Add parallel Print Page Options

Ginawang Muli ang Dalawang Tapyas(A)

34 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Tumabas ka ng dalawang tapyas na bato na gaya ng una, at aking isusulat sa mga tapyas ang mga salita na nasa unang mga tapyas na iyong binasag.

Maghanda ka sa kinaumagahan, at umakyat ka kinaumagahan sa bundok ng Sinai at humarap ka sa akin doon sa tuktok ng bundok.

Walang sinumang aakyat na kasama mo, at huwag hayaang may makitang sinuman sa buong bundok; kahit ang mga kawan at ang mga baka ay huwag manginain sa harapan ng bundok na iyon.”

Kaya't si Moises ay tumabas ng dalawang tapyas na bato na gaya ng una; kinaumagahan, siya ay bumangon nang maaga at umakyat sa bundok ng Sinai, gaya ng iniutos ng Panginoon sa kanya, at hinawakan ang dalawang tapyas na bato.

Ang Panginoon ay bumaba sa ulap, at tumayong kasama niya roon at ipinahayag ang pangalan ng Panginoon.

Ang(B) Panginoon ay nagdaan sa harapan niya, at nagpahayag,

“Ang Panginoon, ang Panginoon,
isang Diyos na puspos ng kahabagan at mapagpala,
hindi magagalitin, at sagana sa wagas na pag-ibig at katapatan,
na nag-iingat ng wagas na pag-ibig para sa libu-libo,
nagpapatawad ng kasamaan, ng pagsuway, at ng kasalanan,
ngunit sa anumang paraan ay hindi ituturing na walang sala ang may sala;
na dinadalaw ang kasamaan ng mga ama
sa mga anak,
at sa mga anak ng mga anak,
hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.”

Read full chapter