Add parallel Print Page Options

Si Pablo, Ang Mangangaral sa mga Gentil

Dahil dito, akong si Pablo ay bilanggo ni Cristo Jesus para sa inyo na mga Gentil.

Tunay na narinig ninyo na ibinigay sa akin ang panganga­siwa sa biyaya ng Diyos para sa inyo. Sumulat ako sa inyo ng maikling sulat noon na nagsasaad na sa pamamagitan ng paghahayag, ipinaalam niya sa akin ang hiwaga. Sa inyong pagbasa nito ay mauunawaan ninyo ang aking kaalaman sa hiwaga ni Cristo. Sa ibang kapanahunan, ito ay hindi ipinaalam sa sangkatauhan na tulad ngayon. Ito ngayon ay inihayag sa mga banal niyang apostol at mga propeta sa pamamagitan ng Espiritu. Ito ay upang sa pamamagitan ng ebanghelyo, ang mga Gentil ay magiging kasamang tagapag­mana at kaisang katawan at kasamang kabahagi sa kaniyang pangako na na kay Cristo.

Ako ay ginawang tagapaglinkod ng ebanghelyong ito ayon sa kaloob ng biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin, ayon sa paggawa ng kaniyang kapangyarihan. Ako na higit na mababa kaysa sa pinakamababa sa lahat ng mga banal ay pinag­kalooban ng biyayang ito upang ipangaral ko sa mga Gentil ang ebanghelyo, ang hindi malirip na kayamanan ni Cristo. Ito ay upang malinaw na makita ng lahat kung ano ang pakikipag-isa ng hiwaga, na sa panahong nakalipas, ay dating nakatago sa Diyos na lumikha ng lahat ng mga bagay sa pamamagitan ni Jesucristo. 10 Ang layunin niya ay upang ipaalam, sa pamamagitan ng iglesiya, ang malawak na karunungan ng Diyos sa mga pamunuan at mga kapamahalaan sa kalangitan. 11 Dapat nilang malaman ang kaniyang karu­nungan ayon sa walang hanggang layunin na kaniyang ginawa kay Cristo Jesus na ating Panginoon. 12 Sa kaniya, tayo ay mayroong katapangan at tayo ay tuwirang makakalapit sa Diyos na may katiyakan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo. 13 Kaya nga, ipinamamanhik ko sa inyo na huwag kayong manghina sa mga paghihirap ko para sa inyo, na siya ninyong kaluwalhatian.

Panalangin para sa mga Taga-Efeso

14 Dahil dito, iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama ng ating Panginoong Jesucristo.

15 Sa kaniya ay pinangalanan ang bawat angkan sa langit at sa lupa. 16 Ito ay upang ayon sa kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian ay palakasin niya kayong may kapangyarihan sa inyong panloob na pagkatao sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu. 17 Ito ay upang si Cristo ay manahan sa inyong mga puso sa pamamagitan ng pananam­palataya. 18 Upang kayo na nag-ugat at natatag sa pag-ibig, ay lubos na makaunawa, kasama ng mga banal, kung ano ang lawak, ang haba, ang lalim at ang taas ng pag-ibig ni Cristo. 19 Nang sa gayon kayo ay lubos na makaunawa ng pag-ibig ni Cristo na nakakahigit sa kaalaman at upang kayo ay mapuspos ng lahat ng kapuspusan ng Diyos.

20 Siya ay makakagawa ng pinakahigit sa lahat ng ating hinihingi o iniisip ayon sa kapangyarihang gumagawa sa atin. 21 Sumakaniya ang kaluwalhatian sa iglesiya sa pamamagitan ni Cristo Jesus sa lahat ng salit-saling lahi magpakailanman. Siya nawa.

Pagkakaisa sa Katawan ni Cristo

Ako na bilanggo sa Panginoon ay namamanhik sa inyo na mamuhay kayo nang nararapat sa tawag na itinawagsa inyo.

Mamuhay kayong may buong kapakumbabaan at kaamuan na may pagtitiis. Magbatahan kayo sa isa’t isa sa pag-ibig. Pagsikapan ninyong panatilihin ang pagkakaisa ng Espiritu sa buklod na kapayapaan. Mayroong isang katawan at isang Espiritu kung papaanong tinawag din kayo sa isang pag-asa ng inyong pagkatawag. Mayroong isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bawtismo. Mayroong isang Diyos at Ama ng lahat na nakakahigit sa lahat. Siya ay nasa lahat at nasa inyong lahat.

Ngunit ang bawat isa sa atin ay binigyan ng biyaya ayon sa sukat ng kaloob ni Cristo. Kaya nga, sinabi niya:

Sa kaniyang pag-akyat sa itaas ay kinuha niya ang maraming bihag at nagbigay siya ngmga kaloob sa mga tao.

Nang sinabing siya ay umakyat, ano ang kahulugan niyon? Hindi ba ito ay nangangahulugang siya rin ay bumaba muna sa mababang dako ng lupa? 10 Siya na bumaba ay siya ring umakyat sa itaas ng lahat ng mga langit upang kaniyang puspusin ang lahat ng mga bagay. 11 Ibinigay niya na maging mga apostol ang ilan, ang ilan ay maging mga propeta, ang ilan ay maging mga mangangaral ng ebanghelyo at ang ilan ay maging mga pastor at mga guro. 12 Ito ay upang maging handa ang mga banal para sa gawaing paglilingkod at para sa ikatitibay ng katawan ni Cristo. 13 Ito ay hanggang sa maabot nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya at ng kaalaman sa Anak ng Diyos, hanggang sa tayo ay maging sakdal, hanggang sa tayo ay lumaki sa pinakasukat ng kataasan ng kapuspusan ni Cristo.

14 Ito ay upang hindi na tayo maging mga bata na sinisiklot at tinatangay kung saan-saan ng bawat hangin ng katuruan. Ito ay sa pamamagitan ng pandaraya ng mga tao at ng katusuhan na naghahatid patungo sa mapanlinlang na kaparaanan. 15 Sa halip, panatilihin natin ang katotohanan ayon sa pag-ibig upang lumago tayo sa lahat ng mga bagay kay Cristo, na siya ang ulo. 16 Sa kaniya ang buong katawan ay inihugpong at pinag-isa ng itinutustos ng bawat dugtong ayon sa sukat ng paggawa ng bawat isang bahagi. Kaya nga, ang paglago ng katawan ay gumagawa sa ikatitibay ng kaniyang sarili niya sa pag-ibig.

Namumuhay Bilang mga Anak ng Liwanag

17 Kaya nga, sinasabi ko ito at pinatotohanan sa Panginoon na huwag na kayong mamuhay tulad ng ibang mga Gentil na namuhay sa kanilang pag-iisip na walang kabuluhan.

18 Ang kanilang pang-unawa aynadidimlan, mga napahiwalay sa buhay ng Diyos, dahil sa kanilang kawalan ng kaalaman, dahil sa katigasan ng kanilang mga puso. 19 Sa kanilang kawalan ng pakiramdam ay isinuko nila ang kanilang mga sarili sa kahalayan upang magawa nila ang lahat ng karumihan na may kasakiman.

20 Ngunit hindi sa ganoong paraan kayo natuto patungkol kay Cristo. 21 Totoong narinig ninyo siya at tinuruan niya kayo ayon sa katotohanang na kay Jesus. 22 Hubarin ninyo ang dating pagkatao ayon sa dating pamumuhay na sinisira ayon sa mapandayang pagnanasa. 23 Magpanibago kayong muli sa espiritu ng inyong kaisipan. 24 At isuot ninyo ang bagong pagkatao na ayon sa Diyos ay nilalang sa katuwiran at totoong kabanalan.

25 Kaya nga, sa paghubad ninyo ng kasinungalingan ay magsalita ng katotohanan ang bawat isa sa kaniyang kapwa sapagkat tayo ay bahagi ng bawat isa. 26 Magalit kayo at huwag kayong magkasala. Huwag ninyong bayaang lumubog ang araw sa inyong pagkapoot. 27 Huwag din ninyong bigyan ngpuwang ang diyablo. 28 Ang nagnanakaw ay huwag nang magnakaw, sa halip ay magpagal siya. Dapat niyang gamitin ang kaniyang mga kamay sa paggawa ng mabuti upang siya ay makapagbahagi sa nangangailangan.

29 Huwag ninyong pabayaang mamutawi sa inyong mga bibig ang anumang bulok na salita. Subalit kung mayroon man, ay mamutawi yaong mabuti na kagamit-gamit sa ikatitibay upang ito ay makapagbigay biyaya sa nakikinig. 30 Huwag ninyong pighatiin ang Banal na Espiritu ng Diyos. Sa pamama­gitan niya ay natatakan kayo para sa araw ng katubusan. 31 Alisin ninyo ang lahat ng sama ng loob, galit, poot, sigawan, panlalait at lahat ng uri ng masamang hangarin. 32 Maging mabait kayo sa isa’t isa, mahabagin, nagpapatawaran sa isa’t isa, kung papaanong pinatawad kayo ng Diyos kay Cristo.