Add parallel Print Page Options

Ang mga Manggagawa ng Toldang Sambahan(A)

31 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Pinili ko si Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur, na mula sa lahi ni Juda. Pinuspos ko siya ng aking Espiritu[a] para bigyan siya ng kapangyarihan na magkaroon ng karunungan at kakayahan sa anumang gawain: sa paggawa ng magagandang bagay na ginto, pilak at tanso, sa paghuhugis ng mamahaling mga bato, sa paglililok ng kahoy at lahat ng klase na gawang kamay. Pinili ko rin si Oholiab na anak ni Ahisamac, na mula sa lahi ni Dan, para tumulong kay Bezalel. Binigyan ko rin siya ng kakayahan sa anumang gawain para magawa nila ang lahat ng iniutos kong gawin mo: ang Toldang Tipanan, ang Kahon ng Kasunduan at ang takip nito, at ang lahat ng kagamitan sa Tolda – ang mesa at ang mga kagamitan nito, ang lalagyan ng ilaw na purong ginto at ang lahat ng kagamitan nito, ang altar na pagsusunugan ng insenso, ang altar na pagsusunugan ng mga handog na sinusunog at ang lahat ng kagamitan nito, ang planggana at ang patungan nito, 10 ang banal at magandang damit ni Aaron at ng mga anak niya na isusuot nila kapag naglilingkod na sila bilang mga pari, 11 ang langis na pamahid at ang mabangong insenso para sa Banal na Lugar. Gagawin nila itong lahat ayon sa iniutos ko sa iyo.”

Ang Araw ng Pamamahinga

12 Iniutos ng Dios kay Moises 13 na sabihin niya ito sa mga Israelita, “Sundin ninyo ang aking ipinag-uutos tungkol sa Araw ng Pamamahinga, dahil tanda ito ng kasunduan natin hanggang sa susunod pang mga henerasyon. Sa pamamagitan nito, malalaman ninyo na ako ang Panginoon na pumili sa inyo na maging mga mamamayan ko. 14 Dapat ninyong sundin ang ipinag-uutos ko tungkol sa Araw ng Pamamahinga, dahil banal ang araw na ito para sa inyo. Ang sinumang lalabag sa ipinag-uutos ko sa araw na iyon ay dapat patayin. Ang sinumang gagawa sa araw na iyon ay huwag na ninyong ituring na kababayan. 15 Gawin ninyo ang mga gawain nʼyo sa loob ng anim na araw, pero sa ikapitong araw ay magpahinga kayo. Sapagkat banal ang araw na ito para sa akin, papatayin ang sinumang gagawa sa araw na ito. 16-17 Kaya kayong mga Israelita, dapat ninyong sundin magpakailanman ang ipinapagawa ko sa inyo sa Araw ng Pamamahinga hanggang sa susunod pang mga henerasyon. Ito ang walang hanggang tanda ng walang katapusang kasunduan natin. Dahil sa loob ng anim na araw, nilikha ko ang langit at ang mundo, at sa ikapitong araw ay nagpahinga ako.”

18 Pagkatapos ng pakikipag-usap ng Panginoon kay Moises sa Bundok ng Sinai, ibinigay niya kay Moises ang dalawang malalapad na batong sinulatan ng kanyang mga utos, na siya mismo ang sumulat.

Ang Gintong Baka(B)

32 Nang mainip ang mga tao sa tagal ni Moises na bumaba ng bundok, nagtipon sila kay Aaron at sinabi, “Igawa mo kami ng dios[b] na mangunguna sa amin, dahil hindi natin alam kung ano na ang nangyari kay Moises na naglabas sa atin sa Egipto.” Sumagot si Aaron, “Kunin nʼyo ang mga hikaw na ginto na suot ng mga asawaʼt anak ninyo, at dalhin ninyo sa akin.” Kaya kinuha nilang lahat ang gintong mga hikaw at dinala ito kay Aaron. Tinipon ni Aaron ang mga ito tinunaw, at hinugis na baka. Sinabi ng mga Israelita, “Ito ang dios natin na naglabas sa atin sa Egipto.”

Pagkakita ni Aaron na sumaya ang mga tao, nagpagawa siya ng altar sa harap ng baka at ipinaalam sa kanila, “Bukas, magdaraos tayo ng pista para sa karangalan ng Panginoon.” Kaya kinaumagahan, maagang bumangon ang mga tao at nag-alay ng mga handog na sinusunog at handog para sa mabuting relasyon. Kumain sila at uminom at nilubos ang pagsasaya sa pagsamba sa dios-diosan.

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumaba ka na dahil nagpapakasama ang mga kababayan mo na inilabas mo sa Egipto. Napakadali nilang tumalikod sa mga itinuro ko sa kanila. Gumawa sila ng dios-diosang baka at sinamba nila ito. Naghandog ang mga Israelita sa dios-diosang ito at sinabi, ‘Ito ang dios natin na naglabas sa atin sa Egipto.’ ”

At sinabi pa ng Panginoon kay Moises, “Nakita ko kung gaano katigas ang ulo ng mga taong ito. 10 Kaya pabayaan mong lipulin ko sila nang matindi kong galit. Ikaw na lang at ang mga angkan mo ang gagawin kong dakilang bansa.”

11 Pero nagmakaawa si Moises sa Panginoon na kanyang Dios, “O Panginoon, bakit po ninyo ipapalasap ang galit nʼyo sa inyong mga mamamayang inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng dakila nʼyong kapangyarihan? 12 Ano na lang po ang sasabihin ng mga Egipcio? Na kinuha po ninyo ang inyong mga mamamayan sa Egipto para patayin sa kabundukan at mawala sila sa mundo? O, Panginoon, huwag po ninyong ituloy ang matinding galit ninyo sa kanila, huwag ninyo silang papatayin. 13 Alalahanin po ninyo ang ipinangako nʼyo sa inyong lingkod na sina Abraham, Isaac, at Jacob[c] na pararamihin ninyo ang lahi nila na kasindami ng bituin sa langit, at ibibigay ninyo sa lahi nila ang lahat ng lupaing ipinangako ninyo sa kanila, at magiging kanila ito magpakailanman.” 14 Kaya hindi na itinuloy ng Panginoon ang plano niyang pagpatay sa kanyang mga mamamayan.

15 Bumaba si Moises ng bundok na dala ang dalawang malalapad na batong sinulatan ng mga utos ng Dios. Nakasulat ang mga utos sa harap at likod ng bato. 16 Ang Dios mismo ang gumawa at sumulat nito.

17 Nang marinig ni Josue ang kaguluhan ng mga tao, sinabi niya kay Moises, “Parang may ingay ng digmaan sa kampo.” 18 Sumagot si Moises, “Hindi ingay ng digmaan ang naririnig ko kundi ingay ng mga awitan.”

19 Nang malapit na si Moises sa kampo, nakita niya ang dios-diosang baka at ang pagsasayaw ng mga tao, kaya nagalit siya nang matindi. Inihagis niya sa paanan ng bundok ang malalapad na bato na dala niya, at nabiyak ang mga ito. 20 Pagkatapos, kinuha niya ang dios-diosang baka na ginawa nila, at sinunog ito. Dinurog niya ito nang pinong-pino at inihalo sa tubig, at ipinainom sa mga mamamayan ng Israel.

21 Sinabi ni Moises kay Aaron, “Ano ba ang ginawa ng mga tao sa iyo at pinabayaan mo silang magkasala?”

22 Sumagot si Aaron, “Huwag po kayong magalit sa akin. Alam nʼyo kung gaano sila kadaling gumawa ng kasamaan. 23 Sinabi nila sa akin, ‘Igawa mo kami ng dios na mangunguna sa amin, dahil hindi natin alam kung ano na ang nangyari sa taong si Moises na naglabas sa atin sa Egipto.’ 24 Kaya sinabi ko sa kanila na dalhin nila sa akin ang mga alahas nilang ginto. Nang madala nila ito sa akin, inihagis ko ito sa apoy at mula roon, nabuo itong baka.”

25 Nakita ni Moises na nagwawala ang mga tao at pinababayaan lang sila ni Aaron. Dahil dito, naging katawa-tawa sila sa mga kaaway nila sa palibot. 26 Kaya tumayo si Moises sa pintuan ng kampo at sumigaw, “Sinuman sa inyo na pumapanig sa Panginoon, lumapit sa akin!” At nagtipon sa kanya ang lahat ng mga Levita.

27 Sinabi ni Moises sa kanila, “Sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, na isukbit ng bawat isa sa inyo ang mga espada ninyo, libutin ninyo ang buong kampo, at patayin ninyo ang masasamang taong ito kahit na kapatid pa ninyo, kaibigan o kapitbahay.” 28 Sinunod ng mga Levita ang iniutos sa kanila ni Moises, at nang araw na iyon 3,000 ang taong namatay. 29 Sinabi ni Moises sa mga Levita, “Ibinukod kayo ng Panginoon sa araw na ito, dahil pinagpapatay ninyo kahit mga anak ninyo at mga kapatid. Kaya binasbasan niya kayo sa araw na ito.”

30 Nang sumunod na araw, sinabi ni Moises sa mga tao, “Nakagawa kayo ng malaking kasalanan. Pero aakyat ako ngayon sa bundok, doon sa Panginoon; baka matulungan ko kayong mapatawad sa inyong mga kasalanan.”

31 Kaya bumalik si Moises sa Panginoon at sinabi, “O Panginoon, malaking kasalanan po ang nagawa ng mga taong ito. Gumawa sila ng dios na ginto. 32 Pero ngayon, patawarin nʼyo po sila sa kanilang mga kasalanan. Kung hindi ninyo sila mapapatawad, burahin na lang ninyo ang aking pangalan sa aklat na sinulatan nʼyo ng pangalan ng inyong mga mamamayan.”

33 Sumagot ang Panginoon kay Moises, “Kung sino ang nagkasala sa akin, ang pangalan niya ang buburahin ko sa aklat ko. 34 Lumakad ka na at pangunahan ang mga tao papunta sa lugar na sinabi ko sa iyo, at pangungunahan kayo ng anghel ko. Pero darating ang panahon na paparusahan ko sila sa mga kasalanan nila.”

35 At nagpadala ang Panginoon ng mga karamdaman sa mga Israelita dahil sinamba nila ang dios-diosang baka na ginawa ni Aaron.

33 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Umalis ka sa lugar na ito kasama ang mga mamamayang inilabas mo sa Egipto, at pumunta kayo sa lupaing ipinangako ko kina Abraham, Isaac, at Jacob. Sinabi ko sa kanila noon na ibibigay ko ang mga lupaing ito sa kanilang mga salinlahi. Pauunahin ko ang anghel sa inyo, at itataboy ko ang mga Cananeo, Amoreo, Heteo, Perezeo, Hiveo at Jebuseo sa lugar na iyon. Kayo lang ang pupunta roon sa maganda at masaganang lupain;[d] hindi ko kayo sasamahan dahil matigas ang mga ulo ninyo, at baka mapatay ko pa kayo habang nasa daan.”

Nang marinig ng mga tao ang masasakit na salitang ito, labis silang nalungkot at hindi nila isinuot ang kanilang mga alahas. Sapagkat, iniutos ng Panginoon kay Moises na sabihin ito sa mga Israelita: “Napakatigas ng ulo ninyo. Kung sasamahan ko kayo kahit na sa sandaling panahon lang, baka mapatay ko pa kayo. Ngayon, hubarin ninyo ang mga alahas ninyo hanggang sa makapagdesisyon ako kung ano ang gagawin ko sa inyo.” Kaya hinubad ng mga Israelita ang mga alahas nila roon sa bundok ng Horeb.

Ang Toldang Tipanan

Nakaugalian na ni Moises na itayo ang Tolda malayo sa kampo. Ang Toldang itoʼy tinatawag na “Toldang Tipanan.” Pumupunta sa Toldang ito ang sinumang gustong malaman ang kalooban ng Panginoon. Sa tuwing papasok si Moises sa Tolda, tumatayo ang mga tao sa pintuan ng mga tolda nila. Tinitingnan nila si Moises hanggang sa makapasok siya sa Tolda. At habang naroon si Moises sa loob, bumababa ang makapal na ulap sa pintuan ng Tolda habang nakikipag-usap ang Panginoon sa kanya. 10 At kapag nakita ng mga tao ang makapal na ulap sa pintuan ng Tolda, tumatayo sila at sumasamba sa Panginoon sa may pintuan ng tolda nila. 11 Kapag nakikipag-usap ang Panginoon kay Moises, magkaharap sila, katulad ng magkaibigan na nagkukwentuhan. Pagkatapos, bumabalik si Moises sa kampo, pero ang binata niyang lingkod na si Josue na anak ni Nun ay nananatili sa Tolda.

Nakita ni Moises ang Makapangyarihang Presensya ng Dios

12 Sinabi ni Moises sa Panginoon, “Lagi po ninyong sinasabi sa akin na pangunahan ko ang inyong mga mamamayan sa pagpunta sa lupaing ipinangako ninyo, pero hindi pa po ninyo ipinapaalam kung sino ang pasasamahin ninyo sa akin. Sinabi pa po ninyo na kilalang-kilala nʼyo ako at nalulugod kayo sa akin. 13 Kung totoo pong nalulugod kayo sa akin, turuan nʼyo ako ng mga pamamaraan ninyo para makilala ko kayo at para mas matuwa pa kayo sa akin. Alalahanin po ninyong ang bansang ito ay bayan ninyo.”

14 Sumagot ang Panginoon, “Ako mismo ang sasama sa iyo, at bibigyan kita ng kapahingahan.”

15 Sinabi ni Moises sa kanya, “Kung hindi po ninyo kami sasamahan, huwag nʼyo na lang po kaming paalisin sa lugar na ito. 16 Dahil paano po malalaman ng iba na nalulugod kayo sa akin at sa inyong mga mamamayan kung hindi nʼyo kami sasamahan? At paano po nila malalaman na espesyal kaming mga mamamayan kaysa sa ibang mamamayan sa mundo?”

17 Sumagot ang Panginoon kay Moises, “Gagawin ko ang ipinapakiusap mo, dahil nalulugod ako sa iyo at kilalang-kilala kita.”

18 Sinabi ni Moises, “Ipakita po ninyo sa akin ngayon ang makapangyarihang presensya ninyo.”

19 Sumagot ang Panginoon, “Ipapakita ko sa iyo ang lahat ng kabutihan ko, at ipapaalam ko sa iyo ang pangalan ko, ang Panginoon. Mahahabag ako sa gusto kong kahabagan; maaawa ako sa gusto kong kaawaan. 20 Pero hindi ko ipapakita sa iyo ang aking mukha dahil walang taong nakakita sa mukha ko nang nabuhay.”

21 Sinabi ng Panginoon, “Tumayo ka rito sa bato malapit sa akin. 22 At habang dumadaan ang makapangyarihan presensya ko, ipapasok kita sa siwang ng bato at tatakpan kita ng aking kamay hanggang sa makadaan ako. 23 Pagkatapos, tatanggalin ko ang kamay ko at makikita mo ang likod ko, pero hindi ang aking mukha.”

Footnotes

  1. 31:3 Espiritu: o, kapangyarihan.
  2. 32:1 dios: o, mga dios. Ito rin ay nasa mga talatang 4, 8, 23 at 31.
  3. 32:13 Jacob: sa Hebreo, Israel.
  4. 33:3 maganda at masaganang lupain: sa literal, lupain na dumadaloy ang gatas at pulot.