Add parallel Print Page Options

Tubig mula sa Bato(A)

17 Sa utos ng Panginoon, umalis ang buong mamamayan ng Israel sa ilang ng Zin at nagpatuloy sa paglalakbay. Nagpalipat-lipat sila ng lugar. Nagkampo sila sa Refidim, pero walang tubig na mainom doon. Kaya nakipagtalo sila kay Moises at sinabi, “Bigyan mo kami ng tubig na maiinom.”

Sumagot si Moises, “Bakit kayo nakikipagtalo sa akin? Bakit ninyo sinusubok ang Panginoon?”

Pero uhaw na uhaw ang mga tao roon, kaya patuloy ang pagrereklamo nila kay Moises, “Bakit mo pa kami inilabas ng Egipto? Mamamatay din lang pala kami rito sa uhaw pati ang mga anak at mga hayop namin.”

Kaya humingi ng tulong si Moises sa Panginoon, “O Panginoon, ano po ba ang gagawin ko sa mga taong ito? Halos batuhin na nila ako!”

Sumagot ang Panginoon kay Moises, “Kunin mo ang iyong baston na inihampas mo sa Ilog ng Nilo, at pangunahan mo ang mga tao kasama ng ibang mga tagapamahala ng Israel. Hihintayin kita roon sa may bato sa Horeb.[a] Kapag naroon ka na, paluin mo ang bato, at lalabas ang tubig na iinumin ng mga tao.” Kaya ginawa ito ni Moises sa harap ng mga tagapamahala ng Israel. Tinawag ni Moises ang lugar na Masa[b] at Meriba,[c] dahil nakipagtalo sa kanya ang mga Israelita at sinubukan nila ang Panginoon sa pamamagitan ng pagsasabi, “Sinasamahan ba tayo ng Panginoon o hindi?”

Natalo ang mga Amalekita

Nang naroon pa ang mga Israelita sa Refidim, sinalakay sila ng mga Amalekita. Sinabi ni Moises kay Josue, “Pumili ka ng ilang tauhan natin at makipaglaban kayo sa mga Amalekita. Tatayo ako bukas sa ibabaw ng burol habang hawak ang baston na iniutos ng Dios na dalhin ko.”

10 Kaya nakipaglaban sina Josue sa mga Amalekita ayon sa iniutos ni Moises, habang sina Moises, Aaron at Hur ay umakyat sa burol. 11 At habang nakataas ang kamay ni Moises, nananalo ang mga Israelita, pero kapag ibinababa niya ang kanyang kamay nananalo naman ang mga Amalekita. 12 Nang bandang huli, nangalay na ang kamay ni Moises. Kaya kinuha nila Aaron at Hur ang isang bato at pinaupo roon si Moises. Itinaas ni Aaron ang isang kamay ni Moises at ganoon din ang ginawa ni Hur sa isang kamay hanggang sa lumubog ang araw. 13 Kaya natalo nina Josue ang mga Amalekita.

14 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Isulat mo ito para hindi makalimutan at ipaalam mo ito kay Josue: Uubusin ko ang lahi ng mga Amalekita.”

15 Gumawa si Moises ng altar at tinawag niya itong, “Ang Panginoon ang aking Bandila ng Tagumpay.” 16 Sinabi niya, “Dahil sa itinaas ng mga Amalekita ang mga kamao nila sa trono ng Panginoon, patuloy na makikipaglaban sa Amalekita ang Panginoon magpakailanman.”

Binisita ni Jetro si Moises

18 Nabalitaan ni Jetro, na pari ng Midian at biyenan ni Moises, ang lahat ng ginawa ng Dios kay Moises at sa mga mamamayan niyang Israelita. Nabalitaan niya kung paanong inilabas ng Panginoon ang mga Israelita sa Egipto.

2-3 Pinauwi noon ni Moises kay Jetro na kanyang biyenan ang asawa niyang si Zipora at ang dalawang anak nilang lalaki. Ang pangalan ng panganay ay Gershom,[d] dahil nang ipinanganak siya, sinabi ni Moises, “Dayuhan ako sa ibang lupain.” Ang pangalan ng pangalawa ay Eliezer,[e] dahil nang ipinanganak siya, sinabi ni Moises, “Ang Dios ng aking ama[f] ang tumutulong sa akin. Iniligtas niya ako sa espada ng Faraon.”

Ngayon, pumunta sila Jetro, ang asawa ni Moises at ang dalawa nilang anak sa pinagkakampuhan ni Moises sa ilang, malapit sa bundok ng Dios. Nagpasabi na si Jetro kay Moises na darating siya kasama si Zipora at ang dalawa nilang anak.

Kaya sinalubong ni Moises ang kanyang biyenan, at yumukod siya at humalik sa kanya bilang paggalang. Nagkamustahan sila at pagkatapos, pumasok sa tolda. Sinabi ni Moises kay Jetro ang lahat ng ginawa ng Panginoon sa Faraon at sa mga Egipcio para sa mga Israelita. Sinabi rin niya ang lahat ng paghihirap na naranasan nila sa paglalakbay at kung paano sila iniligtas ng Panginoon.

Tuwang-tuwa si Jetro sa lahat ng kabutihang ginawa ng Panginoon sa mga Israelita nang iligtas niya sila sa kamay ng mga Egipcio. 10 Sinabi ni Jetro, “Purihin ang Panginoon na nagligtas sa inyo sa kamay ng mga Egipcio at ng Faraon. 11 Nalalaman ko ngayon na mas makapangyarihan ang Panginoon sa lahat ng dios, dahil iniligtas niya ang mga Israelita sa mga Egipciong nagmamaltrato sa kanila.” 12 Pagkatapos, nag-alay si Jetro ng mga handog na sinusunog at iba pang mga handog sa Dios. At habang ginagawa niya ito, dumating si Aaron at ang lahat ng tagapamahala ng Israel. Sumama sila kay Jetro para kumain sa presensya ng Dios.

Pumili si Moises ng mga Hukom(B)

13 Kinaumagahan, naupo si Moises bilang hukom para dinggin ang mga kaso ng mga tao. Nakapila ang mga tao sa harapan niya mula umaga hanggang gabi. 14 Nang makita ito ni Jetro, sinabi niya kay Moises, “Bakit ginagawa mo ito para sa mga tao? At bakit mag-isa mo itong ginagawa? Pumipila sa iyo ang mga tao mula umaga hanggang gabi.”

15 Sumagot si Moises, “Ginagawa ko po ito dahil lumalapit ang mga tao sa akin para malaman ang kalooban ng Dios. 16 Kung may pagtatalo ang mga tao, dinadala nila ito sa akin, at ako ang nagdedesisyon kung sino sa kanila ang tama. At tinuturuan ko sila ng mga tuntunin at utos ng Dios.”

17 Sinabi ni Jetro, “Hindi tama ang pamamaraan mong ito. 18 Pinapahirapan mo lang ang sarili mo at ang mga taong ito. Napakahirap nito kung ikaw lang. 19 Makinig ka sa akin at papayuhan kita, at sanaʼy samahan ka ng Dios. Ipagpatuloy mo ang ginagawa mong paglapit sa Dios para sa mga tao. Dalhin mo ang mga kaso nila sa kanya. 20 Ipagpatuloy mo rin ang pagtuturo mo sa kanila ng mga tuntunin at utos ng Dios. Turuan mo sila kung paano mamuhay at kung ano ang gagawin nila. 21 Pero pumili ka ng mga taong tutulong sa iyo. Dapat mayroon silang kakayahan sa paghuhukom, may takot sa Dios, mapagkakatiwalaan, at hindi tumatanggap ng suhol. Gawin mo silang mga hukom ng grupo na binubuo ng 1,000, 100, 50 at 10 tao. 22 Maglilingkod sila bilang mga hukom sa lahat ng oras. Sila ang magpapasya sa simpleng mga kaso, pero dadalhin nila sa iyo ang mabibigat na kaso. Sa ganitong paraan, mapapagaan ang trabaho mo dahil matutulungan ka nila. 23 Alam kong ito ang gusto ng Dios na gawin mo, at kung susundin mo ito, hindi ka na mahihirapan. At makakauwi ang mga taong ito nang mapayapa.”

24 Sinunod ni Moises ang ipinayo sa kanya ng kanyang biyenan. 25 Pumili siya sa mga Israelita ng mga taong may kakayahan sa paghuhukom, at ginawa niya silang mga hukom ng grupo na binubuo ng 1,000, 100, 50 at 10 tao. 26 Naglingkod sila bilang mga palagiang hukom ng mga tao. Sila ang nagpapasya sa mga simpleng kaso, pero kapag mabigat, dinadala nila ito kay Moises.

27 Pagkatapos noon, pinayagan ni Moises ang kanyang biyenan na umuwi at bumalik sa sariling bayan.

Sa Bundok ng Sinai

19 1-2 Umalis ang mga Israelita sa Refidim at pumunta sa ilang ng Sinai. Doon sa harap ng bundok sila nagkampo. Ikatlong buwan ito mula nang lisanin nila ang Egipto.

Umakyat si Moises sa bundok para makipagkita sa Dios. Tinawag siya ng Panginoon doon sa bundok at sinabi, “Sabihin mo ito sa mga Israelita na mga lahi ni Jacob: ‘Nakita nʼyo mismo kung ano ang ginawa ko sa mga Egipcio, at kung paano ko kayo dinala rito sa akin, katulad ng pagdadala ng agila sa mga inakay niya sa pamamagitan ng kanyang pakpak. Kung lubos ninyo akong susundin at tutuparin ang aking kasunduan, pipiliin ko kayo sa lahat ng bansa para maging mga mamamayan ko. Akin ang buong mundo, pero magiging pinili ko kayong mamamayan at magiging isang kaharian ng mga paring maglilingkod sa akin.’ Sabihin mo ito sa mga Israelita.”

Kaya bumaba si Moises mula sa bundok at ipinatawag niya ang mga tagapamahala ng Israel at sinabi sa kanila ang sinabi ng Panginoon. At sabay-sabay na sumagot ang mga tao, “Susundin namin ang lahat ng sinabi ng Panginoon.” At sinabi ni Moises sa Panginoon ang sagot ng mga tao.

Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Darating ako sa iyo sa pamamagitan ng makapal na ulap para marinig ng mga tao ang pakikipag-usap ko sa iyo, at nang lagi silang magtiwala sa iyo.” At sinabi ni Moises sa Panginoon ang sagot ng mga tao.

10 At sinabi sa kanya ng Panginoon, “Puntahan mo ang mga tao at sabihin sa kanilang linisin ang sarili nila[g] ngayon at bukas. Kailangang labhan nila ang kanilang mga damit. 11 Siguraduhing handa sila sa ikatlong araw, dahil sa araw na iyon, ako, ang Panginoon ay bababa sa Bundok ng Sinai na kitang-kita ng mga tao. 12 Maglagay ka ng tanda sa paligid ng bundok kung hanggang saan lamang tatayo ang mga tao. Sabihin mo sa kanila na huwag silang aakyat o lalapit sa bundok. Ang sinumang lalapit sa bundok ay papatayin, 13 tao man o hayop. Kung gagawin niya ito, babatuhin siya o kaya naman ay papanain; walang kamay na hihipo sa kanya. Makakaakyat lang ang mga tao sa bundok kapag pinatunog na nang matagal ang tambuli.”

14 Bumaba si Moises sa bundok at inutusan niya silang linisin ang mga sarili nila. At nilabhan ng mga tao ang kanilang mga damit. 15 Sinabi ni Moises sa kanila, “Ihanda ninyo ang mga sarili ninyo para sa ikatlong araw; huwag muna kayong makipagtalik sa inyong asawa.”

16 Kinaumagahan ng ikatlong araw, kumulog at kumidlat, at may makapal na ulap na tumakip sa bundok at narinig ang malakas na tunog ng trumpeta. Nanginig sa takot ang lahat ng tao sa kampo. 17 Pagkatapos, dinala ni Moises sa labas ng kampo ang mga tao para makipagkita sa Dios, at tumayo sila sa paanan ng bundok. 18 Nabalot ng usok ang Bundok ng Sinai dahil bumaba roon ang Panginoon sa anyo ng apoy. Pumaitaas ang usok kagaya ng usok na nanggaling sa hurno at nayanig nang malakas ang bundok,[h] 19 at lalo pang lumakas ang tunog ng trumpeta. Nagsalita si Moises at sinagot siya ng Panginoon sa pamamagitan ng kulog.[i]

20 Bumaba ang Panginoon sa ibabaw ng Bundok ng Sinai, at tinawag niya si Moises na umakyat sa ibabaw ng bundok. Kaya umakyat si Moises, 21 at sinabi sa kanya ng Panginoon, “Bumalik ka sa ibaba at balaan mo sila na huwag na huwag silang lalampas sa hangganan na inilagay sa paligid ng bundok para tingnan ako, dahil kung gagawin nila ito, marami sa kanila ang mamamatay. 22 Kahit na ang mga pari na palaging lumalapit sa presensya koʼy kailangang maglinis ng kanilang mga sarili dahil kung hindi, parurusahan ko rin sila.”

23 Sinabi ni Moises sa Panginoon, “Paano po aakyat ang mga tao sa bundok gayong binigyan nʼyo na kami ng babala na ituring naming banal ang bundok, at sinabihan nʼyo kaming lagyan ng tanda ang paligid ng bundok kung hanggang saan lang kami tatayo.”

24 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Bumaba ka at dalhin si Aaron dito. Pero ang mga pari at ang mga tao ay hindi dapat pumunta rito sa akin, para hindi ko sila parusahan.”

25 Kaya bumaba si Moises at sinabihan ang mga tao.

Ang Sampung Utos(C)

20 Sinabi ng Panginoon,

“Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto kung saan kayo inalipin.

“Huwag kayong sasamba sa ibang mga dios maliban sa akin.

“Huwag kayong gagawa ng mga dios-diosan na anyo ng anumang bagay sa langit, o sa lupa, o sa tubig. Huwag ninyo itong paglilingkuran o sasambahin, dahil ako ang Panginoon na inyong Dios ay ayaw na may sinasamba kayong iba. Pinaparusahan ko ang mga nagkakasala sa akin, pati na ang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na henerasyon ng mga napopoot sa akin. Pero ipinapakita ko ang aking pagmamahal sa napakaraming henerasyon na nagmamahal sa akin at sumusunod sa mga utos ko.

“Huwag ninyong gagamitin ang pangalan ko sa walang kabuluhan. Ako ang Panginoon na inyong Dios, ang magpaparusa sa sinumang gagamit ng pangalan ko sa walang kabuluhan.

“Alalahanin ninyo ang Araw ng Pamamahinga, at gawin ninyo itong natatanging araw para sa akin. Magtrabaho kayo sa loob ng anim na araw, 10 pero ang ikapitong araw, ang Araw ng Pamamahinga ay italaga ninyo para sa akin, ang Panginoon na inyong Dios. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon, pati ang inyong mga anak, mga alipin, mga hayop, o ang mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo. 11 Dahil sa loob ng anim na araw, nilikha ko ang langit, ang lupa, ang dagat at ang lahat ng naririto, pero nagpahinga ako sa ikapitong araw. Kaya pinagpala ko ang Araw ng Pamamahinga at ginawa itong natatanging araw para sa akin.

12 “Igalang ninyo ang inyong amaʼt ina para mabuhay kayo nang matagal sa lupaing ibinibigay ko sa inyo.

13 “Huwag kayong papatay.

14 “Huwag kayong mangangalunya.

15 “Huwag kayong magnanakaw.

16 “Huwag kayong sasaksi ng hindi totoo sa inyong kapwa.

17 “Huwag ninyong pagnanasahan ang bahay ng inyong kapwa, o ang kanyang asawa, mga alipin, mga hayop, o alin mang pag-aari niya.”

18 Nang marinig ng mga tao ang kulog, at ang tunog ng trumpeta, at nang makita nila ang kidlat at ang bundok na umuusok, nanginig sila sa takot. Tumayo sila sa malayo 19 at sinabi kay Moises, “Kayo na lang ang magsalita sa amin at makikinig kami, huwag na po ang Dios at baka mamatay kami.”

20 Kaya sinabi ni Moises sa mga tao, “Huwag kayong matakot dahil pumunta ang Panginoon dito para subukin kayo sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan at magkaroon kayo ng takot sa kanya, at nang hindi kayo magkasala.”

21 Tumayo ang mga tao sa malayo habang si Moises ay lumalapit sa makapal na ulap kung saan naroon ang Dios.

22 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Sabihin mo ito sa mga Israelita: Nakita ninyo na nakipag-usap ako sa inyo mula sa langit. 23 Kaya huwag kayong gagawa ng mga dios-diosang pilak o ginto para sambahing kasama nang pagsamba sa akin.

24 “Gumawa kayo ng altar na lupa para sa akin at gawin ninyo itong pag-aalayan ng inyong mga tupa, kambing at mga baka bilang handog na sinusunog at handog para sa mabuting relasyon.[j] Gawin ninyo ito sa lugar na pinili ko para sambahin ako, at doon ay pupuntahan ko kayo at pagpapalain. 25 Kung gagawa kayo ng altar na bato para sa akin, huwag ninyong tatapyasin; dahil kung gagamitan ninyo ito ng sinsel, hindi na ito karapat-dapat gamitin sa paghahandog sa akin. 26 At huwag din kayong gagawa ng altar na may hagdan dahil baka masilipan kayo sa pag-akyat ninyo.”

Footnotes

  1. 17:6 Horeb: o, Bundok ng Sinai.
  2. 17:7 Masa: Ang ibig sabihin, pagsubok.
  3. 17:7 Meriba: Ang ibig sabihin, pagtatalo.
  4. 18:2-3 Gershom: Ang ibig sabihin, dayuhan doon.
  5. 18:4 Eliezer: Ang ibig sabihin, Ang Dios ang tumutulong sa akin.
  6. 18:4 ama: o, ninuno.
  7. 19:10 linisin ang sarili nila: Ang ibig sabihin, kailangan nilang sundin ang seremonya para maging malinis.
  8. 19:18 nayanig nang malakas ang bundok: sa ibang kopya ng Hebreo at Septuagint, nanginig ang lahat ng tao.
  9. 19:19 sa pamamagitan ng kulog: o, sa malakas na boses.
  10. 20:24 handog para sa mabuting relasyon: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.