Add parallel Print Page Options

36 “Sina Bezalel, Oholiab at ang iba pang binigyan ng Panginoon ng kaalaman at kakayahan sa ibaʼt ibang gawain ang siyang gagawa ng Tolda ayon sa utos ng Panginoon.”

Kaya ipinatawag ni Moises sina Bezalel, Oholiab at ang iba pang binigyan ng Panginoon ng kaalaman at kakayahan sa ibaʼt ibang gawain na desididong tumulong sa pagtatrabaho. Ibinigay ni Moises sa kanila ang lahat ng inihandog ng mga Israelita para sa pagpapatayo ng Tolda. At patuloy pa rin ang kusang-loob na pagdadala ng mga tao ng mga handog nila tuwing umaga. Kaya pumunta kay Moises ang mga nagtatrabaho sa Tolda at nagsabi, “Sobra na sa kinakailangan ang dinadala ng mga tao para sa gawaing iniutos ng Panginoon na gawin.”

Kaya ipinadala ni Moises ang utos na ito sa buong kampo: “Huwag na kayong maghahandog para sa pagpapatayo ng Toldang Sambahan.” Kaya tumigil na ang mga tao sa pagdadala ng mga handog nila, dahil sobra-sobra na ang ibinigay nila para sa lahat ng gawain sa Tolda.

Ang Pagpapatayo ng Toldang Sambahan(A)

Ang lahat ng mahuhusay magtrabaho ang gagawa ng Toldang Sambahan. Ang mga gagamitin sa paggawa nito ay sampung piraso ng pinong telang linen na may lanang kulay asul, ube at pula. At paburdahan ito ng kerubin sa mahuhusay na mambuburda. Ang bawat tela ay may haba na 42 talampakan at may lapad na anim na talampakan. 10 Pagtatahi-tahiin nila ito ng tiglilima. 11 Gumawa sila ng parang singsing na telang asul at inihanay sa bawat gilid ng pinagdugtong na mga tela; 12 tig-50 ang ikinabit sa bawat dulo at magkaharap ito. 13 Gumawa rin sila ng 50 kawit na ginto para mapagsama ang mga parang singsing ng gilid ng pinagdugtong na mga tela. Sa pamamagitan nito, magagawa ang Toldang Sambahan.

14 Kaya gumawa silang talukbong ang Tolda. Labing-isang pirasong tela na gawa sa balahibo ng kambing ang gagamitin sa paggawa nito. 15 May haba na 45 talampakan ang bawat tela at may anim na talampakan ang lapad. 16 Pinagdugtong-dugtong nila ang limang tela, at ganoon din ang ginawa nila sa natirang anim. 17 Nilagyan nila ng 50 parang singsing ang bawat gilid ng pinagdugtong na mga tela, 18 at ikinabit nila ang 50 tansong kawit.

19 Ang ibabaw ng talukbong nito ay papatungan ng balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, at papatungan din ng magandang klase ng balat.

20 Pagkatapos, gumawa sila ng balangkas ng Tolda. Ang ginamit nila ay tabla ng akasya. 21 Ang haba ng bawat tabla ay 15 talampakan at dalawang talampakan ang lapad. 22 Ang bawat tabla ay nilagyan ng dalawang mitsa[a] para maidugtong ito sa isa pang tabla. Ganito ang ginawa nila sa bawat tabla. 23 Ang 20 sa tablang ito ay ginamit nila na pangbalangkas sa timog na bahagi ng Tolda. 24 Ang mga tabla ay isinuksok nila sa 40 pundasyong pilak – dalawang pundasyon sa bawat tabla. 25 Ang hilagang bahagi ng Tolda ay ginamitan din ng 20 tabla, 26 at isinuksok din sa 40 pundasyong pilak – dalawang pundasyon bawat tabla. 27 Ang kanlurang bahagi ng Tolda ay ginamitan nila ng anim na tabla, 28 at dalawang tabla sa mga gilid nito. 29 Ang mga tabla sa sulok ay naikabit nang maayos mula sa ilalim hanggang sa itaas sa pamamagitan ng isang argolya. Ganito rin ang ginawa nila sa dalawang tabla sa mga sulok. 30 Kaya may walong tabla sa bahaging ito ng Tolda, at nakasuksok ito sa 16 na pundasyong pilak – dalawang pundasyon sa bawat tabla.

31 Gumawa rin sila ng mga akasyang biga – lima para sa bahaging hilaga ng Tolda, 32 lima rin sa bahaging timog, at lima pa rin sa bahaging kanluran, sa likod ng Tolda. 33 Ang biga sa gitna ng balangkas ay inilagay nila mula sa dulo ng Tolda papunta sa kabilang dulo nito. 34 Binalutan nila ng ginto ang mga tabla at nilagyan ng argolyang[b] ginto na siyang humahawak sa mga tabla. Binalutan din nila ng ginto ang mga biga.

35 Gumawa rin sila ng kurtina na mula sa pinong telang linen na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula. At maayos na nabuburdahan ng larawan ng kerubin. 36 Gumawa rin sila ng apat na haligi ng akasya na may mga kawit na ginto, at ikinabit nila roon ang kurtina. Ang apat na haligi ay nakasuksok sa apat na pundasyong pilak. 37 Gumawa sila ng isa pang kurtina para sa pintuan ng Toldang Sambahan. Pinong telang linen rin ito na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube at pula. At napakaganda ng pagkakaburda nito. 38 Gumawa rin sila ng limang haligi na may mga kawit, at ikinabit nila rito ang kurtina. Ang mga haliging itoʼy nababalutan ng ginto pati na ang mga ulo at baras nito, at nakasuksok ito sa limang pundasyong tanso.

Ang Paggawa ng Kahon ng Kasunduan(B)

37 Ginawa nina Bezalel ang Kahon ng Kasunduan. Kahoy ng akasya ang ginamit nila. May 45 pulgada ang haba ng Kahon, 27 pulgada ang lapad at taas nito. Binalutan ito ng purong ginto sa loob at labas, at nilagyan ng hinulmang ginto ang mga palibot nito. Ginawaan din nila ito ng apat na argolyang[c] ginto at ikinabit sa apat na paa nito. Gumawa sila ng tukod na akasya na binalutan ng ginto. Ikinabit nila ang mga argolya sa bawat gilid ng Kahon para mabuhat ang Kahon sa pamamagitan ng mga tukod.

Ginawaan din nila ang Kahon ng takip na purong ginto. May 45 pulgada ang haba at 27 pulgada ang lapad. 7-8 Gumawa rin sila ng dalawang gintong kerubin, at inilagay sa bawat dulo ng takip ng Kahon. Nakalukob ang mga pakpak ng mga kerubin sa ibabaw ng takip para maliliman nila ito. Magkaharap ang dalawang kerubin at nakatingin sa takip.

Ang Paggawa ng Mesa na Nilalagyan ng Tinapay(C)

10 Gumawa rin sila ng mesang akasya na 36 na pulgada ang haba, 18 pulgada ang lapad, at 27 pulgada ang taas. 11 Binalutan ito ng purong ginto at nilagyan ng hinulmang ginto ang palibot nito. 12 Nilagyan din nila ng sinepa[d] ang bawat gilid. Mga apat na pulgada ang lapad at nilagyan din nila ng hinulmang ginto ang sinepa. 13 Pagkatapos, gumawa sila ng apat na argolyang ginto, at ikinabit ito sa apat na paa ng mesa, 14 malapit sa sinepa. Dito nila isinuksok ang mga tukod na pambuhat sa mesa. 15 Gawa sa akasya ang mga tukod na ito at nababalot ng ginto. 16 Gumawa rin sila ng mga kagamitang purong ginto para sa mesa: pinggan, tasa, mangkok at banga na gagamitin para sa mga handog na inumin.

Ang Paggawa ng Lalagyan ng Ilaw(D)

17 Gumawa rin sila ng lalagyan ng ilaw na purong ginto ang paa, katawan, at palamuting hugis bulaklak na ang ibaʼy buko pa lang at ang iba naman ay nakabuka na. Ang palamuti ay kasama nang ginawa nang gawin ang katawan ng lalagyan ng ilaw. 18 Ang lalagyan ng ilaw ay may anim na sanga, tigtatatlo sa bawat gilid. 19 Ang bawat sanga ay may tatlong palamuting hugis bulaklak ng almendro, na ang iba ay buko pa at ang iba naman ay nakabuka na. 20 Ang katawan ng lalagyan ng ilaw ay may apat na palamuting hugis bulaklak ng almendro, na ang ibaʼy buko pa at ang iba naman ay nakabuka na. 21 May isang hugis bulaklak sa ilalim ng bawat pares ng sanga. 22 Ang mga palamuti at ang mga sanga ay kasama nang ginawa nang gawin ang katawan ng lalagyan ng ilaw.

23 Gumawa rin sila ng pitong ilaw, mga panggupit ng mitsa nito, at mga pansahod sa upos ng mitsa ng ilaw. Purong ginto ang lahat ng ito. 24 Ang nagamit sa paggawa ng lalagyan ng ilaw at ng lahat ng kagamitan nito ay 35 kilong purong ginto.

Ang Paggawa ng Altar na Pagsusunugan ng Insenso(E)

25 Gumawa rin sila ng altar na akasya na pagsusunugan ng insenso. Kwadrado ito, 18 pulgada ang haba, 18 pulgada ang lapad, at mga tatlong talampakan ang taas. May parang sungay ito sa mga sulok na kasama nang ginawa nang gawin ang altar. 26 Nilagyan nila ng purong ginto ang ibabaw nito, ang apat na gilid at ang parang sungay sa mga sulok at hinulmang ginto sa palibot. 27 Nilagyan nila ng dalawang argolyang ginto ang ilalim ng hinulmang ginto sa magkabilang gilid ng altar, para pagsuksukan ng mga tukod na pambuhat dito. 28 Ang tukod ay gawa sa kahoy ng akasya at binalutan ng ginto.

29 Gumawa rin sila ng banal na langis na pamahid at purong insenso na napakabango.

Ang Paggawa ng Altar na Pagsusunugan ng mga Handog(F)

38 Gumawa rin sila ng kwadradong altar na pagsusunugan ng handog na sinusunog. Pitoʼt kalahating talampakan ang haba nito, pitoʼt kalahating talampakan din ang lapad, at apat at kalahating talampakan ang taas. Nilagyan nila ito ng parang mga sungay sa apat na sulok, na kasama nang ginawa nang gawin ang altar. Binalutan nila ng tanso ang altar. Ang lahat ng kagamitan ng altar ay gawa rin sa tanso – ang mga lalagyan ng abo, pala, mangkok, malalaking tinidor para sa karne at mga lalagyan ng baga. Gumawa rin sila ng parilyang tanso para sa altar, at inilagay nila sa ilalim ng altar, sa patungan nito sa gitna ng altar. Gumawa rin sila ng apat na argolyang tanso at ikinabit ito sa apat na sulok ng parilyang tanso. Ang mga argolyang ito ang pagsusuksukan ng mga tukod na pambuhat sa altar. Ang mga tukod ay gawa sa kahoy ng akasya at binalutan ng tanso. Isinuksok nila ang mga tukod sa argolya sa bawat gilid ng altar para mabuhat ito. Tabla ang ginawa nilang altar at bakante ang loob.

Ang Paggawa ng Plangganang Hugasan(G)

Pagkatapos, gumawa sila ng tansong planggana. Ang patungan nito ay tanso rin. Ang mga tansong ginamit dito ay galing sa tanso na salamin ng mga babaeng naglilingkod sa pintuan ng Toldang Tipanan.[e]

Ang Paggawa sa Bakuran ng Toldang Tipanan(H)

Nilagyan nila ng bakuran ang Toldang Tipanan, at pinalibutan nila ito ng mga kurtina na pinong telang linen. Ang haba ng kurtina sa bandang timog ay 150 talampakan. 10 Ikinabit nila ang kurtina sa 20 haliging tanso na nakasuksok din sa 20 pundasyong tanso. Ang kinabitan ng kurtina ay ang mga kawit na pilak na nakakabit sa mga baras na pilak sa mga haligi. 11 Ang kurtina sa bandang hilaga ay 150 talampakan din ang haba at nakakabit ito sa 20 haliging tanso na nakasuksok sa 20 pundasyong tanso. Ang pinagkakabitan ng kurtina ay ang mga kawit na pilak na nakakabit sa mga baras na pilak sa mga haligi.

12 Ang kurtina sa bandang kanluran ay 75 talampakan ang haba, at nakakabit ito sa sampung haligi na nakasuksok naman sa sampung pundasyon. Ang pinagkakabitan ng kurtina ay ang mga kawit na pilak na nakakabit sa mga baras na pilak sa mga haligi. 13 Ang kurtina sa bandang silangan ay 75 talampakan ang haba. 14 Ang pintuan ng bakuran ay nasa silangan, at may mga kurtina ito sa gilid. Ang kurtina sa kanan ay 22 at kalahating talampakan ang haba, at nakakabit ito sa tatlong haligi na nakasuksok sa tatlo ring pundasyon. 15 Ang kurtina sa kaliwa ay 22 at kalahating talampakan ang haba, at nakakabit ito sa tatlong haligi na nakasuksok sa tatlo ring pundasyon. 16 Ang lahat ng kurtina sa palibot ng bakuran ay gawa sa pinong telang linen. 17 Tanso ang pundasyon ng mga haligi, at pilak naman ang mga kawit, at mga baras nito. Ang mga ulo ng haligi ay nababalutan ng pilak. Ang lahat ng haligi sa palibot ng bakuran ay may baras na pilak.

18 Ang kurtina ng pintuan ng bakuran ay gawa sa pinong telang linen na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube, at pula. At napakaganda ng pagkakaburda nito. Ang haba nitoʼy 30 talampakan at pitoʼt kalahating talampakan ang taas, katulad ng taas ng mga kurtina na nakapalibot sa bakuran. 19 Ang kurtinang itoʼy nakakabit sa apat na haligi na nakasuksok naman sa apat na pundasyon. Nababalutan ng pilak ang mga kawit at mga baras ng mga haligi at ang mga ulo nito. 20 Purong tanso ang lahat ng tulos ng Tolda at ng bakuran sa palibot nito.

Ang mga Materyales na Ginamit sa Pagpapatayo ng Tolda

21 Ito ang mga materyales na ginamit sa pagpapatayo ng Toldang Sambahan, kung saan nakalagay ang malalapad na batong sinulatan ng mga utos ng Dios. Inilista ng mga Levita ang mga materyales na ito ayon sa utos ni Moises. Ang gawaing itoʼy pinamahalaan ni Itamar na anak ni Aaron na pari.

22 Ang namamahala sa pagpapatayo ng Tolda ay si Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur, na mula sa lahi ni Juda. Ginawa niya ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises. 23 Katulong niya si Oholiab na anak ni Ahisamac, na mula sa lahi ni Dan. Magaling siyang magtrabaho, magdisenyo, at magburda ng pinong telang linen at ng lanang kulay asul, ube at pula.

24 Ang kabuuang timbang ng gintong inihandog para gamitin sa paggawa ng Tolda ay 1,000 kilo ayon sa timbangang ginagamit ng mga pari.

25-26 Ang kabuuang timbang ng pilak na naipon ay 3,520 kilo ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari. Nanggaling ito sa mga taong nailista sa sensus. Nagbigay ang bawat isa sa kanila ng anim na gramo ng pilak ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari. May 603,550 tao na may edad na 20 pataas ang nailista sa sensus. 27 Ang 3,500 kilo ng pilak ay ginamit sa paggawa ng 100 pundasyon ng Tolda at ng mga kurtina, 35 kilo bawat pundasyon. 28 Ang natirang 20 kilong pilak ay ginawang kawit at baras ng mga haligi, at ibinalot sa ulo ng mga haligi.

29 Ang bigat ng tansong inihandog sa Panginoon ay mga 2,500 kilo. 30 Ginamit ito sa paggawa ng mga pundasyon ng mga haligi sa pintuan ng Toldang Tipanan. Ang iba ritoʼy ginamit sa paggawa ng altar na tanso, ng parilya nito, at ng lahat ng kagamitan ng altar. 31 Ginamit din ang mga tanso sa paggawa ng mga pundasyon ng mga haligi sa palibot ng bakuran at ng pintuan nito, at sa paggawa ng lahat ng tulos ng Tolda at ng mga kurtina sa palibot nito.

Footnotes

  1. 36:22 mitsa: sa Ingles, “tenon.”
  2. 36:34 argolya: korteng singsing. Ito rin ang nasa 37:3.
  3. 37:3 argolya: Tingnan ang “footnote” sa 36:34.
  4. 37:12 sinepa: sa Ingles, “rim.”
  5. 38:8 Toldang Tipanan: na tinatawag din na Toldang Sambahan.