Add parallel Print Page Options

Pinarangalan si Mordecai

Kinagabihan, hindi makatulog si Haring Ahasuerus, kaya ipinakuha niya ang aklat tungkol sa kasaysayan ng kaharian niya at ipinabasa habang nakikinig siya. Nabasa ang bahagi ng kasaysayan tungkol sa pagkakatuklas ni Mordecai sa plano nina Bigtan at Teres na patayin si Haring Ahasuerus. Sina Bigtana at Teres ay mga lingkod ng hari. Sila ang guwardya ng pintuan ng kwarto ng hari.

Sa nabasang iyon, nagtanong ang hari, “Anong gantimpala o parangal ang ginawa o ibinigay kay Mordecai dahil sa mabuting ginawa niya sa akin?” Sinabi ng lingkod ng hari, “Wala po, Mahal na Hari.”

Tamang-tama naman na nang oras ding iyon, papasok si Haman sa bulwagan ng palasyo para hilingin sa hari na ituhog si Mordecai sa matulis na kahoy na ipinagawa niya para dito. Nagtanong ang hari, “Sino ang nasa bulwagan?” Sumagot ang mga lingkod ng hari, “Si Haman po.” Kaya sinabi ng hari, “Papasukin ninyo siya rito.”

Nang naroon na si Haman, tinanong siya ng hari, “Ano ang mabuting gawin sa taong nais parangalan ng hari?” Ang akala ni Haman ay siya ang tinutukoy ng hari na pararangalan. Kaya sinabi niya, “Ito po ang gawin nʼyo, Mahal na Hari: Ipakuha nʼyo ang isa sa inyong mga damit na panghari na nasuot na, at ang isa sa mga sinasakyan nʼyong kabayo, na may sagisag ng hari na nakasuot sa ulo nito. Pagkatapos, utusan po ninyo ang isa sa mga pinuno ninyo na isuot sa taong pararangalan ang damit ng hari at pasakayin siya sa kabayo ng hari, at ilibot sa buong bayan habang isinisigaw ng mga kasama niya, ‘Ganito ang ginagawa sa taong pinararangalan ng hari.’ ”

10 Sinabi ng hari kay Haman, “Sige, ipakuha mo ang isa sa mga damit at kabayo ko, at gawin mo ang lahat ng sinabi mo kay Mordecai, ang Judiong nakaupo sa pintuan ng aking palasyo. Tiyakin mo na matutupad ang lahat ng sinabi mo.”

11 Kaya kinuha ni Haman ang damit ng hari at isinuot kay Mordecai, at isinakay sa kabayo ng hari at inilibot sa lungsod habang sumisigaw siya, “Ganito ang ginagawa sa taong pinararangalan ng hari.”

12 Pagkatapos, bumalik si Mordecai sa pintuan ng palasyo. Si Haman naman ay dali-daling umuwi na nakatalukbong dahil sa hiya at sama ng loob. 13 Pagdating niya sa bahay, isinalaysay niya sa asawa niyang si Zeres at sa mga kaibigan niya ang lahat ng nangyari. Sinabi sa kanya ng asawa niya at mga kaibigan na mga tagapayo niya, “Unti-unti ka nang nadadaig ni Mordecai. Hindi mo siya madadaig dahil isa siyang Judio. Tiyak na ikaw ang matatalo.” 14 Habang nag-uusap pa sila, dumating ang ilang lingkod ng hari at dali-daling isinama si Haman sa inihandang hapunan ni Ester.

Binitay si Haman

Dumalo sina Haring Ahasuerus at Haman sa inihandang hapunan ni Reyna Ester. At habang nag-iinuman sila, tinanong muli ng hari si Reyna Ester, “Ano ba talaga ang kahilingan mo? Sabihin mo na at ibibigay ko sa iyo kahit kalahati ng kaharian ko.” “Mahal na Hari, kung kalugod-lugod po ako sa inyo, iligtas po ninyo ako at ang mga kalahi kong Judio. Iyan ang kahilingan ko sa inyo. Dahil may gantimpalang ipinangako sa mga taong papatay sa amin. Kung ipinagbili po kami para maging alipin lang, magsasawalang-kibo na lang ako, dahil hindi iyon gaanong mahalaga para gambalain ko pa kayo.”

Sinabi ni Haring Ahasuerus, “Sino ang nangahas na gumawa ng bagay na iyon at nasaan siya ngayon?” Sumagot si Ester, “Ang kumakalaban po sa amin at ang kaaway namin ay ang masamang si Haman.”

Takot na takot si Haman habang nasa harap ng hari at ng reyna. Galit na galit na tumayo ang hari. Iniwan niya ang kanyang iniinom at pumunta sa hardin ng palasyo. Naiwan si Haman na nagmamakaawa kay Reyna Ester dahil natitiyak niyang parurusahan siya ng hari.

Pagbalik ng hari mula sa hardin, nakita niyang nakadapa si Haman na nagmamakaawa sa harap ng hinihigaan ni Ester. Kaya sinabi ng hari, “At gusto mo pang pagsamantalahan ang reyna rito sa loob ng palasyo ko!” Nang masabi iyon ng hari, dinakip ng mga naroon si Haman at tinalukbungan ang ulo[a] nito. Sinabi ni Harbona, isa sa mga lingkod ng hari, “Nagpagawa po si Haman ng matulis na kahoy para tuhugin si Mordecai, na nagligtas sa inyong buhay. Ang taas po ng kahoy ay 75 talampakan at malapit ito sa bahay ni Haman.” 10 Kaya nag-utos ang hari, “Doon ninyo siya tuhugin!” At tinuhog nga nila si Haman doon sa ipinagawa niyang matulis na kahoy para kay Mordecai. At nawala ang galit ng hari.

Hinirang ng Hari si Mordecai

Nang araw ding iyon, ibinigay ni Haring Ahasuerus kay Reyna Ester ang ari-arian ni Haman, ang kalaban ng mga Judio. Sinabi ni Ester sa hari na kamag-anak niya si Mordecai, kaya ipinatawag ito ng hari. Kinuha ng hari ang kanyang singsing na pantatak, na binawi niya kay Haman, at ibinigay kay Mordecai. At siya ang ginawang katiwala ni Ester sa lahat ng ari-arian ni Haman.

Minsan pang lumapit si Ester kay Haring Ahasuerus habang nakaluhod at umiiyak sa kanyang paanan. Hiniling niyang huwag nang ituloy ang masamang plano ni Haman na Agageo laban sa mga Judio. 4-5 Itinuro ng hari ang kanyang gintong setro kay Ester, kaya tumayo siya sa harap ng hari at sinabi, “Kung kalugod-lugod po ako sa inyo, Mahal na Hari, at kung para sa inyoʼy tama at matuwid ito, nais ko sanang hilingin sa inyo na gumawa po kayo ng isang kautusan na magpapawalang bisa sa kautusang ipinakalat ni Haman na anak ni Hamedata na Agageo, na patayin ang lahat ng Judio sa inyong kaharian. Hindi ko po matitiis na makitang nililipol ang mga kalahi at mga kamag-anak ko.”

Sinabi ni Haring Ahasuerus kay Ester at kay Mordecai na Judio, “Ipinatuhog ko na si Haman dahil sa masama niyang plano na patayin ang mga Judio. Kaya ibinigay ko na sa iyo, Ester, ang mga ari-arian niya. Kaya gumawa kayo ng kautusan sa aking pangalan ng anumang nais ninyong isulat para sa ikabubuti ng mga Judio, at pagkatapos ay tatakan ninyo ng singsing ko. Dahil anumang kasulatan na isinulat sa pangalan ng hari at tinatakan ng singsing niya ay hindi mababago.”

Kaya noong ika-23 ng ikatlong buwan, ang buwan ng Sivan, ipinatawag ang mga kalihim ng hari. Isinulat nila ang lahat ng idinikta ni Mordecai. Ang sulat ay para sa mga Judio, mga gobernador, mga punong-bayan, at iba pang lingkod ng hari sa 127 lalawigan, mula sa India hanggang sa Etiopia.[b] Isinulat ito sa bawat wika ng mga tao sa buong kaharian, pati na sa wika ng mga Judio. 10 Ipinasulat ni Mordecai sa pangalan ni Haring Ahasuerus at tinatakan ng singsing ng hari. At pagkatapos, ipinadala sa pamamagitan ng mga tagapaghatid ng sulat na nakasakay sa mabibilis na kabayo ng hari. 11 Ayon sa sulat na iyon, binigyan ng pahintulot ang lahat ng Judio na magsama-sama at ipagtanggol ang kanilang sarili, pati na ang kanilang mga babae at mga bata. Maaari nilang patayin ang sinumang sasalakay sa kanila mula sa kahit anong bansa o probinsya. Pinahintulutan din silang samsamin ang mga ari-arian ng kanilang mga kaaway. 12 Gagawin ito ng mga Judio sa lahat ng probinsyang nasasakupan ni Haring Ahasuerus, sa ika-13 araw ng ika-12 buwan, ang buwan ng Adar. 13 Ang sulat na itoʼy ipapadala sa lahat ng probinsya bilang isang kautusan at dapat ipaalam sa lahat, para makapaghanda ang mga Judio sa pagtatanggol ng kanilang sarili laban sa mga kaaway nila sa araw na iyon.

14 Kaya sa utos ng hari, nagmamadaling umalis ang mga tagapaghatid ng sulat na nakasakay sa mabibilis na kabayo ng hari. Ang utos na iyon ay ipinakalat din sa lungsod ng Susa.

15 Nang lumabas si Mordecai sa palasyo, nakadamit siya ng damit panghari na puti at asul at nakabalabal ng pinong linen na kulay ube, at may malaking koronang ginto sa kanyang ulo. Nagsigawan sa tuwa ang mga tao sa lungsod ng Susa. 16 Labis ang katuwaan ng lahat ng Judio. 17 Sa bawat lungsod o probinsya na naabot ng utos ng hari, tuwang-tuwa ang mga Judio at nagdiwang sila. At marami sa lupaing iyon ang naging Judio dahil sa takot nila sa mga Judio.

Footnotes

  1. 7:8 tinalukbungan ang ulo: Maaaring palatandaan ito na papatayin siya.
  2. 8:9 Etiopia: sa Hebreo, Cush.