Add parallel Print Page Options

Ang Manna at mga Pugo

16 Mula sa Elim, nagpatuloy sa paglalakbay ang mamamayan ng Israel hanggang sa makarating sila sa ilang ng Zin, na nasa gitna ng Elim at ng Sinai. Nakarating sila roon sa ika-15 araw ng ikalawang buwan mula nang lumabas sila sa Egipto. Doon sa ilang, nagreklamo ang lahat ng mga Israelita kina Moises at Aaron. Sinabi nila, “Mabuti pang pinatay na lang kami ng Panginoon sa Egipto! Doon, kahit paanoʼy nakakakain kami ng karne at ng lahat ng pagkain na gusto namin. Pero dinala nʼyo kami rito sa ilang para patayin kaming lahat sa gutom.”

Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Makinig ka! Magpapaulan ako ng pagkain mula sa langit para sa inyo. Bawat araw, mangunguha ang mga Israelita ng pagkain nila para sa araw na iyon. Sa ganitong paraan, masusubok ko kung susundin nila ang mga utos ko. Sabihin mo sa kanila na doblehin nila ang kukunin nilang pagkain tuwing ikaanim na araw ng bawat linggo.”

Kaya sinabi nila Moises at Aaron sa lahat ng mga Israelita, “Ngayong gabi, malalaman ninyo na ang Panginoon ang naglabas sa inyo sa Egipto, at bukas ng umaga, makikita ninyo ang makapangyarihang presensya ng Panginoon. Sapagkat narinig niya ang mga reklamo ninyo. Sino ba kami para sa amin kayo magreklamo?” Sinabi pa ni Moises, “Bibigyan kayo ng Panginoon ng karne na kakainin ninyo sa gabi at bubusugin niya kayo ng tinapay sa umaga, dahil narinig niya ang pagrereklamo ninyo sa kanya. Hindi kayo nagrereklamo sa amin kundi sa Panginoon. Sino ba kami para sa amin kayo magreklamo?”

Sinabi nina Moises at Aaron, “Sabihin ninyo sa buong mamamayan ng Israel na lumapit sila sa presensya ng Panginoon dahil narinig niya ang pagrereklamo ninyo.”

10 Habang nagsasalita si Aaron sa buong mamamayan ng Israel, tumingin sila sa ilang at nakita nila ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa ulap. 11 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 12 “Narinig ko ang mga pagrereklamo ng mga Israelita. Sabihin mo sa kanilang gabi-gabi silang kakain ng karne at araw-araw silang magpapakabusog sa tinapay. At malalaman ninyong ako ang Panginoon na inyong Dios.”

13 Nang dapit-hapon ding iyon, dumagsa ang mga pugo at napuno nito ang buong kampo. Kinaumagahan, basa ng hamog ang buong kampo. 14 Nang mawala ang hamog, may nakita silang maliliit na bagay sa lupa na puting-puti. 15 Hindi nila alam kung ano ito kaya nagtanungan sila, “Ano kaya iyan?” Sinabi ni Moises sa kanila, “Iyan ang pagkain na ibinigay ng Panginoon sa inyo para kainin. 16 Sinabi ng Panginoon na ang bawat isa sa inyoʼy mag-ipon nito ayon sa inyong pangangailangan; mga isang salop bawat tao.”

17 Kaya nanguha ang mga Israelita ng mga pagkaing ito; marami ang kinuha ng iba habang ang iba naman ay kaunti lang. 18 Nang takalin nila ito, isang salop ang nakuha ng bawat tao. Ang nagtipon ng marami ay hindi sumobra, at ang nagtipon ng kaunti ay hindi naman kinulang. Tamang-tama lang ang nakuha ng bawat isa.

19 Sinabi ni Moises sa kanila, “Walang magtitira nito para sa susunod na araw.” 20 Pero ang iba sa kanilaʼy hindi nakinig kay Moises, nagtira sila para sa susunod na araw. Pero inuod ito at bumaho. Kaya nagalit si Moises sa kanila.

21 Tuwing umaga, nangunguha ang bawat isa ayon sa kanyang kailangan. At kapag uminit na, natutunaw ang pagkaing hindi nila nakukuha. 22 Sa ikaanim na araw, doble ang kanilang kinukuha – mga dalawang salop bawat tao. Kaya pumunta ang mga pinuno ng mamamayan ng Israel kay Moises at nagtanong kung bakit doble. 23 Sinabi ni Moises sa kanila, “Iniutos ng Panginoon na magpahinga kayo bukas dahil Araw ng Pamamahinga, na banal na araw para sa Panginoon. Kaya lutuin ninyo ang gusto ninyong lutuin, at ilaga ang gusto ninyong ilaga. Ang matitira ay ilaan para bukas.”

24 Kaya itinira nila ito para sa susunod na araw ayon sa iniutos ni Moises. At nang sumunod na araw hindi ito inuod o bumaho.

25 Sinabi ni Moises sa kanila, “Kainin nʼyo iyan ngayon, dahil ngayon ang Araw ng Pamamahinga para sa Panginoon. Wala kayong makikita niyan ngayon. 26 Makakakuha kayo ng pagkaing ito sa loob ng anim na araw, pero sa ikapitong araw ay magpahinga kayo. Sa araw na iyon, wala kayong makukuhang pagkain.”

27 May mga tao pa ring lumabas para manguha ng pagkain sa ikapitong araw, pero wala silang nakita. 28 At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Hanggang kailan ba susuwayin ng mga taong ito ang aking mga utos at katuruan? 29 Alalahanin ninyo na binigyan ko kayo ng Araw ng Pamamahinga, kaya nga tuwing ikaanim na araw ay dinodoble ko ang pagkain ninyo. Dapat manatili sa bahay niya ang bawat isa sa ikapitong araw. Walang lalabas para kumuha ng pagkain.” 30 Kaya nagpahinga ang mga tao sa ikapitong araw.

31 Tinawag na “manna” ng mga Israelita ang pagkain. Para itong maliliit at mapuputing buto, at matamis kagaya ng manipis na tinapay na may pulot. 32 Sinabi sa kanila ni Moises, “Ipinag-utos ng Panginoon na magtago kayo ng isang salop na ‘manna’ para sa susunod pang mga henerasyon, para makita nila ang pagkaing ibinigay ko sa inyo sa ilang nang inilabas ko kayo sa Egipto.”

33 Sinabi ni Moises kay Aaron, “Kumuha kayo ng sisidlan at lagyan ito ng isang salop na ‘manna’. Pagkatapos, ilagay ninyo ito sa presensya ng Panginoon para sa susunod pang mga henerasyon.” 34 Sinunod ito ni Aaron ayon sa sinabi ng Panginoon kay Moises. Inilagay ni Aaron ang “manna” sa Kahon ng Kasunduan para maitago. 35 Kumain ang mga Israelita ng “manna” sa loob ng 40 taon, hanggang sa makarating sila sa lupain ng Canaan. 36 (Bawat araw, nag-iipon ang bawat isa sa kanila ng isang “omer” na “manna”, mga isang salop).

Tubig mula sa Bato(A)

17 Sa utos ng Panginoon, umalis ang buong mamamayan ng Israel sa ilang ng Zin at nagpatuloy sa paglalakbay. Nagpalipat-lipat sila ng lugar. Nagkampo sila sa Refidim, pero walang tubig na mainom doon. Kaya nakipagtalo sila kay Moises at sinabi, “Bigyan mo kami ng tubig na maiinom.”

Sumagot si Moises, “Bakit kayo nakikipagtalo sa akin? Bakit ninyo sinusubok ang Panginoon?”

Pero uhaw na uhaw ang mga tao roon, kaya patuloy ang pagrereklamo nila kay Moises, “Bakit mo pa kami inilabas ng Egipto? Mamamatay din lang pala kami rito sa uhaw pati ang mga anak at mga hayop namin.”

Kaya humingi ng tulong si Moises sa Panginoon, “O Panginoon, ano po ba ang gagawin ko sa mga taong ito? Halos batuhin na nila ako!”

Sumagot ang Panginoon kay Moises, “Kunin mo ang iyong baston na inihampas mo sa Ilog ng Nilo, at pangunahan mo ang mga tao kasama ng ibang mga tagapamahala ng Israel. Hihintayin kita roon sa may bato sa Horeb.[a] Kapag naroon ka na, paluin mo ang bato, at lalabas ang tubig na iinumin ng mga tao.” Kaya ginawa ito ni Moises sa harap ng mga tagapamahala ng Israel. Tinawag ni Moises ang lugar na Masa[b] at Meriba,[c] dahil nakipagtalo sa kanya ang mga Israelita at sinubukan nila ang Panginoon sa pamamagitan ng pagsasabi, “Sinasamahan ba tayo ng Panginoon o hindi?”

Natalo ang mga Amalekita

Nang naroon pa ang mga Israelita sa Refidim, sinalakay sila ng mga Amalekita. Sinabi ni Moises kay Josue, “Pumili ka ng ilang tauhan natin at makipaglaban kayo sa mga Amalekita. Tatayo ako bukas sa ibabaw ng burol habang hawak ang baston na iniutos ng Dios na dalhin ko.”

10 Kaya nakipaglaban sina Josue sa mga Amalekita ayon sa iniutos ni Moises, habang sina Moises, Aaron at Hur ay umakyat sa burol. 11 At habang nakataas ang kamay ni Moises, nananalo ang mga Israelita, pero kapag ibinababa niya ang kanyang kamay nananalo naman ang mga Amalekita. 12 Nang bandang huli, nangalay na ang kamay ni Moises. Kaya kinuha nila Aaron at Hur ang isang bato at pinaupo roon si Moises. Itinaas ni Aaron ang isang kamay ni Moises at ganoon din ang ginawa ni Hur sa isang kamay hanggang sa lumubog ang araw. 13 Kaya natalo nina Josue ang mga Amalekita.

14 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Isulat mo ito para hindi makalimutan at ipaalam mo ito kay Josue: Uubusin ko ang lahi ng mga Amalekita.”

15 Gumawa si Moises ng altar at tinawag niya itong, “Ang Panginoon ang aking Bandila ng Tagumpay.” 16 Sinabi niya, “Dahil sa itinaas ng mga Amalekita ang mga kamao nila sa trono ng Panginoon, patuloy na makikipaglaban sa Amalekita ang Panginoon magpakailanman.”

Binisita ni Jetro si Moises

18 Nabalitaan ni Jetro, na pari ng Midian at biyenan ni Moises, ang lahat ng ginawa ng Dios kay Moises at sa mga mamamayan niyang Israelita. Nabalitaan niya kung paanong inilabas ng Panginoon ang mga Israelita sa Egipto.

2-3 Pinauwi noon ni Moises kay Jetro na kanyang biyenan ang asawa niyang si Zipora at ang dalawang anak nilang lalaki. Ang pangalan ng panganay ay Gershom,[d] dahil nang ipinanganak siya, sinabi ni Moises, “Dayuhan ako sa ibang lupain.” Ang pangalan ng pangalawa ay Eliezer,[e] dahil nang ipinanganak siya, sinabi ni Moises, “Ang Dios ng aking ama[f] ang tumutulong sa akin. Iniligtas niya ako sa espada ng Faraon.”

Ngayon, pumunta sila Jetro, ang asawa ni Moises at ang dalawa nilang anak sa pinagkakampuhan ni Moises sa ilang, malapit sa bundok ng Dios. Nagpasabi na si Jetro kay Moises na darating siya kasama si Zipora at ang dalawa nilang anak.

Kaya sinalubong ni Moises ang kanyang biyenan, at yumukod siya at humalik sa kanya bilang paggalang. Nagkamustahan sila at pagkatapos, pumasok sa tolda. Sinabi ni Moises kay Jetro ang lahat ng ginawa ng Panginoon sa Faraon at sa mga Egipcio para sa mga Israelita. Sinabi rin niya ang lahat ng paghihirap na naranasan nila sa paglalakbay at kung paano sila iniligtas ng Panginoon.

Tuwang-tuwa si Jetro sa lahat ng kabutihang ginawa ng Panginoon sa mga Israelita nang iligtas niya sila sa kamay ng mga Egipcio. 10 Sinabi ni Jetro, “Purihin ang Panginoon na nagligtas sa inyo sa kamay ng mga Egipcio at ng Faraon. 11 Nalalaman ko ngayon na mas makapangyarihan ang Panginoon sa lahat ng dios, dahil iniligtas niya ang mga Israelita sa mga Egipciong nagmamaltrato sa kanila.” 12 Pagkatapos, nag-alay si Jetro ng mga handog na sinusunog at iba pang mga handog sa Dios. At habang ginagawa niya ito, dumating si Aaron at ang lahat ng tagapamahala ng Israel. Sumama sila kay Jetro para kumain sa presensya ng Dios.

Pumili si Moises ng mga Hukom(B)

13 Kinaumagahan, naupo si Moises bilang hukom para dinggin ang mga kaso ng mga tao. Nakapila ang mga tao sa harapan niya mula umaga hanggang gabi. 14 Nang makita ito ni Jetro, sinabi niya kay Moises, “Bakit ginagawa mo ito para sa mga tao? At bakit mag-isa mo itong ginagawa? Pumipila sa iyo ang mga tao mula umaga hanggang gabi.”

15 Sumagot si Moises, “Ginagawa ko po ito dahil lumalapit ang mga tao sa akin para malaman ang kalooban ng Dios. 16 Kung may pagtatalo ang mga tao, dinadala nila ito sa akin, at ako ang nagdedesisyon kung sino sa kanila ang tama. At tinuturuan ko sila ng mga tuntunin at utos ng Dios.”

17 Sinabi ni Jetro, “Hindi tama ang pamamaraan mong ito. 18 Pinapahirapan mo lang ang sarili mo at ang mga taong ito. Napakahirap nito kung ikaw lang. 19 Makinig ka sa akin at papayuhan kita, at sanaʼy samahan ka ng Dios. Ipagpatuloy mo ang ginagawa mong paglapit sa Dios para sa mga tao. Dalhin mo ang mga kaso nila sa kanya. 20 Ipagpatuloy mo rin ang pagtuturo mo sa kanila ng mga tuntunin at utos ng Dios. Turuan mo sila kung paano mamuhay at kung ano ang gagawin nila. 21 Pero pumili ka ng mga taong tutulong sa iyo. Dapat mayroon silang kakayahan sa paghuhukom, may takot sa Dios, mapagkakatiwalaan, at hindi tumatanggap ng suhol. Gawin mo silang mga hukom ng grupo na binubuo ng 1,000, 100, 50 at 10 tao. 22 Maglilingkod sila bilang mga hukom sa lahat ng oras. Sila ang magpapasya sa simpleng mga kaso, pero dadalhin nila sa iyo ang mabibigat na kaso. Sa ganitong paraan, mapapagaan ang trabaho mo dahil matutulungan ka nila. 23 Alam kong ito ang gusto ng Dios na gawin mo, at kung susundin mo ito, hindi ka na mahihirapan. At makakauwi ang mga taong ito nang mapayapa.”

24 Sinunod ni Moises ang ipinayo sa kanya ng kanyang biyenan. 25 Pumili siya sa mga Israelita ng mga taong may kakayahan sa paghuhukom, at ginawa niya silang mga hukom ng grupo na binubuo ng 1,000, 100, 50 at 10 tao. 26 Naglingkod sila bilang mga palagiang hukom ng mga tao. Sila ang nagpapasya sa mga simpleng kaso, pero kapag mabigat, dinadala nila ito kay Moises.

27 Pagkatapos noon, pinayagan ni Moises ang kanyang biyenan na umuwi at bumalik sa sariling bayan.

Footnotes

  1. 17:6 Horeb: o, Bundok ng Sinai.
  2. 17:7 Masa: Ang ibig sabihin, pagsubok.
  3. 17:7 Meriba: Ang ibig sabihin, pagtatalo.
  4. 18:2-3 Gershom: Ang ibig sabihin, dayuhan doon.
  5. 18:4 Eliezer: Ang ibig sabihin, Ang Dios ang tumutulong sa akin.
  6. 18:4 ama: o, ninuno.