Añadir traducción en paralelo Imprimir Opciones de la página

Ang mga Kasalanan ng Jerusalem

22 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, handa ka na bang hatulan ang Jerusalem? Handa ka na bang humatol sa lungsod na ito ng mga kriminal? Ipaalam mo sa kanya ang kasuklam-suklam niyang gawain. Sabihin mong ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito: O lungsod ng mga kriminal, darating na sa iyo ang kapahamakan. Dinudungisan mo ang iyong sarili sa pamamagitan ng paggawa ng mga dios-diosan. Mananagot ka dahil sa mga pagpatay mo at dahil dinungisan mo ang iyong sarili sa paggawa ng mga dios-diosan. Dumating na ang wakas mo. Kaya pagtatawanan ka at kukutyain ng mga bansa. O lungsod na sikat sa kasamaan at kaguluhan, kukutyain ka ng mga bansa, malayo man o malapit. Tingnan mo ang mga pinuno ng Israel na nakatira sa iyo, ginagamit nila ang kapangyarihan nila sa mga pagpatay. Hindi na iginagalang ang mga magulang sa iyong lugar. Ang mga dayuhang naninirahan sa lugar moʼy kinikikilan, at ang mga biyuda at mga ulila ay hindi tinatrato nang mabuti. Hindi mo iginagalang ang mga bagay na itinuturing kong banal, pati ang Araw ng Pamamahinga na ipinatutupad ko sa iyo. May mga tao riyan na nagsisinungaling para ipapatay ang iba. Mayroon ding kumakain ng mga inihandog sa mga dios-diosan sa sambahan sa mga bundok at gumagawa ng malalaswang gawain. 10 Mayroon ding mga tao riyan na sumisiping sa asawa ng kanyang ama o sa babaeng may buwanang dalaw na itinuturing na marumi. 11 Mayroon ding sumisiping sa asawa ng iba, o sa manugang niyang babae, o sa kapatid niyang babae. 12 Ang iba ay nagpapasuhol para pumatay ng tao, ang iba ay nagpapatubo ng labis, at ang iba ay nagiging mayaman dahil mukhang pera. Kinalimutan na nila ako. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 13 Isusuntok ko ang aking kamao sa palad ko sa galit, dahil sa mga pangingikil at mga pagpatay ninyo. 14 Magiging matapang pa rin ba kayo at malakas ang loob sa oras na parusahan ko na kayo? Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito: Siguradong paparusahan ko kayo. Tiyak na gagawin ko ito. 15 Pangangalatin ko kayo sa ibaʼt ibang bansa at patitigilin ko ang mga ginagawa ninyo na nagpaparumi sa inyo. 16 Lalapastanganin kayo ng mga taga-ibang bansa at malalaman ninyo na ako ang Panginoon.”

17 Sinabi rin sa akin ng Panginoon, 18 “Anak ng tao, ang mga mamamayan ng Israel ay wala nang halaga sa akin. Tulad sila ng sari-saring latak ng tanso, lata, bakal at tingga na naiwan pagkatapos dalisayin ang pilak sa hurno. 19 Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Sapagkat wala kayong kabuluhan, titipunin ko kayo sa Jerusalem, 20-21 katulad ng taong nagtitipon ng pilak, tanso, bakal, tingga at lata sa nagniningas na hurno para tunawin. Titipunin ko kayo sa Jerusalem para ibuhos sa inyo ang galit ko at doon ko kayo parurusahan na parang mga metal na tinutunaw. 22 Kung paanong ang pilak ay tinutunaw sa hurno, tutunawin din kayo sa Jerusalem at malalaman ninyo na ako, ang Panginoon, ang nagpadama ng galit ko sa inyo!”

23 Sinabing muli sa akin ng Panginoon, 24 “Anak ng tao, sabihin mo sa mga Israelita na dahil ayaw nilang linisin ko sila, hindi ko sila kaaawaan[a] sa araw na ibuhos ko sa kanila ang aking galit. 25 Ang mga pinuno nila ay nagpaplano ng masama. Para silang umaatungal na leon na lumalapa ng kanyang biktima. Pumapatay sila ng tao, kumukuha ng mga kayamanan at mahahalagang bagay, at marami ang naging biyuda dahil sa mga pagpatay nila. 26 Ang mga pari nilaʼy hindi sumusunod sa mga utos ko at nilalapastangan nila ang mga bagay na itinuturing kong banal. Para sa kanila, walang pagkakaiba ang banal at ang hindi banal, ang malinis at ang marumi, at hindi nila sinusunod ang mga ipinapagawa ko sa kanila sa Araw ng Pamamahinga. Hindi nila ako iginagalang. 27 Ang mga pinuno nilaʼy parang mga lobong lumalapa sa mga biktima nito. Pumapatay sila para magkapera. 28 Pinagtatakpan ng kanilang mga propeta ang mga kasalanan nila sa pamamagitan ng mga hindi totoong pangitain at mga hula. Sinasabi nilang iyon daw ang sinabi ng Panginoong Dios kahit na hindi ito sinabi ng Panginoon. 29 Nandaraya at nagnanakaw ang mga tao. Inaapi nila ang mahihirap, ang mga nangangailangan at ang mga dayuhang naninirahang kasama nila. Hindi nila binibigyan ng katarungan ang mga ito.

30 “Naghahanap ako ng taong makapagtatanggol ng lungsod, at mamamagitan sa akin at sa mga tao para hindi ko gibain ang lungsod na ito, pero wala akong nakita. 31 Kaya ibubuhos ko ang matinding galit ko sa kanila. Lilipulin ko sila dahil sa ginawa nila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

Ang Magkapatid na Babaeng Masama

23 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, noon ay may magkapatid na babae. Nang mga bata pa sila, ibinenta nila ang kanilang dangal doon sa Egipto. Hinayaan nilang magpasasa ang mga lalaki sa kanilang katawan. Si Ohola ang panganay at ang bunso naman ay si Oholiba. Naging asawa ko ang dalawang ito at nagkaroon kami ng mga anak. Si Ohola ay ang Samaria at si Oholiba naman ay ang Jerusalem.

“Kahit na asawa ko na si Ohola, patuloy pa rin siyang nagpapagamit sa iba at nahumaling siya sa mga mangingibig niyang sundalo ng Asiria. Makikisig ang mga ito at nasa kasibulan ng kabataan. Matataas ang katungkulan ng mga ito, nakauniporme ng kulay asul at nakasakay sa kabayo. Nagpagamit si Ohola sa lahat ng opisyal ng Asiria, at dinungisan niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagsamba sa kanilang mga dios-diosan. Hindi niya itinigil ang mahahalay niyang gawain na sinimulan niya noong nasa Egipto pa siya. Bata pa lang siya, nakiapid na siya at ang mga lalaki ay nagpasasa sa katawan niya.

“Kaya, pinabayaan ko na siya sa mga mangingibig niyang taga-Asiria na kinahuhumalingan niya. 10 Hinubaran nila siya, kinuha ang mga anak niya at pinatay sa pamamagitan ng espada. Naging usap-usapan ng mga kababaihan itong nangyaring parusa sa kanya.

11 “Kahit nakita ni Oholiba ang nangyaring ito sa kapatid niya, nagpatuloy pa rin siya sa mahahalay niyang gawain at naging mas masama pa kaysa sa kanyang kapatid. 12 Nahumaling din siya sa mga taga-Asiria na makikisig at nasa kasibulan ng kanilang kabataan. Pinuno ng mga sundalo ang mga ito, nakauniporme at nakasakay sa kabayo. 13 Nakita kong katulad din siya ng kapatid niya. Dinungisan din niya ang kanyang sarili.

14-15 “Patuloy na nagbenta ng kanyang dangal si Oholiba. Nagkagusto siya sa mga opisyal ng Babilonia nang makita niya ang mga larawan ng mga ito sa mga pader. Nakapulang uniporme sila, may sinturon sa baywang at nakaturban. 16 Dahil nagustuhan niya sila, pinaimbitahan niya ang mga ito na bumisita sa kanya. 17 Kaya dumalaw ang mga ito at sumiping sa kanya. Sa pagsiping nila sa kanya, dinungisan nila siya. Pero kinalaunan, nagsawa rin siya at hindi na nagpagamit sa kanila.

18 “Kinasuklaman ko si Oholiba at itinakwil tulad ng kapatid niya dahil patuloy niyang ipinagbibili ang kanyang dangal. 19 Sa kabila nito, nagpatuloy pa rin siya sa pagbebenta ng kanyang dangal tulad ng ginawa niya roon sa Egipto noong kabataan niya. 20 Nahumaling siya sa mga kalaguyo niya, na ang ari ay kasinlaki ng sa asno at ang binhi ay kasindami ng sa kabayo. 21 Kaya pinanabikan mo Oholiba ang iyong mahalay na gawain na ginawa mo sa Egipto noong kabataan mo, nang ang mga lalaki roon ay nagpasasa sa katawan mo.

22 “Kaya, ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi sa iyo nito Oholiba, ipapasalakay kita sa mga kalaguyo mong itinakwil mo at pinagsawaan. 23 Sila ay ang mga taga-Babilonia at mga Caldeong mula sa Pekod, Shoa, Koa at ang mga taga-Asiria. Ang mga taga-Asiriang ito ay makikisig at batang-bata. Matataas ang katungkulan nila at nakasakay sa mga kabayo. 24 Lulusob sila sa iyo mula sa hilaga na may maraming sundalo, mga kabayo, at mga karwahe. May mga pananggalang sila at nakahelmet, kukubkubin ka nila. Ipauubaya ko sa kanila ang pagpaparusa sa iyo at parurusahan ka nila kung ano ang sa tingin nila ay nararapat sa iyo. 25 Sa tindi ng galit ko sa iyo, inatasan ko silang parusahan ka. At sa galit nilaʼy puputulin nila ang ilong mo at mga tainga. Bibihagin nila ang iyong mga anak, at ang matitira sa iyo ay papatayin nila sa pamamagitan ng espada o apoy. 26 Huhubaran ka rin nila at kukunin ang mga alahas mo. 27 Matitigil na ang kahalayan mo at pagpapagamit sa iba na sinimulan mo sa Egipto. Hindi mo na iyon maaalala at makakalimutan mo na ang Egipto. 28 Sapagkat ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabing ipauubaya kita sa mga taong kinamumuhian mo; ang mga taong itinakwil mo matapos mong pagsawaan. 29 Sa galit nila, parurusahan ka nila at sasamsamin ang lahat ng pinagpaguran mo. Iiwanan ka nilang hubad at makikita ng mga tao ang kahiya-hiya mong kalagayan dahil sa kahalayan mo at pagpapagamit sa iba. 30 Iyan ang nagdala sa iyo sa kapahamakan, dahil nakiapid ka sa mga taga-ibang bansa at dinungisan mo ang sarili mo sa pagsamba sa dios-diosan nila. 31 Tinularan mo ang ginawa ng kapatid mo, kaya parurusahan kita katulad ng pagpaparusa ko sa kanya.

32 Oo, ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabing, parurusahan kita tulad ng pagpaparusa ko sa iyong kapatid. Ang parusa koʼy tulad ng inuming nakalagay sa isang malaki at malalim na tasa. At kapag nainom mo na ang laman ng tasang ito, kukutyain ka at pagtatawanan dahil puno ito ng galit ko. 33 Malalasing kaʼt malulungkot dahil ang tasang itoʼy puno ng kapahamakan. Ito ang tasa ng paghihirap na ininom ng kapatid mong Samaria. 34 Iinumin mong lahat ang laman nito at babasagin mo ang tasa. Dadagukan mo ang iyong dibdib sa labis na kalungkutan. Mangyayari ito, dahil ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 35 At dahil kinalimutan mo akoʼt itinakwil, ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing maghihirap ka dahil sa kahalayan mo at sa pagpapagamit mo ng iyong katawan.”

36 Muling sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, hatulan mo sina Ohola at Oholiba. Ipamukha mo sa kanila ang kasuklam-suklam nilang gawain. 37 Sapagkat nakiapid sila at pumatay. Nakikiapid sila sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan. At ang mga anak nila na itinalaga sa akin nang isilang ay siya mismong inialay nila sa mga dios-diosan bilang pagkain nito. 38-39 Ito pa ang ginawa nila sa akin: Nilapastangan nila ang Araw ng Pamamahinga at ang aking templo. Nilapastangan nila ang templo ko sa pamamagitan ng paghahandog ng mga anak nila sa kanilang mga dios-diosan. 40 Nagpasundo pa sila ng mga lalaki mula sa malalayong lugar. At nang dumating ang mga lalaki, naligo sila, nagpaganda at nagsuot ng mga alahas. 41 Pagkatapos, naupo sila sa magandang higaan na may mesa sa harapan. Naglagay sila sa mesa ng insenso at langis na ihahandog sana sa akin. 42 Maririnig ang ingay ng mga lasing at ng mga taong walang magawa sa buhay, na galing sa ilang. Sinuotan nila ang mga babae ng pulseras at pinutungan ng magandang korona. 43 Pagkatapos, sinabi ko sa sarili ko, ‘Sige, magpakasawa na sila sa babaeng iyon na tumanda na sa pakikiapid.’ 44 At iyon nga ang ginawa nila. Sumiping sila kay Ohola at Oholiba, ang mga babaeng marumi dahil sa kanilang kahalayan. 45 Ngunit parurusahan sila ng mga taong matuwid, parusang nararapat sa kanilang pakikiapid at pagpatay.

46 Ako, ang Panginoong Dios, ay mag-uutos sa mga taong sasalakay sa kanila na takutin sila, sasamsamin ang kanilang mga ari-arian, 47 batuhin at patayin sa pamamagitan ng espada. Papatayin nila pati ang mga anak nila at susunugin pati ang kanilang mga bahay. 48 Sa ganitong paraan, mapapatigil ko ang kahalayan ng bansang ito. At magsisilbi itong babala sa iba na hindi nila dapat tularan ang ginawa ng dalawang babaeng ito. 49 At kayong magkapatid, pagdudusahan ninyo ang ginawa ninyong kahalayan, pati na ang pagsamba ninyo sa mga dios-diosan, at malalaman ninyo na ako, ang Panginoong Dios.”

Notas al pie

  1. 22:24 hindi ko sila kaaawaan: sa literal, hindi uulan.