Ezekiel 3-5
Magandang Balita Biblia
3 Sinabi(A) pa sa akin, “Kainin mo ang aklat na ito. Pagkatapos, magpahayag ka sa sambahayan ni Israel.”
2 Ngumanga ako upang kanin ang aklat. 3 Sinabi niya sa akin, “Kainin mo ito at magpakabusog ka.” Kinain ko nga ang aklat. Sa aking panlasa ito'y kasintamis ng pulot-pukyutan.
4 Sinabi niya sa akin, “Ezekiel, anak ng tao, pumunta ka sa sambayanang Israel at sabihin mo ang ipinapasabi ko sa iyo. 5 Ang pupuntahan mo ay ang sambayanang Israel, at hindi ibang bansang mahirap unawain ang salita. 6 Ang pupuntahan mo'y mga taong nakakaunawa sa mga sasabihin mo. 7 Ngunit hindi sila makikinig sa iyo pagkat ako mismo'y ayaw nilang pakinggan. Matigas ang ulo nila. 8 Ngunit ikaw ang gagawin kong katapat nila. Patitigasin ko ang iyong kalooban, tulad nila. 9 Patatatagin kita tulad ng isang batong-buháy. Huwag kang matatakot sa mapaghimagsik na sambayanang iyon.”
10 Sinabi pa niya sa akin, “Pakinggan mong mabuti at tandaan itong sasabihin ko: 11 Pumunta ka sa mga kababayan mong dinalang-bihag na tulad mo. Sa makinig sila at sa hindi, sabihin mo ang ipinapasabi ko.”
12 Ako'y itinaas ng Espiritu, at narinig ko ang ugong ng isang malakas na tinig na nagsasabi: Purihin ang kaluwalhatian ni Yahweh, ang Panginoon ng kalangitan. 13 At narinig ko ang pagaspas ng pakpak ng mga nilalang na buháy at ugong ng kanilang mga gulong na parang ugong ng malakas na lindol. 14 Naramdaman ko ang kapangyarihan ni Yahweh at nag-aalab ang galit ko habang ako'y inililipad ng Espiritu. 15 At dumating ako sa Tel-abib, sa baybay ng Ilog Kebar, sa lugar ng mga dinalang-bihag. Pitong araw akong natigilan at hindi makapagsalita.
Ang Bantay ng Israel
16 Pagkaraan ng pitong araw, sinabi sa akin ni Yahweh, 17 “Ezekiel, anak ng tao, ginagawa kitang bantay ng bansang Israel. Makinig ka sa aking sasabihin, at bigyan mo sila ng babala. 18 Kapag sinabi kong tiyak na mamamatay ang mga taong masama, at hindi mo sila binigyan ng babala upang sila'y makapagsisi, ang mga tao ngang iyon ay mamamatay dahil sa kanilang kasalanan; ngunit pananagutan mo sa akin ang kanilang kamatayan. 19 Subalit kapag binigyan mo sila ng babala, at hindi sila nagsisi sa kanilang kasamaan, mamamatay nga sila dahil sa kanilang mga kasalanan; ngunit hindi mo iyon pananagutan. 20 Kapag nagpakasama ang isang matuwid, ilalagay ko siya sa panganib. Mawawalan ng kabuluhan ang kabutihang ginawa niya noong una at mamamatay nga siya dahil sa kanyang kasalanan. Kapag hindi mo siya binigyan ng babala, pananagutan mo sa akin ang kanyang kamatayan. 21 Ngunit kapag binigyan mo ng babala ang mga taong matuwid, at sila'y lumayo sa kasamaan, hindi sila mamamatay; at wala kang pananagutan.”
Pansamantalang Ginawang Pipi si Ezekiel
22 Hinawakan ako ni Yahweh at sinabi sa akin, “Tumayo ka. Magpunta ka sa kapatagan at may sasabihin ako sa iyo.” 23 Tumayo nga ako at nagpunta sa kapatagan. Pagdating doon, nakita ko ang kaluwalhatian ni Yahweh, tulad ng nakita ko sa baybayin ng Ilog Kebar. Nagpatirapa ako sa lupa. 24 Ngunit nilukuban ako ng Espiritu, itinindig niya ako at sinabi sa akin, “Umuwi ka at magkulong sa iyong bahay. 25 Doon ay gagapusin ka upang hindi ka makasama sa iyong mga kababayan. 26 Ididikit ko ang dila mo sa iyong ngalangala para hindi mo mapagsabihan ang mapaghimagsik mong mga kababayan. 27 At kung may gusto akong ipasabi sa iyo, muli kang makapagsasalita. Kung magkagayon, sasabihin mo sa kanila ang ipasasabi ko. Kung gusto nilang makinig sa iyo, makinig sila; kung ayaw nila, huwag; sapagkat sila'y tunay na mapaghimagsik na sambayanan.”
Ang Halimbawa ng Pagkubkob sa Israel
4 Sinabi pa sa akin ng Diyos, “Ezekiel, anak ng tao, kumuha ka ng tisa. Ilagay mo iyon sa iyong harapan, at iguhit mo roon ang lunsod ng Jerusalem. 2 Upang ipakita ang isang pagkubkob, paligiran mo ito ng muog at mga tanggulan, at umangan ng malalaking trosong pambayo. 3 Kumuha ka ng platong bakal at ilagay mo na parang pader sa pagitan mo at ng lunsod. Huwag mo itong iiwan ng tingin. Ito ay kukubkubin at ikaw ang kukubkob. Magiging palatandaan ito sa bansang Israel.
4 “Pagkatapos, mahiga ka nang nakatagilid sa kaliwa at ipapataw ko sa iyo ang bigat ng parusa sa Israel. Kung gaano katagal kong ipataw sa iyo ang parusa, ganoon din ang pagpaparusa sa kanila. 5 Sa loob ng 390 araw, mananatili ka sa ganoong ayos; bawat araw ay katumbas ng isang taon. 6 Pagkatapos, bumiling ka sa kanan upang dalhin ang kaparusahan ng Juda sa loob ng apatnapung araw. Bawat araw ay katumbas ng isang taon. 7 Pagkatapos, humarap ka sa Jerusalem. Iunat mong paharap doon ang iyong kamay na nakalilis ang manggas ng iyong baro, at magpahayag ka laban sa lunsod na iyon. 8 Ngunit gagapusin kita hanggang hindi natatapos ang gagawin mong pagkubkob, para hindi ka makabiling.
9 “Ngayon, kumuha ka ng trigo, sebada, bitsuwelas, lentil, batad, at espelta. Paghalu-haluin mo ito sa isang sisidlan at lutuin. Ito ang kakanin mo sa loob ng 390 araw habang ikaw ay nakahigang patagilid sa kaliwa. 10 May takda ang pagkain mo araw-araw: isang beses maghapon at mahigit na isang kilo lamang araw-araw. 11 May takda rin ang iyong pag-inom: isang beses maghapon at halos isang litro lang sa isang araw. 12 Magluto ka ng bibingkang sebada na dumi ng tao ang panggatong. Kanin mo nang nakikita ng mga tao. 13 Ganyan ang magiging pagkain ng Israel saan ko man sila itapon.”
14 Sumagot ako, “Ngunit Panginoong Yahweh, alam mong hindi ako nagpapakarumi sa aking sarili. Mula sa aking pagkabata ay hindi ako tumikim ng anumang namatay nang kusa o nilapa ng hayop. Hindi rin ako tumikim ng anumang karumal-dumal na karne.”
15 Sinabi niya sa akin, “Kung gayon, dumi ng baka ang igatong mo sa halip na dumi ng tao.”
16 Sinabi pa niya sa akin, “Ezekiel, anak ng tao, babawasan ko na ang tinapay na kinakain araw-araw sa Jerusalem. Tatakalin na nila ang kanilang kakanin at iinumin. Paghaharian na sila ng pangamba at kabalisahan. 17 Gagawin ko ito sa kanila hanggang sa sila'y pagharian ng sindak. Gayon sila pahihirapan dahil sa kanilang kasamaan.”
Inahit ni Ezekiel ang Kanyang Buhok at Balbas
5 Sinabi sa akin ng Diyos, “Ezekiel, anak ng tao, kumuha ka ng isang matalim na tabak at ahitin mo ang iyong buhok at balbas. Pagkatapos, timbangin mo iyon at pagtatluhing bahagi. 2 Sunugin mo sa gitna ng lunsod ang unang bahagi matapos itong kubkubin. Ang ikalawang bahagi ay tadtarin mo habang naglalakad ka sa buong lunsod. Ihagis mo naman sa hangin ang ikatlong bahagi at pasusundan ko ng tabak. 3 Kumuha ka ng ilang hibla ng buhok at itali mo sa laylayan ng iyong kasuotan. 4 Kapag naitali mo na, kumuha ka pa ng ilang hibla at sunugin mo. Ang apoy nito ay kakalat at susunog sa buong Israel.”
5 Sinabi ng Panginoong Yahweh, “Ang lunsod ng Jerusalem ay ginawa kong pinakasentro ng mga bansa. 6 Ngunit nilabag niya ang aking Kautusan at mga tuntunin. Nagpakasama siya nang higit pa sa mga bansa sa kanyang paligid. Tinalikuran nga niya ang aking Kautusan at iniwan ang aking mga tuntunin. 7 Kaya, ganito ang sabihin mo sa kanila: Dahil sa kaguluhan mong higit pa sa bansa sa inyong paligid, sa pagtalikod ng mamamayan mo sa aking mga tuntunin at Kautusan, at sa inyong paglakad ayon sa tuntunin ng mga bansang iyon, 8 ako ay laban sa inyo ngayon. Paparusahan ko kayo sa harapan ng inyong mga kaaway. 9 At dahil sa inyong kasamaan, gagawin ko sa inyo ang isang bagay na hindi ko pa ginagawa at hindi ko na gagawin pa. 10 Kakainin(B) ng magulang ang kanilang mga sariling anak, at ng mga anak ang kanilang mga sariling magulang. Paparusahan ko nga kayo, at ang matirang buháy ay pangangalatin ko sa lahat ng dako. 11 Kayong lahat ay buong lupit kong ibabagsak dahil sa inyong kasamaan at paglapastangan sa aking Templo sa pamamagitan ng kasuklam-suklam ninyong gawain. 12 Hahatiin ko kayo sa tatlo. Ang unang bahagi ay papatayin ko sa salot at sa matinding taggutom. Ang ikalawa'y sa pamamagitan ng tabak. Ang ikatlo'y ikakalat ko sa lahat ng dako, at patuloy kong uusigin.
13 “Ibubuhos ko sa inyo ang aking poot hanggang sa gumaan ang aking loob. Kung madama ninyo ang bigat ng aking parusa, makikilala ninyo na akong si Yahweh ay marunong mapoot dahil sa matinding panibugho. 14 Gagawin ko kayong isang pook ng lagim, at katatawanan ng lahat ng bansa sa paligid, ng lahat ng makakakita sa inyo. 15 Mabibilad kayo sa kahihiyan at lilibakin. Magsisilbi kayong babala sa mga bansa sa inyong paligid sa sandaling ipataw ko sa inyo ang mabigat na parusa bunga ng matinding poot ko sa inyo. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. 16 Mangyayari ito sa sandaling padalhan ko kayo ng matinding taggutom at iba't ibang kahirapan. 17 Padadalhan(C) ko kayo ng taggutom at mababangis na hayop na siyang lalapa sa inyong mga anak. Makakaranas kayo ng salot at digmaan; hahayaan ko rin kayong usigin. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.