siyang kanilang pag-aari na pinakamana.

17 Nguni't kung ibigay niya ang kaniyang mana na pinakakaloob sa isa sa kaniyang mga alipin, magiging kaniya sa taon ng kalayaan; kung magkagayo'y mababalik sa prinsipe; nguni't tungkol sa kaniyang mana, magiging sa kaniyang mga anak.

18 Bukod dito'y hindi kukuha ang prinsipe ng mana ng bayan, na aalisin sa kanila ang kanilang pag-aari; siya'y magbibigay ng mana sa kaniyang mga anak na mula sa kaniyang sariling pag-aari, upang ang aking bayan ay huwag mangalat bawa't isa sa kaniyang pag-aari.

19 Nang magkagayo'y dinala niya ako sa pasukan, na nasa tabi ng pintuang-daan, sa loob ng mga banal na silid na ukol sa mga saserdote, na nakaharap sa hilagaan: at, narito, may isang dako sa lalong loob na bahagi na dakong kalunuran.

20 At sinabi niya sa akin, Ito ang dako na pagpapakuluan ng mga saserdote ng handog sa pagkakasala at ng handog dahil sa kasalanan, na siyang kanilang pagiihawan ng handog na harina; upang huwag nilang mailabas sa lalong labas na looban, upang banalin ang bayan.

21 Nang magkagayo'y inilabas niya ako sa labas ng looban ng bahay at pinaraan niya ako sa apat na sulok ng looban; at, narito, sa bawa't sulok ng looban ay may isang looban.

22 Sa apat na sulok ng looban ay may mga looban na nababakod, apat na pung siko ang haba at tatlong pu ang luwang: ang apat na ito sa mga sulok ay may isang sukat.

23 At may isang pader sa palibot ng mga yaon, sa palibot ng apat, at may ginawang pakuluang mga dako sa ilalim ng mga pader sa palibot.

24 Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Ito ang mga dako na pakuluan na pagpapakuluan ng mga tagapangasiwa sa bahay ng hain ng bayan.

47 At ibinalik niya ako sa pintuan ng bahay; at, narito, ang tubig ay lumalabas sa ilalim ng pasukan sa bahay sa dakong silanganan (sapagka't ang harapan ng bahay ay sa dakong silanganan); at ang tubig ay umaagos sa ilalim, mula sa dakong kanan ng bahay, sa timugan ng dambana.

Nang magkagayo'y inilabas niya ako sa daan ng pintuang-daang hilagaan, at pinatnubayan niya ako sa palibot ng daan sa labas, sa lalong labas ng pintuang-daan, sa daan ng pintuang-daan na nakaharap sa dakong silanganan; at, narito, doo'y lumalabas ang tubig sa dakong kanan.

Nang ang lalake ay lumabas sa dakong silanganan na may pising panukat sa kaniyang kamay, siya'y sumukat ng isang libong siko, at pinaraan niya ako sa tubig, sa tubig na hanggang bukongbukong.

Muling sumukat siya ng isang libo, at pinaraan niya ako sa tubig, sa tubig na hanggang mga tuhod. Muli siyang sumukat ng isang libo, at pinaraan niya ako sa tubig, sa tubig na hanggang sa mga balakang.

Pagkatapos ay sumukat siya ng isang libo; at isang ilog na hindi ko naraanan; sapagka't ang tubig ay sumasampa, tubig upang languyan, ilog na hindi mararaanan.

At sinabi niya sa akin, Anak ng tao, nakita mo baga ito? Nang magkagayo'y dinala niya ako, at pinabalik niya ako sa pangpang ng ilog.

Nang ako nga'y makabalik, narito, sa pangpang ng ilog, ay may totoong maraming puno ng kahoy sa magkabilang dako.

Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, Ang tubig na ito ay lumalabas sa dakong silanganang lupain, at bababa sa Araba; at huhugos sa dagat; sa dagat ay huhugos ang tubig na pinalabas; at ang tubig ay mapagagaling.

At mangyayari, na bawa't likhang may buhay na dumadami, saan mang dako umaagos ang tubig, ay mabubuhay; at magkakaroon ng totoong napakaraming isda; sapagka't ang tubig na ito ay dumarating diyan at ang tubig ng dagat ay mapagagaling, at bawa't may buhay ay mabubuhay saan man dumating ang ilog.

10 At mangyayari, na ang mga mangingisda ay magsisitayo sa tabi niyaon: mula sa En-gedi hanggang sa En-eglaim ay magiging dako na ladlaran ng mga lambat; ang mga isda ng mga yaon ay magiging ayon sa pagkakaisda ng mga yaon, gaya ng isda sa malaking dagat, na totoong marami.

11 Nguni't ang kaniyang mga dakong maburak, at ang mga lumbak niyaon, ay hindi mapapagaling; magiging asinan nga.

12 At sa pangpang ng ilog sa tabi niyaon, sa dakong ito at sa dakong yaon, tutubo ang sarisaring punong kahoy na pinakapagkain, na ang dahon ay hindi matutuyo, ni magkukulang man ang bunga niyaon: magbubunga ng bago buwan-buwan, sapagka't ang tubig niyaon ay lumalabas sa santuario; at ang bunga niyaon ay magiging pagkain at ang dahon niyaon ay pangpagaling.

13 Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ito ang magiging hangganan, na inyong pagbabahagihan ng lupain na pinakamana ayon sa labing dalawang lipi ng Israel: ang Jose ay magkakaroon ng dalawang bahagi.

14 At inyong mamanahin, ng isa na gaya ng iba; sapagka't aking isinumpa na ibigay ito sa inyong mga magulang: at ang lupaing ito ay mahuhulog sa inyo na pinakamana.

15 At ito ang magiging hangganan ng lupain: Sa dakong hilagaan, mula sa malaking dagat, sa daang Hethlon, hanggang sa pasukan sa Sedad;

16 Hamath, Berotha, Sibrahim, na nasa pagitan ng hangganan ng Damasco at ng hangganan ng Hamath; Haser-hatticon na nasa tabi ng hangganan ng Hauran.

17 At ang hangganang mula sa dagat ay magiging ang Hazar-enon sa hangganan ng Damasco, at nasa hilagaan na dakong hilagaan ang hangganan ng Hamath. Ito ang dakong hilagaan.

18 At ang dakong silanganan, ang pagitan ng Hauran at ng Damasco at ng Galaad, at ang lupain ng Israel, ay siyang magiging Jordan; mula sa hilagaang hangganan hanggang sa silanganang dagat ay inyong susukatin. Ito ang dakong silanganan.

19 At ang timugang dako na gawing timugan ay magiging mula sa Tamar hanggang sa tubig ng Meribot-cades, sa batis ng Egipto, hanggang sa malaking dagat. Ito ang timugang dako na gawing timugan.

20 At ang dakong kalunuran ay magiging ang malaking dagat, mula sa hangganang timugan hanggang sa tapat ng pasukan sa Hamath. Ito ang dakong kalunuran.

21 Gayon ninyo hahatiin ang lupaing ito sa inyo ayon sa mga lipi ng Israel.

22 At mangyayari na inyong hahatiin sa sapalaran na pinakamana sa inyo at sa mga taga ibang lupa na makikipamayan sa gitna ninyo, na magkakaanak sa gitna ninyo; at sila'y magiging sa inyo'y gaya ng ipinanganak sa gitna ng mga anak ni Israel; sila'y magkakaroon ng mana na kasama ninyo sa gitna ng mga lipi ng Israel.

23 At mangyayari, na kung saang lipi nakipamayan ang taga ibang lupa, doon ninyo bibigyan siya ng mana, sabi ng Panginoong Dios.

48 Ang mga ito nga ang mga pangalan ng mga lipi: Mula sa dulong hilagaan, sa tabi ng daan ng Hethlon hanggang sa pasukan sa Hamath, Hasar-enan, sa hangganan ng Damasco, na dakong hilagaan sa gawing yaon ng Hamath; (at mga magkakaroon ng mga dakong silanganan at kalunuran), ang Dan, isang bahagi.

At sa tabi ng hangganan ng Dan, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Aser, isang bahagi.

At sa tabi ng hangganan ng Aser, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Nephtali, isang bahagi.

At sa tabi ng hangganan ng Nephtali, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Manases, isang bahagi.

At sa tabi ng hangganan ng Manases, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Ephraim, isang bahagi.

At sa tabi ng hangganan ng Ephraim, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Ruben, isang bahagi.

At sa tabi ng hangganan ng Ruben, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Juda, isang bahagi.

At sa tabi ng hangganan ng Juda, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, malalagay ang alay na inyong ihahandog, dalawang pu't limang libong tambo ang luwang, at ang haba ay gaya ng isa sa mga bahagi, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran; at ang santuario ay malalagay sa gitna niyaon.

Ang alay na inyong ihahandog sa Panginoon ay magiging dalawang pu't limang libong tambo ang haba, at sangpung libo ang luwang.

10 At magiging sa mga ito, sa makatuwid baga'y sa mga saserdote, ang banal na alay; sa dakong hilagaan ay dalawang pu't limang libo ang haba, at sa dakong kalunuran ay sangpung libo ang luwang, at sa dakong timugan ay dalawang pu't limang libo ang haba: at ang santuario ng Panginoon ay maglalagay sa gitna niyaon.

11 Ito'y magiging sa mga saserdote na mga pinapaging banal sa mga anak ni Sadoc, na nagsisiganap ng katungkulan sa akin na hindi nangagpakaligaw nang mangagpakaligaw ang mga anak ni Israel, na gaya ng mga Levita na nangagpakaligaw.

12 At sa kanila'y magiging alay na mula sa alay ng lupain, bagay na kabanalbanalan sa tabi ng hangganan ng mga Levita.

13 At ayon sa hangganan ng mga saserdote, ang mga Levita ay mangagkakaroon ng dalawang pu't limang libo ang haba, at sangpung libo ang luwang: ang buong haba ay magiging dalawang pu't limang libo, at ang luwang ay sangpung libo.

14 At hindi nila ipagbibili, o ipagpapalit man, o ipagkakaloob sa iba man ang mga unang bunga ng lupain; sapagka't ito'y banal sa Panginoon.

15 At ang limang libo na naiwan sa naluwangan, sa tapat ng dalawang pu't limang libo, magiging sa karaniwang kagamitan na ukol sa bayan, sa tahanan at sa mga nayon; at ang bayan ay malalagay sa gitna niyaon.

16 At ang mga ito ang magiging mga sukat niyaon: sa dakong hilagaan ay apat na libo at limang daan, at sa dakong timugan ay apat na libo at limang daan, at sa dakong silanganan ay apat na libo at limang daan, at sa dakong kalunuran ay apat na libo at limang daan.

17 At ang bayan ay magkakaroon ng mga nayon: sa dakong hilagaan ay dalawang daan at limang pu, at sa dakong timugan ay dalawang daan at limang pu, at sa dakong silanganan ay dalawang daan at limang pu, at sa dakong kalunuran ay dalawang daan at limang pu.

18 At ang labis sa haba, na nauukol sa banal na alay, magiging sangpung libo sa dakong silanganan, at sangpung libo sa dakong kalunuran; at magiging ukol sa banal na alay; at ang bunga niyaon ay magiging pinakapagkain sa nagsisigawa sa bayan.

19 At tatamnan nilang nagsisigawa sa bayan sa lahat ng mga lipi ng Israel.

20 Buong alay ay magiging dalawang pu't limang libong tambo at dalawang pu't limang libo: inyong ihahandog na parisukat ang banal na alay, sangpu ng pag-aari ng bayan.

21 At ang labis ay magiging sa prinsipe, sa isang dako at sa kabilang dako ng banal na alay at sa pag-aari ng bayan; sa tapat ng dalawang pu't limang libo sa alay sa dako ng silanganang hangganan, at sa dakong kalunuran sa tapat ng dalawang pu't limang libo sa dako ng kalunurang hangganan, na ukol sa mga bahagi, magiging sa prinsipe: at ang banal na alay at ang santuario ng bahay ay malalagay sa gitna niyaon.

22 Bukod dito'y mula sa pag-aari ng mga Levita, at mula sa pag-aari ng bayan na nasa gitna ng sa prinsipe, sa pagitan ng hangganan ng Juda at ng hangganan ng Benjamin, magiging sa prinsipe.

23 At tungkol sa nalabi sa mga lipi: mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Benjamin, isang bahagi.

24 At sa tabi ng hangganan ng Benjamin, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Simeon, isang bahagi.

25 At sa tabi ng hangganan ng Simeon, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Issachar, isang bahagi.

26 At sa tabi ng hangganan ng Issachar, mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Zabulon, isang bahagi.

27 At sa tabi ng hangganan ng Zabulon mula sa dakong silanganan hanggang sa dakong kalunuran, ang Gad, isang bahagi.

28 At sa tabi ng hangganan ng Gad, sa dakong timugan na gawing timugan, ang hangganan ay magiging mula sa Tamar hanggang sa tubig ng Meribat-cades sa batis ng Egipto, hanggang sa malaking dagat.

29 Ito ang lupain na inyong babahagihin sa sapalaran sa mga lipi ng Israel na pinakamana, at ang mga ito ang kanilang mga iba't ibang bahagi, sabi ng Panginoong Dios.

30 At ang mga ito ang mga labasan sa bayan: Sa dakong hilagaan ay apat na libo at limang daang tambo sa sukat;

31 At ang mga pintuang-daan ng bayan ay magiging ayon sa mga pangalan ng mga lipi ng Israel, tatlong pintuang-daan sa dakong hilagaan: ang pintuang-daan ng Ruben, isa; ang pintuang-daan ng Juda, isa; ang pintuang-daan ng Levi, isa.

32 At sa dakong silanganan ay apat na libo at limang-daang tambo, at tatlong pintuang-daan: ang pintuang-daan ng Jose, isa; ang pintuang-daan ng Benjamin, isa; ang pintuang-daan ng Dan, isa:

33 At sa dakong timugan ay apat na libo at limang daang tambo sa sukat, at tatlong pintuang-daan: ang pintuang-daan ng Simeon, isa; ang pintuang-daan ng Issachar, isa; ang pintuang-daan ng Zabulon, isa:

34 Sa dakong kalunuran ay apat na libo at limang daang tambo, na may kanilang tatlong pintuang-daan: ang pintuang-daan ng Gad, isa; ang pintuang-daan ng Aser, isa; ang pintuang-daan ng Nephtali, isa.

35 Magkakaroon ng labing walong libong tambo ang sukat sa palibot: at ang magiging pangalan ng bayan mula sa araw na yaon ay, Ang Panginoon ay naroroon.