Add parallel Print Page Options

Inapi ang mga Israelita sa Egipto

Ito ang mga anak na lalaki ni Jacob[a] na sumama sa kanya sa Egipto, kasama ang kanilang mga pamilya: sina Reuben, Simeon, Levi, Juda, Isacar, Zebulun, Benjamin, Dan, Naftali, Gad, at Asher. Si Jose ay matagal nang nasa Egipto. Ang bilang ng lahat ng lahi ni Jacob na sumama sa kanya sa Egipto ay 70.

Dumating ang panahon na namatay si Jose at ang lahat ng kanyang kapatid, at lumipas na ang kanilang henerasyon pero mabilis na dumami ang lahi nila. Sa sobrang dami nila, nangalat sila sa buong lupain ng Egipto.

Ngayon, nagkaroon ng bagong hari ang Egipto, na walang alam tungkol kay Jose. Sinabi niya sa kanyang mga mamamayan, “Tingnan ninyo. Masyado nang marami ang mga Israelita at nanganganib tayo. 10 Dahil baka magkaroon ng digmaan at kumampi sila sa mga kaaway natin, at lumaban sa atin para makaalis sa ating bansa. Kaya maghanap tayo ng paraan para hindi na sila dumami pa.”

11 Kaya naglagay sila ng mahihigpit na tao na mamamahala sa mga Israelita para pahirapan sila at pagtrabahuhin nang mabigat. Ipinagawa sa mga Israelita ang mga lungsod ng Pitom at Rameses para magkaroon dito ng mga bodega ang Faraon.[b] 12 Pero habang patuloy silang pinahihirapan, lalo naman silang dumarami at nangangalat sa Egipto. Kaya lalong natakot ang mga taga-Egipto sa kanila. 13 Dahil dito, lalo pa nilang pinagmalupitan ang mga Israelita. 14 Wala silang awa sa mga ito. Pinahirapan nila ang mga Israelita sa paggawa ng mga tisa at pangsemento nito, at pinagtrabaho nang matindi sa bukid.

15 Pagkatapos, sinabi ng hari ng Egipto sa mga Hebreong kumadrona na sina Shifra at Pua, 16 “Kung magpapaanak kayo ng mga babaeng Hebreo, patayin ninyo kung lalaki ang anak, pero kung babae, huwag nʼyo nang patayin.” 17 Pero dahil may takot sa Dios ang mga kumadrona, hindi nila sinunod ang iniutos ng hari. Sa halip, hinahayaan nilang mabuhay ang mga sanggol na lalaki.

18 Kaya ipinatawag ng hari ng Egipto ang mga kumadrona at tinanong, “Bakit ninyo ito ginawa? Bakit hinahayaan ninyong mabuhay ang mga sanggol na lalaki?” 19 Sumagot sila, “Ang mga babaeng Hebreo ay hindi tulad ng mga babaeng Egipcio; madali silang manganak at bago pa po kami dumating, nakapanganak na sila.”

20 Kaya pinagpala ng Dios ang mga kumadrona at dumami pa nang dumami ang mga Israelita. 21 At dahil sa iginagalang ng mga kumadrona ang Dios, binigyan sila ng Dios ng sarili nilang pamilya.

22 Nang bandang huli, nag-utos ang Faraon sa lahat ng mamamayan niya, “Itapon ninyo sa Ilog ng Nilo ang lahat ng bagong panganak na sanggol na lalaki ng mga Israelita, pero pabayaan ninyong mabuhay ang mga batang babae.”

Ang Kapanganakan ni Moises

May isang tao mula sa lahi ni Levi na nakapag-asawa ng isang babae na galing din sa lahi ni Levi. Hindi nagtagal, nagbuntis ang babae at nanganak ng isang lalaki. Nang makita niyang malusog ang sanggol, itinago niya ito sa loob ng tatlong buwan. Pero nang hindi na niya maitago ang sanggol, kumuha siya ng basket na gawa sa halaman na papyrus at pinahiran ng alkitran. Pagkatapos, inilagay niya ang sanggol sa basket at pinalutang sa tubig sa tabi ng matataas na damo sa pampang ng Ilog ng Nilo. Nakatayo naman sa di-kalayuan ang kapatid na babae ng sanggol para tingnan kung ano ang mangyayari rito.

Ngayon, lumusong ang anak na babae ng Faraon sa Ilog ng Nilo para maligo. Habang naliligo ang prinsesa,[c] ang mga utusang babae naman niya ay naglalakad-lakad sa pampang. Nakita ng prinsesa ang basket sa matataas na damo kaya ipinakuha niya ito sa isa sa kanyang mga utusan. Binuksan niya ang basket at nakita ang umiiyak na sanggol, kaya naawa siya rito. Sinabi niya, “Isa ito sa mga sanggol ng mga Hebreo.”

Pagkatapos, lumapit ang kapatid na babae ng sanggol sa prinsesa[d] at nagtanong, “Gusto nʼyo po bang ikuha ko kayo ng isang babaeng Hebreo na magpapasuso at mag-aalaga sa sanggol para sa inyo?”

Sumagot ang prinsesa, “Sige.” Kaya umalis ang kapatid ng sanggol at pinuntahan ang kanilang ina at dinala sa prinsesa. Sinabi ng prinsesa sa ina ng bata, “Dalhin mo ang sanggol na ito at pasusuhin para sa akin. Alagaan mo siya at babayaran kita.” Kaya kinuha niya ang sanggol at inalagaan.

10 Nang lumaki na ang sanggol, dinala siya ng kanyang ina sa prinsesa at itinuring siya ng prinsesa bilang tunay niyang anak. Pinangalanan ng prinsesa ang bata na Moises,[e] dahil sinabi niya, “Kinuha ko siya sa tubig.”

Tumakas si Moises Papuntang Midian

11 Isang araw, nang binata na si Moises, pumunta siya sa mga kadugo niya at nakita niya kung paano sila pinapahirapan. Nakita niya ang isang Egipcio na hinahagupit ang isang Hebreo na kadugo niya. 12 Luminga-linga si Moises sa paligid kung may nakatingin. At nang wala siyang nakita, pinatay niya ang Egipcio at ibinaon ang bangkay sa buhangin.

13 Kinabukasan, bumalik siya at may nakita siyang dalawang Hebreong nag-aaway. Tinanong niya ang may kasalanan, “Bakit mo hinahagupit ang kapwa mo Hebreo?”

14 Sumagot ang lalaki, “Sino ang naglagay sa iyo para maging pinuno at hukom namin? Papatayin mo rin ba ako katulad ng ginawa mo sa Egipcio kahapon?” Natakot si Moises at sinabi sa kanyang sarili, “May nakakaalam pala ng ginawa ko.”

15 Nang malaman ng Faraon ang ginawa ni Moises, tinangka niya itong patayin, pero tumakas si Moises papuntang Midian para roon manirahan. Pagdating niya sa Midian, naupo siya sa gilid ng balon. 16 Ngayon, dumating naman ang pitong anak na babae ng pari ng Midian para umigib at painumoin ang mga alagang hayop ng kanilang ama. 17 May dumating doon na mga pastol at pinapaalis nila ang mga babae at ang kanilang mga hayop, pero tinulungan ni Moises ang mga babaeng anak ng pari at pinainom pa niya ang mga alaga nilang hayop.

18 Pag-uwi ng mga babae sa ama nilang si Reuel,[f] tinanong niya sila, “Bakit parang napaaga ang pag-uwi nʼyo?”

19 Sumagot sila, “May isang Egipcio po na tumulong sa amin laban sa mga pastol. Ipinag-igib niya kami ng tubig at pinainom ang aming mga hayop.”

20 Nagtanong ang kanilang ama, “Nasaan na siya? Bakit ninyo siya iniwan? Tawagin ninyo siya at anyayahang kumain.”

21 Tinanggap ni Moises ang paanyaya, at pumayag siyang doon na tumira sa bahay ni Reuel. Nang magtagal, ipinakasal ni Reuel ang anak niyang si Zipora kay Moises 22 Nagbuntis si Zipora at nanganak ng isang lalaki, at pinangalanan ito ni Moises na Gershom,[g] dahil sinabi niya, “Dayuhan ako sa lupaing ito.”

23 Pagkalipas ng maraming taon, namatay ang hari ng Egipto. Pero patuloy pa rin ang paghihirap ng mga Israelita sa kanilang pagkaalipin. Humingi sila ng tulong at umabot sa Dios ang kanilang hinaing. 24 Narinig ng Dios ang kanilang hinaing, at inalala niya ang kanyang kasunduan kina Abraham, Isaac, at Jacob. 25 Nakita ng Dios ang kalagayan nila at naawa ang Dios sa kanila.

Ang Pagtawag kay Moises

Isang araw, binabantayan ni Moises ang mga hayop ng biyenan niyang si Jetro[h] na pari ng Midian. Dinala ni Moises ang mga hayop malapit sa ilang at nakarating siya sa Horeb,[i] ang bundok ng Dios. Nagpakita sa kanya roon ang anghel ng Panginoon sa anyo ng naglalagablab na apoy sa isang mababang punongkahoy. Nakita ni Moises na naglalagablab ang punongkahoy pero hindi naman nasusunog. Sinabi niya, “Nakapagtataka! Bakit kaya hindi iyon nasusunog? Malapitan nga at nang makita ko.”

Nang makita ng Panginoon na papalapit si Moises para tumingin, tinawag siya ng Dios mula sa gitna ng mababang punongkahoy, “Moises, Moises!”

Sumagot si Moises, “Narito po ako.”

Sinabi ng Dios, “Huwag ka nang lumapit pa. Tanggalin mo ang iyong sandalyas, dahil banal ang lugar na kinatatayuan mo. Ako ang Dios ng iyong mga ninuno, ang Dios nina Abraham, Isaac, at Jacob.” Nang marinig ito ni Moises, tinakpan niya ang kanyang mukha, dahil natatakot siyang tumingin sa Dios.

Pagkatapos, sinabi ng Panginoon, “Nakita ko ang paghihirap ng aking mga mamamayan sa Egipto. Narinig ko ang paghingi nila ng tulong dahil sa sobrang pagmamalupit ng mga namamahala sa kanila, at naaawa ako sa kanila dahil sa kanilang mga paghihirap. Kaya bumaba ako para iligtas sila sa kamay ng mga Egipcio, at para dalhin sila sa mayaman, malawak at masaganang lupain[j] na tinitirhan ngayon ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo. Narinig ko ang paghingi ng tulong ng mga Israelita, at nakita ko kung paano sila inalipin ng mga Egipcio. 10 Kaya ipapadala kita sa Faraon para palayain ang mga mamamayan kong Israelita sa Egipto.”

11 Pero sinabi ni Moises sa Dios,

“Sino po ba ako para pumunta sa Faraon at ilabas ang mga Israelita sa Egipto?”

12 Sinabi ng Dios, “Sasamahan kita, at ito ang tanda na ako ang nagpadala sa iyo: Kapag nailabas mo na ang mga Israelita sa Egipto, sasambahin ninyo ako sa bundok na ito.”

13 Sinabi ni Moises sa Dios, “Kung sakali pong pumunta ako ngayon sa mga Israelita at sabihin ko sa kanila na ang Dios ng kanilang mga ninuno ang nagpadala sa akin para iligtas sila, at magtanong sila sa akin, ‘Ano ang pangalan niya?’ Ano po ang isasagot ko sa kanila?”

14 Sumagot ang Dios kay Moises, “Ako nga ang Dios na ganoon pa rin.[k] Ito ang isagot mo sa kanila: ‘Ang Dios na ganoon pa rin ang nagpadala sa akin.’ ”

15 Sinabi pa ng Dios kay Moises, “Sabihin mo ito sa mga Israelita: ‘Ang Panginoon,[l] ang Dios ng inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob, ang nagpadala sa akin sa inyo.’ Kikilalanin ako sa pangalang Panginoon magpakailanman.”

16 At sinabi pa ng Panginoon kay Moises, “Lumakad ka at tipunin ang mga tagapamahala ng Israel at sabihin mo sa kanila, ‘Ang Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob ay nagpakita sa akin, at nagsabi na: Binabantayan ko kayo, at nakita ko ang ginagawa ng mga Egipcio sa inyo. 17 Nangako ako na palalabasin ko kayo sa Egipto kung saan naghihirap kayo, at dadalhin sa maganda at masaganang lupain – ang lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo.’

18 “Pakikinggan ka ng mga tagapamahala ng Israel. At pagkatapos, pumunta kayo ng mga tagapamahala ng Israel sa hari ng Egipto, at sabihin sa kanya, ‘Nagpakita sa amin ang Panginoon, ang Dios ng mga Hebreo. Kaya kung maaari, payagan nʼyo kaming umalis ng tatlong araw papunta sa disyerto para maghandog sa Panginoon naming Dios.’ 19 Pero alam kong hindi kayo papayagan ng hari ng Egipto maliban na lang kung mapipilitan siya. 20 Kaya parurusahan ko ang mga Egipcio sa pamamagitan ng mga himalang gagawin ko sa kanila. At pagkatapos noon, papayagan na niya kayong umalis.

21 “Magiging mabuti sa inyo ang mga Egipcio, at pababaunan pa nila kayo sa pag-alis ninyo. 22 Ang mga Israelitang babae ay manghihingi ng mga alahas na pilak at ginto at mga damit sa mga kapitbahay nila na Egipcio at sa mga babaeng bisita nito. At ipapasuot ninyo ang mga bagay na ito sa inyong mga anak. Sa pamamagitan nito, masasamsam ninyo ang mga ari-arian ng mga Egipcio.”

Footnotes

  1. 1:1 Jacob: sa Hebreo, Israel.
  2. 1:11 Faraon: Ang ibig sabihin, hari ng Egipto.
  3. 2:5 prinsesa: sa literal, anak na babae ng Faraon. Ganito rin sa talatang 7, 8, 9 at 10.
  4. 2:7 prinsesa: sa literal, anak na babae ng Faraon. Ganito rin sa talatang 10.
  5. 2:10 Moises: Maaaring ang ibig sabihin, kinuha.
  6. 2:18 Reuel: Ito ang isa pang pangalan ni Jetro. Tingnan sa 3:1.
  7. 2:22 Gershom: Maaaring ang ibig sabihin, dayuhan.
  8. 3:1 Jetro: Isa pang pangalan ni Reuel.
  9. 3:1 Horeb: o, Sinai.
  10. 3:8 masaganang lupain: sa literal, lupain na dumadaloy ang gatas at pulot. Ganito rin sa talatang 17.
  11. 3:14 Ako … ganoon pa rin: o, Ako ay si ako nga. (Sa Ingles, “I am who I am” o, “I will be what I will be”.)
  12. 3:15 Panginoon: Ang Hebreo nito ay maaaring nanggaling sa salitang “ehyeh” (“I am”) na makikita sa talatang 14.