Efeso 3
Ang Dating Biblia (1905)
3 Dahil dito, akong si Pablo, na bilanggo ni Cristo Jesus dahil sa inyong mga Gentil,
2 Kung tunay na inyong narinig yaong pagiging katiwala sa biyaya ng Dios na sa akin ay ibinigay sa ikagagaling ninyo;
3 Kung paanong sa pahayag ay ipinakilala sa akin ang hiwaga, gaya ng isinulat ko nang una sa ilang salita.
4 Sa pamamagitan niyaon, sa pagbasa ninyo, ay inyong mapagtatalastas ang aking pagkakilala sa hiwaga ni Cristo;
5 Na nang ibang panahon ay hindi ipinakilala sa mga anak ng mga tao, na gaya ngayon na ipinahayag sa kaniyang mga banal na apostol at propeta sa Espiritu;
6 Na ang mga Gentil ay mga tagapagmana, at mga kasangkap ng katawan, at mga may bahagi sa pangako na kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng evangelio,
7 Na dito'y ginawa akong ministro, ayon sa kaloob ng biyayang yaon ng Dios na sa akin ay ibinigay ayon sa paggawa ng kaniyang kapangyarihan.
8 Sa akin, na ako ang kababababaan sa lahat ng lalong mababa sa mga banal, ay ibinigay ang biyayang ito, upang ipangaral sa mga Gentil ang mga di malirip na mga kayamanan ni Cristo;
9 At maipakita sa lahat ng mga tao kung ano ang pagiging katiwala sa hiwaga na sa lahat ng panahon ay inilihim ng Dios na lumalang ng lahat ng mga bagay;
10 Upang ngayo'y sa pamamagitan ng iglesia, ay maipakikilala sa mga pamunuan at sa mga kapangyarihan sa sangkalangitan ang kapuspusan ng karunungan ng Dios,
11 Ayon sa panukalang walang hanggan na ipinanukala kay Cristo Jesus na Panginoon natin:
12 Na sa kaniya'y mayroon tayong lakas ng loob at pagpasok na may pagasa sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa kaniya.
13 Kaya nga ipinamamanhik ko na huwag kayong manglupaypay sa mga kapighatian ko dahil sa inyo, na pawang kapurihan ninyo.
14 Dahil dito ay iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama,
15 Na sa kaniya'y kumukuha ng pangalan ang bawa't sangbahayan sa langit at sa lupa,
16 Upang sa inyo'y ipagkaloob niya, ayon sa mga kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian, na kayo'y palakasin ng kapangyarihan sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu sa pagkataong loob;
17 Na si Cristo ay manahan sa inyong mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya; upang kung kayo'y magugat at magtumibay sa pagibig.
18 Ay lumakas upang matalastas pati ng lahat ng mga banal kung ano ang luwang at ang haba at ang taas at lalim,
19 At makilala ang pagibig ni Cristo na di masayod ng kaalaman, upang kayo'y mangapuspos hanggang sa buong kapuspusan ng Dios.
20 Ngayon sa makapangyarihang gumawa ng lubhang sagana ng higit sa lahat ng ating hinihingi o iniisip, ayon sa kapangyarihang gumagawa sa atin,
21 Ay sumakaniya nawa ang kaluwalhatian sa iglesia at kay Cristo Jesus sa buong panahon magpakailan man. Siya nawa.
Efeso 3
Ang Biblia, 2001
Ang Gawain ni Pablo sa mga Hentil
3 Dahil dito, akong si Pablo ay bilanggo ni Cristo Jesus alang-alang sa inyong mga Hentil,—
2 kung tunay na inyong narinig ang pagkakatiwala ng biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin para sa inyo;
3 na sa pamamagitan ng pahayag ay ipinaalam sa akin ang hiwaga, gaya ng nauna kong isinulat sa iilang mga salita.
4 Sa(A) inyong pagbasa ay mauunawaan ninyo ang aking pagkaunawa sa hiwaga ni Cristo.
5 Sa naunang mga salinlahi ay hindi ito ipinaalam sa mga anak ng mga tao, na gaya ngayon na ipinahayag na sa kanyang mga banal na apostol at propeta sa pamamagitan ng Espiritu:
6 na ang mga Hentil ay mga kapwa tagapagmana, at mga bahagi ng iisang katawan, at mga kabahagi sa pangako kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng ebanghelyo.
7 Tungkol sa ebanghelyong ito ako'y naging lingkod ayon sa kaloob ng biyaya ng Diyos na sa akin ay ibinigay ayon sa paggawa ng kanyang kapangyarihan.
8 Bagaman ako ang pinakahamak sa lahat ng mga banal, ang biyayang ito ay ibinigay sa akin upang ipangaral sa mga Hentil ang mga di-masukat na mga kayamanan ni Cristo;
9 at maliwanagan ang lahat ng mga tao kung ano ang pagiging katiwala sa hiwaga, na sa lahat ng panahon ay inilihim ng Diyos na lumalang ng lahat ng mga bagay,
10 upang sa pamamagitan ng iglesya ay maipaalam ngayon sa mga pinuno at sa mga kapamahalaan sa sangkalangitan ang iba't ibang anyo ng karunungan ng Diyos.
11 Ito ay ayon sa walang hanggang panukala na kanyang ginawa kay Cristo Jesus na Panginoon natin,
12 na sa kanya'y makakalapit tayo sa Diyos na may lakas ng loob at pagtitiwala sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa kanya.
13 Kaya't hinihiling ko na huwag kayong manlupaypay sa mga pagdurusa ko dahil sa inyo, na ito'y para sa inyong kaluwalhatian.
Ang Pag-ibig ni Cristo
14 Dahil dito ay iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama,[a]
15 na sa kanya'y ipinangalan ang bawat sambahayan sa langit at sa lupa,
16 upang sa inyo'y ipagkaloob niya ayon sa kayamanan ng kanyang kaluwalhatian, na kayo'y palakasin ng kapangyarihan sa pamamagitan ng kanyang Espiritu sa pagkataong-loob;
17 upang si Cristo ay manirahan sa inyong mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya, kung paanong kayo'y nag-uugat at tumitibay sa pag-ibig.
18 Aking idinadalangin na magkaroon kayo ng kapangyarihang matarok, kasama ng lahat ng mga banal, ang luwang, haba, taas, at lalim,
19 at upang makilala ang pag-ibig ni Cristo na higit sa kaalaman upang kayo'y mapuno ng lahat ng kapuspusan ng Diyos.
20 Ngayon, sa kanya na makakagawa ng higit na sagana kaysa lahat ng ating hinihingi o iniisip, ayon sa kapangyarihang gumagawa sa atin,
21 sumakanya nawa ang kaluwalhatian sa iglesya at kay Cristo Jesus sa lahat ng mga salinlahi, magpakailanpaman. Amen.
Footnotes
- Efeso 3:14 Sa ibang mga kasulatan ay may karugtong na ng ating Panginoong Jesu-Cristo .
