Exodo 17-18
Magandang Balita Biblia
Ang Bukal Mula sa Malaking Bato(A)
17 Mula(B) sa disyerto ng Sin, naglakbay ang mga Israelita, sila'y humihinto at nagpapatuloy kapag sinabi ni Yahweh. Sila'y nagkampo sa Refidim ngunit walang tubig doon, 2 kaya nagalit sila kay Moises. Sinabi nila, “Bigyan mo kami ng tubig na maiinom.”
“Bakit kayo nagagalit? Bakit ninyo sinusubukan ang kakayahan ni Yahweh?” tanong ni Moises.
3 Ngunit talagang uhaw na uhaw na ang mga Israelita, kaya sinumbatan nila si Moises, “Inilabas mo ba kami sa Egipto para patayin sa uhaw pati mga anak namin at mga alagang hayop?”
4 Kaya, humingi ng tulong si Moises kay Yahweh, “Ano ang gagawin ko sa mga taong ito? Gusto na nila akong batuhin?” 5 Sumagot si Yahweh, “Magsama ka ng ilang pinuno ng Israel at mauna kayo sa mga Israelita. Dalhin mo ang iyong tungkod na inihampas mo sa Ilog Nilo at lumakad na kayo. 6 Hihintayin ko kayo sa ibabaw ng malaking bato sa Sinai.[a] Hampasin mo ito at bubukal ang tubig na maiinom ng mga tao.” Iyon nga ang ginawa ni Moises; at ito'y nasaksihan ng mga kasama niyang pinuno ng Israel.
7 Ang lugar na iyon ay pinangalanan niyang “Masah”[b] at “Meriba”[c] sapagkat nagtalu-talo doon ang mga Israelita at sinubok nila si Yahweh. Ang pinagtalunan nila ay kung pinapatnubayan nga sila ni Yahweh o hindi.
Ang Labanan ng mga Israelita at ng mga Amalekita
8 Nang ang mga Israelita'y nasa Refidim, sinalakay sila ng mga Amalekita. 9 Sinabi ni Moises kay Josue, “Pumili ka ng ilang tauhan natin at pangunahan mo sa pakikipaglaban sa mga Amalekita. Hahawakan ko naman ang tungkod na ibinigay sa akin ng Diyos at tatayo ako sa ibabaw ng burol.” 10 Sinunod ni Josue ang utos ni Moises at hinarap niya ang mga Amalekita. Si Moises naman, kasama sina Aaron at Hur ay nagpunta sa burol. 11 Kapag nakataas ang mga kamay ni Moises, nananalo ang mga Israelita; kapag nakababa, nananalo naman ang mga Amalekita. 12 Nangawit na si Moises kaya sina Aaron at Hur ay kumuha ng isang bato at pinaupo roon si Moises habang hawak nilang pataas ang mga kamay nito hanggang sa lumubog ang araw. 13 Dahil dito'y natalo ni Josue ang mga Amalekita.
14 Sinabi(C) ni Yahweh kay Moises, “Isulat mo ang pangyayaring ito upang hindi ninyo malimutan, at sabihin mo naman kay Josue na lilipulin ko ang mga Amalekita.” 15 Nagtayo si Moises ng isang altar at tinawag niya itong, “Si Yahweh ang aking Watawat.” 16 At sinabi niya sa mga tao, “Itaas ninyo ang watawat ni Yahweh! Patuloy niya tayong pangungunahan sa ating pakikipaglaban sa mga Amalekita.”
Dinalaw ni Jetro si Moises
18 Nabalitaan ni Jetro, biyenan ni Moises at pari sa Midian, ang mga ginawa ni Yahweh para kay Moises at sa mga Israelita, kung paanong inilabas niya ang mga ito sa lupain ng Egipto. 2 Si(D) Jetro ang nag-aruga kay Zipora nang ito'y pauwiin ni Moises sa Midian 3 kasama(E) ang dalawa nilang anak. Gersom[d] ang pangalan ng una sapagkat ang sabi ni Moises nang ito'y isilang: “Ako'y dayuhan sa lupaing ito.” 4 Ang pangalawa nama'y Eliezer,[e] sapagkat ang sabi niya: “Tinulungan ako ng Diyos ng aking mga ninuno; iniligtas niya ako sa tabak ng Faraon.” 5 Isinama ni Jetro ang asawa ni Moises at ang dalawang anak nito, at pumunta sa pinagkakampuhan nina Moises sa ilang, sa tabi ng Bundok ng Diyos. 6 Pagdating doon, ipinasabi niya kay Moises: “Darating ako riyan, kasama ang iyong asawa't dalawang anak.” 7 Kaya't sinalubong sila ni Moises. Nagbigay-galang siya sa biyenan, niyakap ito, at isinama sa kanyang tolda; doon sila nagkumustahan at masayang nagbalitaan. 8 Isinalaysay ni Moises ang lahat ng ginawa ni Yahweh sa Faraon at sa mga Egipcio, at kung paano iniligtas ni Yahweh ang mga Israelita. Isinalaysay rin niya ang mga hirap na inabot nila sa paglalakbay at kung paano sila tinulungan ni Yahweh. 9 Natuwa si Jetro sa kabutihang ginawa sa kanila ni Yahweh at sa pagliligtas nito sa kanila sa mga Egipcio. 10 Sinabi niya, “Purihin si Yahweh na nagligtas sa inyo mula sa kamay ng Faraon at ng mga Egipcio! Purihin si Yahweh na nagpalaya sa mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Egipto! 11 Napatunayan ko ngayon na siya ay higit sa ibang mga diyos dahil sa ginawa niya sa mga Egipcio na umapi sa mga Israelita.” 12 At si Jetro ay nagdala ng handog na susunugin at iba pang handog para sa Diyos. Dumating naman si Aaron at ang mga pinuno ng Israel, at kumain sila, kasalo ng biyenan ni Moises.
Ang Paghirang sa mga Hukom(F)
13 Kinabukasan, naupo si Moises upang mamagitan at humatol sa mga usapin ng mga tao. Inabot siya ng gabi sa dami ng taong lumalapit sa kanya. 14 Nang makita ni Jetro ang hirap na inaabot ni Moises sa kanyang ginagawa, tinanong niya ito, “Ano ba ang ginagawa mo sa mga tao? Bakit mag-isa mong ginagawa ito at ang mga tao'y maghapong nakapaligid sa iyo?”
15 Sumagot si Moises, “Mangyari po lumalapit sila sa akin para alamin ang kalooban ng Diyos. 16 Kapag may dalawang taong may pinagtatalunan, lumalapit sila sa akin at sinasabi ko naman sa kanila kung sino ang may katuwiran. Bukod doon, ipinaliliwanag ko sa kanila ang mga utos at tuntunin ng Diyos.”
17 Sinabi ni Jetro, “Hindi ganyan ang dapat mong gawin. 18 Pinahihirapan mo ang iyong sarili pati ang mga tao. Napakalaking gawain iyan para sa iyo at hindi mo iyan kayang mag-isa. 19 Pakinggan mo itong ipapayo ko sa iyo at tutulungan ka ng Diyos. Ikaw ang lalapit sa Diyos para sa kanila at magdadala sa kanya ng kanilang mga usapin. 20 Ikaw ang magtuturo sa kanila ng mga kautusan at mga tuntunin, at ikaw rin ang magpapaliwanag sa kanila kung ano ang dapat nilang gawin. 21 Ngunit pumili ka ng mga taong may kakayahan, may takot sa Diyos, mapagkakatiwalaan at di masusuhulan. Gawin mo silang tagapangasiwa sa libu-libo, daan-daan, lima-limampu at sampu-sampu. 22 Sila na ang bahalang humatol sa maliliit na usapin, at ang mabibigat na kaso lamang ang ihaharap sa iyo. Sa gayon, hindi ka masyadong mahihirapan sapagkat matutulungan ka nila sa iyong gawain. 23 Kung ganoon ang gagawin mo, na siya namang utos ng Diyos, hindi ka mahihirapan at madali pang maaayos ang anumang suliranin ng taong-bayan.”
24 Pinakinggan ni Moises ang payo ng kanyang biyenan at sinunod niya ito. 25 Pumili nga siya ng mga lalaking may kakayahan at ginawa niyang tagapangasiwa sa Israel: para sa libu-libo, sa daan-daan, sa lima-limampu at sa sampu-sampu. 26 Sila ang naging palagiang hukom ng bayan. Ang malalaking usapin na lamang ang dinadala nila kay Moises at sila na ang lumulutas sa maliliit na kaso.
27 Pagkatapos nito'y nagpaalam na si Jetro kay Moises at umuwi sa sariling bayan.
Footnotes
- Exodo 17:6 Sinai: o kaya'y Horeb .
- Exodo 17:7 MASAH: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang “Masah” ay “pagsubok”.
- Exodo 17:7 MERIBA: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang “Meriba” ay “pakikipagtalo”.
- Exodo 18:3 GERSOM: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Gersom” at “dayuhan” ay magkasintunog.
- Exodo 18:4 ELIEZER: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Eliezer” at “tinulungan ako ng Diyos” ay magkasintunog.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
