Exodus 8-25
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
8 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Puntahan mo ang Faraon at sabihin mo sa kanya, ‘Ito ang sinasabi ng Panginoon: Paalisin mo ang mga mamamayan ko para makasamba sila sa akin. 2 Kung hindi mo sila paaalisin, pupunuin ko ng mga palaka ang iyong bansa. 3 Mapupuno ng palaka ang Ilog ng Nilo at papasok ito sa palasyo mo, sa kwarto at kahit sa higaan mo. Papasok din ang mga ito sa bahay ng mga opisyal at mga mamamayan mo, at pati sa mga pugon at sa pinagmamasahan ng harina. 4 Tatalunan ka ng mga palaka pati na ang mga mamamayan at ang lahat ng opisyal mo.’ ”
5 Sinabi pa ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron na iunat niya ang kanyang baston sa mga ilog, sapa, at mga kanal, at mapupuno ng palaka ang buong Egipto.”
6 Kaya iniunat ni Aaron ang kanyang baston sa mga tubig ng Egipto, at lumabas ang mga palaka at napuno ang buong Egipto. 7 Pero ginawa rin ito ng mga salamangkero sa pamamagitan ng kanilang salamangka. Napalabas din nila ang mga palaka sa tubig ng Egipto.
8 Ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron, at sinabi sa kanila, “Manalangin kayo sa Panginoon na tanggalin niya ang mga palakang ito sa aking bansa, at paaalisin ko ang mga kababayan nʼyo para makapaghandog sila sa Panginoon.”
9 Sinabi ni Moises sa Faraon, “Sabihin mo sa akin kung kailan ako mananalangin para sa inyo, sa mga opisyal at sa mga mamamayan mo, para mawala ang mga palakang ito sa inyo at sa mga bahay ninyo. At ang matitira na lang na palaka ay ang mga nasa Ilog ng Nilo.”
10 Sumagot ang Faraon, “Ipanalangin mo ako bukas.”
Sinabi ni Moises, “Matutupad ito ayon sa sinabi nʼyo, para malaman nʼyo na walang ibang katulad ng Panginoon naming Dios. 11 Mawawala ang lahat ng palaka sa inyo maliban sa nasa Ilog ng Nilo.”
12 Pag-alis nila Moises at Aaron sa harap ng Faraon, nanalangin si Moises sa Panginoon na alisin na ang mga palaka na ipinadala niya sa Egipto. 13 At ginawa ng Panginoon ang ipinakiusap ni Moises. Namatay ang mga palaka sa mga bahay, mga hardin at sa mga bukid. 14 Tinipon ito ng mga Egipcio at ibinunton, dahil ditoʼy bumaho ang buong Egipto. 15 Pero nang makita ng Faraon na wala na ang mga palaka, nagmatigas na naman siya, at ayaw niyang makinig kina Moises at Aaron, gaya ng sinabi ng Panginoon.
Ang Salot na mga Lamok
16 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron na ihampas niya ang kanyang baston sa lupa, at magiging lamok[a] ang mga alikabok sa buong lupain ng Egipto.” 17 Sinunod nila ito, kaya nang hampasin ni Aaron ng kanyang baston ang lupa, naging lamok ang mga alikabok sa buong lupain ng Egipto. At dumapo ang mga ito sa mga tao at mga hayop. 18 Tinangka rin ng mga salamangkero na gayahin ito sa pamamagitan ng kanilang salamangka pero nabigo sila. Patuloy na nagsidapo ang mga lamok sa mga tao at mga hayop.
19 Sinabi ng mga salamangkero sa Faraon, “Ang Dios ang may gawa nito!” Pero matigas pa rin ang puso ng Faraon, at hindi siya nakinig kina Moises at Aaron, gaya ng sinabi ng Panginoon.
Ang Salot na mga Langaw
20 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumangon ka nang maaga bukas at abangan mo ang Faraon habang papunta siya sa ilog. Sabihin mo sa kanya na ito ang sinasabi ko, ‘Paalisin mo ang mga mamamayan ko para makasamba sila sa akin. 21 Kung hindi mo sila paaalisin, padadalhan kita ng maraming langaw, pati na ang mga opisyal at mga mamamayan mo. Mapupuno ng mga langaw ang mga bahay ninyo, at matatabunan ng mga ito ang lupa. 22 Pero hindi ito mararanasan sa lupain ng Goshen kung saan naninirahan ang mga mamamayan ko; hindi dadapo ang mga langaw sa lugar na iyon, para malaman nila na akong Panginoon ay nasa lupaing iyon. 23 Hindi magiging pareho ang trato ko sa mga mamamayan ko at sa iyong mga mamamayan. Ang himalang ito ay mangyayari bukas.’ ”
24 Nagpadala nga ang Panginoon ng maraming langaw sa palasyo ng Faraon at sa mga bahay ng kanyang mga opisyal, at naminsala ang mga ito sa buong lupain ng Egipto.
25 Kaya ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron, at sinabi, “Sige, maghandog na kayo sa Dios ninyo, pero rito lang sa Egipto.”
26 Sumagot si Moises, “Hindi pwedeng dito kami maghandog sa Egipto, dahil ang mga handog namin sa Panginoon naming Dios ay kasuklam-suklam sa mga Egipcio. At kung maghahandog kami ng mga handog na kasuklam-suklam sa kanila, siguradong babatuhin nila kami. 27 Kailangang umalis kami ng tatlong araw papunta sa ilang para maghandog sa Panginoon naming Dios, gaya ng iniutos niya sa amin.”
28 Sinabi ng Faraon, “Papayagan ko kayong maghandog sa Panginoon na inyong Dios sa ilang pero huwag kayong lalayo. Ngayon, ipanalangin ninyo ako.”
29 Sumagot si Moises, “Pag-alis ko rito, mananalangin ako sa Panginoon. At bukas, mawawala ang mga langaw sa inyo, at sa mga opisyal at mamamayan mo. Pero siguraduhin mo na hindi mo na kami lolokohing muli at pipigilang umalis para maghandog sa Panginoon.”
30 Umalis sila Moises at nanalangin sa Panginoon, 31 at ginawa ng Panginoon ang pakiusap ni Moises. Umalis ang mga langaw sa lahat ng Egipcio. Walang natira kahit isa. 32 Pero nagmatigas pa rin ang Faraon at hindi niya pinaalis ang mga Israelita.
Ang Salot sa mga Hayop
9 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Puntahan mo ang Faraon at sabihin sa kanya, ‘Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng mga Hebreo: Paalisin mo ang mga mamamayan ko para makasamba sila sa akin. 2 Kung hindi mo sila paaalisin, 3 padadalhan ko ng nakamamatay na sakit ang mga hayop mo na nasa bukid – kabayo, asno, kamelyo, baka, tupa at kambing. 4 Hindi magiging pareho ang trato ko sa mga hayop ng mga Israelita at sa mga hayop ng mga Egipcio, at walang mamamatay sa mga hayop ng mga Israelita.’ ”
5-6 Ipinaalam ng Panginoon na gagawin niya ito kinabukasan, at nangyari nga. Namatay ang lahat ng hayop ng mga Egipcio, pero walang namatay ni isa man lang sa mga hayop ng mga Israelita. 7 Nagpadala ang Faraon ng mga tao at nalaman niya na walang namatay kahit isa sa mga hayop ng mga Israelita. Pero matigas pa rin ang puso niya at hindi pinaalis ang mga Israelita.
Ang Salot na mga Bukol
8 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Kumuha kayo ng ilang dakot ng abo sa pugon at isasaboy ito ni Moises sa hangin sa harap ng Faraon. 9 Kakalat ang mga abo sa buong Egipto, at dahil dito tutubuan ng mga bukol ang katawan ng mga tao at mga hayop.”
10 Kaya kumuha ng abo sa pugon sila Moises at Aaron, at tumayo sa harap ng Faraon. Isinaboy ito ni Moises sa hangin, at tinubuan ng mga bukol ang mga tao at mga hayop. 11 Kahit na ang mga salamangkero ay hindi makaharap kay Moises dahil tinubuan din sila ng mga bukol katulad ng lahat ng Egipcio. 12 Pero pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon, at hindi siya nakinig kina Moises at Aaron, gaya ng sinabi ng Panginoon kay Moises.
Ang Pag-ulan ng Yelo
13 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumangon ka nang maaga bukas at puntahan mo ang Faraon, at sabihin sa kanya, ‘Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng mga Hebreo: Paalisin mo ang mga mamamayan ko para makasamba sila sa akin. 14 Dahil kung hindi, magpapadala ako ng matinding salot na magpaparusa sa iyo, sa mga opisyal at mga mamamayan mo para malaman mo na wala akong katulad sa buong mundo. 15 Kahit noon pa, kaya na kitang patayin pati na ang mga mamamayan mo sa pamamagitan ng karamdaman, at wala na sana kayo ngayon. 16 Pero pinayagan kitang mabuhay dahil dito: para makita mo ang kapangyarihan ko at para makilala ang pangalan ko sa buong mundo. 17 Pero nagyayabang ka pa rin sa mamamayan ko, at hindi mo pa rin sila pinapayagang umalis. 18 Kaya bukas, sa ganito ring oras, magpapaulan ako ng mga yelong parang bato, at ang lakas ng pagbagsak nitoʼy hindi pa nararanasan ng Egipto mula nang maging bansa ito. 19 Kaya iutos mo ngayon na isilong ang lahat ng hayop mo at ang lahat ng alipin mo na nasa bukid, dahil ang sinumang nasa labas, tao man o hayop ay mamamatay kapag tinamaan ng mga yelong parang bato.’ ”
20 Natakot ang ibang mga opisyal ng Faraon sa sinabi ng Panginoon, kaya nagmadali silang isilong ang mga alipin at mga hayop nila.
21 Pero may ilan na binalewala ang babala ng Panginoon; pinabayaan lang nila ang mga hayop at alipin nila sa labas.
22 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Itaas mo ang baston mo sa langit para umulan ng mga yelong parang bato sa buong Egipto – sa mga tao, mga hayop at sa lahat ng pananim.” 23 Kaya itinaas niya ang kanyang baston, at nagpadala ang Panginoon ng kulog, mga yelo na parang bato, at kidlat. Ang mga yelong pinaulan ng Panginoon sa lupain ng Egipto 24 ang pinakamatindi mula nang maging bansa ang Egipto. Habang umuulan, patuloy naman ang pagkidlat. 25 Namatay lahat ang hayop at mga tao na naiwan sa labas, at pati na ang mga halaman at punongkahoy. 26 Tanging sa Goshen lang hindi umulan ng yelo kung saan nakatira ang mga Israelita.
27 Ipinatawag ng Faraon sila Moises at Aaron. Sinabi niya sa kanila, “Sa pagkakataong ito, inaamin ko na nagkasala ako. Tama ang Panginoon, at ako at ang mga mamamayan ko ang mali. 28 Pakiusapan ninyo ang Panginoon na itigil na niya ang matinding kulog na ito at ang pag-ulan ng yelo. Paaalisin ko na kayo, hindi na kayo dapat pang manatili rito.”
29 Sumagot si Moises, “Kapag nakalabas na ako ng lungsod, itataas ko ang aking kamay sa Panginoon para manalangin. At titigil ang kulog at hindi na uulan ng yelo, para malaman mo na pag-aari ng Panginoon ang mundo. 30 Pero alam kong ikaw at ang mga opisyal mo ay hindi pa rin natatakot sa Panginoong Dios.”
31 (Nasira ang mga pananim na flax[b] at sebada,[c] dahil aanihin na noon ang sebada at namumulaklak na ang flax. 32 Pero hindi nasira ang mga trigo[d] dahil hindi pa aanihin ang mga ito.)
33 Umalis si Moises sa harapan ng Faraon at lumabas ng lungsod. Itinaas niya ang kanyang kamay sa Panginoon para manalangin at huminto ang kulog, ang pag-ulan ng yelong parang bato at ang ulan. 34 Pagkakita ng Faraon na huminto na ang ulan, ang yelo at ang kulog, muli siyang nagkasala. Nagmatigas siya at ang mga opisyal niya. 35 Sa pagmamatigas niya, hindi niya pinaalis ang mga Israelita, gaya ng sinabi ng Panginoon kay Moises.
Ang Salot na mga Balang
10 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Puntahan mo ang Faraon dahil pinatigas ko ang puso niya at ng mga opisyal niya, para patuloy kong maipakita sa kanila ang aking mga himala. 2 At para maikuwento ninyo sa mga anak at apo ninyo kung paano ko pinarusahan ang mga Egipcio at kung paano ako gumawa ng mga himala sa kanila. Sa ganitong paraan, malalaman nilang ako ang Panginoon.”
3 Kaya pumunta sina Moises at Aaron sa Faraon at sinabi sa kanya, “Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng mga Hebreo, ‘Hanggang kailan ka pa ba magmamataas sa akin? Paalisin mo ang mamamayan ko para makasamba sila sa akin. 4 Kung hindi mo sila paaalisin, magpapadala ako ng mga balang sa bansa mo bukas. 5 Sa sobrang dami nila, hindi na makikita ang lupa. Kakainin nila ang mga pananim na hindi nasira ng pag-ulan ng yelo, maging ang lahat ng punongkahoy. 6 Mapupuno ng balang ang iyong palasyo at ang mga bahay ng mga opisyal at mga mamamayan mo. Wala pang ganitong pangyayari sa kasaysayan ng Egipto mula nang dumating ang inyong mga ninuno hanggang ngayon.’ ” Nang masabi ito ni Moises, umalis na siya.
7 Sinabi ng mga opisyal ng Faraon sa kanya, “Hanggang kailan nʼyo pa ba hahayaan ang kalamidad na ito na magparusa sa atin? Paalisin nʼyo na po ang mga Israelita, para makasamba na sila sa Panginoon na kanilang Dios. Hindi nʼyo ba naiisip na nasalanta na ang Egipto?”
8 Kaya pinabalik sina Moises at Aaron sa Faraon. Sinabi ng Faraon sa kanila, “Maaari na kayong umalis para makasamba kayo sa Panginoon na inyong Dios. Pero sabihin nʼyo sa akin kung sino ang isasama ninyo sa pag-alis.”
9 Sumagot si Moises, “Aalis kaming lahat, bata at matanda. Dadalhin namin ang aming mga anak at mga hayop, dahil lahat kami ay magdaraos ng pista para sa Panginoon.”
10 Sinabi ng Faraon nang may pang-iinsulto, “Sanaʼy samahan kayo ng Panginoon kung palalakarin ko kayo at ang pamilya ninyo! Malinaw na masama ang intensyon ninyo dahil tatakas kayo. 11 Hindi ako papayag! Ang mga lalaki lang ang aalis para sumamba sa Panginoon kung iyan ang gusto ninyo.” At pinalayas sina Moises at Aaron sa harapan ng Faraon.
12 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Itaas mo ang iyong baston sa Egipto para dumating ang mga balang, at kainin ng mga ito ang mga naiwang pananim na hindi nasira nang umulan ng yelo.”
13 Kaya itinaas ni Moises ang kanyang baston, at nagpadala ang Panginoon ng hangin mula sa silangan buong araw at gabi. Kinaumagahan, nagdala ang hangin ng napakaraming balang 14 at dumagsa ito sa buong Egipto. Hindi pa kailanman nagkaroon ng pagsalakay ng mga balang tulad nito sa buong Egipto at hindi na magkakaroon pang muli. 15 Dumagsa ang mga ito sa buong Egipto hanggang sa mangitim ang lupa. Kinain ang mga naiwang pananim na hindi nasira ng mga yelo, pati ang lahat ng bunga ng mga puno. Walang naiwang pananim sa buong Egipto.
16 Agad na ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron, at sinabi, “Nagkasala ako sa Panginoon na inyong Dios at sa inyo. 17 Patawarin nʼyo akong muli, at manalangin kayo sa Panginoon inyong Dios na tanggalin niya sa akin ang nakakamatay na salot na ito.”
18 Umalis si Moises at nanalangin sa Panginoon. 19 Sumagot ang Panginoon sa pamamagitan ng pagpapadala ng malakas na hangin galing sa kanluran, at inilipad nito ang mga balang sa Dagat na Pula. At wala ni isang balang na naiwan sa Egipto. 20 Pero pinatigas pa rin ng Panginoon ang puso ng Faraon, at hindi niya pinaalis ang mga Israelita.
Ang Salot na Kadiliman
21 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Itaas mo ang iyong kamay sa langit para mabalot ng kadiliman ang buong Egipto.” 22 Kaya itinaas ni Moises ang kamay niya sa langit, at nagdilim sa buong Egipto sa loob ng tatlong araw. 23 Walang lumabas na mga Egipcio sa kani-kanilang bahay dahil hindi nila makita ang isaʼt isa. Pero may liwanag sa lugar na tinitirhan ng lahat ng mga Israelita.
24 Ipinatawag ng Faraon si Moises at sinabi, “Sige, sumamba na kayo sa Panginoon. Dalhin ninyo pati na ang inyong pamilya, pero iwan ninyo ang mga hayop.”
25 Pero sumagot si Moises, “Kailangan naming dalhin ang mga hayop namin para makapag-alay kami ng mga handog na sinusunog para sa Panginoon naming Dios. 26 Dadalhin namin ang mga hayop namin; walang maiiwan kahit isa sa kanila. Sapagkat hindi namin alam kung anong hayop ang ihahandog namin sa Panginoon. Malalaman lang namin ito kapag naroon na kami.”
27 Pero pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon, at hindi niya sila pinaalis. 28 Sinabi ng Faraon kay Moises, “Umalis ka sa harapan ko! Huwag ka na ulit magpapakita sa akin, dahil kung makikita pa kita, ipapapatay kita.”
29 Sumagot si Moises, “Kung iyan ang gusto mo, hindi na ako muling magpapakita sa iyo.”
Ang Kamatayan ng mga Panganay na Lalaki sa Egipto
11 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Padadalhan ko ng isa pang salot ang Faraon at ang Egipto. Pagkatapos nito, paaalisin na niya kayo. Itataboy pa niya kayo dahil gusto niyang makaalis agad kayo. 2 Sabihin mo sa mga Israelita, lalaki man o babae, na humingi sila ng mga alahas na pilak at ginto sa mga kapitbahay nila na Egipcio.” 3 (Niloob ng Panginoon na maging mabait ang mga Egipcio sa mga Israelita. At iginalang si Moises ng mga opisyal ng Faraon at ng mga mamamayan ng Egipto.)
4 Kaya sinabi ni Moises sa Faraon, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: ‘Dadaan ako sa Egipto mga bandang hatinggabi, 5 at mamamatay ang lahat ng panganay na lalaki sa Egipto, mula sa panganay ng Faraon na papalit sa kanyang trono, hanggang sa panganay ng pinakamababang aliping babae. Mamamatay din ang lahat ng panganay ng mga hayop. 6 Maririnig ang matinding iyakan sa buong Egipto na hindi pa nangyayari kailanman at hindi na mangyayari pang muli. 7 Pero magiging tahimik ang mga Israelita; kahit tahol ng asoʼy walang maririnig.’ Sa pamamagitan nito, malalaman ninyo na iba ang pagtrato ng Panginoon sa mga Israelita at sa mga Egipcio. 8 Lahat ng iyong mga opisyal ay lalapit sa akin na nakayuko at magsasabi, ‘Umalis ka na at isama mo ang mga mamamayang sumusunod sa iyo!’ Pagkatapos nito, aalis na ako.” At umalis si Moises sa harapan ng galit na galit na Faraon.
9 Sinabi noon ng Panginoon kay Moises, “Hindi maniniwala ang Faraon sa iyo, para marami pang himala ang magawa ko sa Egipto.” 10 Ginawa nila Moises at Aaron ang mga himalang ito sa harap ng Faraon, pero pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon, at hindi pinayagan ng Faraon na umalis ang mga Israelita sa kanyang bansa.
Ang Paglampas ng Anghel
12 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron doon sa Egipto, 2 “Mula ngayon, ang buwan na ito ang magiging unang buwan ng taon para sa inyo. 3 Ipaalam ninyo sa buong kapulungan ng Israel na sa ikasampung araw ng buwan na ito, maghahanda ang bawat pamilya ng isang tupa o kambing. 4 Kung maliit lang ang isang pamilya at hindi makakaubos ng isang tupa, maghati sila ng kapitbahay niya. Hatiin nila ito ayon sa dami nila at ayon sa makakain ng bawat tao. 5 Kailangang piliin ninyo ang lalaking kambing o tupa na isang taon pa lang at walang kapintasan. 6 Alagaan ninyo ito hanggang sa dapit-hapon nang ika-14 na araw ng buwan. Ito ang panahon na kakatayin ng buong kapulungan ng Israel ang mga hayop. 7 Pagkatapos, kunin ninyo ang dugo nito at ipahid sa ibabaw at sa gilid ng hamba ng mga pintuan ng mga bahay na kakainan ninyo ng mga tupa. 8 Sa gabing iyon, ang kakainin ninyoʼy ang nilitsong tupa, mapapait na gulay at tinapay na walang pampaalsa. 9 Huwag ninyong kakainin nang hilaw o nilaga ang karne kundi litsunin ninyo ito nang buo kasama ang ulo, paa at mga lamang-loob. 10 Ubusin ninyo ito, at kung may matira kinaumagahan, sunugin ninyo. 11 Habang kumakain kayo, handa na dapat kayo sa pag-alis. Isuot ninyo ang inyong mga sandalyas at hawakan ang inyong mga baston, at magmadali kayong kumain. Ito ang Pista ng Paglampas ng Anghel na ipagdiriwang ninyo bilang pagpaparangal sa akin.
12 “Sa gabing iyon, dadaan ako sa Egipto at papatayin ko ang lahat ng panganay na lalaki ng mga Egipcio pati na ang panganay ng kanilang mga hayop. Parurusahan ko ang lahat ng dios ng Egipto. Ako ang Panginoon. 13 Ang dugong ipinahid ninyo sa hamba ng pintuan ninyo ang magiging tanda na nakatira kayo roon. Kapag nakita ko ang dugo, lalampasan ko ang bahay ninyo, at walang salot na sasapit sa inyo kapag pinarusahan ko ang Egipto.
14 “Dapat ninyong tandaan ang araw na ito magpakailanman. Ipagdiwang ninyo ito taun-taon bilang pista ng pagpaparangal sa akin. Ang tuntuning itoʼy dapat ninyong sundin hanggang sa mga susunod pang henerasyon. 15 Sa loob ng pitong araw, kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa. Sa unang araw, alisin ninyo ang lahat ng pampaalsa sa bahay ninyo, dahil ang sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa mula sa una hanggang sa ikapitong araw ay hindi ituturing na kabilang sa Israel. 16 Sa una at sa ikapitong araw, magtipon kayo para sumamba sa akin. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon, maliban na lamang sa paghahanda ng pagkain na kakainin ninyo. Ito lang ang gagawin ninyo.
17 “Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, dahil magpapaalala ito sa inyo ng araw na inilabas ko ang bawat lahi ninyo mula sa Egipto. Ipagdiwang ninyo ito magpakailanman bilang tuntunin na dapat sundin hanggang sa mga susunod pang henerasyon. 18 Simulan ninyong ipagdiwang ito sa dapit-hapon ng ika-14 na araw ng unang buwan hanggang sa dapit-hapon ng ika-21 araw. Kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa. 19 Sa loob ng pitong araw, dapat walang makitang pampaalsa sa bahay ninyo. Ang sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa, katutubo na Israelita man o hindi ay ituturing na hindi na kabilang sa mamamayan ng Israel. 20 Huwag na huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa sa panahon ng pista, saan man kayo nakatira.”
21 Pagkatapos, ipinatawag ni Moises ang lahat ng tagapamahala ng Israel at sinabi, “Sabihin ninyo sa lahat ng pamilya ninyo na kumuha sila ng tupa o kambing at katayin nila para ipagdiwang ang Pista ng Paglampas ng Anghel. 22 Patuluin ninyo ang dugo nito sa mangkok. Pagkatapos, kumuha kayo ng mga sanga ng isopo at isawsaw ito sa dugo, at ipahid sa ibabaw at gilid ng hamba ng pintuan ninyo. At walang lalabas sa mga bahay ninyo hanggang umaga. 23 Dahil dadaan ang Panginoon sa Egipto para patayin ang mga panganay na lalaki ng mga Egipcio. Pero kapag nakita ng Panginoon ang dugo sa ibabaw at sa gilid ng hamba ng mga pintuan ninyo, lalampasan lang niya ang mga bahay ninyo at hindi niya papayagan ang Mamumuksa na pumasok sa mga bahay ninyo at patayin ang inyong mga panganay na lalaki.
24 “Ang tuntuning itoʼy dapat ninyong sundin at ng inyong mga salinlahi magpakailanman. 25 Ipagpatuloy pa rin ninyo ang seremonyang ito kapag nakapasok na kayo sa lupaing ipinangako ng Panginoon na ibibigay sa inyo. 26 Kapag nagtanong ang mga anak ninyo kung ano ang ibig sabihin ng seremonyang ito, 27 ito ang isasagot ninyo: Pista ito ng Paglampas ng Anghel bilang pagpaparangal sa Panginoon, dahil nilampasan lang niya ang mga bahay ng mga Israelita sa Egipto nang patayin niya ang mga Egipcio.”
Pagkatapos magsalita ni Moises, yumukod ang mga Israelita at sumamba sa Panginoon. 28 At sinunod nila ang iniutos ng Panginoon kina Moises at Aaron.
29 Nang hatinggabing iyon, pinatay ng Panginoon ang lahat ng panganay na lalaki sa Egipto mula sa panganay ng Faraon, na tagapagmana ng kanyang trono, hanggang sa panganay ng mga bilanggo na nasa bilangguan. Pinatay din niya ang lahat ng panganay ng hayop. 30 Nang gabing iyon, nagising ang Faraon at ang kanyang mga opisyal, at ang lahat ng Egipcio. At narinig ang matinding iyakan sa Egipto, dahil walang bahay na hindi namatayan.
31 Nang gabi ring iyon, ipinatawag ng Faraon sila Moises at Aaron at sinabi, “Umalis na kayo! Lisanin na ninyo ang aking bansa. Umalis na kayo at sumamba sa Panginoon, gaya ng ipinapakiusap ninyo. 32 Dalhin ninyo ang mga hayop ninyo, gaya rin ng pakiusap ninyo at umalis kayo. Pero ipanalangin ninyo na kaawaan ako ng inyong Dios.”
33 Pinagmadali ng mga Egipcio ang mga Israelita na umalis sa kanilang bansa, dahil sabi nila, “Kung hindi kayo aalis, mamamatay kaming lahat!” 34 Kaya dinala ng mga Israelita ang mga minasa nilang harina na walang pampaalsa na nakalagay sa lalagyan. Ibinalot nila ito sa mga damit nila at pinasan. 35 Sinunod ng mga Israelita ang sinabi sa kanila ni Moises na humingi sa mga Egipcio ng mga alahas na pilak at ginto, at mga damit. 36 Niloob ng Panginoon na maging mabuti ang mga Egipcio sa mga Israelita, kaya ibinigay ng mga Egipcio ang mga hinihingi nila. Sa ganitong paraan, nasamsam nila ang mga ari-arian ng mga Egipcio.
37 Naglakbay ang mga Israelita mula Rameses papuntang Sucot. Mga 600,000 lahat ang lalaki, hindi pa kabilang dito ang mga babae at mga bata. 38 Marami ring mga dayuhan ang sumama sa kanila at marami silang dinalang hayop. 39 Nang huminto sila para kumain, nagluto sila ng tinapay na walang pampaalsa mula sa minasang harina na dala nila galing sa Egipto. Hindi ito nalagyan ng pampaalsa dahil pinagmadali sila ng mga Egipcio na umalis at wala na silang panahong hintayin pa ang pag-alsa ng minasang harina.
40 Nanirahan ang mga Israelita sa Egipto nang 430 taon. 41 Sa huling araw ng 430 taon, umalis sa Egipto ang buong mamamayan ng Panginoon. 42 Nang gabing umalis ang mga Israelita sa Egipto, binantayan sila ng Panginoon buong gabi. Kaya katulad ng gabing iyon taun-taon, magpupuyat ang lahat ng mga Israelita bilang pagpaparangal sa Panginoon at gagawin nila ito hanggang sa mga susunod pang henerasyon.
Ang mga Tuntunin tungkol sa Pista ng Paglampas ng Anghel
43 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Ito ang mga tuntunin tungkol sa Pista ng Paglampas ng Anghel:
“Hindi dapat kumain ang mga dayuhan ng mga pagkaing inihanda sa pistang ito. 44 Makakakain ang lahat ng aliping binili kung natuli sila, 45 pero hindi maaaring kumain ang mga upahang trabahador at ang mga dayuhan.
46 “Dapat itong kainin sa loob ng bahay kung saan ito inihanda; hindi dapat ilabas ang karne sa bahay, at huwag babaliin ang buto nito. 47 Dapat itong ipagdiwang ng buong mamamayan ng Israel.
48 “Kung may dayuhan na naninirahang kasama ninyo na gustong makipagdiwang ng Pista ng Paglampas ng Anghel sa pagpaparangal sa Panginoon, kailangang tuliin ang lahat ng lalaki sa sambahayan niya. At maaari na siyang makasama sa pagdiriwang bilang isang katutubong Israelita. Pero hindi maaaring makipagdiwang ang taong hindi natuli. 49 Ang tuntuning itoʼy para sa lahat – sa mga katutubong Israelita at sa mga dayuhang naninirahang kasama ninyo.”
50 Sinunod ng lahat ng mga Israelita ang iniutos ng Panginoon kina Moises at Aaron. 51 At nang araw na iyon, inilabas ng Panginoon ang bawat lahi ng Israel mula sa Egipto.
Ang Pagtatalaga sa mga Panganay na Lalaki
13 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2 “Italaga nʼyo sa akin ang lahat ng panganay na lalaki ng mga Israelita at ang panganay ng lahat ng hayop.”
3 Pagkatapos, sinabi ni Moises sa mga tao, “Alalahanin ninyo ang araw na ito, ang araw na inilabas kayo sa Egipto mula sa pagkaalipin. Sapagkat inilabas kayo ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa. 4 Alalahanin ninyo ang araw na ito ng buwan ng Abib[e] – ang araw na inilabas kayo sa Egipto. 5 Dapat nʼyo itong ipagdiwang kapag dinala na kayo ng Panginoon sa lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Hiveo at mga Jebuseo. Ito ang lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninuno na ibibigay sa inyo. Maganda at masaganang lupain[f] na ito. 6 Sa panahon ng pagdiriwang ninyo, kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa sa loob ng pitong araw, at sa ikapitong araw ninyo sisimulang idaos ang pista para sa Panginoon. 7 Huwag na huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa sa loob ng pitong araw, at wala dapat makikitang pampaalsa sa inyo o kahit saan sa lugar ninyo. 8 Sa panahon ng pagdiriwang ninyo, ipaliwanag nʼyo sa inyong mga anak na ginagawa ninyo ito para ipagdiwang ang ginawa ng Panginoon nang inilabas niya kayo sa Egipto. 9 Ang pistang itoʼy katulad ng isang tatak sa inyong mga kamay o sa inyong mga noo na magpapaalaala sa inyo na dapat ninyong sabihin sa iba ang mga utos ng Panginoon, dahil inilabas niya kayo sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. 10 Kaya ipagdiwang ninyo ang pistang ito sa itinakdang panahon bawat taon.
11 “Kapag dinala na kayo ng Panginoon sa lupain ng mga Cananeo na ipinangako niyang ibibigay sa inyong mga ninuno at sa inyo, 12 italaga nʼyo sa Panginoon ang inyong mga panganay na lalaki at pati na rin ang panganay ng inyong mga hayop, dahil pag-aari ito ng Panginoon. 13 Maaaring tubusin sa Panginoon ang mga panganay ng mga asno sa pamamagitan ng pagpapalit nito ng tupa. Pero kung hindi ninyo ito tutubusin, kailangang patayin ang asno sa pamamagitan ng pagbali sa leeg nito. Maaari rin ninyong tubusin ang inyong mga panganay na lalaki.
14 “Sa hinaharap, kapag tinanong kayo ng anak ninyo kung bakit ninyo ito ginagawa, sabihin ninyo sa kanila, ‘Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Panginoon, inilabas niya kami sa Egipto kung saan kami inalipin. 15 Nang hindi pa kami pinapayagan ng Faraon na umalis, pinatay ng Panginoon ang lahat ng panganay na lalaki sa Egipto, maging tao o hayop. Ito ang dahilan kung bakit inihahandog namin sa Panginoon ang lahat ng panganay na lalaki ng aming mga hayop at tinutubos namin ang mga panganay naming lalaki.’ 16 Ang seremonyang ito ay tulad ng tatak sa inyong mga kamay o sa inyong mga noo na magpapaalala sa inyo nang inilabas kayo ng Panginoon sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.”
Ang Pagtawid ng mga Israelita sa Dagat na Pula
17 Nang pinaalis na ng Faraon ang mga Israelita, hindi sila pinadaan ng Dios sa daang papunta sa lupain ng mga Filisteo kahit na iyon ang pinakamalapit na daan. Sapagkat sinabi ng Dios, “Kung may labanang haharapin ang mga Israelita, baka magbago ang isip nila at bumalik sila sa Egipto.” 18 Kaya pinaliko sila ng Dios sa disyerto papunta sa Dagat na Pula.[g] Armado ang mga Israelita para sa labanan nang lisanin nila ang Egipto.
19 Dinala ni Moises ang mga buto ni Jose, ayon sa ipinanumpa noon ni Jose na gagawin ng mga Israelita. Sinabi noon ni Jose, “Siguradong palalayain kayo ng Dios. Kapag nangyari na iyon, dalhin ninyo ang mga buto ko sa pag-alis ninyo sa lugar na ito.”
20 Pag-alis nila sa Sucot, nagkampo sila sa Etam, sa dulo ng disyerto. 21 Kapag araw, ginagabayan sila ng Panginoon sa pamamagitan ng makapal na ulap, at kapag gabi ay ginagabayan sila sa pamamagitan ng naglalagablab na haliging apoy na nagbibigay sa kanila ng liwanag, para makapaglakbay sila araw man o gabi. 22 Nangunguna sa kanila ang makapal na ulap kapag araw at ang naglalagablab na haliging apoy kapag gabi.
14 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2 “Sabihin mo sa mga Israelita na bumalik sila malapit sa Pi Hahirot, sa gitna ng Migdol at Dagat na Pula, at magkampo sila roon sa tabi ng dagat, sa harap ng Baal Zefon. 3 Iisipin ng Faraon na nagkaligaw-ligaw kayo at hindi na makalabas ng disyerto. 4 At patitigasin ko ang kanyang puso at hahabulin niya kayo. Pero papatayin ko siya at ang kanyang mga sundalo. Sa pamamagitan nitoʼy mapaparangalan ako, at malalaman ng mga Egipcio na ako ang Panginoon.” Kaya ginawa ito ng mga Israelita.
5 Nang mabalitaan ng hari ng Egipto na tumakas ang mga Israelita, nagbago ang isip niya at ang lahat ng opisyal tungkol sa pag-alis ng mga Israelita. Sinabi nila, “Ano ba ang ginawa natin? Bakit natin pinaalis ang mga Israelita? Ngayon, wala na tayong mga alipin.” 6 Kaya inihanda ng Faraon ang karwahe niya at ang kanyang mga sundalo. 7 Dinala niya ang 600 na pinakamahuhusay na karwahe ng Egipto at ang iba pang mga karwahe. Bawat isaʼy pinamamahalaan ng opisyal. 8 Pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon na hari ng Egipto, kaya hinabol niya ang mga Israelita na naglalakbay na buo ang loob. 9 Ang mga Egipcio na sumama sa paghabol ay ang mga sundalo ng hari, kasama ang mga mangangabayo niya sakay ng kanilang mga kabayo at karwahe. Naabutan nila ang mga Israelita sa pinagkakampuhan nila sa tabi ng Dagat na Pula malapit sa Pi Hahirot, sa harap ng Baal Zefon.
10 Nang papalapit na ang Faraon at ang kanyang mga sundalo, nakita sila ng mga Israelita. Kaya lubha silang natakot at humingi ng tulong sa Panginoon. 11 Sinabi nila kay Moises, “Bakit dito mo pa kami dinala sa disyerto para mamatay? Wala bang libingan doon sa Egipto? Bakit mo pa kami pinalabas sa Egipto? 12 Hindi baʼt sinabi namin sa iyo sa Egipto na pabayaan mo na lang kaming magpaalipin sa mga Egipcio? Mas mabuti pang nanilbihan na lang kami sa mga Egipcio kaysa sa mamatay dito sa disyerto!”
13 Sumagot si Moises sa mga tao, “Huwag kayong matakot. Magpakatatag kayo at makikita ninyo ang pagliligtas ng Panginoon sa inyo sa araw na ito. Ang mga Egipciong nakikita ninyo ngayon ay hindi na ninyo makikita pang muli. 14 Ang Panginoon ang makikipaglaban para sa inyo. Hindi nʼyo na kailangang makipaglaban pa.”
15 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bakit patuloy ka pa ring humihingi ng tulong sa akin? Sabihin mo sa mga Israelita na magpatuloy sila sa paglalakbay. 16 Pagkatapos, itaas mo ang iyong baston sa dagat para mahati ang tubig at makatawid ang mga Israelita sa tuyong lupa. 17 Patitigasin ko ang puso ng mga Egipcio para habulin nila kayo. Pero lilipulin ko ang Faraon at ang kanyang mga sundalo, mangangabayo at mga karwahe. Sa pamamagitan nito, mapaparangalan ako. 18 At kapag nalipol ko na sila, malalaman ng mga Egipcio na ako ang Panginoon.”
19 Pagkatapos, lumipat sa hulihan ang anghel ng Dios na nangunguna sa mamamayan ng Israel, ganoon din ang makapal na ulap. 20 Tumigil ito sa gitna ng mga Israelita at mga Egipcio. Sa buong gabi, nagbigay ng liwanag ang ulap sa mga Israelita at nagbigay ng kadiliman sa mga Egipcio. Kaya lumipas ang gabi na hindi nakalapit ang mga Egipcio sa mga Israelita.
21 Pagkatapos, itinaas ni Moises ang kanyang kamay sa dagat, at nahati ang dagat sa pamamagitan ng malakas na hangin na ipinadala ng Panginoon mula sa silangan. Buong gabing umihip ang hangin hanggang ang gitna ng dagat ay naging tuyong lupa. 22 At tumawid ang mga Israelita sa tuyong lupa, na ang tubig ay parang pader sa magkabilang gilid.
23 Hinabol sila ng mga sundalo ng Egipto kasama ang kanilang mga mangangabayo, mga karwahe at mga kabayo. 24 Nang mag-uumaga na, tiningnan ng Panginoon ang mga sundalo ng Egipto mula sa makapal na ulap at naglalagablab na apoy, at nilito niya sila. 25 Tinanggal[h] niya ang mga gulong ng mga karwahe nila para mahirapan silang patakbuhin ito. Sinabi ng mga Egipcio, “Umatras na lang tayo sa mga Israelita, dahil ang Panginoon ang lumalaban sa atin para sa kanila.”
26 Nang nakatawid na ang mga Israelita, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Itaas mo ang iyong kamay sa dagat para bumalik ang tubig at matabunan ang mga Egipcio at ang karwahe nila at mga mangangabayo.” 27 Kaya itinaas ni Moises ang kanyang kamay sa dagat, at nang sumisikat na ang araw, bumalik ang tubig sa dati nitong lugar. Tinangkang tumakas ng mga Egipcio pero ipinaanod sila ng Panginoon sa dagat. 28 Tinabunan ng tubig ang lahat ng sundalo ng Faraon na humabol sa mga Israelita pati na ang kanilang mga mangangabayo at karwahe. Wala ni isa mang nakaligtas sa kanila.
29 Pero ang mga Israelitaʼy dumaan sa tuyong lupa sa gitna ng dagat, na parang pader ang tubig sa magkabilang gilid. 30 Sa araw na iyon, iniligtas ng Panginoon ang mga Israelita sa kamay ng mga Egipcio. At nakita ng mga Israelita ang mga bangkay ng mga Egipcio na nakahandusay sa dalampasigan. 31 Nakita ng mga Israelita ang dakilang kapangyarihan ng Panginoon na ginamit niya laban sa mga Egipcio. At dahil dito, iginalang nila ang Panginoon at siyaʼy pinagtiwalaan nila at ang lingkod niyang si Moises.
Ang Awit ni Moises
15 Umawit si Moises at ang mga Israelita ng awit sa Panginoon:
“Aawitan ko ang Panginoon dahil lubos siyang nagtagumpay.
Itinapon niya sa dagat ang mga kabayo at ang mga sakay nito.
2 Ang Panginoon ang nagbibigay sa akin ng lakas,
at siya ang aking awit.
Siya ang nagligtas sa akin.
Siya ang aking Dios, at pupurihin ko siya.
Siya ang Dios ng aking ama,[i] at itataas ko siya.
3 Panginoon ang kanyang pangalan, isa siyang mandirigma.
4 Itinapon niya sa dagat ang mga karwahe at mga sundalo ng Faraon.
Nalunod ang pinakamagagaling na opisyal ng Faraon sa Dagat na Pula.
5 Nalunod sila sa malalim na tubig;
lumubog sila sa kailaliman katulad ng isang bato.
6 “Dakila ang kapangyarihan nʼyo, O Panginoon;
sa pamamagitan nito, dinurog nʼyo ang inyong mga kaaway.
7 Sa inyong kapangyarihan, ibinagsak nʼyo ang mga kumakalaban sa inyo.
Ipinadama nʼyo sa kanila ang inyong galit na siyang tumupok sa kanila na parang dayami.
8 Sa isang ihip nʼyo lang, nahati ang tubig.
Ang dumadaluyong na tubig ay nahati at tumayo na parang pader;
natuyo ang malalim na dagat.
9 Sinabi ng nagyayabang na kaaway,
‘Hahabulin ko sila at huhulihin;
paghahati-hatiin ko ang kanilang mga kayamanan at bubusugin ko nito ang aking sarili.
Bubunutin ko ang aking espada at lilipulin sila.’
10 Pero sa isang ihip nʼyo lang, nalunod sila sa dagat.
Lumubog sila sa kailaliman kagaya ng tingga.
11 O Panginoon, sino po ba ang dios na katulad nʼyo?
Wala kayong katulad sa kabanalan at kapangyarihan.
Kayo lang po ang Dios na gumagawa ng mga kamangha-manghang bagay!
12 Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan,[j] nilamon ng lupa ang aming mga kaaway.
13 “Sa pamamagitan ng walang tigil nʼyong pagmamahal, gagabayan nʼyo ang inyong mga iniligtas.
Sa pamamagitan ng inyong lakas, gagabayan nʼyo sila sa banal nʼyong tahanan.
14 Maririnig ito ng mga bansa at manginginig sila sa takot.
Lubhang matatakot ang mga Filisteo.
15 Ang mga pinuno ng Edom at Moab ay manginginig sa takot,
at ang mga pinuno[k] ng Canaan ay hihimatayin sa takot.
16 “Tunay na matatakot sila.
Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan, silaʼy magiging parang bato na hindi nakakakilos,
hanggang sa makadaan ang inyong mga mamamayan na inyong iniligtas, O Panginoon.
17 Dadalhin nʼyo ang mga mamamayan ninyo sa inyong lupain,
at ilalagay nʼyo sila sa bundok na pagmamay-ari ninyo –
ang lugar na ginawa nʼyong tahanan, O Panginoon,
ang templong kayo mismo ang gumawa.
18 Maghahari kayo, O Panginoon magpakailanman.”
19 Tinabunan ng Panginoon ng tubig ang mga kabayo, mga karwahe at mga mangangabayo ng Faraon matapos na makatawid ang mga Israelita sa tuyong lupa sa gitna ng dagat.
20 Kumuha ng tamburin si Miriam na propeta at kapatid ni Aaron, at pinangunahan niya ang mga babae sa pagtugtog ng tamburin at pagsayaw. 21 Inawit ni Miriam ang awit na ito sa kanila:
“Umawit kayo sa Panginoon dahil lubos siyang nagtagumpay.
Itinapon niya sa dagat ang mga kabayo at ang mga sakay nito.”
Ang Mapait na Tubig
22 At dinala ni Moises ang mga Israelita mula sa Dagat na Pula papunta sa ilang ng Shur. Sa loob ng tatlong araw, naglakbay sila sa ilang at wala silang nakitang tubig. 23 Nang makarating sila sa Mara, nakakita sila ng tubig, pero hindi nila ito mainom dahil mapait. (Ito ang dahilan kung bakit Mara ang pangalan ng lugar.)[l] 24 Dahil dito, nagreklamo ang mga Israelita kay Moises, “Ano ang iinumin natin?”
25 Kaya humingi ng tulong si Moises sa Panginoon, at ipinakita ng Panginoon sa kanya ang isang putol ng kahoy. Inihagis ito ni Moises sa tubig at nawala ang pait ng tubig.
Doon ibinigay ng Panginoon ang tuntunin at kautusang ito para subukin ang katapatan nila sa kanya: 26 “Kung susundin ninyo ako nang buong puso, ang Panginoon na inyong Dios, at gagawa ng mabuti sa aking paningin, at susundin ang aking mga kautusan at tuntunin, hindi ko kayo padadalhan ng mga karamdaman gaya ng ipinadala ko sa mga Egipcio, dahil ako ang Panginoon, ang nagpapagaling sa inyo.”
27 Dumating sila sa Elim, kung saan may 12 bukal at 70 puno ng palma, at nagkampo sila malapit sa tubig.
Ang Manna at mga Pugo
16 Mula sa Elim, nagpatuloy sa paglalakbay ang mamamayan ng Israel hanggang sa makarating sila sa ilang ng Zin, na nasa gitna ng Elim at ng Sinai. Nakarating sila roon sa ika-15 araw ng ikalawang buwan mula nang lumabas sila sa Egipto. 2 Doon sa ilang, nagreklamo ang lahat ng mga Israelita kina Moises at Aaron. 3 Sinabi nila, “Mabuti pang pinatay na lang kami ng Panginoon sa Egipto! Doon, kahit paanoʼy nakakakain kami ng karne at ng lahat ng pagkain na gusto namin. Pero dinala nʼyo kami rito sa ilang para patayin kaming lahat sa gutom.”
4 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Makinig ka! Magpapaulan ako ng pagkain mula sa langit para sa inyo. Bawat araw, mangunguha ang mga Israelita ng pagkain nila para sa araw na iyon. Sa ganitong paraan, masusubok ko kung susundin nila ang mga utos ko. 5 Sabihin mo sa kanila na doblehin nila ang kukunin nilang pagkain tuwing ikaanim na araw ng bawat linggo.”
6 Kaya sinabi nila Moises at Aaron sa lahat ng mga Israelita, “Ngayong gabi, malalaman ninyo na ang Panginoon ang naglabas sa inyo sa Egipto, 7 at bukas ng umaga, makikita ninyo ang makapangyarihang presensya ng Panginoon. Sapagkat narinig niya ang mga reklamo ninyo. Sino ba kami para sa amin kayo magreklamo?” 8 Sinabi pa ni Moises, “Bibigyan kayo ng Panginoon ng karne na kakainin ninyo sa gabi at bubusugin niya kayo ng tinapay sa umaga, dahil narinig niya ang pagrereklamo ninyo sa kanya. Hindi kayo nagrereklamo sa amin kundi sa Panginoon. Sino ba kami para sa amin kayo magreklamo?”
9 Sinabi nina Moises at Aaron, “Sabihin ninyo sa buong mamamayan ng Israel na lumapit sila sa presensya ng Panginoon dahil narinig niya ang pagrereklamo ninyo.”
10 Habang nagsasalita si Aaron sa buong mamamayan ng Israel, tumingin sila sa ilang at nakita nila ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa ulap. 11 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 12 “Narinig ko ang mga pagrereklamo ng mga Israelita. Sabihin mo sa kanilang gabi-gabi silang kakain ng karne at araw-araw silang magpapakabusog sa tinapay. At malalaman ninyong ako ang Panginoon na inyong Dios.”
13 Nang dapit-hapon ding iyon, dumagsa ang mga pugo at napuno nito ang buong kampo. Kinaumagahan, basa ng hamog ang buong kampo. 14 Nang mawala ang hamog, may nakita silang maliliit na bagay sa lupa na puting-puti. 15 Hindi nila alam kung ano ito kaya nagtanungan sila, “Ano kaya iyan?” Sinabi ni Moises sa kanila, “Iyan ang pagkain na ibinigay ng Panginoon sa inyo para kainin. 16 Sinabi ng Panginoon na ang bawat isa sa inyoʼy mag-ipon nito ayon sa inyong pangangailangan; mga isang salop bawat tao.”
17 Kaya nanguha ang mga Israelita ng mga pagkaing ito; marami ang kinuha ng iba habang ang iba naman ay kaunti lang. 18 Nang takalin nila ito, isang salop ang nakuha ng bawat tao. Ang nagtipon ng marami ay hindi sumobra, at ang nagtipon ng kaunti ay hindi naman kinulang. Tamang-tama lang ang nakuha ng bawat isa.
19 Sinabi ni Moises sa kanila, “Walang magtitira nito para sa susunod na araw.” 20 Pero ang iba sa kanilaʼy hindi nakinig kay Moises, nagtira sila para sa susunod na araw. Pero inuod ito at bumaho. Kaya nagalit si Moises sa kanila.
21 Tuwing umaga, nangunguha ang bawat isa ayon sa kanyang kailangan. At kapag uminit na, natutunaw ang pagkaing hindi nila nakukuha. 22 Sa ikaanim na araw, doble ang kanilang kinukuha – mga dalawang salop bawat tao. Kaya pumunta ang mga pinuno ng mamamayan ng Israel kay Moises at nagtanong kung bakit doble. 23 Sinabi ni Moises sa kanila, “Iniutos ng Panginoon na magpahinga kayo bukas dahil Araw ng Pamamahinga, na banal na araw para sa Panginoon. Kaya lutuin ninyo ang gusto ninyong lutuin, at ilaga ang gusto ninyong ilaga. Ang matitira ay ilaan para bukas.”
24 Kaya itinira nila ito para sa susunod na araw ayon sa iniutos ni Moises. At nang sumunod na araw hindi ito inuod o bumaho.
25 Sinabi ni Moises sa kanila, “Kainin nʼyo iyan ngayon, dahil ngayon ang Araw ng Pamamahinga para sa Panginoon. Wala kayong makikita niyan ngayon. 26 Makakakuha kayo ng pagkaing ito sa loob ng anim na araw, pero sa ikapitong araw ay magpahinga kayo. Sa araw na iyon, wala kayong makukuhang pagkain.”
27 May mga tao pa ring lumabas para manguha ng pagkain sa ikapitong araw, pero wala silang nakita. 28 At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Hanggang kailan ba susuwayin ng mga taong ito ang aking mga utos at katuruan? 29 Alalahanin ninyo na binigyan ko kayo ng Araw ng Pamamahinga, kaya nga tuwing ikaanim na araw ay dinodoble ko ang pagkain ninyo. Dapat manatili sa bahay niya ang bawat isa sa ikapitong araw. Walang lalabas para kumuha ng pagkain.” 30 Kaya nagpahinga ang mga tao sa ikapitong araw.
31 Tinawag na “manna” ng mga Israelita ang pagkain. Para itong maliliit at mapuputing buto, at matamis kagaya ng manipis na tinapay na may pulot. 32 Sinabi sa kanila ni Moises, “Ipinag-utos ng Panginoon na magtago kayo ng isang salop na ‘manna’ para sa susunod pang mga henerasyon, para makita nila ang pagkaing ibinigay ko sa inyo sa ilang nang inilabas ko kayo sa Egipto.”
33 Sinabi ni Moises kay Aaron, “Kumuha kayo ng sisidlan at lagyan ito ng isang salop na ‘manna’. Pagkatapos, ilagay ninyo ito sa presensya ng Panginoon para sa susunod pang mga henerasyon.” 34 Sinunod ito ni Aaron ayon sa sinabi ng Panginoon kay Moises. Inilagay ni Aaron ang “manna” sa Kahon ng Kasunduan para maitago. 35 Kumain ang mga Israelita ng “manna” sa loob ng 40 taon, hanggang sa makarating sila sa lupain ng Canaan. 36 (Bawat araw, nag-iipon ang bawat isa sa kanila ng isang “omer” na “manna”, mga isang salop).
Tubig mula sa Bato(A)
17 Sa utos ng Panginoon, umalis ang buong mamamayan ng Israel sa ilang ng Zin at nagpatuloy sa paglalakbay. Nagpalipat-lipat sila ng lugar. Nagkampo sila sa Refidim, pero walang tubig na mainom doon. 2 Kaya nakipagtalo sila kay Moises at sinabi, “Bigyan mo kami ng tubig na maiinom.”
Sumagot si Moises, “Bakit kayo nakikipagtalo sa akin? Bakit ninyo sinusubok ang Panginoon?”
3 Pero uhaw na uhaw ang mga tao roon, kaya patuloy ang pagrereklamo nila kay Moises, “Bakit mo pa kami inilabas ng Egipto? Mamamatay din lang pala kami rito sa uhaw pati ang mga anak at mga hayop namin.”
4 Kaya humingi ng tulong si Moises sa Panginoon, “O Panginoon, ano po ba ang gagawin ko sa mga taong ito? Halos batuhin na nila ako!”
5 Sumagot ang Panginoon kay Moises, “Kunin mo ang iyong baston na inihampas mo sa Ilog ng Nilo, at pangunahan mo ang mga tao kasama ng ibang mga tagapamahala ng Israel. 6 Hihintayin kita roon sa may bato sa Horeb.[m] Kapag naroon ka na, paluin mo ang bato, at lalabas ang tubig na iinumin ng mga tao.” Kaya ginawa ito ni Moises sa harap ng mga tagapamahala ng Israel. 7 Tinawag ni Moises ang lugar na Masa[n] at Meriba,[o] dahil nakipagtalo sa kanya ang mga Israelita at sinubukan nila ang Panginoon sa pamamagitan ng pagsasabi, “Sinasamahan ba tayo ng Panginoon o hindi?”
Natalo ang mga Amalekita
8 Nang naroon pa ang mga Israelita sa Refidim, sinalakay sila ng mga Amalekita. 9 Sinabi ni Moises kay Josue, “Pumili ka ng ilang tauhan natin at makipaglaban kayo sa mga Amalekita. Tatayo ako bukas sa ibabaw ng burol habang hawak ang baston na iniutos ng Dios na dalhin ko.”
10 Kaya nakipaglaban sina Josue sa mga Amalekita ayon sa iniutos ni Moises, habang sina Moises, Aaron at Hur ay umakyat sa burol. 11 At habang nakataas ang kamay ni Moises, nananalo ang mga Israelita, pero kapag ibinababa niya ang kanyang kamay nananalo naman ang mga Amalekita. 12 Nang bandang huli, nangalay na ang kamay ni Moises. Kaya kinuha nila Aaron at Hur ang isang bato at pinaupo roon si Moises. Itinaas ni Aaron ang isang kamay ni Moises at ganoon din ang ginawa ni Hur sa isang kamay hanggang sa lumubog ang araw. 13 Kaya natalo nina Josue ang mga Amalekita.
14 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Isulat mo ito para hindi makalimutan at ipaalam mo ito kay Josue: Uubusin ko ang lahi ng mga Amalekita.”
15 Gumawa si Moises ng altar at tinawag niya itong, “Ang Panginoon ang aking Bandila ng Tagumpay.” 16 Sinabi niya, “Dahil sa itinaas ng mga Amalekita ang mga kamao nila sa trono ng Panginoon, patuloy na makikipaglaban sa Amalekita ang Panginoon magpakailanman.”
Binisita ni Jetro si Moises
18 Nabalitaan ni Jetro, na pari ng Midian at biyenan ni Moises, ang lahat ng ginawa ng Dios kay Moises at sa mga mamamayan niyang Israelita. Nabalitaan niya kung paanong inilabas ng Panginoon ang mga Israelita sa Egipto.
2-3 Pinauwi noon ni Moises kay Jetro na kanyang biyenan ang asawa niyang si Zipora at ang dalawang anak nilang lalaki. Ang pangalan ng panganay ay Gershom,[p] dahil nang ipinanganak siya, sinabi ni Moises, “Dayuhan ako sa ibang lupain.” 4 Ang pangalan ng pangalawa ay Eliezer,[q] dahil nang ipinanganak siya, sinabi ni Moises, “Ang Dios ng aking ama[r] ang tumutulong sa akin. Iniligtas niya ako sa espada ng Faraon.”
5 Ngayon, pumunta sila Jetro, ang asawa ni Moises at ang dalawa nilang anak sa pinagkakampuhan ni Moises sa ilang, malapit sa bundok ng Dios. 6 Nagpasabi na si Jetro kay Moises na darating siya kasama si Zipora at ang dalawa nilang anak.
7 Kaya sinalubong ni Moises ang kanyang biyenan, at yumukod siya at humalik sa kanya bilang paggalang. Nagkamustahan sila at pagkatapos, pumasok sa tolda. 8 Sinabi ni Moises kay Jetro ang lahat ng ginawa ng Panginoon sa Faraon at sa mga Egipcio para sa mga Israelita. Sinabi rin niya ang lahat ng paghihirap na naranasan nila sa paglalakbay at kung paano sila iniligtas ng Panginoon.
9 Tuwang-tuwa si Jetro sa lahat ng kabutihang ginawa ng Panginoon sa mga Israelita nang iligtas niya sila sa kamay ng mga Egipcio. 10 Sinabi ni Jetro, “Purihin ang Panginoon na nagligtas sa inyo sa kamay ng mga Egipcio at ng Faraon. 11 Nalalaman ko ngayon na mas makapangyarihan ang Panginoon sa lahat ng dios, dahil iniligtas niya ang mga Israelita sa mga Egipciong nagmamaltrato sa kanila.” 12 Pagkatapos, nag-alay si Jetro ng mga handog na sinusunog at iba pang mga handog sa Dios. At habang ginagawa niya ito, dumating si Aaron at ang lahat ng tagapamahala ng Israel. Sumama sila kay Jetro para kumain sa presensya ng Dios.
Pumili si Moises ng mga Hukom(B)
13 Kinaumagahan, naupo si Moises bilang hukom para dinggin ang mga kaso ng mga tao. Nakapila ang mga tao sa harapan niya mula umaga hanggang gabi. 14 Nang makita ito ni Jetro, sinabi niya kay Moises, “Bakit ginagawa mo ito para sa mga tao? At bakit mag-isa mo itong ginagawa? Pumipila sa iyo ang mga tao mula umaga hanggang gabi.”
15 Sumagot si Moises, “Ginagawa ko po ito dahil lumalapit ang mga tao sa akin para malaman ang kalooban ng Dios. 16 Kung may pagtatalo ang mga tao, dinadala nila ito sa akin, at ako ang nagdedesisyon kung sino sa kanila ang tama. At tinuturuan ko sila ng mga tuntunin at utos ng Dios.”
17 Sinabi ni Jetro, “Hindi tama ang pamamaraan mong ito. 18 Pinapahirapan mo lang ang sarili mo at ang mga taong ito. Napakahirap nito kung ikaw lang. 19 Makinig ka sa akin at papayuhan kita, at sanaʼy samahan ka ng Dios. Ipagpatuloy mo ang ginagawa mong paglapit sa Dios para sa mga tao. Dalhin mo ang mga kaso nila sa kanya. 20 Ipagpatuloy mo rin ang pagtuturo mo sa kanila ng mga tuntunin at utos ng Dios. Turuan mo sila kung paano mamuhay at kung ano ang gagawin nila. 21 Pero pumili ka ng mga taong tutulong sa iyo. Dapat mayroon silang kakayahan sa paghuhukom, may takot sa Dios, mapagkakatiwalaan, at hindi tumatanggap ng suhol. Gawin mo silang mga hukom ng grupo na binubuo ng 1,000, 100, 50 at 10 tao. 22 Maglilingkod sila bilang mga hukom sa lahat ng oras. Sila ang magpapasya sa simpleng mga kaso, pero dadalhin nila sa iyo ang mabibigat na kaso. Sa ganitong paraan, mapapagaan ang trabaho mo dahil matutulungan ka nila. 23 Alam kong ito ang gusto ng Dios na gawin mo, at kung susundin mo ito, hindi ka na mahihirapan. At makakauwi ang mga taong ito nang mapayapa.”
24 Sinunod ni Moises ang ipinayo sa kanya ng kanyang biyenan. 25 Pumili siya sa mga Israelita ng mga taong may kakayahan sa paghuhukom, at ginawa niya silang mga hukom ng grupo na binubuo ng 1,000, 100, 50 at 10 tao. 26 Naglingkod sila bilang mga palagiang hukom ng mga tao. Sila ang nagpapasya sa mga simpleng kaso, pero kapag mabigat, dinadala nila ito kay Moises.
27 Pagkatapos noon, pinayagan ni Moises ang kanyang biyenan na umuwi at bumalik sa sariling bayan.
Sa Bundok ng Sinai
19 1-2 Umalis ang mga Israelita sa Refidim at pumunta sa ilang ng Sinai. Doon sa harap ng bundok sila nagkampo. Ikatlong buwan ito mula nang lisanin nila ang Egipto.
3 Umakyat si Moises sa bundok para makipagkita sa Dios. Tinawag siya ng Panginoon doon sa bundok at sinabi, “Sabihin mo ito sa mga Israelita na mga lahi ni Jacob: 4 ‘Nakita nʼyo mismo kung ano ang ginawa ko sa mga Egipcio, at kung paano ko kayo dinala rito sa akin, katulad ng pagdadala ng agila sa mga inakay niya sa pamamagitan ng kanyang pakpak. 5 Kung lubos ninyo akong susundin at tutuparin ang aking kasunduan, pipiliin ko kayo sa lahat ng bansa para maging mga mamamayan ko. Akin ang buong mundo, 6 pero magiging pinili ko kayong mamamayan at magiging isang kaharian ng mga paring maglilingkod sa akin.’ Sabihin mo ito sa mga Israelita.”
7 Kaya bumaba si Moises mula sa bundok at ipinatawag niya ang mga tagapamahala ng Israel at sinabi sa kanila ang sinabi ng Panginoon. 8 At sabay-sabay na sumagot ang mga tao, “Susundin namin ang lahat ng sinabi ng Panginoon.” At sinabi ni Moises sa Panginoon ang sagot ng mga tao.
9 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Darating ako sa iyo sa pamamagitan ng makapal na ulap para marinig ng mga tao ang pakikipag-usap ko sa iyo, at nang lagi silang magtiwala sa iyo.” At sinabi ni Moises sa Panginoon ang sagot ng mga tao.
10 At sinabi sa kanya ng Panginoon, “Puntahan mo ang mga tao at sabihin sa kanilang linisin ang sarili nila[s] ngayon at bukas. Kailangang labhan nila ang kanilang mga damit. 11 Siguraduhing handa sila sa ikatlong araw, dahil sa araw na iyon, ako, ang Panginoon ay bababa sa Bundok ng Sinai na kitang-kita ng mga tao. 12 Maglagay ka ng tanda sa paligid ng bundok kung hanggang saan lamang tatayo ang mga tao. Sabihin mo sa kanila na huwag silang aakyat o lalapit sa bundok. Ang sinumang lalapit sa bundok ay papatayin, 13 tao man o hayop. Kung gagawin niya ito, babatuhin siya o kaya naman ay papanain; walang kamay na hihipo sa kanya. Makakaakyat lang ang mga tao sa bundok kapag pinatunog na nang matagal ang tambuli.”
14 Bumaba si Moises sa bundok at inutusan niya silang linisin ang mga sarili nila. At nilabhan ng mga tao ang kanilang mga damit. 15 Sinabi ni Moises sa kanila, “Ihanda ninyo ang mga sarili ninyo para sa ikatlong araw; huwag muna kayong makipagtalik sa inyong asawa.”
16 Kinaumagahan ng ikatlong araw, kumulog at kumidlat, at may makapal na ulap na tumakip sa bundok at narinig ang malakas na tunog ng trumpeta. Nanginig sa takot ang lahat ng tao sa kampo. 17 Pagkatapos, dinala ni Moises sa labas ng kampo ang mga tao para makipagkita sa Dios, at tumayo sila sa paanan ng bundok. 18 Nabalot ng usok ang Bundok ng Sinai dahil bumaba roon ang Panginoon sa anyo ng apoy. Pumaitaas ang usok kagaya ng usok na nanggaling sa hurno at nayanig nang malakas ang bundok,[t] 19 at lalo pang lumakas ang tunog ng trumpeta. Nagsalita si Moises at sinagot siya ng Panginoon sa pamamagitan ng kulog.[u]
20 Bumaba ang Panginoon sa ibabaw ng Bundok ng Sinai, at tinawag niya si Moises na umakyat sa ibabaw ng bundok. Kaya umakyat si Moises, 21 at sinabi sa kanya ng Panginoon, “Bumalik ka sa ibaba at balaan mo sila na huwag na huwag silang lalampas sa hangganan na inilagay sa paligid ng bundok para tingnan ako, dahil kung gagawin nila ito, marami sa kanila ang mamamatay. 22 Kahit na ang mga pari na palaging lumalapit sa presensya koʼy kailangang maglinis ng kanilang mga sarili dahil kung hindi, parurusahan ko rin sila.”
23 Sinabi ni Moises sa Panginoon, “Paano po aakyat ang mga tao sa bundok gayong binigyan nʼyo na kami ng babala na ituring naming banal ang bundok, at sinabihan nʼyo kaming lagyan ng tanda ang paligid ng bundok kung hanggang saan lang kami tatayo.”
24 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Bumaba ka at dalhin si Aaron dito. Pero ang mga pari at ang mga tao ay hindi dapat pumunta rito sa akin, para hindi ko sila parusahan.”
25 Kaya bumaba si Moises at sinabihan ang mga tao.
Ang Sampung Utos(C)
20 Sinabi ng Panginoon,
2 “Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto kung saan kayo inalipin.
3 “Huwag kayong sasamba sa ibang mga dios maliban sa akin.
4 “Huwag kayong gagawa ng mga dios-diosan na anyo ng anumang bagay sa langit, o sa lupa, o sa tubig. 5 Huwag ninyo itong paglilingkuran o sasambahin, dahil ako ang Panginoon na inyong Dios ay ayaw na may sinasamba kayong iba. Pinaparusahan ko ang mga nagkakasala sa akin, pati na ang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na henerasyon ng mga napopoot sa akin. 6 Pero ipinapakita ko ang aking pagmamahal sa napakaraming henerasyon na nagmamahal sa akin at sumusunod sa mga utos ko.
7 “Huwag ninyong gagamitin ang pangalan ko sa walang kabuluhan. Ako ang Panginoon na inyong Dios, ang magpaparusa sa sinumang gagamit ng pangalan ko sa walang kabuluhan.
8 “Alalahanin ninyo ang Araw ng Pamamahinga, at gawin ninyo itong natatanging araw para sa akin. 9 Magtrabaho kayo sa loob ng anim na araw, 10 pero ang ikapitong araw, ang Araw ng Pamamahinga ay italaga ninyo para sa akin, ang Panginoon na inyong Dios. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon, pati ang inyong mga anak, mga alipin, mga hayop, o ang mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo. 11 Dahil sa loob ng anim na araw, nilikha ko ang langit, ang lupa, ang dagat at ang lahat ng naririto, pero nagpahinga ako sa ikapitong araw. Kaya pinagpala ko ang Araw ng Pamamahinga at ginawa itong natatanging araw para sa akin.
12 “Igalang ninyo ang inyong amaʼt ina para mabuhay kayo nang matagal sa lupaing ibinibigay ko sa inyo.
13 “Huwag kayong papatay.
14 “Huwag kayong mangangalunya.
15 “Huwag kayong magnanakaw.
16 “Huwag kayong sasaksi ng hindi totoo sa inyong kapwa.
17 “Huwag ninyong pagnanasahan ang bahay ng inyong kapwa, o ang kanyang asawa, mga alipin, mga hayop, o alin mang pag-aari niya.”
18 Nang marinig ng mga tao ang kulog, at ang tunog ng trumpeta, at nang makita nila ang kidlat at ang bundok na umuusok, nanginig sila sa takot. Tumayo sila sa malayo 19 at sinabi kay Moises, “Kayo na lang ang magsalita sa amin at makikinig kami, huwag na po ang Dios at baka mamatay kami.”
20 Kaya sinabi ni Moises sa mga tao, “Huwag kayong matakot dahil pumunta ang Panginoon dito para subukin kayo sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan at magkaroon kayo ng takot sa kanya, at nang hindi kayo magkasala.”
21 Tumayo ang mga tao sa malayo habang si Moises ay lumalapit sa makapal na ulap kung saan naroon ang Dios.
22 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo ito sa mga Israelita: Nakita ninyo na nakipag-usap ako sa inyo mula sa langit. 23 Kaya huwag kayong gagawa ng mga dios-diosang pilak o ginto para sambahing kasama nang pagsamba sa akin.
24 “Gumawa kayo ng altar na lupa para sa akin at gawin ninyo itong pag-aalayan ng inyong mga tupa, kambing at mga baka bilang handog na sinusunog at handog para sa mabuting relasyon.[v] Gawin ninyo ito sa lugar na pinili ko para sambahin ako, at doon ay pupuntahan ko kayo at pagpapalain. 25 Kung gagawa kayo ng altar na bato para sa akin, huwag ninyong tatapyasin; dahil kung gagamitan ninyo ito ng sinsel, hindi na ito karapat-dapat gamitin sa paghahandog sa akin. 26 At huwag din kayong gagawa ng altar na may hagdan dahil baka masilipan kayo sa pag-akyat ninyo.”
Ang Pagtrato sa mga Alipin(D)
21 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ito ang mga tuntuning ipapatupad mo sa mga Israelita:
2 “Kung bibili kayo ng mga aliping Hebreo, maglilingkod siya sa inyo sa loob ng anim na taon. Pero sa ikapitong taon, lalaya siya sa pagkaalipin niya na walang babayaran. 3 Kung binili nʼyo siya na wala pang asawa at sa katagalan ay nakapag-asawa, siya lang ang lalaya sa ikapitong taon. Pero kung may asawa siya nang bilhin ninyo, lalaya rin ang kanyang asawa kasama niya. 4 Kung binigyan siya ng amo niya ng mapapangasawa at nagkaanak sila, lalaya siya sa ikapitong taon, pero ang asawa at ang mga anak niya ay maiiwan sa kanyang amo.
5 “Pero kung sasabihin ng alipin na minamahal niya ang kanyang amo, ang asawaʼt mga anak niya, at hindi niya gustong lumaya, 6 dadalhin siya ng amo niya sa presensya ng Dios[w] doon sa may pintuan o hamba ng lugar na pinagsasambahan. Bubutasan ng amo niya ang isa sa tainga niya at magiging alipin siya ng amo niya magpakailanman.
7 “Kung ipagbibili ng isang tao ang anak niyang babae para gawing alipin, hindi siya lalaya sa ikapitong taon kagaya ng lalaking alipin. 8 Kung hindi masisiyahan ang amo niyang bumili sa kanya, pwede siyang tubusin ng pamilya niya dahil hindi pananagutan ng amo niya ang responsibilidad sa kanya. Pero hindi siya pwedeng ipagbili ng amo niya sa mga dayuhan. 9 Kung ibibigay ng amo niya ang aliping ito sa kanyang anak bilang asawa, kailangan niyang ituring siya na anak niyang babae. 10 Kung gagawin niyang asawa ang alipin, at mag-aasawa pa siya ng iba pang babae, kailangang ipagpatuloy niya ang pagbibigay sa kanya ng mga pagkain at damit, at ang pagsiping sa kanya. 11 Kung hindi niya masusunod ang tatlong bagay na ito, papayagan niyang lumaya ang babae nang walang bayad.
Mga Kautusan Tungkol sa mga Krimen
12 “Ang sinumang makakasakit ng tao at mapatay ito, papatayin din siya. 13 Pero kung hindi niya ito sinadya at pinayagan ko itong mangyari, makakatakas siya sa lugar na ituturo ko sa kanya. 14 Pero kung sinadya niya at plinano ang pagpatay, patayin nʼyo siya kahit na lumapit pa siya sa altar ko.
15 “Ang sinumang mananakit[x] sa kanyang ama o ina ay papatayin.
16 “Ang sinumang dudukot sa isang tao ay papatayin kahit na ipinagbili na niya o hindi ang kanyang dinukot.
17 “Ang sinumang lumapastangan sa kanyang ama at ina ay papatayin.
18 “Halimbawang nag-away ang dalawang tao, sinuntok o binato ang kanyang kaaway at siyaʼy nabalda at hindi na makabangon pero hindi namatay, 19 ngunit kung sa bandang huliʼy makabangon at makalakad ang napilay, kahit na nakabaston pa siya, ang taong nanakit sa kanyaʼy hindi dapat parusahan. Pero kailangang magbayad ang tao sa kanya sa nasayang na panahon, at kailangan siyang alagaan ng taong nanakit hanggang sa gumaling siya.
20 “Kapag hinagupit ng tungkod ng sinuman ang kanyang alipin, lalaki man o babae, at agad itong namatay, parurusahan siya. 21 Pero kung makakabangon ang alipin pagkalipas ng isa o dalawang araw, hindi siya parurusahan dahil pagmamay-ari niya ang alipin.
22 “Kung may nag-aaway at nasaktan ang isang buntis, at napaanak ito nang wala pa sa oras,[y] pero walang masamang nangyari sa kanya, pagbabayarin ang nakasakit ayon sa halagang hinihingi ng asawa at pinayagan ng hukom. 23 Pero kung malubha ang nangyari sa babae, parurusahan ang responsable katulad ng nangyari sa babae. Kung namatay ang babae, papatayin din siya. 24 Kung mabulag ang babae, bubulagin din siya. Kung mabungi ang ngipin nito, bubungiin din siya. Kung nabali ang kamay o paa, babaliin din ang kanyang kamay o paa. 25 Kung napaso, papasuin din siya. Kung nasugatan, susugatan din siya. Kung nagalusan, gagalusan din siya.
26 “Kung sinuntok ng amo ang kanyang aliping lalaki o babae sa mata at nabulag ito, palalayain niya ito sa pagkaalipin bilang bayad sa mata na binulag niya. 27 Kung nabungi niya ang ngipin ng kanyang aliping lalaki o babae, palalayain din niya ito sa pagkaalipin bilang bayad sa ngiping nabungi.
28 “Kung ang toro ay nakasuwag ng lalaki o babae at namatay siya, kailangang batuhin ang toro hanggang sa mamatay, at huwag kakainin ang karne nito, pero walang pananagutan dito ang may-ari ng toro. 29 Pero kung nasanay nang manuwag ng tao ang toro at binigyan na ng babala ang may-ari tungkol dito, pero hindi niya ito ikinulong at nakapatay ito ng tao, kailangang batuhin ito hanggang sa mamatay at papatayin din ang may-ari. 30 Pero kung pagbabayarin ang may-ari para mabuhay siya, kailangang bayaran niya nang buo ang halagang hinihingi sa kanya. 31 Ganito rin ang tuntunin kung nakasuwag ang toro ng bata, lalaki man o babae. 32 Kung nakasuwag ang toro ng alipin, lalaki man o babae, kailangang magbayad ang may-ari nito ng 30 pirasong pilak sa amo ng alipin, at kailangang batuhin ang toro.
33 “Kung may taong nagtanggal ng takip ng balon o taong naghukay ng balon at hindi niya ito tinakpan, at may nahulog na baka o asno sa balong iyon, 34 dapat magbayad ang may-ari ng balon sa may-ari ng hayop, at magiging kanya na ang hayop.
35 “Kung makapatay ang toro ng kapwa toro, ipagbibili ng parehong may-ari ang buhay na toro at hahatiin ang pinagbilhan nito. Hahatiin din nila ang karne ng namatay na toro. 36 Pero kung nasanay nang manuwag ang torong nakapatay at hindi ito ikinulong ng may-ari, magbabayad ang may-ari ng isang toro kapalit ng namatay, at magiging kanya na ang namatay na toro.
Mga Kautusan Tungkol sa mga Ari-arian
22 “Kung nagnakaw ang isang tao ng baka o tupa, at kinatay niya ito o ipinagbili, kailangang magbayad siya. Sa isang bakang ninakaw niya, magbabayad siya ng limang baka. At sa isang tupang ninakaw niya, magbabayad siya ng apat na tupa.
2 “Kung nahuli siya sa gabi na aktong nagnanakaw, at napatay siya, walang pananagutan ang nakapatay sa kanya. 3 Pero kung nangyari ito sa araw, may pananagutan ang nakapatay sa magnanakaw.
“Ang magnanakaw na nahuli ay dapat magbayad sa ninakaw niya. Kung wala siyang maibabayad, ipagbibili siya bilang alipin at ang pinagbilhan ang ibabayad sa ninakaw niya. 4 Kung ang baka o asno o tupa na ninakaw niya ay nasa kanya pa, babayaran niya ito ng doble.
5 “Kung nanginain ang mga hayop sa taniman ng iba, kailangang bayaran ng may-ari ng pinakamagandang ani ng kanyang bukid o kaya ng kanyang ubasan ang nakaing mga pananim.
6 “Kung may nagsiga at kumalat ang apoy sa mga damo hanggang sa taniman ng ibang tao, kailangang bayaran ng nagsiga ang mga pananim na nasira.
7 “Kung nagpatago ang isang tao ng pera o kahit anong bagay sa bahay ng kapitbahay niya at ninakaw ito. Kung mahuhuli ang nagnakaw, kailangang magbayad siya ng doble. 8 Pero kung hindi nahuli ang magnanakaw, haharap sa presensya ng Dios[z] ang pinagpataguan para malaman kung kinuha niya o hindi ang ipinatago sa kanya.
9 “Kung may dalawang taong nagtatalo tungkol sa kung sino sa kanila ang may-ari ng isang pag-aari kagaya ng baka, asno, tupa, damit o kahit anong bagay, dapat nilang dalhin ang kaso nila sa presensya ng Dios.[aa] Ang taong nagkasala ayon sa desisyon ng Dios ay magbabayad ng doble sa totoong may-ari.
10 “Kung pinaalagaan ng isang tao ang kanyang baka, asno, tupa o kahit anong hayop sa kanyang kapwa, at namatay ito, o nasugatan o nawala nang walang nakakita. 11 Dapat pumunta ang nag-alaga sa presensya ng Panginoon at susumpang wala siyang nalalaman tungkol sa nangyari. Dapat itong paniwalaan ng may-ari, at hindi na siya pagbabayarin. 12 Pero kung ninakaw ang hayop, dapat magbayad ang nag-alaga sa may-ari. 13 Kung napatay ng mabangis na hayop ang hayop, kailangang dalhin niya ang natirang parte ng hayop bilang patunay, at hindi na niya ito kailangang bayaran.
14 “Kung may nanghiram ng hayop sa kanyang kapwa at nasugatan ito o namatay, at wala ang may-ari nang mangyari ito. Dapat itong bayaran ng nanghiram. 15 Pero kung nariyan ang may-ari nang mangyari ito, hindi dapat magbayad ang nanghiram. Kung nirentahan ang hayop, ang perang ibinayad sa renta ang ibabayad sa nasugatan o namatay na hayop.
Ang Iba pang mga Kautusan
16 “Kung linlangin ng isang lalaki ang dalagang malapit nang ikasal, at sumiping siya sa kanya, dapat magbayad ang lalaki sa pamilya ng dalaga ng dote, at magiging asawa niya ang dalaga. 17 Kung hindi pumayag ang ama ng dalaga na ibigay ang kanyang anak na maging asawa ng nasabing lalaki, magbabayad pa rin ang lalaki ng dote.
18 “Patayin ninyo ang mga mangkukulam.
19 “Ang sinumang makikipagtalik sa hayop ay papatayin.
20 “Ang sinumang maghahandog sa ibang dios maliban sa akin ay kailangang patayin.[ab]
21 “Huwag ninyong pagmamalupitan ang mga dayuhan[ac] dahil mga dayuhan din kayo noon sa Egipto.
22 “Huwag ninyong aapihin ang mga biyuda at mga ulila. 23 Kung gagawin ninyo ito, at humingi sila ng tulong sa akin, siguradong tutulungan ko sila. 24 Talagang magagalit ako sa inyo at papatayin ko kayo sa labanan.[ad] Mabibiyuda ang inyong mga asawa at mauulila ang inyong mga anak.
25 “Kung magpapahiram kayo ng pera sa sinuman sa mamamayan kong mahihirap na naninirahang kasama ninyo, huwag ninyong tutubuan gaya ng ginagawa ng mga nagpapahiram ng pera. 26 Kung kukunin ninyo ang balabal ng kapwa ninyo bilang garantiya na magbabayad siya ng utang sa iyo, isauli mo ito sa kanya bago lumubog ang araw. 27 Sapagkat ito lang ang pangtakip niya sa kanyang katawan kapag natutulog siya sa gabi. Kung hihingi siya ng tulong sa akin, tutulungan ko siya dahil maawain ako.
28 “Huwag ninyong lalapastanganin ang Dios at susumpain ang inyong pinuno.
29 “Huwag ninyong kalilimutan ang paghahandog sa akin mula sa inyong mga ani, alak at mga langis.
“Italaga rin ninyo sa akin ang inyong mga panganay na lalaki, 30 at ang panganay na mga baka at tupa. Dapat maiwan sa ina ang bagong panganak na baka at tupa sa loob ng pitong araw. Sa ikawalong araw, maaari na itong ihandog sa akin.
31 “Kayo ang pinili kong mamamayan, kaya hindi kayo kakain ng karne ng kahit anong hayop na pinatay ng mababangis na hayop. Ipakain ninyo ito sa mga aso.
Hustisya at Katarungan
23 “Huwag kayong magbabalita ng kasinungalingan. Huwag kayong magsisinungaling para tumulong sa isang taong masama.
2 “Huwag kayong makikiisa sa karamihan sa paggawa ng masama. Kung sasaksi kayo sa isang kaso, huwag nʼyong babaluktutin ang hustisya para lang masunod ang opinyon ng karamihan. 3 Huwag ninyong papaboran ang kaso ng mga mahihirap dahil lang sa kanilang kalagayan.
4 “Kung makita ninyong nakawala ang baka o asno ng inyong kaaway, kailangang isauli ninyo ito sa kanya. 5 Kung makita ninyong natumba ang asno ng inyong kaaway dahil sa bigat ng karga nito, huwag nʼyo itong pabayaan kundi tulungan itong makatayo.
6 “Siguraduhin ninyong mabibigyan ng hustisya ang mga mahihirap sa kaso nila. 7 Huwag kayong magbibintang sa iba nang walang katotohanan. Huwag ninyong papatayin ang mga inosenteng tao, dahil parurusahan ko ang sinumang gagawa nito.
8 “Huwag kayong tatanggap ng suhol dahil bumubulag ito sa tao sa katotohanan, at hindi nabibigyan ng hustisya ang mga inosente.
9 “Huwag ninyong pagmamalupitan ang mga dayuhan, dahil kayo mismo ang nakakaalam ng damdamin ng isang dayuhan, dahil mga dayuhan din kayo noon sa Egipto.
Ang Araw at Taon ng Pamamahinga
10 “Sa loob ng anim na taon, makakapagtanim kayo at makakapag-ani sa lupa ninyo. 11 Pero sa ikapitong taon, huwag nʼyo itong tataniman. Kung may tutubong pananim sa lupa ninyo, pabayaan ninyo ang mahihirap na makakuha ng mga pananim para kainin, at kung may matira, ipakain na lang ninyo sa mga hayop. Ganito rin ang gagawin ninyo sa mga ubasan at taniman ng olibo.
12 “Magtrabaho kayo sa loob ng anim na araw, pero huwag kayong magtatrabaho sa ikapitong araw, para makapagpahinga kayo, ang mga baka at asno ninyo, ang mga alipin ninyo at ang mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo.
13 “Sundin ninyong mabuti lahat ng sinabi ko sa inyo. Huwag kayong mananalangin sa ibang dios o babanggit ng pangalan nila.
Ang Tatlong Pista Bawat Taon(E)
14 “Magdiwang kayo ng tatlong pista bawat taon para sa karangalan ko. 15 Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Kagaya ng iniutos ko sa inyo, kumain kayo ng tinapay na walang pampaalsa sa loob ng pitong araw. Gawin ninyo ito sa itinakdang panahon sa buwan ng Abib, dahil ito ang buwan na lumabas kayo ng Egipto. Ang bawat isa sa inyoʼy dapat magdala sa akin ng handog sa panahong iyon.
16 “Ipagdiwang din ninyo ang Pista ng Pag-aani sa pamamagitan ng pagdadala ng mga unang ani ng inyong bukid. Ipagdiwang din ninyo ang Pista ng Huling Pag-ani sa katapusan ng taon kapag titipunin na ninyo ang mga ani sa mga bukid ninyo.
17 “Dapat dumalo ang kalalakihan ninyo sa tatlong pistang ito bawat taon sa pagsamba sa akin, ang inyong Panginoong Dios.
18 “Huwag kayong maghahandog ng dugo sa akin at ng kahit anong may pampaalsa. Huwag kayong magtitira para sa kinaumagahan ng taba ng hayop na inyong inihandog sa akin sa pista.
19 “Dalhin ninyo sa templo ng Panginoon na inyong Dios ang pinakamagandang bahagi ng una ninyong ani.
“Huwag ninyong lulutuin ang batang kambing na hindi pa naaawat sa kanyang ina.
20 “Ngayon, isinugo ko ang anghel para bantayan at gabayan kayo sa lugar na inihanda ko para sa inyo. 21 Makinig kayo sa kanya at sundin ang sinasabi niya. Huwag kayong magrerebelde sa kanya dahil ang lahat ng ginagawa niyaʼy ginagawa niya sa aking pangalan, at hindi niya pababayaang magpatuloy kayo sa mga kasalanan ninyo.[ae] 22 Kung makikinig lang kayo nang mabuti sa sinasabi niya at gagawin ang lahat ng sinasabi ko, lalabanan ko ang inyong mga kaaway. 23 Pangungunahan kayo ng aking anghel at dadalhin kayo sa lupain ng mga Amoreo, Heteo, Perezeo, Cananeo, Hiveo at Jebuseo, at lilipulin ko sila. 24 Huwag kayong sasamba o maglilingkod sa mga dios-diosan nila, o tutularan ang mga ginagawa nila. Durugin ninyo ang kanilang mga dios-diosan, at gibain ang mga alaalang bato nila. 25 Sambahin ninyo ako, ang Panginoon na inyong Dios, at bibigyan ko kayo ng masaganang pagkain at tubig. Pagagalingin ko ang inyong mga karamdaman, 26 at walang babaeng makukunan at walang magiging baog sa inyong lupain, at pahahabain ko ang inyong buhay.
27 “Tatakutin ko at lilituhin ang mga kaaway na makakaharap ninyo, at tatakas sila. 28 Magpapadala ako ng mga putakting mangunguna sa inyo, at itataboy nila ang mga Hiveo, Cananeo at Heteo. 29 Pero hindi ko sila itataboy sa loob lang ng isang taon para hindi mapabayaan ang lupain at nang mapigilan ang pagdami roon ng mga hayop sa gubat. 30 Unti-unti ko silang itataboy hanggang sa dumami na kayo at kaya na ninyong angkinin ang lupain.
31 “Sisiguraduhin ko na ang hangganan ng lupain ninyo ay magsisimula sa Dagat na Pula hanggang sa Dagat ng Mediteraneo,[af] at mula sa disyerto sa timog hanggang sa Ilog ng Eufrates. Ibibigay ko sa inyo ang mga nakatira sa lupaing iyon, at itataboy nʼyo sila. 32 Huwag kayong gagawa ng kasunduan sa kanila o sa mga dios-diosan nila. 33 Huwag nʼyo silang pabayaang manirahan sa inyong lupain dahil baka sila pa ang magtulak sa inyo na magkasala laban sa akin. Kung sasamba kayo sa mga dios-diosan nila, magiging bitag ito sa inyo.”
Tinanggap ng mga Israelita ang Kasunduan ng Panginoon
24 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Umakyat ka rito sa akin at isama mo sina Aaron, Nadab, Abihu at ang 70 tagapamahala ng Israel. Sa malayo mo sila pasambahin sa akin. 2 Ikaw lang, Moises, ang makakalapit sa akin, ang ibaʼy hindi na maaaring makalapit sa akin. Hindi dapat umakyat dito ang mga tao kasama mo.”
3 Nang sinabi ni Moises sa mga tao ang lahat ng itinuro at iniutos ng Panginoon, sabay-sabay silang sumagot, “Susundin namin ang lahat ng sinabi ng Panginoon.” 4 At isinulat ni Moises ang lahat ng sinabi ng Panginoon.
Kinaumagahan, bumangon si Moises at nagpatayo ng altar sa may paanan ng bundok, at naglagay siya ng 12 haliging bato na kumakatawan sa 12 lahi ng Israel. 5 Pagkatapos, inutusan niya ang mga kabataang lalaki na mag-alay sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at mag-alay din ng mga toro bilang handog para sa mabuting relasyon sa Panginoon. 6 Kinuha ni Moises ang kalahati ng dugo at inilagay ito sa mga mangkok at iwinisik sa altar ang kalahati. 7 Kinuha rin niya ang Aklat ng Kasunduan at binasa ito sa mga tao. At sumagot ang mga tao, “Susundin namin ang lahat ng sinabi ng Panginoon. Susundin namin siya.”
8 Pagkatapos, kinuha niya ang dugo sa mga mangkok at iwinisik ito sa mga tao, at sinabi, “Ito ang dugo na nagpapatibay sa kasunduan na ginawa ng Panginoon sa inyo nang ibigay niya ang mga utos na ito.”
9 Pumunta paakyat sa bundok sina Moises, Aaron, Nadab, Abihu at 70 tagapamahala ng Israel, 10 at nakita nila ang Dios ng Israel. Sa paanan niya ay may parang daan na gawa sa batong safiro na kasinglinaw ng langit. 11 Kahit nakita na ng mga pinuno ang Dios, hindi sila pinatay ng Dios. Kumain pa sila at uminom doon sa kanyang presensya.
12 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Pumunta ka rito sa akin sa itaas ng bundok at maghintay, dahil ibibigay ko sa iyo ang malalapad na batong sinulatan ko ng mga kautusan at batas ko para ituro sa mga tao.” 13 Kaya umakyat si Moises sa bundok kasama ang lingkod niyang si Josue. 14 Bago sila umakyat, sinabi ni Moises sa mga tagapamahala ng Israel, “Hintayin nʼyo kami rito hanggang sa makabalik kami. Maiiwan dito sina Aaron at Hur, at kung may problema kayo, lumapit lang kayo sa kanila.”
15 Pagdating ni Moises sa itaas ng bundok, natakpan ng ulap ang bundok. 16 At bumaba ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa Bundok ng Sinai. At sa loob ng anim na araw, natakpan ng ulap ang bundok. Sa ikapitong araw, tinawag ng Panginoon si Moises mula sa ulap. 17-18 Kaya pumasok si Moises sa ulap habang papaakyat pa siya sa bundok. Nagpaiwan siya roon sa loob ng 40 araw at 40 gabi. Para sa mga Israelitang nasa ibaba, parang apoy na naglalagablab ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa tuktok ng bundok.
Mga Handog para sa Toldang Tipanan(F)
25 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2 “Sabihin mo sa mga Israelita na maghandog sila sa akin. Ikaw ang tumanggap ng kanilang mga handog na gusto nilang ialay sa akin. 3 Ito ang mga handog na tatanggapin mo mula sa kanila: ginto, pilak, tanso, 4 lanang kulay asul, ube at pula, manipis na telang linen, tela na gawa sa balahibo ng kambing, 5 balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, magandang klase ng balat, kahoy na akasya, 6 langis ng olibo para sa ilaw, mga sangkap sa langis na pamahid at pabango sa insenso, 7 batong onix at iba pang mamahaling bato na ilalagay sa espesyal na damit[ag] ng punong pari at sa bulsa sa dibdib nito.
8 “Ipagawa mo sa mga mamamayan ng Israel ang Toldang Sambahan para sa akin kung saan titira akong kasama nila. 9 Ipagawa mo ang Toldang Sambahan at ang mga kagamitan dito ayon sa eksaktong tuntunin na sinabi ko sa iyo.
Ang Kahon ng Kasunduan(G)
10 “Magpagawa ka ng Kahon na yari sa akasya – mga 45 pulgada ang haba, 27 pulgada ang lapad at 27 pulgada rin ang taas. 11 Balutan ninyo ito ng purong ginto sa loob at labas, at palagyan ng hinulmang ginto ang paligid nito. 12 Maghulma ka ng apat na argolyang[ah] ginto at ikabit ito sa apat na paa nito, dalawa sa bawat gilid. 13 Magpagawa ka rin ng tukod na akasya at balutan ito ng ginto. 14 Isuot mo ang tukod sa mga argolyang ginto sa bawat gilid ng Kahon para mabuhat ang Kahon sa pamamagitan ng mga tukod. 15 Huwag ninyong tatanggalin ang argolyang ginto sa tukod ng Kahon. 16 Pagkatapos, ipasok mo sa Kahon ang malapad na bato na ibinigay ko sa iyo, kung saan nakasulat ang aking mga utos.
17 “Pagawan mo ng takip na purong ginto ang Kahon, na 45 pulgada ang haba at 27 pulgada ang lapad. 18-19 Magpagawa ka rin ng dalawang gintong kerubin, ilalagay ito sa dalawang dulo ng takip ng Kahon. 20 Kailangan nakalukob ang pakpak ng mga kerubin sa ibabaw ng takip para maliliman nila ito, at kailangang magkaharap silang dalawa na nakatingin sa takip.
Footnotes
- 8:16 lamok: o, kuto.
- 9:31 flax: halaman na ginagawang telang linen.
- 9:31 sebada: ang butil na ito ay ginagawang tinapay at inumin.
- 9:32 mga trigo: Ang salitang Hebreo nito ay tumutukoy sa dalawang klase ng trigo.
- 13:4 Abib: Ang unang buwan sa kalendaryo ng Hebreo, mula sa kalagitnaan ng Marso hanggang sa kalagitnaan ng Abril.
- 13:5 Maganda at masaganang lupain: sa literal, lupain na dumadaloy ang gatas at pulot.
- 13:18 Dagat na Pula: o, Dagat ng mga Tambo.
- 14:25 Tinanggal: sa Samaritan Pentateuch, sa Septuagint, at sa Syriac ay Pinabaon.
- 15:2 ama: o, ninuno.
- 15:12 Sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan: sa literal, Inunat nʼyo ang inyong kanang kamay.
- 15:15 pinuno: o, mamamayan.
- 15:23 Mara: Ang ibig sabihin, mapait.
- 17:6 Horeb: o, Bundok ng Sinai.
- 17:7 Masa: Ang ibig sabihin, pagsubok.
- 17:7 Meriba: Ang ibig sabihin, pagtatalo.
- 18:2-3 Gershom: Ang ibig sabihin, dayuhan doon.
- 18:4 Eliezer: Ang ibig sabihin, Ang Dios ang tumutulong sa akin.
- 18:4 ama: o, ninuno.
- 19:10 linisin ang sarili nila: Ang ibig sabihin, kailangan nilang sundin ang seremonya para maging malinis.
- 19:18 nayanig nang malakas ang bundok: sa ibang kopya ng Hebreo at Septuagint, nanginig ang lahat ng tao.
- 19:19 sa pamamagitan ng kulog: o, sa malakas na boses.
- 20:24 handog para sa mabuting relasyon: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
- 21:6 Dios: o, mga pinuno.
- 21:15 mananakit: o, papatay.
- 21:22 napaanak ito nang wala pa sa oras: o, nalaglag.
- 22:8 Dios: o, mga pinuno. Ganito rin sa talatang 9.
- 22:9 Dios: Tingnan ang “footnote” sa talatang 8.
- 22:20 kailangang patayin: Ang ibig sabihin ay ibigay sa Panginoon sa pamamagitan ng paghahandog o pagwasak dito.
- 22:21 dayuhan: Ang ibig sabihin, ang mga dayuhan na naninirahan sa Israel. Nasa 23:9 din.
- 22:24 labanan: sa literal, espada.
- 23:21 hindi niya pababayaang … mga kasalanan ninyo: o, hindi niya patatawarin ang inyong mga kasalanan.
- 23:31 Dagat ng Mediteraneo: sa literal, Dagat ng Filisteo.
- 25:7 espesyal na damit: sa Hebreo, “efod.”
- 25:12 argolya: korteng singsing.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®