Exodus 3:7-10
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
7 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon, “Nakita ko ang paghihirap ng aking mga mamamayan sa Egipto. Narinig ko ang paghingi nila ng tulong dahil sa sobrang pagmamalupit ng mga namamahala sa kanila, at naaawa ako sa kanila dahil sa kanilang mga paghihirap. 8 Kaya bumaba ako para iligtas sila sa kamay ng mga Egipcio, at para dalhin sila sa mayaman, malawak at masaganang lupain[a] na tinitirhan ngayon ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo. 9 Narinig ko ang paghingi ng tulong ng mga Israelita, at nakita ko kung paano sila inalipin ng mga Egipcio. 10 Kaya ipapadala kita sa Faraon para palayain ang mga mamamayan kong Israelita sa Egipto.”
Read full chapterFootnotes
- 3:8 masaganang lupain: sa literal, lupain na dumadaloy ang gatas at pulot. Ganito rin sa talatang 17.
Exodus 4:10-15
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
10 Sinabi ni Moises, “Panginoon, hindi po ako magaling magsalita. Mula pa man noon, hirap na ako sa pagsasalita, kahit na ngayong nakikipag-usap kayo sa akin. Pautal-utal ako kapag nagsasalita.”
11 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Sino ba ang gumawa ng bibig ng tao? Sino ba ang may kakayahang gawing bingi o pipi? Sino ba ang nagdedesisyon na makakita o mabulag siya? Hindi ba ako, ang Panginoon? 12 Kaya lumakad ka, dahil tutulungan kita sa pagsasalita at ituturo ko sa iyo ang mga sasabihin mo.”
13 Pero sinabi ni Moises, “O Panginoon, kung maaari po magpadala na lang kayo ng iba.”
14 Nagalit nang matindi ang Panginoon kay Moises. Kaya sinabi niya, “O sige, si Aaron na lang na kapatid mo, na isang Levita ang siyang magsasalita para sa iyo. Alam kong mahusay siyang magsalita. Papunta na siya rito para makipagkita sa iyo. Matutuwa siyang makita ka. 15 Kausapin mo siya at turuan kung ano ang kanyang sasabihin. Tutulungan ko kayong dalawa sa pagsasalita, at tuturuan ko rin kayo kung ano ang gagawin ninyo.
Read full chapterAng Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®