Add parallel Print Page Options

Ang Mensahe Laban sa Ammon

25 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, humarap ka sa lugar ng Ammon at sabihin mo ito laban sa kanya. Sabihin mo sa kanyang mga mamamayan na makinig sa akin, dahil ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Dahil natuwa kayo nang gibain ang aking templo, nang wasakin ang Israel at bihagin ang mga taga-Juda, ipapasakop ko kayo sa mga tao sa silangan at magiging pagmamay-ari nila kayo. Magkakampo sila sa inyo, at kakainin nila ang inyong mga prutas at iinumin ang inyong gatas. Gagawin kong pastulan ng mga kamelyo ang lungsod ng Rabba, at ang buong Ammon ay gagawin kong pastulan ng mga tupa. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon.

Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi: ‘Dahil pumalakpak kayo at lumundag sa tuwa sa pagkutya sa Israel, parurusahan ko kayo. Ipapaubaya ko kayo sa ibang bansa para kunin ang mga ari-arian ninyo. Lilipulin ko kayo at uubusin hanggang wala nang matira sa inyo, at malalaman ninyong ako ang Panginoon.’ ”

Ang Mensahe Laban sa Moab

Sinabi ng Panginoong Dios, “Ang Moab, na tinatawag ding Seir ay nagsasabing ang Juda ay katulad lang din ng ibang bansa. Kaya ipapalusob ko ang mga bayan sa mga hangganan ng Moab, kasama ang ipinagmamalaki nilang bayan ng Bet Jeshimot, Baal Meon at Kiriataim. 10 Ipapasakop ko ang mga ito sa mga tao sa silangan at aariin din silang katulad ng mga taga-Ammon. At ang Ammon ay hindi na maituturing na isang bansa, ganoon din ang Moab. 11 Parurusahan ko ang Moab, at malalaman nila na ako ang Panginoon.”

Ang Mensahe Laban sa Edom

12 Sinabi ng Panginoong Dios, “Gumanti ang Edom sa Juda at dahil ditoʼy nagkasala ang Edom. 13 Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing, parurusahan ko ang Edom. Papatayin ko ang mga mamamayan at mga hayop niya. Gagawin ko itong mapanglaw, mula sa Teman hanggang sa Dedan. Mamamatay ang mga mamamayan nito sa digmaan. 14 Maghihiganti ako sa Edom sa pamamagitan ng mga mamamayan kong Israelita. Parurusahan nila ang mga taga-Edom ayon sa matinding galit ko sa kanila, at malalaman ng mga taga-Edom kung paano ako maghiganti. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

Ang Mensahe Laban sa Filistia

15 Sinabi ng Panginoong Dios, “Nagplano ang mga Filisteo na paghigantihan ang Juda dahil sa matagal na nilang alitan. 16 Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabing, parurusahan ko ang mga Filisteo. Papatayin ko ang mga Kereteo[a] pati ang mga nakatira sa tabing-dagat. 17 Sa aking galit, maghihiganti ako at parurusahan ko sila. At kapag nakapaghiganti na ako sa kanila, malalaman nilang ako ang Panginoon.”

Footnotes

  1. 25:16 Kereteo: Iba pang tawag sa mga Filisteo.

Ang Pahayag Laban sa mga Ammonita

25 Ang(A) salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,

“Anak ng tao, humarap ka sa mga anak ni Ammon, at magsalita ka ng propesiya laban sa kanila.

Sabihin mo sa mga anak ni Ammon, “Inyong pakinggan ang salita ng Panginoong Diyos: Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos, Sapagkat iyong sinabi, ‘Aha!’ laban sa aking santuwaryo nang ito'y malapastangan; at laban sa lupain ng Israel nang ito'y sirain; at laban sa sambahayan ni Juda nang ito'y tumungo sa pagkabihag;

kaya't narito, aking ibibigay ka sa mga tao sa silangan bilang ari-arian. Itatayo nila ang kanilang mga kampo na kasama mo, at gagawa ng kanilang mga tolda sa kalagitnaan mo. Kanilang kakainin ang iyong bungang-kahoy, at kanilang iinumin ang iyong gatas.

Aking gagawin ang Rabba na pastulan ng mga kamelyo, at ang mga lunsod ng mga anak ni Ammon bilang pahingahan ng mga kawan; at inyong malalaman na ako ang Panginoon.

Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat ipinalakpak mo ang iyong mga kamay, at ipinadyak mo ang iyong mga paa, at nagalak ka na may buong paghamak ng iyong kalooban laban sa lupain ng Israel,

kaya't iniunat ko ang aking kamay laban sa iyo, at ibibigay kita bilang samsam sa mga bansa. Tatanggalin kita mula sa mga bayan, ipalilipol kita mula sa mga bansa at aking wawasakin ka. At iyong malalaman na ako ang Panginoon.

Ang Pahayag Laban sa Moab

“Ganito(B) ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat sinabi ng Moab at ng Seir, Narito, ang sambahayan ni Juda ay gaya ng lahat ng ibang mga bansa;

kaya't narito, aking bubuksan ang tagiliran ng Moab mula sa mga bayan sa kanyang mga hangganan, ang kaluwalhatian ng bansa, ang Bet-jesimot, Baal-meon, at Kiryataim.

10 Ibibigay ko itong kasama ang mga anak ni Ammon sa mga tao sa silangan bilang ari-arian, upang ang mga ito ay huwag nang maalala sa gitna ng mga bansa,

11 at ako'y maglalapat ng hatol sa Moab. At kanilang malalaman na ako ang Panginoon.

Ang Pahayag Laban sa Edom

12 “Ganito(C) ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat ang Edom ay gumawang may paghihiganti sa sambahayan ni Juda at nagkasala ng mabigat sa paghihiganti sa kanila,

13 kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos, Iuunat ko ang aking kamay laban sa Edom, at aking aalisin doon ang tao at hayop. Gagawin ko itong wasak mula sa Teman hanggang sa Dedan at babagsak sila sa pamamagitan ng tabak.

14 At aking gagawin ang aking paghihiganti sa Edom sa pamamagitan ng kamay ng aking bayang Israel. Kaya't kanilang gagawin sa Edom ang ayon sa aking galit, at ayon sa aking poot; at kanilang malalaman ang aking paghihiganti, sabi ng Panginoong Diyos.

Ang Pahayag Laban sa mga Filisteo

15 “Ganito(D) ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat ang mga Filisteo ay gumawa ng paghihiganti, at naghiganti na may masamang hangarin ng puso upang mangwasak na may walang hanggang pagkagalit;

16 kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Aking iuunat ang aking kamay laban sa mga Filisteo, at aking tatanggalin ang mga Kereteo, at wawasakin ko ang nalalabi sa baybaying-dagat.

17 Ako'y maglalapat ng matinding paghihiganti sa kanila na may mabangis na pagpaparusa. At kanilang malalaman na ako ang Panginoon, kapag aking isinagawa ang aking paghihiganti sa kanila.”