Ezekiel 10
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Umalis ang Makapangyarihang Presensya ng Panginoon sa Templo
10 Habang nakatingin ako, may nakita akong parang isang trono na yari sa batong safiro. Nasa itaas ito ng takip na kristal sa itaas ng ulo ng mga kerubin. 2 Sinabi ng Panginoon sa taong nakadamit ng telang linen, “Pumunta ka sa gitna ng mga gulong sa ilalim ng mga kerubin at punuin mo ang mga kamay mo ng baga at isabog mo sa buong lungsod.” At nakita kong pumunta siya.
3 Ang mga kerubin ay nakatayo sa timog ng templo nang pumunta ang tao at may ulap na lumukob doon sa bakuran sa loob ng templo. 4 Pagkatapos, umalis ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa gitna ng mga kerubin at lumipat sa pintuan ng templo. Nilukuban ng ulap ang templo at lumiwanag ang bakuran dahil sa makapangyarihang presensya ng Panginoon. 5 Ang pagaspas ng pakpak ng mga kerubin ay naririnig hanggang sa bakuran sa labas tulad ng tinig ng makapangyarihang Dios.
6 Nang utusan ng Panginoon ang taong nakadamit ng telang linen na kumuha ng baga sa gitna ng mga gulong sa ilalim ng mga kerubin, pumasok siya sa templo at tumayo sa tabi ng gulong. 7 Pagkatapos, isa sa mga kerubin ang kumuha ng baga sa apoy at inilagay sa kamay ng taong nakadamit ng telang linen. Dinala ito ng tao at lumabas. 8 Ang bawat kerubin ay parang may mga kamay ng tao sa ilalim ng kanilang pakpak.
9 May nakita akong apat na gulong sa gilid ng apat na kerubin. Kumikislap na parang mamahalin na batong krisolito 10 at magkakamukha ang mga ito. Bawat gulong ay pinagkrus, na ang isa ay nasa loob ng isa pang gulong, 11 kaya ito at ang mga kerubin ay maaaring pumunta kahit saang direksyon nang hindi kailangang bumaling pa. 12 Ang buong katawan ng kerubin, ang likod, ang kamay at mga pakpak ay puno ng mata at ganoon din ang mga gulong. 13 At narinig kong ang mga gulong na itoʼy tinatawag na, “Umiikot na gulong.” 14 Ang bawat kerubin ay may apat na mukha: mukha ng kerubin, ng tao, ng leon at ng agila.
15 Pagkatapos, pumaitaas ang mga kerubin. Ito ang mga buhay na nilalang na nakita ko roon sa Ilog ng Kebar. 16 Kapag lumalakad ang mga kerubin, sumasama sa kanila ang mga gulong na nasa gilid at kapag lumilipad sila, kasama rin ang mga gulong. 17 Kapag tumigil sila, tumitigil din ang mga gulong at kapag umangat sila, umaangat din ang mga gulong, dahil ang espiritu nila ay nasa gulong din. 18 Pagkatapos, ang makapangyarihang presensya ng Panginoon ay umalis sa pintuan ng templo at lumipat sa itaas ng mga kerubin. 19 At habang nakatingin ako, lumipad ang mga kerubin kasama ang mga gulong. Tumigil sila sa silangang pintuan ng templo ng Panginoon at ang makapangyarihang presensya ng Dios ng Israel ay nasa itaas nila.
20 Iyon ang mga buhay na nilalang na nakita ko roon sa ilalim ng presensya ng Dios ng Israel doon sa Ilog ng Kebar. At nalaman ko na ang mga nilalang na ito ay mga kerubin. 21 Ang bawat isa sa kanila ay may apat na mukha, apat na pakpak at sa ilalim ng kanilang pakpak ay may parang kamay ng tao. 22 Ang mga itoʼy kamukha ng mga buhay na nilalang na nakita ko roon sa Ilog ng Kebar. Ang bawat isa ay sabay-sabay na gumagalaw kung saan sila papunta.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®