Add parallel Print Page Options

Ang Pagbagsak ni Gog at ng mga Kawal Niya

39 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, magsalita ka laban kay Gog. Sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Gog, kalaban kita, ikaw na pinuno ng Meshec at Tubal. Paiikutin kita at hihilahin mula sa hilaga hanggang makarating ka sa bundok ng Israel. Pagkatapos, kukunin ko ang mga armas mo, mamatay ka at ang lahat ng sundalo mo, pati na ang mga bansang kasama mo roon sa bundok ng Israel. Ipapakain ko ang mga bangkay ninyo sa ibaʼt ibang uri ng ibong mandaragit at sa mababangis na hayop. Mamamatay kayo sa kapatagan dahil ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

“Susunugin ko ang Magog at ang mga katabi niyang bansa na malapit sa tabing-dagat, kung saan mamumuhay nang mapayapa ang mga mamamayan. At malalaman nila na ako ang Panginoon. Ipapakilala ko sa mga mamamayan kong Israelita na banal ang pangalan ko, at hindi ko na papayagang lapastanganin ito. At malalaman ng mga bansa na ako ang Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel. Sinasabi ko na darating ang araw na iyon. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

“Kapag dumating na ang araw na iyon, titipunin ng mga mamamayan ng Israel na nakatira sa mga bayan ang mga sandata ninyong pandigma. Ang malalaki at maliliit na kalasag, mga pana, palaso at sibat, at gagamitin nila itong panggatong sa loob ng pitong taon. 10 Hindi na nila kailangang mangahoy pa sa mga parang o kagubatan dahil may mga sandata silang pagdigma na gagawing panggatong. Sasamsaman din nila silang mga sumamsam sa mga ari-arian nila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

11 “Sa panahong iyon, ililibing ko si Gog at ang napakarami niyang tauhan doon sa Israel, sa lambak ng mga manlalakbay, sa gawing silangan ng Dagat na Patay. Napakalawak ng libingang iyon. Kaya hindi na makakadaan doon ang mga naglalakbay. At tatawagin itong Lambak ng Hukbo ni Gog.[a]

12 “Aabot ng pitong buwan ang paglilibing sa kanila ng mga Israelita. Sa ganitong paraan ay malilinis ang lupain. 13 Ang lahat ng mga mamamayan ay tutulong sa paglilibing. Hinding-hindi makakalimutan ng mga Israelita ang araw na iyon dahil sa ganitong paraan ay mapaparangalan ako. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 14 Pagkaraan ng pitong buwan, may mga taong susuguin na ito lang ang gagawin: Susuyurin nila ang lugar na iyon para tingnan kung may natitira pang nagkalat na bangkay at ipapalibing nila ito upang malinis ang lupain. 15 Kapag may nakita pa silang mga kalansay ng tao, lalagyan nila ito ng tanda para makita ng mga maglilibing at para mailibing nila sa Lambak ng Hukbo ni Gog. 16 (May bayang malapit doon na tatawaging Homonah o Maraming Tao). Sa ganitong paraan nila lilinisin ang lupain.”

17-18 Sinabi pa ng Panginoong Dios sa akin, “Anak ng tao, tipunin mo ang lahat ng uri ng ibon at mababangis na hayop doon sa bundok ng Israel, dahil maghahanda ako ng isang piging at marami akong ihahandog doon na makakain nila. Kakain sila ng laman at iinom ng dugo ng matatapang na mga sundalo at pinuno na parang kumakain lang sila ng tupa, baka at kambing na pinataba mula sa Bashan. 19 Sa piging na ito na ihahanda ko para sa kanila, magsasawa sila sa pagkain at pag-inom hanggang sa mabusog at malasing ang mga ito. 20 Mananawa sila sa pagkain ng mga kabayo, mangangabayo, at matatapang na sundalo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

21 “Kapag pinarusahan ko na ang mga bansa, makikita nila kung gaano kalakas ang aking kapangyarihan. 22 At mula sa araw na iyon, malalaman ng mga mamamayan ng Israel na ako ang Panginoon nilang Dios. 23 At malalaman din ng ibang bansa na ang mga mamamayan ng Israel ay binihag dahil sa mga kasalanan nila, dahil hindi sila sumunod sa akin. Kaya pinabayaan ko silang salakayin at patayin ng mga kaaway. 24 Ginawa ko lang sa kanila ang nararapat, ayon sa ginawa nilang kasamaan at kahalayan.”

25 Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Kahahabagan ko na ang mga mamamayan ng Israel, ang lahi ni Jacob. Muli ko silang pauunlarin,[b] para maparangalan ang banal kong pangalan. 26 Makakalimutan na rin nila ang kahihiyang sinapit nila at pagtataksil sa akin kapag naninirahan na silang payapa at walang ligalig sa lupain nila. 27 Ipapakita ko ang kabanalan ko sa mga bansa kapag nakuha ko na ang mga Israelita sa mga bansang kaaway nila. 28 At malalaman nila na ako ang Panginoon na kanilang Dios. Sapagkat kahit ipinabihag ko sila sa ibang mga bansa, ibinalik ko rin silang lahat sa lupain nila at wala akong iniwan kahit isa. 29 Hindi ko na sila pababayaan dahil ipapadala ko ang aking Espiritu sa kanila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

Footnotes

  1. 39:11 Hukbo ni Gog: sa Hebreo, Hamon Gog. Ganito rin sa talatang 15.
  2. 39:25 Muli … pauunlarin: o, Ibabalik ko sila sa lupain nila mula sa pagkabihag.

39 At ikaw, anak ng tao, manghula ka laban kay Gog, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Narito, ako'y laban sa iyo, Oh Gog, na prinsipe sa Ros, sa Mesech, at sa Tubal:

At aking ipipihit ka sa palibot, at ihahatid kita, at pasasampahin kita mula sa mga pinakahuling bahagi ng hilagaan; at aking dadalhin ka sa mga bundok ng Israel;

At aking sisirain ang iyong busog sa iyong kaliwa, at aking ihuhulog ang iyong pana sa iyong kanan.

Ikaw ay mabubuwal sa mga bundok ng Israel, ikaw, at ang lahat mong mga pulutong, at ang mga bayan na kasama mo: aking ibibigay ka sa mga mangdadagit na ibong sarisari, at sa mga hayop sa parang upang lamunin ka.

Ikaw ay mabubuwal sa luwal na parang: sapagka't aking sinalita, sabi ng Panginoong Dios.

At ako'y magpapasapit ng apoy sa Magog, at sa kanilang nagsisitahang tiwasay sa mga pulo; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

At ang aking banal na pangalan ay ipakikilala ko sa gitna ng aking bayang Israel; at hindi ko man titiising malapastangan pa ang aking banal na pangalan: at malalaman ng mga bansa na ako ang Panginoon, ang banal sa Israel.

Narito, dumarating, at mangyayari, sabi ng Panginoong Dios; ito ang araw na aking sinalita.

At silang nagsisitahan sa mga bayan ng Israel ay magsisilabas, at sisilaban ng mga apoy ang mga almas, at susunugin ang mga kalasag at gayon din ang mga longki, ang mga busog at ang mga pana, at ang mga tungkod, at ang mga sibat, at mga sisilaban nilang pitong taon;

10 Na anopa't sila'y hindi magsisikuha ng kahoy sa parang, o magsisiputol man ng anoman sa mga gubat; sapagka't kanilang sisilaban ang mga almas; at kanilang sasamsaman yaong nagsisamsam sa kanila, at nanakawan yaong nangagnakaw sa kanila, sabi ng Panginoong Dios.

11 At mangyayari sa araw na yaon, na ako'y magbibigay kay Gog ng dakong pinakalibangan sa Israel, ang libis nila na nagsisidaang patungo sa silanganan ng dagat: at paglilikatan nilang daanan; at doon nila ililibing si Gog at ang buo niyang karamihan; at kanilang tatawagin ito: Ang libis ng Hamon-gog.

12 At pitong buwan na mangaglilibing ang sangbahayan ni Israel, upang kanilang linisin ang lupain.

13 Oo, sila'y mangaglilibing ng buong bayan ng lupain; at magiging sa kanila'y kabantugan, sa araw na ako'y luluwalhati, sabi ng Panginoong Dios.

14 At sila'y mangaghahalal ng mga lalaking magkakatungkulang palagi, na mangagdaraan sa lupain at, kasama nilang nangagdaraan, silang nangaglilibing ng nalabi sa ibabaw ng lupain, upang linisin: pagkatapos ng pitong buwan ay mangagsisihanap sila.

15 At silang nangagdaraan sa lupain ay mangagdaraan; at pagka ang sinoman ay nakakita ng buto ng tao, lalagyan nga niya ng tanda, hanggang sa mailibing ng mga manglilibing sa libis ng Hamon-gog.

16 At Hamonah ang magiging pangalan ng bayan. Ganito nila lilinisin ang lupain.

17 At ikaw, anak ng tao, ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Salitain mo sa sarisaring ibon, at sa lahat na hayop sa parang, Magpupulong kayo, at kayo'y magsiparito; magpipisan kayo sa lahat ng dako sa aking hain na aking inihahain sa inyo, sa malaking hain sa ibabaw ng mga bundok ng Israel, upang kayo'y mangakakain ng laman at mangakainom ng dugo.

18 Kayo'y magsisikain ng laman ng makapangyarihan, at magsisiinom ng dugo ng mga prinsipe sa lupa, ng mga lalaking tupa, ng mga batang tupa, at ng mga kambing, ng mga toro, na pawang patabain sa Basan.

19 At kayo'y magsisikain ng taba hanggang sa kayo'y mangabusog, at magsisiinom ng dugo hanggang sa kayo'y mangalango, sa aking hain na aking inihain sa inyo.

20 At kayo'y mangabubusog sa aking dulang ng mga kabayo at mga karo, ng mga makapangyarihang lalake, at ng lahat na lalaking mangdidigma, sabi ng Panginoong Dios.

21 At aking pararatingin ang aking kaluwalhatian sa mga bansa; at makikita ng lahat ng bansa ang aking kahatulan na aking inilapat, at ang aking kamay na aking binuhat sa kanila.

22 Sa gayo'y malalaman ng sangbahayan ni Israel na ako ang Panginoon na kanilang Dios, mula sa araw na yaon hanggang sa haharapin.

23 At malalaman ng mga bansa na ang sangbahayan ni Israel ay pumasok sa pagkabihag dahil sa kanilang kasamaan; sapagka't sila'y nagsisalangsang laban sa akin, at ikinubli ko ang aking mukha sa kanila: sa gayo'y ibinigay ko sila sa kamay ng kanilang mga kaaway, at silang lahat ay nangabuwal sa pamamagitan ng tabak.

24 Ayon sa kanilang karumihan at ayon sa kanilang mga pagsalangsang ay gumawa ako sa kanila; at ikinubli ko ang aking mukha sa kanila.

25 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ngayo'y aking ibabalik ang Jacob na mula sa pagkabihag, at maaawa ako sa buong sangbahayan ni Israel; at ako'y magiging mapanibughuin dahil sa aking banal na pangalan.

26 At sila'y mangagtataglay ng kanilang kahihiyan, at ng kanilang lahat na pagsalangsang na kanilang isinalangsang laban sa akin, pagka sila'y magsisitahang tiwasay sa kanilang lupain, at walang tatakot sa kanila;

27 Pagka sila'y aking nadala uli na mula sa mga bayan, at nangapisan na mula sa mga lupain ng kanilang mga kaaway, at ako'y inaaring banal sa kanila sa paningin ng maraming bansa.

28 At kanilang malalaman na ako ang Panginoon nilang Dios, sa pagpapapasok ko sa kanila sa pagkabihag sa gitna ng mga bansa, at sa pagpipisan ko sa kanila sa kanilang sariling lupain; at hindi ako magiiwan sa kanila ng sino pa man doon;

29 Ni hindi ko na naman ikukubli pa ang aking mukha sa kanila; sapagka't binuhusan ko ng aking Espiritu ang sangbahayan ni Israel, sabi ng Panginoong Dios.