Add parallel Print Page Options

Ang Tungkulin ng Bantay

33 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ito ang sabihin mo sa iyong mga kababayan: Kapag ipinasasalakay ko ang isang bayan, sila ay kailangang pumili ng isang bantay. Kapag natanawan nito ang sasalakay sa kanila, hihipan niya ang trumpeta bilang babala sa mga tao. Sinumang makarinig sa babala ngunit nagsawalang-bahala at napatay ng mga kaaway, walang pananagutan ang bantay sa kanilang kamatayan. Kasalanan na nila kung mamatay sila sapagkat hindi nila pinansin ang babala; maliligtas sana sila kung sila'y nakinig. Ngunit kung hindi hinipan ng bantay ang trumpeta pagkakita niya sa mga sasalakay at may napatay na kanyang kababayan, ito ay pananagutan niya.

“Ikaw, Ezekiel, ang ginagawa kong bantay ng Israel; anumang marinig mo sa akin ay sabihin mo sa kanila bilang babala. Kapag sinabi ko sa taong masama na siya'y mamamatay at di mo ito ipinaalam sa kanya upang makapagbagong-buhay, mamamatay nga siya sa kanyang kasamaan ngunit pananagutan mo ang kanyang kamatayan. Ngunit kapag binigyan mo ng babala ang masama gayunma'y hindi pa rin ito nagbagong-buhay, mamamatay siyang makasalanan ngunit wala kang dapat panagutan.”

Tungkulin ng Bawat Isa

10 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa mga Israelita ang inuulit-ulit nilang sila'y nagumon na sa kasamaan kaya hindi na sila mabubuhay. 11 Sabihin mong ipinapasabi ko na akong si Yahweh, ang buháy na Diyos, ay hindi nasisiyahan na ang sinuma'y mamatay sa kanyang kasamaan; nais kong siya'y magbagong-buhay. Sabihin mo ngang magbagong-buhay sila pagkat di sila dapat mamatay sa kanilang kasamaan. 12 Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo rin sa iyong mga kababayan na ang dating kabutihan ng matuwid ay hindi makakapagligtas sa kanila kung magpakasama sila. Kung ang masama ay magpakabuti, hindi siya paparusahan. Ngunit kung ang mabuti ay magpakasama, paparusahan siya. 13 Sinabi ko nga na ang matuwid ay mabubuhay subalit kung magtitiwala siya sa kanyang kabutihan at nagpakasama, mawawalan ng kabuluhan ang kanyang kabutihan; mamamatay siya sa kasamaang kanyang ginawa. 14 Tungkol sa masama, sinabi kong siya ay mamamatay. Gayunman, kapag tinalikuran niya ang kasamaan at nagbagong-buhay, 15 tumupad sa kanyang pangako, isinauli ang kanyang mga ninakaw, sumunod sa mga tuntunin ng buhay, at hindi na gumawa ng anumang kasamaan, siya ay mabubuhay. 16 Hindi na aalalahanin ang dati niyang kasamaan. At dahil sa kanyang pagpapakabuti, mabubuhay siya.

17 “Ezekiel, sinasabi ng iyong mga kababayan na hindi makatarungan ang ginagawa ko gayong ang pamumuhay nila ang hindi tama. 18 Mamamatay ang matuwid na magpakasama 19 ngunit ang masamang magbagong-buhay at gumawa ng mabuti ay mabubuhay. 20 Gayunma'y sinasabi ninyong hindi matuwid ang aking ginagawa. Mga Israelita, hahatulan ko kayo ayon sa inyong mga gawa.”

Ang Pagbagsak ng Jerusalem

21 Nang(A) ikalimang araw ng ikasampung buwan ng ikalabindalawang taon ng aming pagkabihag, isang pugante mula sa Jerusalem ang nagsabi sa akin, “Wasak na ang Jerusalem.” 22 Umaga nang dumating sa akin ang balita. Noong gabi bago ito dumating, nadama ko ang kamay ni Yahweh. Hinipo niya ang aking bibig at ako'y nakapagsalita.

Ang Kasamaan ng mga Tao

23 Sinabi sa akin ni Yahweh, 24 “Ezekiel, anak ng tao, sinasabi ng mga naninirahan sa wasak na lunsod ng Israel na nag-iisa si Abraham nang ibigay sa kanya ang lupaing ito. Ngayong marami na sila ay kanila na ang lupaing iyon. 25 Sabihin mong ipinapasabi ko: Kumain kayo ng karneng may dugo, sumamba sa mga diyus-diyosan, at pumatay ng tao; sa kabila ba nito'y inaasahan pa ninyong mapapasa-inyo ang lupaing ito? 26 Nanalig kayo sa talim ng tabak, gumawa ng kasuklam-suklam na mga bagay at sinipingan ang asawa ng inyong kapwa; sa kabila ba nito'y inaasahan pa rin ninyong kamtin ang lupain? 27 Sabihin mong ipinapasabi ko na papatayin sa tabak ang lahat ng naninirahan sa wasak na lunsod. Ipalalapa naman sa mga hayop ang nasa kaparangan, at papatayin sa salot ang mga nasa tanggulan at mga taguan. 28 Sisirain ko ang buong lupain, at aalisin ang kapangyarihang ipinagmamalaki nila. Ang matataas na lugar ng Israel ay gagawin kong dakong mapanglaw anupa't ni walang magnanais dumaan doon. 29 Kung mawasak ko na ang buong lupain dahil sa kasuklam-suklam nilang gawain, makikilala nilang ako si Yahweh.”

Ang Bunga ng Pahayag ng Propeta

30 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, nagsasama-sama ang iyong mga kababayan at pinag-uusapan ka sa mga baybay pader at mga pintuan. Sinasabi nila sa isa't isa, ‘Halikayo at tingnan natin kung ano ang ipinapasabi ni Yahweh.’ 31 Sama-sama nga silang pupunta sa iyo upang pakinggan ka ngunit hindi naman nila isasagawa ang kanilang maririnig. Pupurihin nila ang iyong sinasabi ngunit kasakiman din ang maghahari sa kanila. 32 Ituturing ka lamang nilang isang mahusay na mang-aawit at batikang manunugtog. Makikinig sila sa iyo ngunit di naman isasagawa ang kanilang maririnig. 33 Kapag nangyari na ang sinasabi mo sapagkat tiyak namang mangyayari, malalaman nilang may isang propeta ngang nagsabi nito sa kanila.”

33 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

Anak ng tao, salitain mo sa mga anak ng iyong bayan, at sabihin mo sa kanila, Pagka aking dinala ang tabak sa lupain, kung ang bayan ng lupain ay kumuha ng isang lalake sa gitna nila, at ilagay na pinakabantay nila;

Kung, pagkakita niya ng tabak na dumarating sa lupain, kaniyang hipan ang pakakak, at magbigay alam sa bayan;

Sinoman ngang makarinig ng tunog ng pakakak, at hindi pinansin kung ang tabak ay dumating at dalhin siya, ang kaniyang dugo ay mapapasa kaniyang sariling ulo.

Narinig niya ang tunog ng pakakak, at hindi pinansin; ang kaniyang dugo ay sasa kaniya; sapagka't kung siya'y pumansin ay kaniyang nailigtas sana ang kaniyang buhay.

Nguni't kung makita ng bantay na dumarating ang tabak, at hindi humihip ng pakakak, at ang bayan ay hindi napagbigyang alam, at ang tabak ay dumating, at maghiwalay ng sinoman mula sa gitna nila; siya'y nahiwalay sa kaniyang kasamaan, nguni't ang kaniyang dugo ay sisiyasatin ko sa kamay ng bantay.

Sa gayo'y ikaw, anak ng tao, ay inilagay ko na bantay sa sangbahayan ni Israel; kaya't dinggin mo ang salita sa aking bibig, at magbigay alam ka sa kanila sa ganang akin.

Pagka aking sinabi sa masama, Oh masamang tao, ikaw ay walang pagsalang mamamatay, at ikaw ay hindi nagsasalita upang magbigay alam sa masama ng kaniyang lakad: ang masamang yaon ay mamamatay sa kaniyang kasamaan, nguni't ang kaniyang dugo ay sisiyasatin ko sa iyong kamay.

Gayon ma'y kung iyong bigyang alam ang masama ng kaniyang lakad upang humiwalay, at hindi niya hiniwalayan ang kaniyang lakad; mamamatay siya sa kaniyang kasamaan, nguni't iniligtas mo ang iyong kaluluwa.

10 At ikaw, anak ng tao, sabihin mo sa sangbahayan ni Israel, Ganito ang inyong sinasalita, na sinasabi, Ang aming pagsalangsang, at ang aming mga kasalanan ay nangasa amin, at aming pinanglulupaypayan; paano ngang kami ay mangabubuhay?

11 Sabihin mo sa kanila, Buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, wala akong kasayahan sa kamatayan ng masama; kundi ang masama ay humiwalay sa kaniyang lakad at mabuhay: manumbalik kayo, manumbalik kayo na mula sa inyong masasamang lakad; sapagka't bakit kayo mangamamatay, Oh sangbahayan ni Israel?

12 At ikaw, anak ng tao, sabihin mo sa mga anak ng iyong bayan, Ang katuwiran ng matuwid ay hindi makapagliligtas sa kaniya sa kaarawan ng kaniyang pagsalangsang; at tungkol sa kasamaan ng masama, hindi niya kabubuwalan sa araw na kaniyang hiwalayan ang kaniyang kasamaan; ni ikabubuhay man ng matuwid ang kaniyang katuwiran sa araw na siya'y magkasala.

13 Pagka aking sasabihin sa matuwid na siya'y walang pagsalang mabubuhay; kung siya'y tumiwala sa kaniyang katuwiran, at gumawa ng kasamaan, anoman sa kaniyang mga matuwid na gawa ay hindi aalalahanin; kundi sa kaniyang kasamaan na kaniyang nagawa doon siya mamamatay.

14 Muli, pagka aking sinabi sa masama, Ikaw ay walang pagsalang mamamatay; kung kaniyang iwan ang kaniyang kasalanan, at gawin ang tapat at matuwid;

15 Kung isauli ng masama ang sanla, ibigay uli ang kinuha sa pagnanakaw, lumakad sa palatuntunan ng buhay, na di gumawa ng kasamaan, siya'y walang pagsalang mabubuhay, siya'y hindi mamamatay.

16 Wala sa kaniyang mga kasalanan na kaniyang nagawa na aalalahanin laban sa kaniya; kaniyang ginawa ang tapat at matuwid; siya'y walang pagsalang mabubuhay.

17 Gayon ma'y sinabi ng mga anak ng iyong bayan, Ang daan ng Panginoon ay hindi matuwid: nguni't tungkol sa kanila, ay hindi matuwid ang kanilang lakad.

18 Pagka iniwan ng matuwid ang kaniyang katuwiran, at gumagawa ng kasamaan, kaniyang ikamamatay yaon.

19 At kung hiwalayan ng masama ang kaniyang kasamaan, at gumawa ng tapat at matuwid, kaniyang ikabubuhay yaon.

20 Gayon ma'y inyong sinasabi, Ang daan ng Panginoon ay hindi matuwid. Oh sangbahayan ni Israel, aking hahatulan kayo bawa't isa, ayon sa kaniyang mga lakad.

21 At nangyari, nang ikalabing dalawang taon ng ating pagkabihag, nang ikasangpung buwan; nang ikalimang araw ng buwan, na isa na nakatanan mula sa Jerusalem ay naparoon sa akin, na nagsasabi, Ang bayan ay nasaktan.

22 Ang kamay nga ng Panginoon ay sumaakin nang kinahapunan, bago dumating ang nakatanan; at ibinuka niya ang aking bibig, hanggang sa siya'y dumating sa akin nang kinaumagahan; at ang aking bibig ay nabuka at hindi na ako pipi.

23 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na nagsasabi,

24 Anak ng tao, ang nagsisitahan sa mga gibang dakong yaon ng lupain ng Israel, ay nangagsasalita, na sinasabi, Si Abraham ay iisa, at kaniyang minana ang lupain: nguni't tayo'y marami; ang lupain ay ibinigay sa ating pinakamana.

25 Kaya't sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Kayo'y nagsisikain ng may dugo, at itinataas ninyo ang inyong mga mata sa inyong mga diosdiosan, at nagbububo ng dugo: at inyo bagang aariin ang lupain?

26 Kayo'y nagsisitayo sa inyong tabak, kayo'y nagsisigawa ng kasuklamsuklam, at nanirang puri bawa't isa sa inyo ng asawa ng kaniyang kapuwa: at inyo bagang aariin ang lupain?

27 Sabihin mong ganito sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Buhay ako, walang pagsalang silang nangasa mga ibang dako ay mangabubuwal sa pamamagitan ng tabak, at siyang nasa luwal na parang ay ibibigay ko sa mga hayop upang lamunin, at silang nangasa mga katibayan at sa mga yungib ay mangamamatay sa salot.

28 At aking gagawing sira ang lupain at katigilan; at ang kahambugan ng kaniyang lakas ay maglilikat; at ang mga bundok ng Israel ay mangasisira, na walang dadaan.

29 Kung magkagayo'y malalaman nila na ako ang Panginoon, pagka aking ginawang sira at katigilan ang lupain, dahil sa lahat nilang kasuklamsuklam na kanilang nagawa.

30 At tungkol sa iyo, anak ng tao, pinagsasalitaanan ka pa ng mga anak ng iyong bayan sa siping ng mga pader at sa mga pintuan ng mga bahay, at nangagsasalitaan na bawa't isa'y sa kaniyang kapatid, na sinasabi, Pumarito ka, isinasamo ko sa iyo, at dinggin mo kung ano ang salita na nanggagaling sa Panginoon.

31 At dumating sa iyo na wari ang bayan ay dumarating, at sila'y nagsisiupo sa harap mo na gaya ng aking bayan, at kanilang dinidinig ang iyong mga salita, nguni't hindi nila ginagawa; sapagka't sila'y nangagsasalita ng malaking pagibig ng kanilang bibig, nguni't ang kanilang puso ay nasa kanilang pakinabang.

32 At, narito, ikaw ay parang masayang awit sa kanila na may maligayang tinig, at nakatutugtog na mabuti sa panugtog; sapagka't kanilang naririnig ang iyong mga salita, nguni't hindi nila ginagawa.

33 At pagka ito'y nangyari, (narito, nangyayari,) kanila ngang malalaman na isang propeta ay napasa gitna nila.