Add parallel Print Page Options

12 Nang ikalabintatlong araw ng unang buwan, ipinatawag ang mga kalihim ng hari upang isalin sa iba't ibang wika ang utos laban sa mga Judio upang ipatupad ng mga gobernador ng lahat ng lalawigan at ng mga pinuno ng bayan mula sa India hanggang Etiopia.[a] Ang liham ay ginawa sa pangalan ng Haring Xerxes at ipinadala sa 127 lalawigang nasasakop ng kanyang kaharian. 13 Ipinadala sa pamamagitan ng mga sugo ang mga liham sa mga lalawigan ng kaharian na nag-uutos na patayin ang lahat ng Judio maging bata man o matanda, lalaki man o babae, at samsamin ang lahat ng kanilang ari-arian. Isasagawa ito sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan.[b]

Ang Utos ni Xerxes Laban sa mga Judio[c]

Ito ang nilalaman ng liham.

Ang Dakilang Haring Xerxes ay sumusulat sa mga gobernador at mga katulong na tagapamahala ng 127 lalawigan mula sa India hanggang Etiopia.[d]

“Bilang pinuno ng maraming bansa at panginoon ng buong daigdig, hindi ko ipinagmamalaki ang aking kapangyarihan. Ang hangad ko lamang ay maging matatag at mapagkalinga ang aking pamamahala. Nais ko na ang lahat ng aking nasasakupan ay mamuhay nang matiwasay at mapayapa; ligtas sa lahat ng panliligalig, at malayang makapaglakbay sa lahat ng panig ng kaharian.

“Nang isangguni ko sa aking mga tagapayo kung paanong maipagtatagumpay ang layuning ito, ganito ang naging payo ni Haman na pangunahin kong tagapayo at kilala ng lahat sa katalinuhan at katapatan sa hari. Siya ay tunay na mapagkakatiwalaan at pangalawa sa akin sa kapangyarihan. Sinabi niya sa amin na may isang lahing namamayan sa buong nasasakupan ng ating kaharian, kahalo ng iba't ibang bansa, ngunit namumukod sa lahat. Ang mga batas nila ay laban sa tuntunin ng bawat bansa, at lagi na lang sumusuway sa mga utos ng mga hari. At dahil dito'y hindi magkaisa ang kaharian. Nalaman naming tanging ang mga taong ito at sila lamang, ay laban sa lahat, may sariling tuntunin at paraan ng pamumuhay, at wala nang sinisikap kundi ang kapahamakan ng kaharian, kaya't hindi na tayo natahimik.

“Dahil dito, iniuutos namin na lahat ng taong tinutukoy sa sulat ni Haman, ang tagapamahala ng kaharian at pangalawa nating ama, ay ganap na lipulin, nang walang awa, pati kanilang mga anak at asawa. Ito'y isasagawa sa ikalabing apat na araw ng ikalabindalawang buwan ng taóng ito, upang ang mga taong ito na matagal nang lumalaban sa kaharian ay malipol sa isang araw at sabay-sabay na mahulog sa daigdig ng mga patay. Sa gayon, matatahimik na ang kaharian.”

14 Bawat lalawiga'y padadalhan ng kopya ng utos upang makapaghanda ang lahat sa araw na nabanggit.

Read full chapter

Footnotes

  1. 12 ETIOPIA: Sa wikang Hebreo ay “Cus”; sakop ng lugar na ito ang mga kasalukuyang bansa ng Etiopia at Sudan.
  2. 13 Kabanata 3:1-13: Ang kabanatang ito'y ipinagpapatuloy pagkatapos ng Kabanata B.
  3. B:1-7 Ang Utos ni Xerxes Laban sa mga Judio: Sa ibang saling Tagalog, ito'y Kabanata 13:1-7.
  4. 1 ETIOPIA: Sa wikang Hebreo ay “Cus”; sakop ng lugar na ito ang mga kasalukuyang bansa ng Etiopia at Sudan.